HALINA'T ITANIM ANG BINHI NG AKTIBISMO
SA PUSO'T DIWA NG BAWAT ISA
May
aktibista dahil may kawalang katarungan. Tutunganga na lang ba tayo
kahit inaapi na ang ating mga kababayan at kapatid? O tayo'y kikilos
upang sila'y sagipin? Patuloy ang teroristang demolisyon ng tahanan ng
mga maralita, patuloy ang mababang pasahod sa mga gumagawa ng yaman ng
kapitalista, patuloy ang pagtataboy sa mga vendors na naghahanapbuhay ng
marangal, patuloy na nabibilad sa sikat ng araw ang mga napakasisipag
na magsasaka ngunit kapos pa rin sa pangangailangan ang kanyang pamilya,
patuloy ang pagtataas ng matrikula taun-taon gayong karapatan at hindi
negosyo ang edukasyon, patuloy ang pagtaas ng presyo ng gamot at
nagpapagamot gayong karapatan ng bawat isa ang kalusugan, dumarami ang
mga batang manggagawang dapat ay nasa paaralan habang walang makitang
trabaho ang maraming nasa gulang na, at iba pa.
May
aktibista dahil may pangangailangang tugunan ang iba't ibang
kinakaharap na problema ng mga manggagawa, maralita, kababaihan,
kabataan, magsasaka, maliliit na manininda, magniniyog, magtutubo,
mangingisda, lumad, at iba pang aping sektor ng ating lipunan.
May
aktibista dahil may nagsuri na mali ang sistemang kasalukuyan nating
ginagalawan, na mali na may naghaharing iilan habang naghihirap ang
higit na nakararami, na mali na umiiral ang kalagayang may mahirap at
may mayaman. May aktibista dahil may naniniwalang dapat ipaglaban ang
lahat ng ating karapatan, at ang karapatan ay hindi dapat gawing negosyo
ng pamahalaan at ng mga kapitalista, tulad ng ating karapatan sa
pabahay, pagkain, trabaho, kalusugan, at marami pang karapatang dapat
kilalanin at igalang. May aktibista dahil nagdurugo ang ating puso kapag
nakikita at nalalaman nating may naaapi at napagsasamantalahan. Hindi
natin kayang manahimik at magbingi-bingihan sa bawat hikbi ng ating
kapwa mahihirap.
May
aktibista dahil may nagresponde sa panawagang kumilos laban sa
gobyernong puno ng kurakot, laban sa pamahalaan ng katiwalian, laban sa
sistemang mapagsamantala, laban sa mga taong sariling interes lamang ang
nais manaig imbes na interes ng higit na nakararami.
May
aktibista dahil patuloy na nabubuhay sa kadiliman ang ating bayan.
Tungkulin ng bawat aktibistang akayin sa liwanag ang bawat nasa dilim.
May aktibista dahil may taong prinsipyado, may makatarungang prinsipyong
tinatanganan at ayaw pabayaan sa dilim ang kanyang kapwa. Prinsipyo
niya'y makatao at internasyunalismo.
May
aktibista dahil naniniwala siyang makakamit lamang ang kapayapaan sa
daigdig kung makakamit ang hustisyang panlipunan para sa lahat.
May
aktibista dahil hindi siya pasibo o tuod, kundi taong may pakialam sa
kanyang kapwa tao. May aktibista dahil naniniwala siya sa pagpapakatao
at pakikipagkapwa-tao, at ito'y ninanais niyang umiral sa bawat isa. May
aktibista dahil mapagmahal siya sa kalikasan, at ayaw niyang mawasak
ang mundong ito ng mga armas-nukleyar at mapamuksang elemento sa
daigdig. May aktibista hangga't patuloy na umiiral ang pribadong
pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, tulad ng makina, pabrika,
hilaw na materyales, at lupa. Naniniwala siya at nakikibaka upang
tiyaking maging pag-aari ng lipunan ang mga kasangkapan sa produksyon
para sa kapakanan ng lahat, at di ng kakarampot na elitista lamang. May
aktibista dahil may patuloy na mangangarap, kahit yaong mga di pa
isinisilang ngayon, ng isang lipunang makatao, isang lipunang hindi
pinaghaharian ng kapital, isang lipunang may pagkakapantay-pantay, isang
lipunang walang uri.
Kung
walang aktibista, lagi tayong nasa dilim, at patuloy tayong inaakay ng
mga naghaharing uri sa kumunoy ng kahirapan. Patuloy pa ang kadiliman.
Nananatiling sakbibi ng lumbay at dusa ang mga gumagawa ng yaman habang
nagpapasasa sa yaman ng lipunan ang mga naghaharing iilan. May aktibista
dahil naririto tayo. Aktibo, hindi pasibo. May pakialam sa mga
nangyayari sa ating kapaligiran, sa ating pamayanan, sa ating bayan, sa
lipunang ating ginagalawan.
Yaong
mga tumutuligsa sa mga aktibista ay yaong mga naghaharing uri at mga
elitistang ayaw itama ang kanilang mga pagkakamali sa kanilang kapwa.
Yaong mga ayaw sa mga aktibista ay yaong mga gustong magkamal ng mas
malalaking tubo at magpasasa sa pinaghirapan ng iba. Yaong mga
tumutuligsa sa mga aktibista'y mga manhid sa hikbi ng masa, o kaya
nama'y yaong ligaya na nilang mang-api ng kapwa. Dapat pang hilumin ang
mga sugat na nalikha sa kaibuturan ng puso't diwa ng mga mahihirap, mga
sugat na likha ng mga elitistang yumuyurak sa kanilang dangal at
pagkatao, mga sugat na likha ng mapag-imbot na kapitalistang sistema,
mga sugat na kung maghilom man ay mag-iiwan pa rin ng pilat ng nakaraan.
Mga
kapwa aktibista, di tayo dapat tumigil hangga't di nagwawagi. Marami
pang suliraning dapat tugunan. Ang mga karapatan ay dapat tamasahin ng
lahat at di negosyo ng iilan. Patuloy pa ang kurakutan sa kabangyaman ng
bayan. Kailangan pa ng mga aktibista para sa pagbabago.
Ang
aklat na ito na katipunan ng mga akdang aktibista ay pagtalima sa
pangangailangang tipunin ang iba't ibang akdang naglalarawan ng buhay at
pakikibaka ng mga tibak (aktibista). Nawa'y makapagbigay ito ng liwanag
sa mga pusong inaagiw na sa pag-iimbot, mga matang mapangmata sa
maliliit, sa mga tengang laging nagtetengang kawali sa mga daing ng
maralita, sa mga nangangakong laging pinapako ang kanilang sumpa pag
naupo na sa poder, sa mga walang awa.
Hindi
namin aasahang magustuhan nyo ang mga akdang naririto, ngunit pag iyong
binasa'y tiyak na inyong malalasahan sa kaibuturan ng inyong puso't
isipan ang mga mapagpalayang adhikaing nakaukit sa bawat akda.
Halina't itanim natin ang binhi ng aktibismo sa bawat isa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento