A. ANG KPML
Ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lunsod (KPML) ay isang kumpederasyon ng iba’t ibang samahan ng mamamayan sa komunidad na naglalayong buklurin ang mga maralitang lungsod sa isang pananaw, paninindigan at layunin upang maging epektibong pampulitikang pwersa sa pagbabago ng kalagayan ng maralita sa lipunan.
Ang KPML ay isang kumpederasyong may pambansang katangian, kung saan ang mga samahang maralita mula sa iba’t ibang rehiyon, lalawigan, lungsod at bayan, ay maaring maging kasapi. Ito ay nagpapairal ng demokratikong sistema sa loob ng organisasyon kung saan ang mga opisyales ay halal at ang Saligang Batas, Alituntunin (By-Laws), mga resolusyon, mga programa at patakaran ay pinagtibay ng buong kasapian.
Mula sa pambansang punong rehiyon kung saan unang itinayo ng maralita ang KPML, sa kasalukuyan ay may mga balangay at kasaping mga pederasyon at mga lokal na samahan sa Panay-Guimaras, Bacolod, Cebu, Bulacan, Cavite, Rizal, Laguna, Davao, sa kahabaan ng riles, at masigla ang mga ugnayan sa mga samahang maralita sa iba’t ibang probinsya sa Luzon, Mindanao, at Visayas.
B. BILANG PAMPULITIKANG KUMPEDERASYON
Noong panahon ng diktadurang Marcos, ang pakikibaka ng mga maralita ay kalat-kalat at kanya-kanya. Walang sentralisadong pagkilos kung kaya’t mula sa ganitong kalagayan, itinayo ang KPML bilang isang sentrong organisasyong pampulitika ng maralita, upang pagkaisahin at organisahin ang pakikibaka ng maralita sa isang sentralisadong pagkilos, di lamang sa usapin ng pabahay, kabuhayan, serbisyo at mga karapatan, bagkus hanggang sa pakikibaka laban sa kahirapan.
Tumungo ang pakikibakang ito sa pagkakaroon ng pampulitikang kapangyarihan sa hangaring makamit ang isang ganap na pagbabago tungo sa lipunang may pagkakapantay-pantay.
C. KASAYSAYAN NG KPML
Halos kasabay na itinayo ng KPML ang mga samahang Balay Rehabilitation Center (Setyembre 27, 1985) at Families of Victims of Involuntary Disapperance (FIND) noong malagim na panahon ng batas-militar. At nang sumapit ang pag-aalsa ng mamamayan laban sa rehimeng Marcos noong Pebrero 22-25, 1986, nakiisa rito ang mga kasapian ng KPML, kasama ang maraming manggagawa't maralita.
Dalawang buwan matapos ang unang Pag-aalsang Edsa, nakipag-diyalogo noong Abril 10, 1986 ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod, sa pangunguna ng pangulo nitong si Ka Eddie Guazon, kay Pangulong Corazon C. Aquino at humiling ng moratoruym sa demolisyon, at upang magtatag ng isang Presidential Arm on Urban Poor Affairs (PAUPA), na isang ahensya ng pamahalaang tututok sa mga isyu ng maralitang lungsod.
Noong Mayo 30 hanggang Hunyo 2, 1986, isa ang KPML na nagbuo ng National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO) na siyang naghain ng People’s Proposal sa Malacañang. Naglalaman ito ng mga pagsusuri sa mga suliranin ng mga maralitang lungsod, ng kahinaan ng umiiral na proyektong Low Cost Housing at naghain ng alternatibo sa gobyernong Aquino. Nagbunga ang mga konsultasyon at ang sagot ng gobyerno ay ang pagtatayo ng Urban Poor Task Force na sa kalaunan, sa pamamagitan ng EO82, ay itinayo ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) bilang ahenya ng pamahalaan na gagabay sa pagpapatupad ng mga patakaran at implementasyon ng mga programa para sa maralitang lungsod.
Nilagdaan ni Pangulong Aquino noong Disyembre 8, 1986 ang Executive Order Blg. 82 na lumikha sa PCUP bilang ahensyang may mandatong magsilbi bilang direktang ugnayan ng mga maralitang lungsod sa gobyerno sa pagbabalangkas ng patakaran at pagpapatupad ng programang tutugon sa pangangailangan ng mga maralita.
Sampung araw matapos malagdaan ang batas na lumikha ng PCUP, naglunsad ng kongreso ang KPML noong Disyembre 18, 1986, kasama ang iba’t ibang samahang maralita na pinangunahan ng Zone One Tondo Organization (ZOTO), Coalition of Urban Poor Against Poverty (CUPAP) at ng Pagkakaisa ng Mamamayan ng Navotas (PAMANA) at ng iba pang samahang maralita. Lumawak ang KPML bilang sentrong pampulitikang organisasyon ng maralita.
Isinusulong ng KPML ang pakikibaka ng maralita para sa isang lipunang malaya at may pagkakapantay-pantay kasama ng iba pang samahang pangkomunidad. Binibigyang-diin nito ang pakikipaglaban ng maralita sa pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan.
Bagamat nakapagpatayo ng ganitong ahensya para sa maralita, wala ni isa man sa nilalaman ng People’s Proposal ang nakamit, tulad ng ang dapat mamuno rito ay mismong galing sa hanay ng maralita. Walang habas na ipinapatupad ng pamahalaan ang marahas na demolisyon at ebiksyon ng mga maralita. Pagkaraan ng isang taon, nabuwag ang NACUPO at muling pinamunuan ng KPML ang pakikibaka ng maralita.
D. ANG KPML BILANG SOSYALISTANG SENTRO NG MARALITA
Sa kasagsagan ng pakikibaka sa loob ng kilusang masa, kung saan nagkaroon ng debate sa pagitan ng reaffirmist (RA) at rejectionist (RJ), pumanig ang KPML sa mga RJ. Kaya nang muling naglunsad ng ikalawang kongreso ang KPML noong Nobyembre 27, 1994 sa basketball court ng Stella Maris College sa Lungsod Quezon, niyakap na nila at pinagtibay ang sosyalistang oryentasyon ng KPML at ang KPML bilang sosyalistang sentro ng maralita.
Patunay dito'y inilagay mismo ng KPML sa kanilang Konstitusyon sa Artikulo II, Seksyon 4 na: "Bilang sosyalistang organisasyon, itinatakwil ng KPML ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, dahil ito ang pinag-uugatan ng malaganap na kaapihan, kahirapan at pagsasamantala ng tao sa kapwa tao."
PILOSOPIYA NG ORGANISASYON
1. Ang gawain para sa panlipunang pagbabago ay nagsisimula sa sarili
2. Ang paghahanap sa karunungan, indibidwal at panlipunang pagbabago ay isang tuloy-tuloy na proseso
3. Ang maglingkod para sa pagsasakapangyarihan ng mamamayan at ang pakikibaka para sa karapatan ng mga maralita at mga serbisyong kailangan ipagkaloob. Mas gugustuhing makipaglaban para sa pagkakamit ng karapatan kaysa ang tumanggap ng limos.
4. Ang isang responsableng lider ay naglilingkod ng tapat sa organisasyon.
5. Ang pagbibigay-halaga sa gawain ng organisasyon at tungkulin sa pamilya ay hindi magkahiwalay.
6. Ang katotohanan at katarungan ang siyang kakatawan sa organisasyon
7. Ang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga maralita ang siyang magtutulak sa organisasyon upang magpatuloy at magtagumpay.
8. Ang banta at panganib ay bahagi ng buhay ng mga maralitang lungsod.
Pangarap ng KPML ang isang lipunang may kaunlaran, na ang mamamayan ay may pampulitika at pang-ekonomiyang kapangyarihan, may katarungan at tunay na demokrasya, pagkapantay-pantay sa karapatan at kasarian, malusog na kalikasan, at maayos na kapaligiran
Isang pambansang organisasyon ng mga maralita na kinikilalang nangunguna at tumitindig sa kapakanan ng mamamayan na may malakas na impluwensyang pampulitika at may programang pangkabuhayan na nagtataguyod ng maayos na serbisyong panlipunan.
MISYON
Maging isang pampulitika at pang-ekonomiyang sentro na namumuno para sa karapatan at kaunlaran ng mga maralita sa pamamagitan ng mga programang magbibigay at magtitiyak ng mga serbisyong panlipunan sa kanyang sektor.
MGA HANGARIN
HANGARING PAMPULITIKA
Pagbubuo ng isang malakas na kilusang maralita para sa pag-establisa ng kapangyarihang pampulitika
HANGARING PANGSOSYO-EKONOMIKO
Kamtin ang pagtindig sa sariling lakas at pagsusulong ng pag-angat ng kabuhayan, pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan, at pagkkaroon ng pang-ekonomiyang kaunlaran na may pagsasaalang-alang, at pagkapantay-pantay ng kasarian.
HANGARING PANG-ORGANISASYON
Mapagana, mapalakas at mapakilos ang sariling dinamismo ng sentrong nasyonal, mga rehiyon, pederasyon, tsapter at lokal na samahan bilang pampulitika at pang-ekonomiyang organisasyon ng mga maralita.