Miyerkules, Abril 24, 2019

Paggunita sa ika-39 na anibersaryo ng pagpaslang kay Apo Macliing Dulag.








PAHAYAG
sa ika-39 na anibersaryo ng kamatayan ni Macli-ing Dulag

NOON, NAGKAISA SILANG LABANAN ANG PROYEKTONG CHICO DAM
NGAYON, NAGKAKAISA KAMING LABANAN ANG PROYEKTONG KALIWA DAM

Isang matinding sakripisyo ang inialay ni Macli-ing Dulag nang pangunahan niya ang mga taga-Cordillera sa paglaban sa balak itayo noong Chico River Dam na popondohan ng World Bank. Noong 1974, nais ng rehimeng Marcos na ipatupad ang isang 1,000 megawatt na hydroelectric power project na popondohan ng World Bank, doon sa Chico River. Ang plano'y pagtatayo ng apat na saplad o dam na magpapalubog naman sa maraming barangay. Nasa 100,000 katao ang nananahan sa kahabaan ng nasabing ilog, kasama na ang Barangay Bugnay na tahanan ni Macli-ing Dulag, kung saan mawawalan sila ng tahanan.

Pinagkaisa ng pakikibaka laban sa dam ang rehiyon ng Cordillera. At kinilala ng maraming katutubo si Macli-ing Dulag bilang kanilang tagapagsalita. Hanggang siya'y pinaslang ng mga sundalo noong Abril 24, 1980 sa Tinglayan, Kalinga.

Ngayon, may balak na itayo naman ang Kaliwa Dam sa lalawigan ng Quezon at Rizal na tiyak na magpapalubog sa maraming barangay at bayan doon. Tutol dito ang mga nakatira roon, lalo na ang mga katutubong Dumagat-Remontado. Nais daw itayo ng pamahalaan ang Kaliwa Dam dahil ito raw ang kalutasan ng kawalan ng tubig sa Metro Manila. Subalit ang nakikita nating 
problema'y hindi ang kawalan ng tubig, kundi ang mismanagement o di maayos na pamamahala ng tubig ng Maynilad at Manila Water.

Mayroon ding balak na ituloy ang pagtatayo ng Chico River Dam ngayong panahon ni Duterte na popondohan naman ng Tsina. Kung mangyayari ito'y nililinlang ng pamahalaan ang mga taga-Cordillera at mababalewala ang sakripisyo ni Macli-ing Dulag na ibinuwis ang buhay para sa kanyang mga kababayan. Ang Cordillera Day tuwing Abril 24, na anibersaryo ng kanyang kamatayan, ay bilang paalala sa kanyang kabayanihan.

Isang inspirasyon ang ipinakitang kabayanihan ni Macli-ing Dulag noong kanyang panahon. Inspirasyon sa henerasyon ngayon lalo na sa pakikibaka laban sa pagtatayo ng Kaliwa Dam.

Kung nakaya nila noon na labanan ang pagtatayo ng Chico Dam, magagawa rin iyan ng mga katutubong Dumagat-Remontados sa lalawigan ng Quezon at Rizal, sapagkat buhay at kultura nila ang nakataya.

Kaya ang panawagan namin ngayon: TUTOL ANG MGA KATUTUBO SA KALIWA DAM DAHIL PALULUBUGIN NITO ANG MARAMING BARANGAY AT BAYAN!

Ang nagkakaisa naming tindig: TUTOL KAMI SA KALIWA DAM! 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento