Biyernes, Disyembre 9, 2016

Ang pagkulong kay Khurram Parvez, pangulo ng AFAD

ANG PAGKULONG KAY KHURRAM PARVEZ, PANGULO NG AFAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Noong Nobyembre 2, 2016 ay dumalo ang inyong lingkod sa taunang aktibidad ng FIND (Families of Victims of Involuntary Disappearance) na ginanap sa Bantayog ng mga Bayani sa Lungsod ng Quezon. sa aktibidad na iyon ay namigay ng tshirt na may mukha ni Khurram Parvez, ang pangulo ng Asian Federation Against Involuntary Disappearances (AFAD), kung saan kasapi nito ang FIND.

Mamimili ka kung ang nais mo ay puti o itim na tshirt. Ang pinili ko ay itim. Ngunit sino ba itong si Khurram Parvez, bukod sa pagiging pangulo ng AFAD?

Si Khurram Parvez ay mula sa Kashmir at kilalang aktibista para sa karapatang pantao, at program coordinator ng JKCCS o Jammu Kashmir Coalition of Civil Society. Noong 2006 ay nagawaran siya ng Reebok Human Rights Award.

Noong Setyembre 15, 2016 ay pinagbawalan siyang dumalo sa ika-33 sesyon ng United Nations Human Rights Council sa Geneva, Switzerland upang talakayin sana sa United Nations, lalo na sa UN High Commissioner for Human Rights at iba pang bansa, ang mga nagaganap na kalupitan ng mga kawal ng India sa Jammu at sa Kashmir. Kinabukasan, Setyembre 16, ay ipinahayag ng JKCCS na siya'y inaresto't ipiniit ng walang anumang kaso sa mismong kanyang tahanan sa Srinagar.

Si Parvez at ang kanyang mga kasama sa grupo ng karapatang pantao ang mga unang nagbalita hinggil sa libu-libong libingang walang mga pangalan ng namatay sa iba't ibang liblib na lugar sa Kashmir, at humihiling na imbestigahan ng pamahalaan ng India ang mga nangyari, matukoy kung sino ang mga namatay, at paano ito namatay. Sumulat din sila ng mga ulat hinggil sa brutalidad ng mga tropang Indian sa rehiyon.

Napalaya siya noong Nobyembre 30 matapos ang 76 na araw sa kulungan. Matagal na siyang nagkakampanya laban sa mga pang-aabuso ng mga pwersang militar ng pamahalaan ng India sa Jammu at Kashmir.

Ayon pa sa ulat, inaresto umano siya upang mapigilan siya sa "masira ang kapayapaan". Nangyari ang pagkakapiit ni Parvez sa panahong nagaganap umano ang pinakamalalaking protesta laban sa pamumuno ng India sa Kashmir sa mga nakaraang taon, na ibinunga ng pagkakapatay ng tropang Indian sa isang kilalang kumander ng mga rebelde. Ang Kahmir ay isang lupaing pinaghatian ng India at Pakistan mula nang lumaya ang mga ito sa pananakop ng Britanya noong 1947.

Bago lumaya si Khurram Parvez ay nanawagan na rin dito sa Pilipinas ng pagpapalaya sa kanya, lalo na ang FIND (Families of Victims of Involuntary Disappearance), Ex-D (Ex-Political Detainees Initiative), at AFAD.

Pinaghalawan:
https://en.wikipedia.org/wiki/Khurram_Parvez
http://www.aljazeera.com/news/2016/11/kashmir-human-rights-activist-khurram-parvez-released-161130140321711.html

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento