Martes, Oktubre 30, 2018

Kasaysayan at karanasan ko sa SANLAKAS


KASAYSAYAN AT KARANASAN KO SA SANLAKAS
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kamakailan lang, nitong Oktubre 29, 2018, ay nagdiwang ng kanilang anibersaryong pilak o ikadalawampu't limang (ika-25) taon ang grupong Sanlakas. Maraming dumalo sa pagdiriwang na iyon at sinariwa ang mga alaala, pakikibaka at tagumpay ng SANLAKAS sa nakalipas na dalawampu't limang taon.

Ang mga kasama, ang prinsipyo, ang mga karanasan at pakikibaka ng grupong ito'y makahulugan at makasaysayan, lalo na't naging staff ako ng SANLAKAS sa loob ng mahigit limang taon, mula Agosto 1996 hanggang Nobyembre 2001.

Itinayo ang SANLAKAS noong Oktubre 29, 1993, kasabay ng bugso ng hiwalayan sa kilusang progresibo noong panahong iyon. Ang kahulugan ng SANLAKAS, na hindi na ginagamit ngayon, ay Sandigan ng Kalayaan at Demokrasya ng Sambayanan. Ang pagkakatatag ng SANLAKAS ay nalathala, hindi pa sa Pilipinas, kundi sa pahayagang Green Left Weekly (GLW) ng isang partidong sosyalista sa bansang Australia. Doon ko nakita ang eksaktong petsa, Oktubre 29, sa ulat ni Reihana Mohideen na nalathala sa isyung 123 ng GLW, petsang Nobyembre 17, 1993. Ang ulat na ito'y matatagpuan sa http://sanlakasfamily.blogspot.com/2009/07/sanlakas-history-recorded-at-green-left.html.

Nakilala ko ang Sanlakas mahigit dalawang dekada na ang nakararaan. Nakadaupang palad ko ang mga taga-SANLAKAS nang maging magkatabi kami ng opisina sa Fortune Bldg. sa Pineda, Pasig. Magkakatabi noon ang opisina ng SANLAKAS, ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), ng sosyalistang organisasyong MAKABAYAN, ng Samahan ng mga Tsuper at Operator ng Pilipinas (STOP), ng National Federation of Student Councils (NFSC), ng isang kultyural na samahan (hindi ang Teatro Pabrika) na di ko na matandaan ang pangalan, at ng KAMALAYAN (Kalipunan ng Malayang Kabataan) kung saan nahalal akong Basic Masses Integration (BMI) officer noong Setyembre 9, 1994 at gumampan ng katungkulan hanggang Agosto 26, 1995 nang magkaroon ito ng panibagong pamunuan.

Ang Kamalayan ang dating LFS-NCR (League of Filipino Students - National Capital Region) chapter, na itinatag noong Nobyembre 30, 1993, isang buwan matapos matatag ang SANLAKAS, at dalawang buwan matapos matatag ang BMP. Ang NFSC naman ay pormal na natatag noong Pebrero 27, 1994 matapos ang founding congress nito noong Pebrero 25-27, 1994 sa UP Los BaƱos. May mga naisulat akong istorya ng Kamalayan at NFSC na makikita sa internet. Ang kasaysayan ng Kamalayan ay nasa http://writingredblueandgreen.blogspot.com/2009/01/kamalayan-history-insiders-account.html at ang NFSC naman ay nasa https://fireinthepen.blogspot.com/2009/01/nfsc-story.html.

Isa ako sa kinatawan ng youth sa unang pambansang kongreso ng SANLAKAS noong Disyembre 5-7, 1994 na ginanap sa Villa Cristina Resort sa Antipolo. Kinatawan ako ng KAMALAYAN. At ang dalawa pang kinatawan ng youth na kasama ko ay sina John Bayarong, na pangulo ng Kamalayan, at si Ross Delgado, na naging opisyal na youth representative ng SANLAKAS noong panahong iyon. Kababayan ni Ka Leody de Guzman, chairman ng BMP, sa Mindoro si Ross Delgado.

Mula sa Fortune Bldg. ay nalipat ang SANLAKAS sa Calubad Bldg. sa Samson Road sa Caloocan noong Oktubre 1995 hanggang 1996, at magkakasama pa rin doon ang magkakasamang organisasyon. Sa panahong ito nagkaroon ang Sanlakas ng estasyon sa radyo na SANTINIG-SANLAKAS na tunagal din ng ilang buwan.

Naging staff ako ng SANLAKAS sa ikalawang pambansang kongreso nito noong Agosto 2-4, 1996 sa Batu-Bato Resort sa Laguna. Kinuha akong staff ni Judy Ann Chan, na dating secretary general ng KAMALAYAN, upang magsilbi sa Sanlakas.

Maraming kilalang personalidad ang naging National Council of Leaders (NCL) nito, tulad nina Luz Tangcangco, na sa kalaunan ay naging Comelec Commissioner, Mike Defensor na naging kongresista ng Ikatlong Distrito ng Quezon City at isa sa apat na nanalo sa pitong kandidato ng SAVE (Students' Advocates for Voters Empowerment) na itinayo ng ating youth sector, at si Kiko Pangilinan, na di pa senador noon.

Noong 1997, mula sa Calubad ay lumipat ang SANLAKAS sa 51-C Matahimik St. sa Brgy. Teachers Village sa Quezon City, at dito'y nakasama ng SANLAKAS ang Kamalayan at NFSC. Noong 1998 ay nalipat ang tanggapan ng SANLAKAS sa 25-A Matiyaga St., na kinatatayuan ngayon ng Balay Rehabilitation Center. At noong 1999 ay nalipat naman ito sa Lava Townhomes sa Calderon St. sa Commonwealth, sa gilid ng Toyota, na wala pa noon. Noong 2001 naman ay lumipat ang tanggapan ng Sanlakas sa 89-A Masikap Extension, malapit sa Matalino St., sa Lungsod Quezon. Sa mga opisinang iyon ng SANLAKAS ay doon na ako natutulog, at bihira nang umuwi ng bahay sa Balic-Balic, Sampaloc. Kaya anumang pagkilos ng SANLAKAS ay agad na nadadaluhan.

Pangulo ng SANLAKAS noon si RC Constantino, at kasamang staff ng Sanlakas ang kanyang anak na si Red, at ang ka-partner nitong si Kala Pulido. Tagapangulo (chairman) naman si Fr. Max Abalos mula sa Cebu. Si Pinky Cupino naman ang chief of staff ng Sanlakas noong panahong iyon. Nawala lang si RC sa SANLAKAS nang manalo si Erap na kanyang sinuportahan. Habang ang SANLAKAS naman ay nanalo sa kauna-unahang partylist noong Hunyo 1998 kung saan si Ka Rene Magtubo ang naging kongresista. Nakilala ang SANLAKAS nang ibulgar nito ang P500,000 payola sa kongreso upang ipasa ang isang panukalang batas hinggil sa kuryente, na sa kalaunan ay naging EPIRA  (Electric Power Industry Reform Act).

Dahil nasa kongreso na ang SANLAKAS at dahil staff ako ng SANLAKAS sa pambansang opisina, kadalasan ay naroroon ako sa kongreso upang gumampan ng ibang gawain, tulad ng pagpapa-xerox, at tagadala ng mga dokumento.

Pinangunahan ng SANLAKAS, kasama ang iba pang samahan tulad ng KPML ang pakikibaka ng mga taga-Sitio Mendez sa Baesa, Lungsod Quezon para sa katiyakan sa paninirahan. Sila'y idemolis ng madaling araw ng Hulyo 11, 1997 ng mga gwardya ng mga Araneta na nagmamay-ari ng lupa. Bilang tugon ay nagkampo ang mga taga-Sitio Mendez sa harapan ng Quezon City Hall. Makalipas ang isang buwan ay nakuha ng mga taga-Sitio Mendez ang kahilingan nilang on-site relocation, sa tulong ng pamahalaang lungsod ng Quezon. Kaya noong Agosto 15, 1997, kasama ng mga taga-Sitio Mendez ang SANLAKAS sa Martsa ng Tagumpay, kung saan nagmartsa sila ng mahigit anim na kilometro mula QC Hall hanggang Sitio Mendez upang makabalik sa kinatitirikan ng kanilang tahanan at makapagsimulang muli.

Staff pa rin ako ng SANLAKAS sa ikatlong pambansang kongreso nito noong Disyembre 6-7, 1998 sa Gem's Resort sa Antipolo. Buhay pa at nakatago sa bahay namin sa probinsya ang bughaw na tshirt na may nakatatak ng puti sa likod na "Sanlakas 3rd National Congress, December 6-7, 1998, Gem's Resort, Antipolo", at sa harapan naman ay ang malaking logo ng Sanlakas na nasa ibaba ang salitang SANLAKAS. Susubukan kong mapiktyuran ang tshirt na ito pag nakauwi muli ng probinsya.

Nakapaglathala ng dalawang magasin ang SANLAKAS noong 1998 at 1999, kung saan isa ako sa mga manunulat at nag-asikaso nito. Ang opisyal na publikasyon ng SANLAKAS ay Maypagasa, na siyang sagisag-panulat ng ating bayaning si Gat Andres Bonifacio.

Noong Mayo 2000, nabugbog ako sa rali sa Senado at nakulong ng dalawang araw nang magkagulo sa rali ng SANLAKAS hinggil sa isyu ng VFA o Visiting Forces Agreement.

Sa huling bahagi ng panunungkulan ni Magtubo ay humalili sa kanya bilang kongresista si Ka Mario Cruz na siyang third nominee ng Sanlakas. Ang second nominee na si Victor Briz ay hindi umupo. Sa ikalawang takbo ng SANLAKAS sa party list noong 2001 ay si Atty. Jose Virgilio "JV" Bautista ang unang nominado at nang manalo ang SANLAKAS ay siyang umupo sa Kongreso.

Ang SANLAKAS ang tanging organisasyong nagdala ng panawagang RESIGN ALL, imbes na Erap Resign, sa kasagsagan ng panawagang pagpapatalsik sa dating pangulong Joseph "Erap" Estrada noong bandang Oktubre 2000 hanggang mapatalsik si Erap noong Enero 2001. Matapos ang EDSA Dos at makapanumpa si Gloria bilang bagong pangulo, idineklara agad ng Sanlakas: “Estrada’s ouster is the people’s will but Gloria is not the people’s choice!”

Naroon kami sa tanggapan ng SANLAKAS nang may magbalitang nabaril si Ka Popoy Lagman noong Pebrero 6, 2001. Ako ang naiwan sa opis noon nang magpuntahan patungong Philippine Heart Center ang mga kasama.

Habang staff ako ng Sanlakas ay kumuha ako ng anim-na-buwang lingguhang poetry workshop sa LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo) mula Setyembre 2001 hanggang Marso 2002, at karamihan ng mga tula ko'y hinggil sa pakikibaka ng Sanlakas noong panahong iyon. Sa LIRA ko nakadaupang palad si National Artist Virgilio Almario, o Rio Alma.

Nawala ako sa SANLAKAS noong Nobyembre 2001 dahil naging staff na ako ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML) hanggang Marso 2008. Sa opisina na ng KPML ako naglagi ng mga panahong iyon kaya hindi ko na nasubaybayan ang SANLAKAS, maliban sa nagkakasama kami sa malalaking rali, at sa ilang mahahalagang pagkilos. Kasama namin ang SANLAKAS nang itayo ang Metro Manila Vendors Alliance (MMVA) noong Agosto 30, 2002 sa Delaney Hall ng Church of Holy Sacrifice ng UP Diliman.

Karamihan ng mga nakasama ko sa SANLAKAS noong 1996 hanggang 2001 ay wala na sa SANLAKAS at napunta na ng ibang organisasyon. Gayunman, nagpapasalamat ako sa SANLAKAS sa inspirasyong ibinigay nito upang magpatuloy ako sa pagkilos.

Sa anibersaryong pilak ng SANLAKAS ay nakalikha ako ng dalawang tula. Ang una'y kinatha isang linggo bago ang anibersaryo at may labinlimang pantig bawat taludtod. At ang ikalawa'y may labintatlong pantig bawat taludtod at nilikha ng aktwal sa mismong anibersaryo. Narito po ang dalawang tula:

TULA 1:

Isang pagpupugay sa pilak mong anibersaryo!
Sanlakas, matatag ka nang moog sa bansang ito
Pinanday ng pakikibaka't tangan mong prinsipyo
Patuloy mong itaas ang kaliwa mong kamao
Tandang patuloy ang laban tungo sa pagbabago

Lagi ka naming kasama sa bawat tamang landas
Lumalaban tungo sa isang lipunang parehas
Kaya sama-samang patuloy tayong magpalakas
Ibagsak ang sistemang di marunong maging patas
Taas-noong pagpupugay, mabuhay ka, Sanlakas!

TULA 2:

Taas-kamaong pagpupugay sa Sanlakas
na naghahangad ng isang lipunang patas.
Ang prinsipyong tangan at taglay nitong lakas,
sa puso, diwa't moral ay nagpapalakas!

Sanlakas, isang taospusong pagpupugay!
Sadyang kayrami mong nakamit na tagumpay
para sa masa, pakikibaka mo'y tunay.
Isa kang inspirasyon. Mabuhay! Mabuhay!

Mabuhay ang SANLAKAS! Tuloy ang laban!

Biyernes, Oktubre 5, 2018

Pangarap

Mahirap ding mangarap. Lalo't kaylayong abutin ang alapaap. Hanggang tanaw lamang ang kayang gawin. Ngunit minsan, pangarap ay dapat abutin.

At hindi lamang alapaap, kundi abutin ang langit na pangarap.

Hindi ko nais maglibot ng daigdig upang magpasarap. Kundi abutin ang kapwa tao para sa isang pangarap na lipunang makatao. Lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao. Lipunang ang lahat ay nagbibigayan. Lipunang walang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon na siyang nagdulot ng samiutsaring kahirapan, karukhaan, karalitaan, at kawalang katarungan sa maraming bansa. Lipunang hindi sira ang kalikasan. Lipunang pangangalagaan ng bawat isa ang kapaligiran.

Mahirap mangarap, ngunit lakasan lang ng loob upang maabot ang inaasam na lipunan. Kumilos laban sa bulok na sistema. Kumilos upang palakasin ang pagkakaisa ng masa. Kumilos upang magkaisa ang buong uring manggagawa.

Hindi masama ang mangarap. Ang masama ay hindi ka na mangangarap. At bahala na bukas. Ayaw ko ng gayon.

- gregbituinjr.

Martes, Oktubre 2, 2018

Isinilang ako kasabay ng Tlatelolco Massacre sa Lungsod ng Mexico


ISINILANG AKO KASABAY NG TLATELOLCO MASSACRE SA LUNGSOD NG MEXICO
Maiking sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bakit nga ba ako naging aktibista? Dahil ba ito ang pinili kong buhay? O dahil reinkarnasyon ako ng mga estudyante't sibilyang pinaslang sa Tlatelolco sa lungsod ng Mexico? Hindi naman talaga ako naniniwala sa reinkarnasyon, kaya marahil ay nagkataon lamang. Pinili kong maging aktibista at mamamatay ako bilang aktibistang nakikibaka para sa lipunang makatao at uring manggagawa.

Ayon sa wikipedia, "The Tlatelolco massacre was the killing of students and civilians by military and police on October 2, 1968, in the Plaza de las Tres Culturas in the Tlatelolco section of Mexico City. The events are considered part of the Mexican Dirty War, when the government used its forces to suppress political opposition."
https://en.wikipedia.org/wiki/Tlatelolco_massacre

Sa aking ika-50 kaarawan at ika-50 anibersaryo ng Tlatelolco massacre, ako na'y nahalal na sekretaryo heneral ng dalawang organisasyon. Nahalal akong sekretaryo heneral ng Ex-Political Detainees Initiative (XDI) sa ikatlong pangkalahatang asembliya ng XDI noong Hulyo 7, 2017, na ginanap sa Diokno Hall ng Commission on Human Rights (CHR). Nahalal naman akong sekretaryo heneral ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) nito lang Setyembre 16, 2018 sa ikalimang pambansang kongreso nito, na ginanap sa barangay hall ng Brgy. Damayan sa Lungsod Quezon.

Magtatatlong dekada na rin akong aktibista. Namulat bilang manggagawa, nang ako'y maging ako'y magtrabaho mula Pebrero 1989 hanggang Pebrero 1992, at naging regular na makinista o machine operator sa isang kumpanyang Hapon sa bansa. At noong Agosto 17, 1994 nang ako'y maging kasapi ng isang mapagpalayang kilusan.

Narekluta ako nang ako'y isang estudyante pa sa kolehiyo at manunulat ng publikasyon ng eskwelahan. Nahalal akong Basic Masses Integration (BMI) Officer ng grupong Kamalayan (Kalipunan ng Malayang Kabataan) noong 1994. Naging staff ng Sanlakas mula Agosto 1996 hanggang Nobyembre 2001. Naging staff ng KPML mula Nobyembre 2001 hanggang Marso 2008, at pinangasiwaan ang paglalathala ng pahayagang Taliba ng Maralita ng KPML, na inilalathala noong isanhg beses kada tatlong buwan. Naging staff ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) nang mawala sa KPML. At muli lang nakabalik sa KPML noong ikalimang pambansang kongreso nito noong 2018.

Dahil sa aking pagiging aktibista'y nakarating ako sa iba't ibang bansa, bukod sa Japan, na tinirahan ko ng anim na buwan bilang iskolar ng JVR Technical Center noong Hulyo 1988 hanggang Enero 1989. Nakapunta ako sa bilang aktibista sa Thailand noong 2009, sa Thailand at Burma noong 2012, at sa Paris, France noong 2015. Taospusong pasasalamat sa mga kasamang nag-isponsor ng mga aktibidad na iyon.

Naitayo ko rin ang Aklatang Obrero Publishing Collective na naglalathala ng aking mga tula at sanaysay, at mga aklat ng mga kilalang rebolusyonaryo. Ilan sa mga sulating ito ay ang talambuhay nina Che Guevara, Andres Bonifacio, Macario Sakay, Lean Alejandro, at Ka Popoy Lagman. Muli ko ring inilathala ng Liwanag at Dilim ni Emilio Jacinto. Pati na mga teoryang pampulitika ay aking inilathala, tulad ng Aralin sa Kahirapan (ARAK), Puhunan at Paggawa (PAKUM), Marxismo, Gabay sa Aralin ng Leninismo, Materyalismo at Diyalektika. Pati salin ng akda ni Ka Dodong Nemenzo hinggil sa Rebolusyong Cubano.

Nang minsang nagsasaliksik ako sa internet at tiningnan ko ang aking kaarawan kung sino o ano kaya ang mga kasabayan ko nang ako'y isilang. At lumabas nga ang istorya ng Tlatelolco massacre, na naganap sa mismong araw ng ako'y isilang.

Nakikisimpatya ako sa mga estudyante't sibilyang pinaslang ng mga militar. Ayon sa isang lathalain, ito ang mga kahilingan ng mga estudyante:

1. Repeal of Articles 145 and 145b of the Penal Code (which sanctioned imprisonment of anyone attending meetings of three or more people, deemed to threaten public order).
2. The abolition of granaderos (the tactical police corps).
3. Freedom of political prisoners.
4. The dismissal of the chief of police and his deputy.
5. The identification of officials responsible for the bloodshed from previous government repressions (July and August meetings).
http://www.blackstudies.ucsb.edu/1968/mexico_photos.html

Kung may pagkakataon lang ako at makakadalaw sa Mexico, nais kong puntahan ang monumento ng naganap na Tlatelolco massacre at mag-alay roon ng bulaklak, at magpalitrato.

Ginawan ko ng tula ang naganap na ito bilang pagpupugay sa mga nakikibakang estudyante noong panahong iyon, at sa mga sibilyang nadamay nang pagbabarilin sila ng mga militar.

SA MGA PINASLANG SA TLATELOLCO, MEXICO
(OKTUBRE 2, 1968)

sa Tlatelolco'y kayraming estudyanteng pinaslang
naganap kasabay ng araw nang ako'y isilang
ang kanilang mga berdugo'y tila mga buwang
karahasan ang ibinigay, sila'y tinimbuwang

estudyanteng nais malayang makapagsalita
hangad na bilanggong pulitikal ay mapalaya
hangad na mga tiwaling opisyal ay mawala
hangad na matinong lipunan ang sinasagawa

estudyanteng nais magkaroon ng karapatan
estudyanteng nais isatinig ang kahilingan
estudyanteng nais magkaroon ng kalayaan
estudyanteng nais matanggal ang katiwalian

subalit sila pa yaong dinilig ng kilabot
pinagbabaril, lupa'y pumula, isang bangungot
limampung taon na yaong nakaraang hilakbot
hanggang ngayon ay dama pa rin ang lagim na dulot

pagkat estudyante'y di pa nabigyan ng hustisya
walang nakulong dahil sa nangyari sa kanila
hanggang ngayon, katarungan ang sigaw ng pamilya
hustisyang kay-ilap ba'y kailan kakamtin nila

- gregbituinjr. 10/02/2018

Ayoko ng cake sa kaarawan ko

AYOKO NG CAKE SA KAARAWAN KO

walang cake sa kaarawan ko, sabi ko kay misis
sapat na ang adobo't kanin, walang minatamis

o kaya'y anim na barbekyu't dalawang serbesa
tulad ng hiling ko pag ako'y pinatula nila

kaymahal ng cake upang gawin lang na panghimagas
kaysa mag-cake, aba'y ipambili na lang ng bigas

ang cake na presyo'y apatnaraan limampung piso
ay katumbas ng presyo ng bigas na sampung kilo

bukod pa roon, nakangingilo ang tamis ng cake
hayaang ako'y magdiwang na mag-isang babarik

- gregbituinjr.