Miyerkules, Mayo 22, 2019

Sa Pandaigdigang Araw ng Saribuhay, Mayo 22, 2019

SA PANDAIGDIGANG ARAW NG SARIBUHAY 
(INTERNATIONAL BIODIVERSITY DAY), MAYO 22, 2019

di ko alam, ngunit dapat ding pag-isipang tunay
marahil kalikasan ay marunong ding malumbay
at ngayong Pandaigdigang Araw ng Saribuhay
sa nangyayari sa kalikasan, tayo'y magnilay

may ulat na balyena'y namatay sa karagatan
at may apatnapung kilong plastik sa kanyang tiyan
may mga munting dolphin ding may gayong kapalaran
bakit nangyayari ito, sinong may kasalanan?

natadtad na ng polusyon ang lupa hanggang bundok
nagkalat din ang mga basurang di nabubulok
dapat magbayad ng malaki ang nagpapausok
dulot ng coal fired power plants na nakasusulasok

ang dagat na'y kayraming upos at single use plastic
kayraming usok ng sasakyan sa ragasang trapik
nauubos na ang kagubatang sa bunga'y hitik
sa nangyayari, tayo pa rin ba'y patumpik-tumpik

sa karagatan nagmumula ang pagkaing isda
at sa bukid nakukuha ang pagkaing sariwa
kung ang saribuhay ay ating binabalewala
magugutom ang mayamang bansang kayraming dukha

sinong sumisira ng kalikasan kundi tao
sinong magtatanggol sa kalikasan kundi tao
sinong kikilos upang mapangalagaan ito
protektahan ang kalikasan, sama-sama tayo

malulutas din ang mga nangyayaring problema
dagat, gubat, lungsod, hangin, bundok, protektahan na
sa Pandaigdigang Araw ng Saribuhay, tara
para sa kalikasan, kumilos na't magkaisa!

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento