Lunes, Enero 8, 2018

Pagtula sa Sining Kamalig

Kaarawan ng sinta kong si Libay nang araw na iyon, Enero 6, 2018, at may aktibidad naman ang grupo kong Bantayog Initiative sa lugar na tinawag na Sining Kamalig na nasa ikalawang palapag ng Ali Mall sa Cubao sa Lungsod Quezon. Isinama ko siya sa aktibidad na ito.

Ang nasabing aktibidad, na tinawag na Sining Tagpuan, ay kolaborasyon ng Banta 2017, kung saan naka-displey ang kanilang mga painting, at ng aming grupong Bantayog Initiative. Dumalo ang maraming estudyante at mga may hilig sa sining.

Inumpisahan ni Manu ng Bantayog Initiative ang programa sa pamamagitan ng isang awit. At kasundo nito'y nagpakilanlanan ang bawat isa, habang sinasambit din nila kung anong sining ang kanilang kinahiligang gawin. Matapos ang pagpapakilanlanan ay tinalakay naman ng mga nagpinta ang kanilang mga ginawa, ipinaliwanag ang mga konsepto at ang diwa sa kaibutiran ng kanilang likhang sining. Sa gitna ay naroon ang replika ng isang patay na taong tinakpan ng dyaryo, o yaong pinaslang.

Kapansin-pansin na ang tema ng aktibidad ay hinggil sa mga nagaganap na patayan sa panahong ito, yaong extrajudicial killings o tokbang (toktok, bang! bang). Kaya ang mga painting na naka-display ay pawang tungkol sa pagpaslang. Kaya doon ko ibinatay ang tulang aking binasa. At ito ang aking itinula:

SA MGA NAGLALAWAY SA DUGO NG KAPWA

akala nila, makatarungan ang pamamaslang
magiging kriminal naman daw ang sugapang halang
at makakatulog ng mahimbing ang mamamayan
pag wala nang sugapang banta sa kinabukasan

akala nila, bayani sila pag pumapatay
tamang proseso ng batas ay balewalang tunay
"bayani" silang sa dugo ng kapwa'y naglalaway
kapayapaan daw ng bayan ang kanilang alay

akala nila, krimen ay agad nilang napigil
kahit wala pang nagagawa ang sugapang sutil
wala pang krimen, dukha'y tututukan na ng baril
sira na raw ang utak kaya agad kinikitil

akala nila, dapat walang kara-karapatan
dahil daw ang karapatan ay sagabal sa bayan
akala nila, pagpaslang ay tungong kaunlaran
payapa ang negosyo, buhay man ay paglaruan

sino silang basta kukuha ng buhay ng tao?
sino silang naglalaway sa dugo ng kapwa mo?
budhi ba nila'y payapa't bayani ngang totoo?
para sa bayan nga ba ang pagpaslang ng berdugo?

ang ginagawa nila'y karumal-dumal ding krimen
bayani sa sarili, ngunit sa madla'y salarin
mananagot sila, budhi nila'y mang-uusig din
kriminal din pala sila'y di nila akalain

- gregbituinjr.







Walang komento:

Mag-post ng isang Komento