Huwebes, Enero 8, 2026

Sa pumasang 5,594 sa bar exam, KATARUNGAN KAYA'Y MAKAKAMIT NA?

Sa pumasang 5,594 sa bar exam, KATARUNGAN KAYA'Y MAKAKAMIT NA?

"At ang hustisya ay para lang sa mayaman..." - mula sa awiting Tatsulok ng Buklod

ang nakapasá pala'y higit limang libo
sa bar exam, aba, ibig sabihin nito
may higit limang libong bagong abogado
bagong tagapagtanggol sa mga may kaso

ibig sabihin ba, kakamtin na ang hustisya?
ng mga may asam nito? mga biktima?
ng mga walang prosesong gawâ sa masa?
kayraming abogado, hustisya! hustisya!

ipagtatanggol ba nila'y ang maliliit?
na hustisya'y ipinaglalabang makamit
batas at hustisya ba sa gitna'y may guhit?
na kinakampihan lang ay mapera't elit

higit limang libo'y pumasa sa bar exam
habang laksang obrero't dukha'y nagdaramdam
pagkat kay-ilap ng asam na katarungan
sa bagong pasa, hustisya ba'y makakamtan?

bagong abogado'y kanino maglilingkod?
sa mga uring api o sa korporasyon?
tagapagtanggol ba ng mga nasasangkot?
sa ghost flood control, sa kawatan at kurakot?

- gregoriovbituinjr.
01.08.2026

* ulat mulâ sa pahayagang Tempo, Enero 8, 2026, p.1 and 3

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento