Biyernes, Pebrero 7, 2020

Pebrero 6 - kamatayan ng bayaning Ka Popoy Lagman at ng berdugong Heneral Emilio Aguinaldo

PEBRERO 6 - KAMATAYAN NG BAYANING KA POPOY LAGMAN
AT NG BERDUGONG HENERAL EMILIO AGUINALDO

Taun-taon ay patuloy ang paggunita ng iba't ibang unyon, manggagawa, maralita, at aktibista sa anibersaryo ng kamatayan ni Filemon "Ka Popoy" Lagman. Taun-taon ay nag-oorganisa ng programa upang daluhan ng mga manggagawa ang isang paggunita at parangal sa dating tagapangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Taun-taon ay nag-aalay ng bulaklak ang pamilya ni Ka Popoy, at ang maraming unyon ng mga manggagawa, kabilang man o hindi sa BMP.

Sa ganitong panahon din ay wala tayong naririnig na paggunita sa kamatayan ni dating heneral at pangulong Emilio Aguinaldo. Si Aguinaldong nag-atas ng kamatayan ng dalawang bayaning sina Gat Andres Bonifacio at Heneral Antonio Luna. Si Aguinaldong hindi ginugunita ang kapanganakan at kamatayan dahil sa naging papel nito sa pagkapaslang sa dalawang kilalang bayani ng kasaysayan. Gayunman, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Presidential Proclamation Blg. 621 na dineklara ang Marso 22, 2019, kasabay ng ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ni Aguinaldo, bilang "Emilio Aguinaldo Day".

Si Ka Popoy Lagman ay pinaslang sa gulang na 47 noong Pebrero 6, 2001, habang si Emilio Aguinaldo ay namatay sa edad na 94 noong Pebrero 6, 1964.

Si Ka Popoy Lagman ay patraydor na pinaslang sa Bahay ng Alumni sa UP Diliman. Si Emilio Aguinaldo ay nag-atas ng pagpaslang sa dalawang bayani ng ating kasaysayan.

Dalawang kilala kong Pilipino sa kasaysayan. Ang isa'y naglingkod sa manggagawa at nagtanggol ng manggagawang Pilipino. Ang isa'y naglingkod sa burgesya at kalaban ng kilalang manggagawa sa kasaysayan - si Gat Andres Bonifacio. Kaya noong Sentenaryo 1998, nang pinagdidikit ang mukha ng tatlong kilalang tao sa kasayayan ng bansa - dalawang bayaning sina Gat Jose Rizal at Gat Andres Bonifacio, at si Heneral Aguinaldo, napapatanga na lang ako sa loob ng sinehan, dahil bakit pinagdidikit ang tatlong mukha gayong ang isa ang siyang nagpapatay sa isa. May mali subalit hindi tayo makapagprotestang mag-isa.

Magkagayunpaman, magkapareho man ng petsa ng kamatayan nina Ka Popoy at Heneral Aguinaldo, mas nananaig ang paggunita sa kamatayan ni Ka Popoy Lagman kaysa sa kamatayan ng isang Emilio Aguinaldo.

May ilan akong kilalang makatang namatay din ng Pebrero 6. Ang makatang si Ruben Dario ng Nicaragua, na isa sa paborito kong makata sa daigdig, ay namatay noong Pebrero 6, 1916, sa gulang na 49. Di kalayuan sa edad ni Ka Popoy na namatay sa gulang na 47. Ang kanyang tulang "A Roosevelt" noong 1905, kanyang pinuna ang imperyalismo ng Amerika na direktang tinukoy si Pangulong Theodore Roosevelt.

Ang makatang Amerikano namang si Maxine Kumin ay namatay noong Pebrero 6, 2014 sa gulang na 88. Siya ang kinilalang Poet Laureate ng Amerika noong 1981-1982. Habang ang makatang Amerikanong si James Merill, na nagwagi ng Pulitzer Prize noong 1977, ay namatay noong Pebrero 6, 1995, sa gulang na 68.

Naalala ko lang ang Pebrero 6, pagkat ito ang petsang pumasok ako bilang manggagawa ng tatlong taon sa isang kumpanya sa Alabang, bilang machine operator, sa gulang na 20. At nag-resign ako bilang regular na manggagawa sa kumpanyang iyon matapos ang tatlong taon upang mag-aral muli, at eksaktong Pebrero 6 din nang ibinigay ko ang aking resignation paper.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento