Linggo, Mayo 29, 2011

Kung ako'y mag-aasawa

KUNG AKO'Y MAG-AASAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kung ako'y mag-aasawa, nais kong isang dalagang maganda ang aking makapiling habambuhay. Oo, iyon ang unang batayan, ang siya'y maganda sa aking paningin. Ikalawa lamang ang puso o kalooban. Bakit nga ba gayon?

Maganda, hindi man siya mahinhin, at ang mga mata'y nangungusap. Oo, mata agad ang una kong tinitingnan, bago pa ang kanyang labing kaysarap hagkan o ang kanyang bilugang mukhang kaysarap pagmasdan. Maganda at tila isang diwatang sinasamba. Isang mutyang kaysarap ihatid sa altar. Isang dilag na hindi ko pagsasawaang titigan, halik-halikan, lambing-lambingin at yapus-yapusin kahit kami'y matatanda na.

Maganda, kahit barako ang tindig, na animo'y amasonang may hawak na armalayt, at kasama sa prinsipyo't paninindigan upang paglingkuran ang bayan at mulatin ang uring manggagawa sa kanilang mapagpalayang papel sa lipunan. Magandang amasonang nakakakilig.

Maganda, kahit na masungit, basta kyut ang dating. Isang natural na ganda na hindi dinaan sa anumang kolorete. Maaari namang magbago ang ugali ng tao, subalit hindi ang mukha, maliban na lang ngayong matindi na ang teknolohiya ng pagpapaganda.

Maganda, kahit hindi na birhen. Kung ano man ang kanyang pinagdaanan ay aking tatanggapin, kahit siya man ay may anak na. Ika nga sa isang awit, "Maging Sino Ka Man".

Maganda, subalit ayaw ko ng Maria Clara. Mas mabuti pa ang isang babaeng tulad nina Gabriela Silang, ni Oriang na Lakambini ng Katipunan, o nina Liliosa, Liza, at Lorena na nasa awiting “Babae”. Maganda, palaban, may prinsipyo para sa bayan. Hindi makasarili.

Marami rin akong niligawan noon, at marami rin naman akong naramdamang tila nagkakagusto sa akin. Iyon nga lang, torpe ako. Hindi basta makapagsalita sa babaeng nililigawan. Ilang beses ko iyong napatunayan sa aking sarili. Kaya marahil umabot ako sa ganitong edad. Isang matandang binatang tila nabinat na sa kahahanap ng forever, ng pagsintang animo'y walang kamatayan. Tila ba napipipi at animo'y tuod pag kaharap ang mutyang nililiyag ng puso. Gayong pag hindi ko naman nililigawan ay para lang kaming magkaibigan at ako ang makwento.

Minsan nga, habang nag-uusap kami ng aking nililigawan, bigla na lang akong tumayo at nagpaalam, dahil iba na pala ang nasa takbo ng aking utak. Kaya sabi agad ng babae, "Sandali, may ikinukwento pa ako. Bakit bigla kang aalis." Iyan marahil ang sakit ng tulad kong manunulat at makata, laging nananaginip ng gising.

Si Lani Matira mula sa Batangas ay nagkaasawa na ng foreigner. Si Aiza at si Amabelle na katrabaho ko noon, ang magandang si Liwayway Cortez, si Jean na kasama ko sa publikasyon. Si Tess Dioquino na Pinay na nakilala ko sa Japan, na ang aming litrato'y matagal na nakadispley sa aming bahay. Ang haponesang una kong nakaniig sa lungsod ng Hanamaki. Si Pia na isang makata, na nakahahalina ang dating at isa ring aktibista. Si Liberty na talagang kyut ang dating at kasama sa maraming organisasyon, tulad ng pangkasaysayan at pangkalikasan. Si Jenevive na isang lider-manggagawa, at tinagurian kong Bulaklak ng Blumentritt, na pamagat ng isa kong tula sa kanya.

Si Michelle na biyuda ng isa naming lider sa organisasyon. Si Judy na dalawang beses kong nakasamang nabugbog sa rali at dati kong kolektibo. Si Malou na kababata ko ay matagal nang nasa Amerika at marahil ay nag-asawa na. Si Lourdes na kaklase ko ng elementarya'y may asawa na rin. 

Si Fides ay dalaga pa rin nang mag-reunion kaming magkakaklase sa elementarya, tatlumpung taon na ang nakalipas nang grumadweyt kami. Sa edad niyang 43, at gayon din ako, ay dalagang-dalaga pa rin siya't sobrang ganda niya sa aking paningin. Isang Miss Universe na karapat-dapat sambahin. Kaya marami akong inialay na tula sa kanya, at ginawan ko pa iyon ng blog sa internet.

Si Ditas na taga-Pepin at kababata ko rin ay binalak kong ligawan. Nasa high school ako noon. Ngunit diyaheng ligawan, dahil nililigawan ng kuya niya ang ate ko. Ang kuya niya ay lider namin sa isang munting samahan, kaya pag pupuntahan ko ang kuya niya, minsan ay si Ditas ang nagbubukas ng pinto. Ang ganda-ganda niya.

Sa kilusan, pinakilig ako nina alyas Alex at alyas Veron. Si alyas Marielle ay nasa ibang kilusan na napunta. May ilan pang babaeng hindi ko na matandaan ang pangalan, subalit naging crush ko rin. O marahil hindi na dapat ilagay ang kanilang pangalan dito dahil sa mga karanasang hindi na dapat mabanggit. Gayunpaman, bahagi pa rin sila ng aking buhay pag-ibig.

Kung ako'y mag-aasawa, nais kong tanggapin ako ng aking mapapangasawa kung ano ako, kung ano na ang naabot ko, kung ano ang mga pangarap ko, lalo na sa usaping pulitika't ideyolohiya, kahit hindi niya iyon yakapin.

Kung ako'y mag-aasawa, nais kong unawain niya ako, ang pagiging mapangarapin ko ng gising, dahil pakiramdam ko'y lagi akong kumakatha pag may nakikita at napupuna akong dapat itula.

Kung ako'y mag-aasawa, nais ko siyang pakasalan sa isang simple at hindi marangyang kasalan. Dahil hindi naman ako mayaman sa pananalapi, bagamat mayaman sa taludtod at saknong na kinakatha. Kung posible'y wala pang sampung tao ang nasa kasalang iyon: kaming dalawa, ang magkakasal, nanay at tatay namin, at tig-isang ninong at ninang.

Kung ako'y mag-aasawa, nais kong samahan din niya ako sa aking mga pakikibaka tungo sa isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Nais kong buong puso akong suportahan ng aking mapapangasawa sa lahat kong gawain, tulad ng balak kong pagsusulat ng nobela, paglalathala ng mga aklat, sa mga gawaing pananaliksik at pagsasalin, at sa mga gawaing pampanitikan at pangkultura.

At kung kami'y mag-asawa na, nais kong tanggapin niya ako kung sakaling itira ko siya sa aking munting dampa, at hindi sa isang kaharian, pagkat ang munting dampang iyon ay isang paraiso na aming bubuuin para sa aming magiging mga anak. 

At kung kami'y mag-asawa na, magsisipag akong lalo, sa trabaho at pati na sa gawaing bahay. Tulung-tulong kaming mag-asawa upang tunay na mabuo ang pamilya.

Kung sakali mang hindi siya magbuntis agad, magsasayaw kami sa Obando, Bulacan, doon sa imahen ni Santa Clara. Pagbabakasakali, kahit labag sa diyalektiko. Si Santa Clara ang pinaniniwalaang patron ng mga babaeng hindi magkaanak upang magbuntis. Ang maranasan ko lang ito'y malaking bagay na rin dahil tiyak na makagagawa ako ng ilang tula at sanaysay hinggil sa aming pagsasayaw sa Obando. 

Nawa'y kayanin ng magiging asawa ko ang magbuntis ng limang beses kung walang kambal, na ibig sabihin ay limang anak. Subalit kung isa lang ang kaya, isa lang ang anak na bubusugin namin sa pagmamahal.

Magaling ako, at iyon ang lagi kong nasa isip. Kaya hindi magugutom ang aking magiging asawa sa piling ko. At hindi ko naman gugutumin ang pamilya ko, lalo na ang aming magiging mga anak. Lalaki silang malulusog at matatalino.

Oo, simple lang ang aking pangarap kung ako'y mag-aasawa. Isang babaeng maganda at hindi ko pagsasawaang tingnan habang ako'y nabubuhay. Bubuuin namin ang isang pamilyang hindi naghihikahos, kundi kumakain ng tatlong beses sa isang araw. At pareho naming papangarapin at kami’y magkasamang kikilos tungo sa isang lipunang walang pagsasamantala.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento