Huwebes, Abril 25, 2019

Bihira ang nabibigyan ng pagkakataong maging aktibista

BIHIRA ANG NABIBIGYAN NG PAGKAKATAONG MAGING AKTIBISTA

bihira lang ang nabibigyan ng pagkakataong
maging aktibista't ialay ang kanyang panahon
at buhay sa magagandang adhikain at layon
upang tuluyan nang baguhin ang sistema ngayon

pag nabigyan ka ng pagkakataong pambihira
huwag mong sayangin, maglingkod kang tunay sa madla
at makipagkaisa ka sa uring manggagawa
pagkat ang maging aktibista'y gawaing dakila

marami ang takot, tila nababahag ang buntot
maraming nangangambang manuligsa ng kurakot
tunay ngang mga aktibista'y di dapat matakot
kundi maging makatwiran, matatag, di bantulot

tara, maging aktibista, matutong manindigan
makibaka para sa pagbabago ng lipunan
maging prinsipyado, maging matatag, makatwiran
ipaglaban bawat karapatan ng mamamayan

mapalad ka kung nabigyan ka ng pagkakataong
maging aktibista't ialay ang buong panahon
at buhay sa magaganda't dakilang mithi't layon
upang tuluyang ibagsak ang mga panginoon!

- gregbituinjr.

Miyerkules, Abril 24, 2019

Paggunita sa ika-39 na anibersaryo ng pagpaslang kay Apo Macliing Dulag.








PAHAYAG
sa ika-39 na anibersaryo ng kamatayan ni Macli-ing Dulag

NOON, NAGKAISA SILANG LABANAN ANG PROYEKTONG CHICO DAM
NGAYON, NAGKAKAISA KAMING LABANAN ANG PROYEKTONG KALIWA DAM

Isang matinding sakripisyo ang inialay ni Macli-ing Dulag nang pangunahan niya ang mga taga-Cordillera sa paglaban sa balak itayo noong Chico River Dam na popondohan ng World Bank. Noong 1974, nais ng rehimeng Marcos na ipatupad ang isang 1,000 megawatt na hydroelectric power project na popondohan ng World Bank, doon sa Chico River. Ang plano'y pagtatayo ng apat na saplad o dam na magpapalubog naman sa maraming barangay. Nasa 100,000 katao ang nananahan sa kahabaan ng nasabing ilog, kasama na ang Barangay Bugnay na tahanan ni Macli-ing Dulag, kung saan mawawalan sila ng tahanan.

Pinagkaisa ng pakikibaka laban sa dam ang rehiyon ng Cordillera. At kinilala ng maraming katutubo si Macli-ing Dulag bilang kanilang tagapagsalita. Hanggang siya'y pinaslang ng mga sundalo noong Abril 24, 1980 sa Tinglayan, Kalinga.

Ngayon, may balak na itayo naman ang Kaliwa Dam sa lalawigan ng Quezon at Rizal na tiyak na magpapalubog sa maraming barangay at bayan doon. Tutol dito ang mga nakatira roon, lalo na ang mga katutubong Dumagat-Remontado. Nais daw itayo ng pamahalaan ang Kaliwa Dam dahil ito raw ang kalutasan ng kawalan ng tubig sa Metro Manila. Subalit ang nakikita nating 
problema'y hindi ang kawalan ng tubig, kundi ang mismanagement o di maayos na pamamahala ng tubig ng Maynilad at Manila Water.

Mayroon ding balak na ituloy ang pagtatayo ng Chico River Dam ngayong panahon ni Duterte na popondohan naman ng Tsina. Kung mangyayari ito'y nililinlang ng pamahalaan ang mga taga-Cordillera at mababalewala ang sakripisyo ni Macli-ing Dulag na ibinuwis ang buhay para sa kanyang mga kababayan. Ang Cordillera Day tuwing Abril 24, na anibersaryo ng kanyang kamatayan, ay bilang paalala sa kanyang kabayanihan.

Isang inspirasyon ang ipinakitang kabayanihan ni Macli-ing Dulag noong kanyang panahon. Inspirasyon sa henerasyon ngayon lalo na sa pakikibaka laban sa pagtatayo ng Kaliwa Dam.

Kung nakaya nila noon na labanan ang pagtatayo ng Chico Dam, magagawa rin iyan ng mga katutubong Dumagat-Remontados sa lalawigan ng Quezon at Rizal, sapagkat buhay at kultura nila ang nakataya.

Kaya ang panawagan namin ngayon: TUTOL ANG MGA KATUTUBO SA KALIWA DAM DAHIL PALULUBUGIN NITO ANG MARAMING BARANGAY AT BAYAN!

Ang nagkakaisa naming tindig: TUTOL KAMI SA KALIWA DAM! 

Martes, Abril 23, 2019

Bakit may luksang parangal?

BAKIT MAY LUKSANG PARANGAL?
Maikling sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nakayayanig ang malamang namatay ang limang kasama sa pakikibaka sa loob lamang ng halos dalawang linggo. Isang lider ng KPML si Doreen Mendoza na namatay sa sakit noong Marso 26, 2019. Si Benjie Resma, pangulo ng Partido Lakas ng Masa - Tatalon chapter ay binawian ng buhay noong Abril 5, 2019. Si Ka Richard Lupiba ng ZOTO / KPML ay yumao naman noong Abril 6, 2019. Si Ka Cesar Bristol, Bise Presidente ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino - Timog Katagalugan (BMP-ST) ay sumakabilang-buhay noon ding Abril 6, 2019. At si Larry Labian na nasa gawaing teatro ay namatay naman ng Abril 9, 2019.

Sa lahat ng ito, nagbigay ang mga kasama ng luksang parangal bilang pagpupugay sa mga kasamang namatay. Naging tradisyon na ng kilusang paggawa, kilusang sosyalista, at/o kilusang rebolusyonaryo na mag-alay ng luksang parangal sa kasamang namatay. Kadalasang ginagawa ito sa huling araw ng lamay, dahil kinabukasan na ay ililibing. Maraming kasama ang nagbibigay ng luksampati sa huling gabi, at madalas ay ikinukwento ang buhay, pakikibaka at rebolusyonaryong gawain ng namatay. May nag-aalay rin ng tula.

Subalit saan ba nanggaling ang ganitong tradisyon? Nang maging aktibista ako'y nagisnan ko na ang tradisyong ito, kaya nagsaliksik ako. Naalala ko ang araling Limang Gintong Silahis ni Mao Zedong, na inaral namin noong nasa kolehiyo pa ako at YS na tibak.

Ang artikulong "Paglingkuran ang Sambayanan" na inilathala noong Setyembre 8, 1944, ay mula sa talumpating binigkas ni Mao Zedong, na lider-komunista sa Tsina, sa isang pulong ng paggunita sa namatay na kasama nilang si Chang Szu-teh na idinaos ng mga kagawarang tuwirang nasa ilalim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina.

Ayon sa artikulo: "Ang lahat ng tao ay tiyak na mamamatay, ngunit ang kamatayan ay maaaring mag-iba ng kabuluhan. Ayon sa sinaunang manunulat na Tsinong si Szuma Chien, “Bagamat ang kamatayan ay sumasapit sa lahat ng tao, ito ay maaaring higit na mabigat kaysa Bundok Tay o higit na magaan kaysa balahibo.”Ang mamatay alang-alang sa sambayanan ay higit na mabigat kaysa Bundok Tay, subalit ang maglingkod sa mga pasista at ang mamatay para sa mga mapagsamantala at mapang-api ay higit na magaan kaysa balahibo. Si Kasamang Chang Szu-teh ay namatay alang-alang sa sambayanan at ang kanyang kamatayan ay higit na mabigat nga kaysa Bundok Tay."

At sa katapusan ng artikulo ay ibinilin sa atin: "Magmula ngayon, kung sa ating hanay ay may mamatay na isang nakagawa ng kapaki-pakinabang na bagay, maging kawal man siya o kusinero, dapat natin siyang bigyan ng parangal sa pamamagitan ng isang akmang seremonya sa paglilibing at pulong ng paggunita. Ito ay nararapat na maging alituntunin. At ito’y dapat ding ipagawa sa mga mamamayan. Kung may mamatay sa nayon, ipadaos ang isang pulong ng paggunita. Sa ganitong paraan, maipadarama natin ang pagluluksa para sa yumao at mapagbubuklod ang buong sambayanan."

Isang halimbawa nito ang isa pang artikulo sa Limang Gintong Silahis ay pinamagatang Paggunita kay Norman Bethune, kung saan sinabi ni Mao Zedong: "Ang diwa ni Kasamang Bethune, ang kanyang taus-pusong pagmamahal sa kapwa nang walang pagsasaalang-alang sa sarili, ay ipinamalas sa kanyang walang hanggang pagpapahalaga sa kanyang gawain at sa kanyang malaking pagmamalasakit sa lahat ng mga kasama at sa mamamayan. Dapat matuto sa kanya ang bawat Komunista. Hindi iilang tao ang iresponsable sa kanilang gawain, higit na nagnanais ng magaan at umiiwas sa mabigat, ipinapasa sa iba ang mabibigat na gawain at pinipili ang madadaling gawain para sa sarili. Sa bawat pagkakataon ay iniisip muna nila ang sarili bago ang iba. Kapag nakagawa ng kaunting tulong ay lumalaki ang kanilang ulo at ipinagyayabang ang nagawa sa takot na baka hindi malaman ng iba. Wala silang malasakit sa mga kasama at sa mga mamamayan, bagkus ay malamig, mapagwalambahala at walang sigla. Sa katunayan, ang mga taong ito ay hindi mga Komunista, o kaya’y hindi maituturing na tunay na mga Komunista."

Dagdag pa ni Mao: "Minsan lamang kami nagtagpo ni Kasamang Bethune. Pagkaraan niyon, madalas siyang sumulat sa akin. Ngunit abalang-abala ako noon at minsan ko lamang siyang sinulatan at ni hindi ko alam kung natanggap niya ang sulat ko. Labis akong nalulungkot sa kanyang pagkamatay. Ngayo’y pinararangalan natin siya, bagay na nagpapakita kung gaano kalalim ang inspirasyong dulot ng kanyang diwa. Dapat matutuhan nating lahat mula sa kanya ang diwa ng ganap na di pagkamakasarili. Sa pamamagitan ng diwang ito, ang bawat isa ay maaaring maging kapakipakinabang sa mamamayan. Malaki man o maliit ang kakayahan ng isang tao, kung taglay niya ang diwang ito, isa na siyang taong marangal at wagas ang loob, isang taong may integridad at nakapangingibabaw sa bulgar na mga interes, isang taong may halaga sa sambayanan."

Nagkaroon man ng paghihiwalay halos tatlong dekada na ang nakararaan, mula sa tunggaliang RA-RJ, nanatili pa rin ang aral at naging tradisyon na ang luksang parangal.

Lunes, Abril 22, 2019

Tula sa Araw ng Daigdig (Earth Day) 2019

TULA SA ARAW NG DAIGDIG, ABRIL 22, 2019

Sinira na ng kapitalismo ang kalikasan
Winasak ng sistemang ito ang kapaligiran
Kayraming plastik na ginawa upang pagtubuan
Kayraming basura na ilog ang pinagtapunan.

Para maging troso'y nilagari ang mga puno
Mga bundok ay kinalbo para sa tanso't ginto
Ginawa'y mga single use plastic para sa tubo
Kayrami nang lupang minina, dulot ay siphayo.

Dahil sa coal-fired powerplant, kalikasa'y nawasak
Pagtatayo pa ng Kaliwa Dam ang binabalak
Panahon nang kapitalismo'y palitan, ibagsak
Itanim ang bagong sistemang kayganda ng pitak.

Ngayong Araw ng Daigdig, halina't magkaisa
At tayo'y kumilos upang baguhin ang sistema.

- gregbituinjr.

* Nilikha at binasa ng may-akda ang tulang ito sa raling pinangunahan ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) na nagprograma sa harap ng Department of Agriculture (DA), nagmartsa at nagprograma sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), umaga ng Abril 22, 2019, Araw ng Daigdig (Earth Day).

Linggo, Abril 21, 2019

Mabuhay ang ika-50 pagdiriwang ng Earth Day!

Ang usapin ay bilang ng pagdiriwang, at hindi anibersaryo. Ngayong Abril 22, 2019, ang ika-50 pagdiriwang ng Earth Day (kasama sa bilang ang 1970 bilang unang taon, kaya 1970-1979 ay 10 taon, at 1970-2019 ay 50 taon). 

Lunes, Abril 15, 2019

Ka Leody De Guzman, our senate bet for Climate Justice

Ka Leody De Guzman is the chairman of the labor group 
Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

Sabado, Abril 13, 2019

Mahirap kung wala kang salapi'y walang karamay

MAHIRAP KUNG WALA KANG SALAPI'Y WALANG KARAMAY

mahirap kung wala kang salapi'y walang karamay
maysakit ka'y balewala ka, iyong naninilay
tila ba ang salapi'y magandang gamot sa lumbay
malulunasan ang puso mong napuno ng pilay

ganyan kadalasan ang buhay mong nararanasan
pag walang salapi'y walang kasangga't kaibigan
di ka papansinin, para kang tuod sa kawalan
walang-wala ka na'y wala na silang pakialam

saan ka na patungo kung wala ka nang salapi
tila ba buong bayan ang sa iyo'y namumuhi
ang sugat mong naging pilat ay muling humahapdi
buti pa noong may pera ka pa't di nasasawi

dahil ba walang pera'y bawal nang magpakatao
iyan ba'y pamana ng sistemang kapitalismo



- gregbituinjr.

Biyernes, Abril 12, 2019

Pagdalo sa ika-124 Unang Sigaw ng Kalayaan sa Yungib ng Pamitinan

Dumalo ang inyong lingkod sa paggunita sa ika-124 Unang Sigaw sa Pamitinan nina Gat Andres Bonifacio, (Abril 12, 1895, First Cry of Independence), kasama ang LGU ng Montalban, Rizal, at ang grupong Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan), na namuno sa seremonya ng Kartilya ng Katipunan, sa bungad ng yungib ng Pamitinan, sa Brgy. Wawa, Montalban, Rizal, umaga ng Abril 12, 2019. - Greg Bituin Jr.

- mga litrato kuha ni Greg Bituin Jr.


















Huwebes, Abril 4, 2019

Ako'y nauupos

AKO'Y NAUUPOS

ako'y nauupos sa dami ng upos ng yosi
naglalakad ako'y nagkalat sa daan, kayrami
tapon doon, tapon dito, sila na'y nahirati
ang ating pamahalaan ba'y anong masasabi?

ako'y nauupos sa laksang nagkalat na upos
wala bang lagakan ng abo, sa ash tray ba'y kapos?
latang walang laman, bakit di gamitin nang lubos?
nang mga upos na ito'y ating maisaayos

nakakaupos ang naglipanang upos sa dagat
pagkat kayraming isda ang sa upos nabubundat
ikatlo raw na basura ang upos na nagkalat
paanong sa pagtapon nito tao'y maaawat?

sa nagkalat na upos, anong dapat nating gawin?
ito bang kalikasan ay paano sasagipin?
huwag hayaang upos ay lulutang-lutang pa rin
sa dagat nang kalikasa't isda'y masagip natin

- gregbituinjr.

Miyerkules, Abril 3, 2019

Halina't mag-yosibrik

HALINA'T MAG-YOSIBRIK

di ka pa ba naiinis sa naglipanang upos
sa basurahan, daan, dagat, di maubos-ubos
tila ba sa ating likuran, ito'y umuulos
upos sa kapaligiran, animo'y umaagos

sa nangyayari'y dapat may gawin, tayo'y umimik
tipunin ang mga upos, gawing parang ECOBRICK
sa boteng plastik ay ipasok at ating isiksik
ang boteng siksik sa upos ay tawaging YOSIBRIK

kailangang may gawin sa upos na naglipana
sa dagat kasi'y upos na ang pangatlong basura
di ba't dahil sa upos, may namatay na balyena
imakalang pagkain ang itinapong basura

madawag na ang lungsod, sa upos ay nabubundat
naninigarilyo kasi'y walang kaingat-ingat
pansamantalang tugon sa upos na walang puknat
ay gawing yosibrik ang mga upos na nagkalat

- gregbituinjr.

Martes, Abril 2, 2019

Kinalabosong upos

KINALABOSONG UPOS

Kita nyo bang sa dagat, mga upos na'y nagkalat?
Ikatlo raw ito sa laksang basura sa dagat
Naisip nyo bang sa upos, mga isda'y bubundat?
At pagkamatay nila sa upos sa budhi'y sumbat
Lagi nating isipin ang buti nitong daigdig
Ang dagat na'y nasaktan, pati pusong pumipintig
Basurang nagkalat sa kalamnan niya'y yumanig
O, dapat itong wakasan, tayo'y magkapitbisig
Simulan nating sagipin ang ating karagatan
O kaya'y mag-umpisa sa ating mga tahanan
Naglipanang upos ay gawan natin ng paraan
Gumising na't magsikilos para sa kalikasan
Upos ay kinulong ko sa bote bilang simula
Pag dagat ay pulos upos, mga isda'y kawawa
Oo, ito'y pagkain, aakalain ng isda
Sumpa iyang upos sa dagat, problemang kaylubha

-gregbituinjr.

Ang Martir - Tula ni Nick Joaquin

Ang Martir
Tula ni Nick Joaquin, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang pagsinta'y hindi nangangahulugang dapat kang magpaumanhin
Gayunpaman, sa isang yugto ng buhay mo
Ang pagsintang iyon ang pinakamahalagang bagay sa iyo,
Ang pagsintang iyon ang maaaring iaasahan mong magtatagal magpakailanman,
Ang pagsintang iyon na pinaniniwalaan mong hindi umiiral ang tadhana,
At dahil sa pagsintang iyon ay nagtatanong ka,
Bakit ka natatakot umibig sa una pa lang.

Sa panahong iyon ng iyong buhay,
Animo'y perpekto ang lahat
Animo lahat ay napakaganda
Animo ang lahat ay nagniningning para sa iyo,
At ikaw ang lahat sa akin.

Hindi na ako nagdadalawang-isip hinggil sa pagsakripisyo ng sarili kong kaligayahan para sa iyo,
Ninanais ko pang hubarin ang nadidindingan ngunit nilamukos kong puso,
Upang makasama lang kita.
Ang lahat ay ginagawa ko upang maalagaan ka
Ang lahat ay ginagawa ko upang masiyahan ka
At ginawa ko iyon dahil mahal kita.

Ang pagsinta'y hindi nangangahulugang dapat kang magpaumanhin
Subalit dapat akong humingi ng tawad sa nasaktan ko ng lubos...
Ang aking sarili.


The Martyr
Poem by Nick Joaquin

Being in love means never having to say you’re sorry
After all, at some point in your life
That love was the most important thing to you,
That love might be the one that you hoped would last forever,
That love made you believe that destiny does exist,
And that love made you question,
Why you were afraid to fall in love in the first place.

At that time in your life,
Everything just seemed so perfect,
Everything seemed so beautiful,
Everything seemed to glow for you,
And you were my everything.

I wouldn't even think twice about sacrificing my own happiness for yours,
I was even willing to bare up this walled but crumpled heart of mine,
Just so I could be with you.
All I ever did was care for you.
All I ever did was to make you happy.
And all I ever did was love you.

Being in love means never having to say you’re sorry
But I needed to ask forgiveness from the one who was hurt the most…
Myself.

Lunes, Abril 1, 2019

Lenin: Ang Mga Tungkulin ng Proletaryado sa Kasalukuyang Himagsikan

Vladimir Ilyich Lenin
Ang Mga Tungkulin ng Proletaryado sa Kasalukuyang Himagsikan
[a.k.a. Ang Tesis ng Abril]
Malayang salin mula sa Ingles ni Greg Bituin Jr.

Nalathala: Abril 7, 1917 sa Pravda Blg. 26. Nakalagda: N. Lenin. Nalathala ayon sa teksto ng pahayagan.
Pinagbatayan: Collected Works ni Lenin, Progress Publishers, 1964, Moscow, Tomo 24, mp. 19-26.
Pampublikong Dominyo: Lenin Internet Archive (2005), marx.org (1997), marxists.org (1999). Maaari mong malayang kopyahin, ipamahagi, ipakita at gawin ang gawaing ito; pati na rin ang mga hinango at komersyal na mga gawa. Paki-kredito ang "Marxists Internet Archive" bilang iyong pinagbatayan.

Ang artikulong ito ay naglalaman ng sikat na Tesis ng Abril na binasa ni Lenin  sa dalawang pulong ng All-Russia Conference of Soviets of Workers’ and Soldiers’ Deputies, noong Abril 4, 1917.

[Panimula]

Hindi ako dumating sa Petrograd hanggang sa gabi ng Abril 3, at samakatuwid sa pulong sa Abril 4, maaari ko, siyempre, maihatid ang ulat sa mga tungkulin ng rebolusyonaryong proletaryado sa sarili ko lang, at may mga reserbasyon dahil sa kakulangan ng paghahanda.

Ang tanging bagay na maaari kong gawin upang  mas madali ang mga bagay para sa akin — at para sa tapat na mga kalaban — ay upang ihanda ang mga tesis nang nakasulat. Binasa ko ang mga ito, at ibinigay ang teksto sa Kasamang Tsereteli. Dalawang ulit kong marahang binasa ang mga ito: una sa pulong ng mga Bolshevik at pagkatapos ay sa pulong ng parehong Bolshevik at Menshevik.

Inilalathala ko ang mga personal na tesis na ito na may lamang maliliwanag na mga talag, na binuo ng may mas malalaking detalye sa ulat.

ANG TESIS

1) Sa ating pagkilos sa digmaan, na sa ilalim ng bagong [pansamantalang] pamahalaan nina Lvov at mga kasama, ay walang alinlangang nananatili sa bahagi ng Rusya ang isang mapanirang imperyalistang digmaan dahil sa kapitalistang katangian ng pamahalaang iyon, hindi pinapayagan kahit ang pinakamaliit na pagtugon sa "rebolusyonaryong depensa".

Maaaring magbigay ng pahayag ang mulat-sa-uring proletaryado sa isang rebolusyonaryong digmaan, na binibigyang-katwiran ang rebolusyonaryong pagdepensa, sa kondisyon lang na: (a) na ang kapangyarihang ipinasa sa proletaryado at pinakamahihirap na seksyon ng mga magsasakang nakahanay sa proletaryado; (b) na lahat ng mga pagsasanib ay tatalikuran sa gawa at hindi sa salita; (c) na ang isang kumpletong paghihiwalay ay maisasakatuparan sa aktwal na katotohanan sa lahat ng kapitalistang interes.

Dahil sa walang dudang katapatan ng mga malawak na seksyon ng mga mananampalataya sa rebolusyonaryong pagdepensa na tanggapin lamang ang digmaan bilang pangangailangan, at hindi bilang paraan ng panunupil, dahil sa katotohanan na nilinlang sila ng burgesya, kailangan ito ng may partikular na lubusan, pagtitiyaga at pagtitiis upang ipaliwanag ang kanilang kamalian sa kanila, upang ipaliwanag ang di-mapaghihiwalay na ugnayan sa pagitan ng kapital at ng imperyalistang digmaan, at upang patunayan na kung walang pagkawasak ng kapital, imposibleng tapusin ang digmaan sa pamamagitan ng tunay na demokratikong kapayapaan, isang kapayapaang hindi ipinataw ng karahasan.

Ang pinakamalawak na kampanya para sa pananaw na ito ay kailangang maorganisa sa hukbong nasa harapan.

Pagkakapatiran.

2) Ang partikular na katangian ng kasalukuyang sitwasyon sa Russia ay ang pagtungo ng bansa mula sa unang yugto ng rebolusyon — na dahil sa hindi sapat na pagkamulat-sa-uri at organisasyon ng proletaryado, inilagay ang kapangyarihan sa mga kamay ng burgesya — sa ikalawang yugto nito, na ang kapangyarihan ay dapat malagay sa mga kamay ng proletaryado at pinakamahihirap na seksyon ng mga magsasaka.

Ang paglipat na ito ay nailalarawan, sa isang banda, sa pinakamataas na mga karapatan na kinikilala ng batas (ang Rusya ngayon ang pinakaligtas sa lahat ng mga mapanlabang bansa sa mundo); sa kabilang banda, sa kawalan ng karahasan sa masa, at, sa dulo, sa pamamagitan ng kanilang wala-sa-katwirang tiwala sa pamahalaan ng mga kapitalista, yaong mga pinakamasamang kaaway ng kapayapaan at sosyalismo.

Hinihingi sa atin ng kakaibang kalagayang ito ang kakayahang iakma ang ating sarili sa mga espesyal na kondisyon ng gawain ng Partido sa mga di-matingkalang malaking masa ng mga proletaryadong nagising lamang sa buhay pampulitika.

3) Walang suporta para sa Pansamantalang Pamahalaan; ang maliwanag na kasinungalingan ng lahat ng mga pangako nito'y dapat na malinaw, lalo na sa mga may kaugnayan sa pagtalikod sa mga aneksasyon. Ang pagkakalantad sa halip na hindi pinapahintulutan, pag-aanak ng ilusyon ng "pangangailangan" ng pamahalaang ito, isang pamahalaan ng mga kapitalista, ay dapat na mapigilang maging imperyalistang pamahalaan.

4) Pagkilala sa katotohanang sa karamihan ng mga Sobyet ng mga Deputadong Manggagawa na ang ating Partido ay nasa minorya, sa ngayon ay maliit na minorya, laban sa isang bloke ng lahat ng mga petiburges na oportunistang elemento, mula sa mga Populat na Sosyalista at Sosyalista-Rebolusyonaryo sa Komite ng Pag-oorganisa (Chkheidze, Tsereteli, atbp.), Steklov, atbp., atbp., na nagbunga sa impluwensya ng burgesya at kumalat sa impluwensyang iyon sa proletaryado.

Dapat makita ng masa na ang mga Sobyet ng mga Deputadong Manggagawa ang tanging posibleng paraan ng rebolusyonaryong pamahalaan, at samakatuwid ang ating mga tungkulin, hangga't ang pamahalaang ito'y nasa impluwensya ng burgesya, sa kasalukuyan ay isang mahinahon, sistematiko, at paulit-ulit na paliwanag tungkol sa mga pagkakamali ng kanilang mga taktika, paliwanag na espesyal na aangkop sa mga praktikal na pangangailangan ng masa.

Hangga't tayo'y nasa minorya, patuloy tayo sa gawain ng pagpuna at paglalantad ng mga pagkakamali at kasabay niyon ay ipinangangaral natin ang pangangailangang ilipat ang buong kapangyarihan ng estado sa mga Sobyet ng mga Deputadong Manggagawa, upang maigpawan ng mga tao ang kanilang mga pagkakamali sa pamamagitan ng karanasan.

5) Hindi isang parlyamentaryong republika — ang pagbalik sa isang parlyamentaryong republika mula sa Sobyet ng mga Deputadong Manggagawa ay magiging isang pabalik-balik na hakbang — ngunit isang republika ng mga Sobyet ng mga Manggagawa, Manggagawang Bukid at Deputadong Magsasaka sa buong bansa, mula sa itaas hanggang sa ibaba .

Pagtanggal sa pulisya, hukbo at burukrasya. [1]

Ang mga suweldo ng lahat ng mga opisyal, na lahat ay mga elektibo at maaaring palitan sa anumang oras, hindi lalampas sa karaniwang sahod ng isang karampatang manggagawa.

6) Ang bigat ng diin sa programa ng agrikultura upang ilipat sa mga Sobyet ng mga Deputadong Manggagawang Bukid.

Pagkumpiska ng lahat ng lupang tinatangkilik.

Pagsasabansa ng lahat ng lupain sa bansa, ang lupang itatapon ng mga lokal na Sobyet ng Deputadong Manggagawang Bukid at Magsasaka. Ang organisasyon ng mga hiwalay na Sobyet ng mga Mahihirap na Deputadong Magsasaka. Ang pagsasaayos ng isang huwarang sakahan sa bawat malalaking lupain (mula sa sukat mula sa 100 hanggang 300 desyatina, ayon sa mga lokal at iba pang mga kondisyon, at sa mga desisyon ng mga lokal na lupon) sa ilalim ng kontrol ng mga Sobyet ng Deputadong Manggagawang Bukid at para sa pampublikong salaysay.

7) Ang agarang pagsasanib ng lahat ng mga bangko sa bansa sa nag-iisang pambansang bangko, at ang institusyon ng pagkontrol nito sa pamamagitan ng mga Sobyet ng mga Deputadong Manggagawa.

8) Hindi natin agarang tungkulin na "ipakilala" ang sosyalismo, kundi para lamang dalhin ang panlipunang produksyon at pamamahagi ng mga produkto nang sabay-sabay sa ilalim ng kontrol ng mga Sobyet ng mga Deputadong Manggagawa.

9) Mga Tungkulin ng Partido:

(a) Agarang pagpupulong ng isang kongreso ng Partido;

(b) Pagbabago ng Programa ng Partido, pangunahin:

(1) Sa usapin ng imperyalismo at ng imperyalistang digmaan,

(2) Sa ating pananaw tungo sa estado at sa ating pangangailangan para sa isang "komunal na estado" [2];

(3) Susog sa ating naluluma nang minimuma na programa;

(c) Pagbabago ng pangalan ng Partido. [3]

10. Isang bagong Internasyunal.

Dapat nating kunin ang inisyatiba sa paglikha ng isang rebolusyonaryong Internasyunal, isang Internasyunal laban sa mga sosyal-tsobinista at laban sa "Sentro". [4]

Upang maunawaan ng mambabasa kung bakit lalo kong binigyang diin bilang isang pambihirang pagbubukod ang "kaso" ng matapat na mga kalaban, inaanyayahan ko siya na ihambing ang mga nabanggit na mga talata sa sumusunod na pagtutol ni Mr. Goldenberg: Si Lenin, ayon sa kanya, "ang naglagay ng bandila ng digmaang sibil sa gitna ng rebolusyonaryong demokrasya "(na nakasipi sa No. 5 ng Yedinstvo ng Mr Plekhanov).

Hindi ba iyan isang perlas?

Isinulat ko, ipahayag at ipaliwanag nang malinaw: "Dahil sa walang dudang katapatan ng mga malawak na seksyon ng mga naniniwala sa rebolusyonaryong pagdepensa ... dahil sa katunayang nilinlang sila ng burgesya, kinakailangan ito ng may partikular na lubusan, pagsisikap at pagtitiyaga upang ipaliwanag sa kanila ang kamalian nila .... "

Ngunit ang mga burges na ginoo na tinatawag ang kanilang sariling na Sosyal-Demokrata, na hindi kabilang sa malawak na seksyon o sa masang mananampalatay ng pagdepensa, na may payapang kilay na nagpapakita ng aking mga pananaw kaya: "Ang bandila[!] ng digmaang sibil" (kung saan walang isang salita sa tesis at walang isang salita sa aking talumpati!) ay nakatanim (!) "sa gitna [ng] rebolusyonaryong demokrasya ...".

Anong kahulugan nito? Sa anong paraan naiiba ito mula sa mapang-udyok na kaguluhan, mula sa Russkaya Volya?

Isinulat ko, ipahayag at ipaliwanag nang malinaw: "Ang mga Sobyet ng mga Deputadong Manggagawa ang tanging posibleng anyo ng rebolusyonaryong pamahalaan, at samakatuwid ang ating tungkulin ay gawing mahinahon, sistematiko, at paulit-ulit na paliwanag tungkol sa mga pagkakamali ng kanilang mga taktika, paliwanag na espesyal na aangkop sa mga praktikal na pangangailangan ng masa." 

Ngunit ipinahahayag ng mga kalaban ng isang tatak na ang aking mga pananaw bilang panawagan sa "digmaang sibil sa gitna ng rebolusyonaryong demokrasya"!

Tinutuligsa ko ang Pansamantalang Pamahalaan dahil sa hindi na itinalaga ang isang maagang petsa o anupamang petsa, para sa pagpupulong ng Asembliya ng Manghahalal, at para sa pagtatakda ng sarili sa mga pangako. Ikinatwiran ko na kung wala ang mga Sobyet ng mga Deputadong Manggagawa at Sundalo ang pagsasama ng Asembliya ng Manghahalal ay hindi garantisado at imposible ang tagumpay nito.

At ang pagtingin ay maiugnay sa akin na ako ay sumasalungat sa mabilis na pagtitipon ng Asembliya ng Manghahalal!

Gusto kong tawagin itong "pagngangalit", kung hindi itinuro sa akin ng mga dekada ng pakikibakang pampulitika na tanggapin ang katapatan sa mga kalaban bilang isang pambihirang pagbubukod.

Tinawag ni G. Plekhanov sa kanyang papel na ang ang pananalita ko'y "nagngangalit". Napakabuti, Mr. Plekhanov! Ngunit tingnan kung paano nakakahiya, kakatwa at mabagal mong inisip ang iyong mga polemiko. Kung nagbigay ako ng isang nagngangalit na pananalita sa loob ng dalawang oras, bakit hinayaan ng mga dumalong daan-daan ang "pagngangalit" na ito? Dagdag pa, bakit inilaan ng iyong papel ang buong kolum mo sa "pagngangalit"? Pabagu-bago ito, ganap na paiba-iba!

Siyempre, mas madaling manigaw, mang-abuso, at tumangis kaysa pagsubukang mag-ugnay, upang ipaliwanag, upang alalahanin kung ano ang sinabi ni Marx at Engels noong 1871, 1872 at 1875 tungkol sa karanasan ng Komyun ng Paris at kung anong uri ng estado ang kailangan ng proletaryado. [Tingnan: Ang Digmaang Sibil sa Pransya at Pagsisiyasat ng Programa ng Gotha]

Maliwanag na ang dating Marxistang si Plekhanov  ay hindi nagmamalasakit na alalahanin ang Marxismo.

Sinipi ko ang mga pananalita ni Rosa Luxemburg, na noong Agosto 4, 1914, na tinawag ang German Social-Democracy na isang "mabahong bangkay". At ang pakiramdam ng Plekhanovs, Goldenbergs at mga kasama nila ay "nasaktan". Sa kanino? Sa ngalan ng mga tsobinistang Aleman, dahil tinawag silang mga tsobinistang !

Dinala nila ang kanilang sarili sa gulo, silang mga mahihirap Ruso sosyal-tsobinista — mga sosyalista sa salita at mgatsobinista sa gawa.

Mga Tala

[1] s.i.s (sa ibang salita) ang nakatayong hukbo ay mapapalitan ng pag-aarmas ng buong bayan.—Lenin

[2] i.e., isang estado kung saan ang Komyun ng Paris ang tutularan.—Lenin

[3] Sa halip na "Sosyal-Demokrasya", kung saan ipinagkanulo ng mga opisyal na lider sa buong mundo ang sosyalismo at iniwan sa burgesya (ang mga "depensista" at ang "Kautskyista"), dapat nating tawagin ang ating sarili na Partido Komunista.—Lenin

[4] Ang "Sentro" sa pandaigdigang kilusang Sosyal-Demokratiko ang kalakarang nag-uurong-sulong sa pagitan ng tsobinista  (="depensista") at mga internasyunalista, ie, Kautsky at mga kasama sa Alemanya, Longuet at mga kasama sa Pransiya, Chkheidze at mga kasama sa Russia, Turati at mga kasama sa Italya, MacDonald at mga kasama sa Britanya, atbp.—Lenin

Bigas, Hindi Bala

BIGAS, HINDI BALA
(Alay sa ikatlong anibersaryo ng masaker sa Kidapawan, at binasa ng may-akda sa rali sa harap ng Department of Agriculture, Abril 1, 2019.)

Hustisya sa mga magsasakang buhay ay inutas
gayong nagrali lamang dahil sa kawalan ng bigas
Bakit sila pinaslang ng mga alagad ng batas
gayong nais lang nilang dusa't gutom nila'y malutas?

Katarungan sa mga minasaker sa Kidapawan
sa pamilyang nais lang makaalpas sa kagutuman
Nagpapahayag lang sila'y bakit ba sila pinaslang?
Dapat malutas ang kasong ito't huwag matabunan

Bigas, hindi bala, ang sigaw ng mga magsasaka
Hiningi'y bigas, bakit binigay sa kanila'y bala
Kaya isinisigaw namin ay: Hustisya! Hustisya!
Kaya hinihiling din ng masa'y Hustisya! Hustisya!

Bigas, hindi bala! Katarungan! Nawa ito'y dinggin
ng mga nasa poder at problemang ito'y lutasin.

- gregbituinjr.

* Ang rali ay pinangunahan ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), at nilahukan ng SANLAKAS, Oriang, ALMA-QC, Metro Manila Vendors Alliance (MMVA), Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Partido Lakas ng Masa (PLM), LILAK, Piglas-Kababaihan, Alyansa Tigil Mina (ATM), at ang mga magsasaka ng Sicogon Island mula sa grupong Katarungan, na nakakampo sa DENR.
Mga Litrato mula sa facebook page ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ)