Martes, Mayo 24, 2011

Nangarap din akong magsundalo noon

NANGARAP DIN AKONG MAGSUNDALO NOON
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nag-eenrol pa lang ako noon bilang 4th year sa hayskul (school year 1984-85), nang ako'y niyayang maging aktibo sa Citizen's Army Training (CAT) sa Letran High School at maging isa sa mga opisyal ng mga kadete. Sumang-ayon ako, dahil nagbabakasakali rin akong may mga dagdag na matutunan, bukod pa sa dagdag na kaibigan. Inilagay ako sa Batallion at nasa G2 Intelligence ang aking posisyon. Ang mga kasama ko'y G1 Adjutant, G3 Operations at G4 Supplies. Nasa ikalawang grupo kami mula sa Officers Corps na pinamumunuan ng Corps Commander, na isa kong kaklase.

Isinagawa ang bivouac ng Letran CAT sa Cavite. Marami akong natutunan doon, lalo na ang mabilis na paggapang sa damuhan, pagsuot sa mga barbwire, pag-akyat at pagbaba ng puno gamit ang makapal at matibay na tali, ang paggapang sa tali mula sa isang puno patungo sa isa pang puno, at marami pang iba.

Sa tanggapan ng CAT ay nakasama ko ang aking mga kaklase, na naging mga kaibigan ko na rin. Bawat isa sa amin ay may espada, at talagang pinakikintab namin iyon upang magningning sa araw, pati na ang buckle ng aming mga sinturon. Madalas kaming mag-report doon matapos ang aming klase o kaya'y recess. Minsan ay naiimbitahan kami, at nakasuot ng gala uniform, pag may aktibidad ang mga ahensya ng gobyerno. Halimbawa, sa Commission of Immigration and Deportation (CID, na Bureau of Immigration na ngayon) na katabi ng aming paaralan.

Nagkaroon din kami ng sponsors, at nakasama namin bilang partner ang mga kababaihang mag-aaral na taga-St. Mary's Academy sa Quezon City. Habang ginaganap ang seremonya ng Corps of Cadets sa Letran grounds kasama ang mga partner namin, na pawang nakaputing kasuotan, kami ay inulan, kaya nabasa kami at naputikan. Kinagabihan, sa isang club sa Quezon City kami nagkaroon ng munting salu-salo at sayawan kasama ang mga dalaga.

Sa unang taon ko sa kolehiyo, ako'y nag-COCC (Cadet Officers' Candidate Corps) sa FEATI University, at doon sa Philippine Air Force grounds ginanap ang Citizen's Military Training (CMT) 11 tuwing Linggo. CMT na ang tawag noon, at hindi na ROTC (Reserve Officers Training Corps). Dalawa ang tanggapan ng CMT sa amin, isang hawak ng Air Force at isang hawak ng Navy. Doon ako sa Air Force nag-COCC dahil ang kurso ko ay Aeronautical Engineering. Tuwing Linggo ang training namin. Kinailangan ko pang sumakay ng LRT (na bagong tayo lang noon) sa Carriedo station upang makarating sa Baclaran Station, at mula roon ay sasakay ng dyip patungong PAF HQ, dahil doon ginaganap ang CMT ng FEATI. Malapit lang iyon sa PAFCA, na isa sa dalawang eskwelahan, kasama ang FEATI, na nago-offer ng BS Aeronautical Engineering.

Sa pagiging COCC, doon ko naranasan ang masuntok ako sa tiyan ng aming opisyal. Pati na ang pagkain ng santambak na sili sa isa naming aktibidad, at ang paglipat-lipat ng chewing gum sa bunganga ng kapwa kadete. Kahit na ang pagpapakintab ng sapatos ng aming mga opisyal ay aming isinagawa. 

Sumama rin ako sa pagkuha ng 45-days military training na pinangasiwaan ng MMCMTC (Metro Manila Citizen's Military Training Command) sa Fort Bonifacio. Bale iyon ang CMT 23. Hindi rekisitos ang CMT 23 sa hindi magsusundalo, ngunit required ang CMT 11 at 12 sa unang taon, CMT 21 at CMT 22 sa ikalawang taon, bale apat na semestre, upang maka-graduate ka sa iyong kurso. Sa CMT 23 ay natuto kami sa ilang teoryang militar at minsan, nang magalit sa amin ang isang tenyente ay pinagapang kami sa putikan.

Alas-singko pa lang ng madaling araw ay gumigising na kami, at nagpopormasyon upang mag-jogging suot ang aming combat boots. Habang nagja-jogging ay may chanting at inuulit namin ang chanting. Tuwing umaga ay gayon.

Maaari naman kaming umuwi pag araw ng Sabado at babalik ng Linggo. subalit nagdesisyon akong huwag umuwi tulad ng karamihan, upang talagang maranasan ko ang buhay sa kampo. May inisyu sa aming unipormeng pansundalo, unan, kumot, canteen (na gamit sa pagkain), combat boots, at sabay-sabay kaming kumakain. Kanya-kanyang hugas ng gamit. Ang tulugan namin ay sa barracks.

Minsan, nilibot din naming mga kadete ang headquarters ng Philippine Marines sa Fort Bonifacio, at nakita ko ang kanilang book store. May magagandang librong nais kong bilhin subalit dapat kong pag-ipunan.

Kumuha rin ako ng exam ng dalawang beses na ibinigay ng Philippine Military Academy (PMA).  Ang una ay noong 1985, nakasama ako sa top 100 sa test. At kaming mga nakapasa ay iniskedyul na kumuha naman ng physical examination sa V. Luna Medical Center. Nakasampung araw din kami roon. Hindi ko na nakuha ang resulta ng physical exam dahil nawala na ang ibinigay sa aming consent paper na dapat pirmahan ng aming mga magulang. Ang ikalawa kong kuha ng exam ay noong 1987. Nakapasa ako muli, at ang physical exam sa V. Luna Medical Center ay tumagal na lamang ng tatlong araw.

Kung hindi ako papasang sundalo, o hindi ako papasa sa Philippine Military Academy (PMA), marahil hindi talaga iyon ang linya ko. Bagamat maaari naman akong maging sundalo pag natapos ko ang CMT 33 at CMT 43, at magparehistro bilang reservist, o maging aktibo na bilang 2nd Lt., dahil graduate na ng kolehiyo. 

Nasa isip ko noon, pag di ako pumasa sa PMA, mag-i-NPA (New People's Army) ako upang makapaglingkod din ako sa bayan.

Minsan, isinama ko ang isa kong ka-batch na kadete sa bahay upang kunin ang ilan kong gamit. Nakaaway ko kasi ang isa kong kapatid, kaya nagpaalam na ako sa aking ina na doon muna ako titira sa headquarters ng mga kadete na katabi ng FEATI U Annex. Doon na sa HQ ako natutulog at naglalaba ng aking mga kagamitan. Iyung pagkain ay nakikisalo sa mga staff at opisyal ng HQ, na hawak naman ng Air Force.

Parang ayaw ko nang pumasok sa kurso ko sa kolehiyo sapagkat masaya na ako doon sa headquarters ng mga kadete. Nais ko nang maging ganap na sundalo, at mapasabak na sa field, o sa giyera upang ipagtanggol ang bayan. 

Subalit hindi na natuloy iyon, pagkat panahon iyon na kailangan na naming pumili ng ka-partner na babae, mas maganda kung kaklase, bilang paghahanda sa gaganaping Corps of Sponsors. Ang kaklase kong maganda at crush ko ay tumangging maging partner ko, dahil din sponsor ang tawag kaya baka mapagastos pa siya. Bukod pa roon, wala naman akong sapat na salapi dahil wala naman akong trabaho. Hanggang sa ako'y kusang umalis doon at nagtungo sa bahay ng aking tiyuhin upang mag-aral ng anim-na-buwan sa isang technical center. Tatlong buwan pa lang ay ipinadala na ako ng technical center na iyon sa ibang bansa para sa anim na buwan pang training. Pagbalik sa bansa ay naging pioneer sa isang kumpanya ng electronics, at tatlong taon na naging machine operator.

Gayunpaman, ang mga natutunan ko sa pagiging kadete ay nagamit ko maging sa ibang bansa. Mula hayskul hanggang kolehiyo ay naging aktibo ako sa mga gawaing pangkadete (1984-87) dahil pangarap ko nga noon na maging sundalo. Ngunit marahil ay hindi iyon para sa akin. Subalit ang mga karanasan ko bilang kadete ay malaking bagay na kung saan ako ngayon. Ang mga training na nadaluhan ko ay nakatulong sa akin ng malaki sa pang-araw-araw kong buhay.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento