Lunes, Enero 29, 2018

"Mga Patay na Bituin" ni Paz Marquez Benitez

Saan kaya ako makakabili ng librong "Mga Patay na Bituin" ni Paz Marquez Benitez? Akala ko, Latin American writer siya, na marahil ay may kaugnayan kay Nobel Prize winner Gabriel Garcia Marquez. Hindi pala. Isa pala siyang Pinay. Isang kilalang Filipino writer in English. na may katha ng short story na "Dead Stars", na isinalin naman sa wikang Filipino ng di ko pa nakikilalang tagasalin.

Kuha ang litrato sa fb ng isang makata.

Huwebes, Enero 25, 2018

Pa-selfie sa malaking banner ng karapatang pantao

Kuha sa UP Diliman, nang habang naglalakad ay makita ko ang malaking banner na iyon malapit sa College of Education, 25 Enero 2018. Aba'y sadyang napakahalaga ng panawagang iyon, kaya sinamantala ko ang pagkakataon. Pa-selfie-selfie din pag may time.

Biyernes, Enero 19, 2018

Diktadura sa Bagong Konstitusyon

Tingni. Pag naisabatas na ang Federal na Konstitusyon, tanggal na ang Senado at ang Mababang Kapulungan, at si Digong na ang gagawa ng mga batas. (Article 18, Transitory Provision, Section 6 ng proposed Constitution ng Federal Republic of the Philippines, Resolution of Both Houses No. 08.)

All Power to Digong na ito! Sagad-sagaring diktadura na ito, tulad ng kay Macoy noon.

DIKTADURA SA BAGONG KONSTITUSYON

totoo nga, change is coming, bagong sistema
pagpaslang sa dukhang kawawa, pagmumura
at ngayon, Konstitusyon ang dinidistrungka
nanganganib nga bang muli ang demokrasya?

lulusawin na ang Senado at Batasan
gagawa ng batas ay pangulo na lamang
"petmalu" talaga ang "lodi" nitong bayan
lalo na't "werpa" ay pinakatatanganan

perpektong lipunan daw ang kanilang nais
kaya ang masa sa pagbabago'y magtiis
uunlad naman daw tayong walang kaparis
habang pagbutas sa batas ay kinikinis

mananatili ka na lang bang isang miron
o sasakay ka na lang sa layag ng alon
magsuri't magmasid sa nangyayari ngayon
at agad ding kumilos kung di ka sang-ayon

- gregbituinjr./011918

Miyerkules, Enero 17, 2018

Ayaw sa salitang makatarungan, makatao?

Tingnan nyo po ang mungkahi ng mga mambabatas na pagbabago sa Konstitusyong 1987. Sa Preambulo pa lang ay pinalitan na ang "to build a JUST AND HUMANE society and establish a Government" ng "to build a MORE PERFECT SOCIETY and establish a FEDERAL FORM OF GOVERNMENT". Nandidiri ba sila sa salitang "JUST AND HUMANE", lalo na ngayong ang pangulo ay may bukambibig na "Kill, kill, kill, papatayin ko kayo" at kayrami nang napapaslang?

AYAW SA SALITANG MAKATARUNGAN, MAKATAO?

ah, ano nang nangyayari sa bansa nating ito
ang Saligang Batas na'y binubutas bang totoo?
tingni yaong binabago doon sa Preambulo
ayaw sa salitang makatarungan, makatao?

"to build a just ang humane society" ang nakasulat
doon sa Preambulo, subalit mungkahing sukat:
"to build a more perfect society" na umano dapat
at federalismong gobyerno na para sa lahat

ano nga ba ang sinasabing perpektong lipunan?
yaon bang wala nang mahihirap at mayayaman?
yaon bang walang pribadong pag-aari sa bayan?
wala na bang pagsasamantala sa mamamayan?

bakit wawalain ang makatao at hustisya?
ito ba'y kamatayan na nga ba ng demokrasya?
pag ipinilit, ito ba'y pasismo? diktadura?
dapat suriin at pag-isipan ito ng masa

- gregbituinjr/011718



Martes, Enero 16, 2018

Pagdalaw sa Liwasang Balagtas

Umalis ako ng QC kaninang bandang 10:30 am, at nagtungo sa Archdiocesan Ministry for Labor Concern (AMLC) sa Caritas sa Pandacan, Maynila upang magdala ng liham, subalit walang tao. Sabi ng guard, baka kumain. Alas-dose na pala ng tanghali. Kaya nagtungo muna ako sa Liwasang Balagtas, mga limang minutong lakaran lang mula sa Caritas. At ito ang ilan kong kuha sa rebulto ni Balagtas, habang suot ang tshirt ng grupong KAUSAP (Kapatirang Umuugnay sa Sining at Panitikan). Ala-una ng hapon ay nakabalik na ako ng Caritas at napa-receive ko na ang liham na dala ko. - gregbituinjr., 16 Enero 2018

Lunes, Enero 8, 2018

Pagtula sa Sining Kamalig

Kaarawan ng sinta kong si Libay nang araw na iyon, Enero 6, 2018, at may aktibidad naman ang grupo kong Bantayog Initiative sa lugar na tinawag na Sining Kamalig na nasa ikalawang palapag ng Ali Mall sa Cubao sa Lungsod Quezon. Isinama ko siya sa aktibidad na ito.

Ang nasabing aktibidad, na tinawag na Sining Tagpuan, ay kolaborasyon ng Banta 2017, kung saan naka-displey ang kanilang mga painting, at ng aming grupong Bantayog Initiative. Dumalo ang maraming estudyante at mga may hilig sa sining.

Inumpisahan ni Manu ng Bantayog Initiative ang programa sa pamamagitan ng isang awit. At kasundo nito'y nagpakilanlanan ang bawat isa, habang sinasambit din nila kung anong sining ang kanilang kinahiligang gawin. Matapos ang pagpapakilanlanan ay tinalakay naman ng mga nagpinta ang kanilang mga ginawa, ipinaliwanag ang mga konsepto at ang diwa sa kaibutiran ng kanilang likhang sining. Sa gitna ay naroon ang replika ng isang patay na taong tinakpan ng dyaryo, o yaong pinaslang.

Kapansin-pansin na ang tema ng aktibidad ay hinggil sa mga nagaganap na patayan sa panahong ito, yaong extrajudicial killings o tokbang (toktok, bang! bang). Kaya ang mga painting na naka-display ay pawang tungkol sa pagpaslang. Kaya doon ko ibinatay ang tulang aking binasa. At ito ang aking itinula:

SA MGA NAGLALAWAY SA DUGO NG KAPWA

akala nila, makatarungan ang pamamaslang
magiging kriminal naman daw ang sugapang halang
at makakatulog ng mahimbing ang mamamayan
pag wala nang sugapang banta sa kinabukasan

akala nila, bayani sila pag pumapatay
tamang proseso ng batas ay balewalang tunay
"bayani" silang sa dugo ng kapwa'y naglalaway
kapayapaan daw ng bayan ang kanilang alay

akala nila, krimen ay agad nilang napigil
kahit wala pang nagagawa ang sugapang sutil
wala pang krimen, dukha'y tututukan na ng baril
sira na raw ang utak kaya agad kinikitil

akala nila, dapat walang kara-karapatan
dahil daw ang karapatan ay sagabal sa bayan
akala nila, pagpaslang ay tungong kaunlaran
payapa ang negosyo, buhay man ay paglaruan

sino silang basta kukuha ng buhay ng tao?
sino silang naglalaway sa dugo ng kapwa mo?
budhi ba nila'y payapa't bayani ngang totoo?
para sa bayan nga ba ang pagpaslang ng berdugo?

ang ginagawa nila'y karumal-dumal ding krimen
bayani sa sarili, ngunit sa madla'y salarin
mananagot sila, budhi nila'y mang-uusig din
kriminal din pala sila'y di nila akalain

- gregbituinjr.







Martes, Enero 2, 2018

Ang Bundok Tapusi sa Kasaysayan

ANG BUNDOK TAPUSI SA KASAYSAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nababanggit ang Bundok Tapusi sa bayan ng Montalban sa lalawigan ng Rizal sa ilang aklat pangkasaysayan. Ito'y dahil na rin naroroon ang Yungib Pamitinan na pinaglunggaan nina Gat Andres Bonifacio at ng mga Katipunero noong panahon ng Himagsikan.

Ilang ulit na rin akong nakapunta sa Yungib ng Pamitinan sa Bundok Tapusi, dahil na rin sa ilang aktibidad na pangkasaysayan, lalo na sa grupong Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan). Ang mahalagang karanasan ko sa pagtungo roon ay noong Mayo 10, 1997, kasabay ng sentenaryo ng pagpaslang kay Gat Andres Bonifacio, ay isinagawa sa Yungib Pamitinan ang simbolikong paglilibing sa kanya. Ang huli kong pagdalaw roon ay isang araw matapos ang Halalan 2016, na ika-119 anibersaryo ng kamatayan ng bayani. Nagkita-kita kami ng ilang kasama sa Kamalaysayan.

Sa pulong ng Kamalaysayan nitong Disyembre 29, 2017, sa Masinag sa Antipolo, Rizal, sinabi ng isang kasama sa Kamalaysayan na ang pangalang Tapusi ay sinaliksik ng isang banyaga na di ko matandaan ang pangalan, at palagay niya'y galing ito sa wikang Italyano o Aleman.

Subalit nabanggit ko sa kanya na sa wari ko, ang Tapusi ay salitang taal sa atin, salitang lalawiganing Tagalog, lalo na't sakop ng Katagalugan ang Bundok Tapusi. Sa lalawigan ng aking ama sa Batangas ay ganito ang naririnig kong salitaan:

Buksi - na ibig sabihin ay Buksan mo. Buksi are, o buksan mo ito. Ang "ito" ng Maynila ay "are" sa Batangas.

Sarhi - Isara mo. 

Tapusi - Tapusin mo.

Palui - Paluin mo, halimbawa, ang aso.

Lutui - Lutuin mo.

Sipai - Sipain mo.

Suntuki - Suntukin mo.

Sig-angi - Isig-ang mo.

Prituhi - Iprito mo.

Lagye - Lagyan mo.

Parne - Parito ka, o Halika.

Pagarne - Paganito.

Dalhi are sa tuklong - Dalhin mo ito sa kapilya.

Butasi ang tibuyo - Butasin mo na ang alkansya (dahil puno na ng barya).

Tulad ng ibang wika, may paraan ng pagsasalita o balarila ang mga Batangenyo, tulad ng inilarawan sa itaas. Tulad ng ibang alamat ng lugar, ang maraming pangalan ng lugar ay mula sa pagkaunawa ng mga Kastila nang tinanong nila ang mga katutubo kung anong pangalan ng lugar. Halimbawa, ang Calamba sa Laguna, na sinilangan ni Gat Jose Rizal, ay mula sa salitang Kastilang "Caramba" ayon sa isang alamat.

Marahil, isang Batangenyo ang nagpapatrabaho sa araruhan o halimbawa'y gilingan, o niyugan, malapit sa nasabing bundok. May dumating na Kastila at tinanong ang mga tao roon kung ano ang pangalan ng bundok na iyon. Ngunit di sila halos magkaunawaan sa wika. Subalit nang makita ng tinanong na nagsitigil sa paggawa ang kanyang mga trabahador ay sinabi niyang "Tapusi" na ibig sabihin ay tapusin nyo ang trabaho. At ang salitang "Tapusi" ang sinulat ng mga Kastila na pangalan ng bundok.

Sinasabing ito rin ang bundok na kinakulungan ng higanteng si Bernardo Carpio, ayon sa isang kwentong bayan.

Sampaloc, Maynila
Enero 2, 2018


Sina Michael Merbida, Rosabella Fernandez, at Greg Bituin Jr., mga kasapi ng Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan) nang sila'y dumalaw sa Bundok Tapusi, sa Wawa sa Montalban, Rizal, sa ika-119 anibersaryo ng kamatayan ni Gat Andres Bonifacio, Mayo 10, 2016.