ANG DAMO AT ANG BATO: Isang makabagong pabula sa panahon ni Digong
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Masayang nag-uusap ang damo at ang bato sa isang liwasan. Nang maya-maya'y dumating ang isang maya.
Anang maya, "Mga kaibigan, nais ko sana kayong kapanayamin. Bago iyon, kinapanayam ko ang ilang nilalang kung saan ba sila masaya. Ngunit karamihan ay nagsabing hindi sila masaya. Tinanong ko ang uod kung masaya ba siya. Ang sabi niya'y hindi pagkat wala pa siyang pakpak na maganda tulad ng paruparo. Tinanong ko ang paruparo kung masaya ba siya. Ang sabi niya'y hindi pagkat di pa niya nasimsim ang pinakamarikit na rosas sa hardin. Tinanong ko ang rosas kung masaya ba siya. Ang sabi niya'y hindi pagkat di pa dumarating ang binatang pipitas sa kanya upang ibigay sa pinipintuhong dalaga. Tanong ko lang, mga kaibigang damo at bato, kayo ba ay masaya?"
Tumugon ang damo, "Masaya ako sa kung ano ako ngayon. Di alintana ang init ng araw o patak ng ulan. Kaysarap damhin ang ihip ng hangin. Masaya ako dahil ako'y ako."
Anang bato, "Ako'y moog na nakatutulong upang makapamuhay ng maayos. Pundasyon ng bahay at gusali, ginagamit ding graba, tungko, at marami pa. Masaya ako sa silbi ko sa mundo."
Dagdag ng damo, "Gayunpaman, bago ka dumating ay aming pinag-uusapan ng bato na hindi kami masaya sa nangyayari ngayon sa maraming nilalang sa mundo. Ginagamit ng mga tao ang aming pangalan para sa kanilang mga bisyo. Tinatawag nilang damo ang hinihitit nilang mariwana na karaniwang nagiging dahilan ng pagkasira ng kanilang kinabukasan."
Dagdag naman ng bato, "Gayundin naman, bato ang tinatawag ng mga tao sa kanilang bisyong shabu na nagiging dahilan din ng pagkasira ng kinabukasan ng maraming mamamayan."
Muli ay nagsalita ang damo, "Masaya ako bilang ako, ngunit sana'y huwag sirain ng tao ang mabuti naming pangalan."
"Gayon din ako," anang bato.
Sumagot ang maya, "Marahil nalalapit na ang pagkalinis ng inyong pangalan. Dahil tinutugis na ng kapulisan ang mga gumagamit ng damo at bato. Kung hindi mamatay ay makukulong ang mga taong gumagamit ng maling katawagan sa inyo."
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento