TULA SA ARAW NG PAGGAWA 2021
ako'y kaisa't kasama sa panawagang ito
di lang patalsikin ang rehimen kundi ang loko
di lang basta loko, kundi bu-ang at siraulo
na pulos pamamaslang ang naidulot sa tao
wala ring paggalang sa kapwa, tingin ay ignorante
ang mga organisador ng community pantry
dapat lamang patalsikin ang rehimeng Dutete
tingin ng masa'y di na niya kaya, walang silbi
subalit tingin ko ang masa'y nagpapasensya lang
sa pangulong ama ng tokhang, pagpatay, pagpaslang
lalo't kung anu-anong sinasabi, parang bu-ang
pati nga community pantry'y di na iginalang
kayraming pinangako, umasa ang masa noon
lalabanan daw ang Tsina, bago pa mag-eleksyon
sa unang taon, tanggal daw ang kontraktwalisasyon
ngunit kapitalista pala'y kanyang panginoon
ilang libo ang pinaslang, unang taon ginawa
anang ulat, napatay pa'y higit sandaang bata
kinaibigan ang Tsina kaya walang magawa
kahit inaagaw na ang teritoryo ng bansa
kaya panawagan ng manggagawa'y tama lamang
na sinigaw sa Araw ng Paggawang Daigdigan
patalsikin ang pangulong walang paninindigan
itayo ang gobyerno ng obrero't sambayanan
- gregoriovbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento