Biyernes, Pebrero 2, 2018

Pagtatanghal pangkultura sa CHR

May munting konsyerto sa CHR Ugnayan Garden kaninang 5pm-8:30pm, hinggil sa ika-31 anibersaryo ng Saligang Batas, Pebrero 2, 2018. At nanawagan sila ng mga performer. Isa ako sa mga tumugon, bumigkas ng tula at umawit, kasama ang ilang makata ng KM64, makatang Pia Montalban, Bong Dela Torre, Teatrong Bayan, at bandang Resolution 2017. May mga naghandog din ng awit, at pananalita mula kay CHR Chair Chito Gascon. Narito ang aking itinula sa CHR:

LALAKI MAN AY TINIG DIN NG KABABAIHAN

lalaki man kami'y tinig din ng kababaihan
kung ako'y haligi, asawa'y ilaw ng tahanan
dapat lamang ipagtanggol ang bawat kasarian
aba'y tingni ang nasa Kartilya ng Katipunan

kaya pagbibirong apatnapu't dalawang birhen
ang sa banyaga'y pasalubong at dapat maangkin
ay di katanggap-tanggap, kahit pagbibiro man din
ang mga kababaihan ay di dapat bastusin

dapat maging tinig din ng babae ang lalaki
pagkat noong nanliligaw pa lang sa binibini
ay binigkas na ng puso ang pagsintang kaylaki
kaya puri ng babae'y ipagtatanggol dini

baliw man ang hari ay hari pa ring naghahari
may tatalima pa rin sa utos na di mabali
ngunit ang hari'y di bathalang di maduduhagi
babagsak din siya sa gawaing kamuhi-muhi

- gregbituinjr.

Paanyayang may magandang selyo ni Marx

Ang ganda ng stamp ng isang imbitasyon sa akin. Karl Marx, kasabay ng taon ng ika-200 kaarawan ni Karl Marx sa Mayo 5, 2018. Maraming salamat po sa imbitasyon.

Huwebes, Pebrero 1, 2018

Pope Francis' prayer for countering fake news, translated from English to Filipino language

Pope Francis' prayer for countering fake news,
translated from English to Filipino language
by Gregorio V. Bituin Jr.

Lunes, Enero 29, 2018

"Mga Patay na Bituin" ni Paz Marquez Benitez

Saan kaya ako makakabili ng librong "Mga Patay na Bituin" ni Paz Marquez Benitez? Akala ko, Latin American writer siya, na marahil ay may kaugnayan kay Nobel Prize winner Gabriel Garcia Marquez. Hindi pala. Isa pala siyang Pinay. Isang kilalang Filipino writer in English. na may katha ng short story na "Dead Stars", na isinalin naman sa wikang Filipino ng di ko pa nakikilalang tagasalin.

Kuha ang litrato sa fb ng isang makata.

Huwebes, Enero 25, 2018

Pa-selfie sa malaking banner ng karapatang pantao

Kuha sa UP Diliman, nang habang naglalakad ay makita ko ang malaking banner na iyon malapit sa College of Education, 25 Enero 2018. Aba'y sadyang napakahalaga ng panawagang iyon, kaya sinamantala ko ang pagkakataon. Pa-selfie-selfie din pag may time.

Biyernes, Enero 19, 2018

Diktadura sa Bagong Konstitusyon

Tingni. Pag naisabatas na ang Federal na Konstitusyon, tanggal na ang Senado at ang Mababang Kapulungan, at si Digong na ang gagawa ng mga batas. (Article 18, Transitory Provision, Section 6 ng proposed Constitution ng Federal Republic of the Philippines, Resolution of Both Houses No. 08.)

All Power to Digong na ito! Sagad-sagaring diktadura na ito, tulad ng kay Macoy noon.

DIKTADURA SA BAGONG KONSTITUSYON

totoo nga, change is coming, bagong sistema
pagpaslang sa dukhang kawawa, pagmumura
at ngayon, Konstitusyon ang dinidistrungka
nanganganib nga bang muli ang demokrasya?

lulusawin na ang Senado at Batasan
gagawa ng batas ay pangulo na lamang
"petmalu" talaga ang "lodi" nitong bayan
lalo na't "werpa" ay pinakatatanganan

perpektong lipunan daw ang kanilang nais
kaya ang masa sa pagbabago'y magtiis
uunlad naman daw tayong walang kaparis
habang pagbutas sa batas ay kinikinis

mananatili ka na lang bang isang miron
o sasakay ka na lang sa layag ng alon
magsuri't magmasid sa nangyayari ngayon
at agad ding kumilos kung di ka sang-ayon

- gregbituinjr./011918

Miyerkules, Enero 17, 2018

Ayaw sa salitang makatarungan, makatao?

Tingnan nyo po ang mungkahi ng mga mambabatas na pagbabago sa Konstitusyong 1987. Sa Preambulo pa lang ay pinalitan na ang "to build a JUST AND HUMANE society and establish a Government" ng "to build a MORE PERFECT SOCIETY and establish a FEDERAL FORM OF GOVERNMENT". Nandidiri ba sila sa salitang "JUST AND HUMANE", lalo na ngayong ang pangulo ay may bukambibig na "Kill, kill, kill, papatayin ko kayo" at kayrami nang napapaslang?

AYAW SA SALITANG MAKATARUNGAN, MAKATAO?

ah, ano nang nangyayari sa bansa nating ito
ang Saligang Batas na'y binubutas bang totoo?
tingni yaong binabago doon sa Preambulo
ayaw sa salitang makatarungan, makatao?

"to build a just ang humane society" ang nakasulat
doon sa Preambulo, subalit mungkahing sukat:
"to build a more perfect society" na umano dapat
at federalismong gobyerno na para sa lahat

ano nga ba ang sinasabing perpektong lipunan?
yaon bang wala nang mahihirap at mayayaman?
yaon bang walang pribadong pag-aari sa bayan?
wala na bang pagsasamantala sa mamamayan?

bakit wawalain ang makatao at hustisya?
ito ba'y kamatayan na nga ba ng demokrasya?
pag ipinilit, ito ba'y pasismo? diktadura?
dapat suriin at pag-isipan ito ng masa

- gregbituinjr/011718



Martes, Enero 16, 2018

Pagdalaw sa Liwasang Balagtas

Umalis ako ng QC kaninang bandang 10:30 am, at nagtungo sa Archdiocesan Ministry for Labor Concern (AMLC) sa Caritas sa Pandacan, Maynila upang magdala ng liham, subalit walang tao. Sabi ng guard, baka kumain. Alas-dose na pala ng tanghali. Kaya nagtungo muna ako sa Liwasang Balagtas, mga limang minutong lakaran lang mula sa Caritas. At ito ang ilan kong kuha sa rebulto ni Balagtas, habang suot ang tshirt ng grupong KAUSAP (Kapatirang Umuugnay sa Sining at Panitikan). Ala-una ng hapon ay nakabalik na ako ng Caritas at napa-receive ko na ang liham na dala ko. - gregbituinjr., 16 Enero 2018

Lunes, Enero 8, 2018

Pagtula sa Sining Kamalig

Kaarawan ng sinta kong si Libay nang araw na iyon, Enero 6, 2018, at may aktibidad naman ang grupo kong Bantayog Initiative sa lugar na tinawag na Sining Kamalig na nasa ikalawang palapag ng Ali Mall sa Cubao sa Lungsod Quezon. Isinama ko siya sa aktibidad na ito.

Ang nasabing aktibidad, na tinawag na Sining Tagpuan, ay kolaborasyon ng Banta 2017, kung saan naka-displey ang kanilang mga painting, at ng aming grupong Bantayog Initiative. Dumalo ang maraming estudyante at mga may hilig sa sining.

Inumpisahan ni Manu ng Bantayog Initiative ang programa sa pamamagitan ng isang awit. At kasundo nito'y nagpakilanlanan ang bawat isa, habang sinasambit din nila kung anong sining ang kanilang kinahiligang gawin. Matapos ang pagpapakilanlanan ay tinalakay naman ng mga nagpinta ang kanilang mga ginawa, ipinaliwanag ang mga konsepto at ang diwa sa kaibutiran ng kanilang likhang sining. Sa gitna ay naroon ang replika ng isang patay na taong tinakpan ng dyaryo, o yaong pinaslang.

Kapansin-pansin na ang tema ng aktibidad ay hinggil sa mga nagaganap na patayan sa panahong ito, yaong extrajudicial killings o tokbang (toktok, bang! bang). Kaya ang mga painting na naka-display ay pawang tungkol sa pagpaslang. Kaya doon ko ibinatay ang tulang aking binasa. At ito ang aking itinula:

SA MGA NAGLALAWAY SA DUGO NG KAPWA

akala nila, makatarungan ang pamamaslang
magiging kriminal naman daw ang sugapang halang
at makakatulog ng mahimbing ang mamamayan
pag wala nang sugapang banta sa kinabukasan

akala nila, bayani sila pag pumapatay
tamang proseso ng batas ay balewalang tunay
"bayani" silang sa dugo ng kapwa'y naglalaway
kapayapaan daw ng bayan ang kanilang alay

akala nila, krimen ay agad nilang napigil
kahit wala pang nagagawa ang sugapang sutil
wala pang krimen, dukha'y tututukan na ng baril
sira na raw ang utak kaya agad kinikitil

akala nila, dapat walang kara-karapatan
dahil daw ang karapatan ay sagabal sa bayan
akala nila, pagpaslang ay tungong kaunlaran
payapa ang negosyo, buhay man ay paglaruan

sino silang basta kukuha ng buhay ng tao?
sino silang naglalaway sa dugo ng kapwa mo?
budhi ba nila'y payapa't bayani ngang totoo?
para sa bayan nga ba ang pagpaslang ng berdugo?

ang ginagawa nila'y karumal-dumal ding krimen
bayani sa sarili, ngunit sa madla'y salarin
mananagot sila, budhi nila'y mang-uusig din
kriminal din pala sila'y di nila akalain

- gregbituinjr.







Martes, Enero 2, 2018

Ang Bundok Tapusi sa Kasaysayan

ANG BUNDOK TAPUSI SA KASAYSAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nababanggit ang Bundok Tapusi sa bayan ng Montalban sa lalawigan ng Rizal sa ilang aklat pangkasaysayan. Ito'y dahil na rin naroroon ang Yungib Pamitinan na pinaglunggaan nina Gat Andres Bonifacio at ng mga Katipunero noong panahon ng Himagsikan.

Ilang ulit na rin akong nakapunta sa Yungib ng Pamitinan sa Bundok Tapusi, dahil na rin sa ilang aktibidad na pangkasaysayan, lalo na sa grupong Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan). Ang mahalagang karanasan ko sa pagtungo roon ay noong Mayo 10, 1997, kasabay ng sentenaryo ng pagpaslang kay Gat Andres Bonifacio, ay isinagawa sa Yungib Pamitinan ang simbolikong paglilibing sa kanya. Ang huli kong pagdalaw roon ay isang araw matapos ang Halalan 2016, na ika-119 anibersaryo ng kamatayan ng bayani. Nagkita-kita kami ng ilang kasama sa Kamalaysayan.

Sa pulong ng Kamalaysayan nitong Disyembre 29, 2017, sa Masinag sa Antipolo, Rizal, sinabi ng isang kasama sa Kamalaysayan na ang pangalang Tapusi ay sinaliksik ng isang banyaga na di ko matandaan ang pangalan, at palagay niya'y galing ito sa wikang Italyano o Aleman.

Subalit nabanggit ko sa kanya na sa wari ko, ang Tapusi ay salitang taal sa atin, salitang lalawiganing Tagalog, lalo na't sakop ng Katagalugan ang Bundok Tapusi. Sa lalawigan ng aking ama sa Batangas ay ganito ang naririnig kong salitaan:

Buksi - na ibig sabihin ay Buksan mo. Buksi are, o buksan mo ito. Ang "ito" ng Maynila ay "are" sa Batangas.

Sarhi - Isara mo. 

Tapusi - Tapusin mo.

Palui - Paluin mo, halimbawa, ang aso.

Lutui - Lutuin mo.

Sipai - Sipain mo.

Suntuki - Suntukin mo.

Sig-angi - Isig-ang mo.

Prituhi - Iprito mo.

Lagye - Lagyan mo.

Parne - Parito ka, o Halika.

Pagarne - Paganito.

Dalhi are sa tuklong - Dalhin mo ito sa kapilya.

Butasi ang tibuyo - Butasin mo na ang alkansya (dahil puno na ng barya).

Tulad ng ibang wika, may paraan ng pagsasalita o balarila ang mga Batangenyo, tulad ng inilarawan sa itaas. Tulad ng ibang alamat ng lugar, ang maraming pangalan ng lugar ay mula sa pagkaunawa ng mga Kastila nang tinanong nila ang mga katutubo kung anong pangalan ng lugar. Halimbawa, ang Calamba sa Laguna, na sinilangan ni Gat Jose Rizal, ay mula sa salitang Kastilang "Caramba" ayon sa isang alamat.

Marahil, isang Batangenyo ang nagpapatrabaho sa araruhan o halimbawa'y gilingan, o niyugan, malapit sa nasabing bundok. May dumating na Kastila at tinanong ang mga tao roon kung ano ang pangalan ng bundok na iyon. Ngunit di sila halos magkaunawaan sa wika. Subalit nang makita ng tinanong na nagsitigil sa paggawa ang kanyang mga trabahador ay sinabi niyang "Tapusi" na ibig sabihin ay tapusin nyo ang trabaho. At ang salitang "Tapusi" ang sinulat ng mga Kastila na pangalan ng bundok.

Sinasabing ito rin ang bundok na kinakulungan ng higanteng si Bernardo Carpio, ayon sa isang kwentong bayan.

Sampaloc, Maynila
Enero 2, 2018


Sina Michael Merbida, Rosabella Fernandez, at Greg Bituin Jr., mga kasapi ng Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan) nang sila'y dumalaw sa Bundok Tapusi, sa Wawa sa Montalban, Rizal, sa ika-119 anibersaryo ng kamatayan ni Gat Andres Bonifacio, Mayo 10, 2016.

Sabado, Disyembre 30, 2017

Effigy ni Gat Andres Bonifacio sa tanggapan ng BMP

Dapat nating igalang ang imahe ng ating mga bayani, at ilagay sila sa tamang kalalagyan. Ang effigy ni Gat Andres Bonifacio ay nakatambak lang sa balkonahe ng tanggapan ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), hindi tamang naroroon lamang siya, na tulad ng pagkakatali sa puno ng rebulto ni Gat Andres nang tinanggal ang kanyang rebulto sa Makati nitong Nobyembre lamang upang bigyang daan ang proyektong roadwidening ng DPWH. 

Nais nating mailagay sa anumang museyo ang effigy ni Gat Andres, na ginamit noong Nobyembre 30, 2017. Nais naming iambag ang imaheng ito ni Bonifacio saanmang museyong pangkasaysayan o tanggapan ng anumang history group kung saan kagalang-galang naman siyang tingnan, dahil siya'y ating bayani. Mangyaring kumontak lang sa amin sa BMP kung saan maaaring i-donate ang effigy niyang ito. Maraming salamat po.

- gregbituinjr.

Martes, Disyembre 26, 2017

Mga Dapat Gawin matapos ang PASIMBA 14

Maraming salamat at naka-graduate na rin sa pitong-buwang PASIMBA (Paralegal ng Simbahan, Manggagawa at Bayan) sa Caritas, Manila. Haharapin na ang 2018 na may panibagong papel na gagampanan. Hindi na bilang aktibista lamang kundi isang paralegal ng labor at urban poor. 

Mga Dapat Gawin: (1) Tapusin ang modyul hinggil sa Workers Right, paramihin kasabay ng modyul ng Karapatan sa Pabahay, at ituro sa mga manggagawa at maralita.

(2) Mag-training na sa paghahawak ng kaso sa labor. Maaaring makatulong sa SUPER Federation, Metro East Labor Federation, at sa pinagtapusan kong Archdiocesan Ministry for Labor Concerns (AMLC) sa Caritas, Manila.

(3) Rebyuhin ang lahat ng mga napag-aralan sa seven-months labor paralegal training.

(4) Magpatuloy sa paglilingkod sa uring manggagawa.

(5) Maghawak na ng kaso ng mga manggagawa.

Maraming salamat sa lahat ng mga tumulong at naging inspirasyon upang ako'y makatapos. Mabuhay kayo! Kita-kits next month, January 2018. 

Mapagpalayang Pasko at Manigong Bagong Taon sa inyong lahat!

- gregbituinjr.

Lunes, Disyembre 11, 2017

Human Rights Walk 2017, mula CHR hanggang Mendiola

Human Rights Walk 2017 Disyembre 10, 2017, araw ng Linggo. Nagising ako kong ika-5 ng umaga, at agad na naghanda para sa paglalakad. Ika-5:45 ay naroon na ako sa CHR, sa tapat ng rebulto ni Ka Pepe Diokno sa CHR. Wala pa ang rebulto ni Ka Pepe noong nakaraang taon, kundi signboard ng CHR. Binuwag na ang pader at ang signboard, subalit sa mismong tapat na ng rebulto ako naghintay. Di makararating si Ron Solis na nakasama ko last year, at kasama ko rin sa Climate walk, dahil nasa Baguio siya. Wala nang ibang nag-confirm, kaya sinimulan ko na ang paglalakad ng bandang 6:10 am mula sa rebulto. Binaybay ko ang circle, at ang kahabaan ng Quezon Avenue. Nakarating ako ng Welcome Rotonda bandang ika-8:25 am, kung saan naroroon na rin ang IDefend. Last year ay sumalubong pa si Alan Silayan, kasama rin sa Climate Walk, bago mag-Welcome. Nagkaroon ng munting programa sa Welcome at isa ako sa pinagsalita. Sinabi kong ang Human Rights Walk ay isa ring adbokasya, tulad ng ginawa namin noon sa Climate Walk noong 2014 na paglalakad mula Luneta hanggang Tacloban mula Oktubre 2, 2014 hanggang Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng naganap na bagyong Yolanda. Ikasiyam ng umaga ay nagmartsa na kami patungong Mendiola. Habang naglalakas ay nakilala ko si Mam Silvia Umbac ng CHR na tumulong humawak ng tarp na aking dala. At kakilala rin pala niya ang kaibigan kong nasa CHR na rin, si Dado Sta. Ana, na kasama ko sa history group na Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan). Nakarating kami sa Mendiola ng bandang ika-11 ng umaga dahil hinintay pa naming matapos ang ibang grupong naunang magprograma roon. Madagundong ang hiyaw ng mga kasama, "Karapatan, Hindi Karahasan!" "Kabuhayan, Hindi Patayan!" "Yes to Life, No to EJK!" Alas-dose ay kailangan ko nang umalis bagamat di pa tapos ang programa upang dumalo sa klase ko sa labor paralegal. - greg