Sabado, Hulyo 30, 2016

Ang tulang "Imperyalismo" ni Jose Corazon de Jesus


ANG TULANG "IMPERYALISMO" NI JOSE CORAZON DE JESUS
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pananakop ng isang malaking bansa sa isa pang bansa ang imperyalismo, di pa sa pisikal na kaanyuan nito kundi kahit na sa pang-ekonomyang patakaran. At sa panahon ng makatang Jose Corazon de Jesus, na panahon ng mga Kano sa atin, ay kumatha siya ng tulang pinamagatan niyang "Imperyalismo", na nalathala noong Enero 6, 1923 sa pahayagang Taliba. Muli itong nalathala sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, na pinamatnugutan ni Virgilio S. Almario, na nasa pahina 163-164 ng aklat.

Halina't namnamin at pagnilayan natin ang tulang "Imperyalismo":

IMPERYALISMO
Jose Corazon de Jesus

"Washington D.C. (Nob. 30) - Maraming pahayagan dine ang nagsasabi na hindi dapat palayain ang mga Pilipino sapagkat hindi pa edukado at tinitiyak nila na hindi magkakaroon ng independensiya hangga't di marunong ng Ingles ang lahat ng Pilipino."

Ingles naman ngayon itong salitaan,
lalo pang lumayo yaong Kasarinlan;
matuto ng Ingles itong Kapuluan,
mawalan ng wikang katuubo't mahal;
mag-Amerikano sa kaugalian,
mag-Amerikano pati kabastusan,
mag-Amerikano gayong hindi naman,
isang utos itong napakahalimaw!

Piliting ang bayan, nang upang lumaya'y
papagsalitain ng di niya wika:
Imulat ang mata sa kilos masagwa,
edukahin tayong parang gagong bata.
Ito'y gawa lamang noong mga bansa
na lubhang salbahe, makamkam, masiba!
Walang katuwiran ang may ganyang diwang
ululin ang bayan sa pangakong pawa.

At hindi ba Ingles itong aming bayan?
Tingnan at kay buti na naming magnakaw,
tingnan at kay buting umestapa diyan,
tingnan at kay galing sa panunulisan.
Noong araw baga, kami'y mayr'on niyan,
noong araw baga'y may sistemang ganyan?
Iya'y edukasyong aming natutuhan
sa iingles-ingles na dito'y dumatal!

Noong araw kami, sa isang araro'y
ilagay ang k'walta at may tatrabaho;
ngunit ngayon, gawin ang sistemang ito
at tagay ang k'walta pati araro mo.
Kung tunay man kaming mga Pilipino,
natuto't bumuti sa Amerikano,
ang Amerikano ay nagdala rito
ng sama rin naman ng mga bandido.

Pipilitin ngayong matuto ng Ingles
ang Bayang ang nasa'y Paglayang matamis;
pipilitin ngayong dila'y mapilipit
nitong mga taong dila'y matutuwid;
pipilitin ngayong kami ay mapiit
hangga't di matuto na umingles-ingles;
saka pagkatapos, pipintasang labis,
inyong sasabihing kami'y batang paslit!

Tarantado na nga itong daigdigan!
Tarantado na nga itong ating bayan!
Kung ano-ano na iyang kahilingan,
sunod ke te sunod na animo'y ugaw!
Kung ayaw ibigay iyang Kasarinlan,
tapatang sabihin, na ayaw ibigay.
Pagkat dito'y inyong kinakailangan
maging dambuhala ng pangangalakal!

Ni walang katwirang dito ay magtaning
ang sinumang bansang dumayo sa amin,
walang bayang api ni bayang alipin
at hindi katwiran na kami'y sakupin!
Kung bagamat ito'y natitiis namin,
sapagkat ang Oras ay di dumarating!
Nagtitiis kami't umaasa pa rin
na ang Amerika'y hindi bansang sakim!

Ayon sa Merriam Webster Dictionary, ang kahulugan ng imperyalismo o imperialism ay: (a) a policy or practice by which a country increases its power by gaining control over other areas of the world; (b) the effect that a powerful country or group of countries has in changing or influencing the way people live in other, poorer countries.

Ayon naman sa Cambridge Dictionary, ang kahulugan ng imperyalismo o imperialism ay: the attempt of one country to control another country, esp. by political and economic methods.

Sa English-Tagalog Dictionary ni Fr. Leo English, ang imperialism ay: (noun) an imperial system of government. Ang imperialist ay: a person who favors imperialism. At ang imperial naman ay: of or having to do with an empire or its ruler: Ukol sa imperyo o emperador.

Ayon naman sa UP Diksiyonaryong Filipino, ang imperyalismo ay: patakaran sa pagsakop ng isang bansa o imperyo sa ibang bansa o teritoryo; pag-impluwensiya o pagkontrol ng isang bansa sa mahina at mahirap na bansa sa pamamagitan ng kalakalan, diplomasya, o katulad.

Sa Encyclopedia Britannica naman ay ganito ang pakahulugan ng imperialism: Imperialism, state policy, practice, or advocacy of extending power and dominion, especially by direct territorial acquisition or by gaining political and economic control of other areas. Because it always involves the use of power, whether military force or some subtler form, imperialism has often been considered morally reprehensible, and the term is frequently employed in international propaganda to denounce and discredit an opponent’s foreign policy. (Ang imperyalismo, patakarang pang-estado, kalakaran, o adbokasiya ng pagpapalawak ng kapangyarihan at pinamamahalaan, lalo na direktang pagsakop ng teritory o sa pagkontrol sa pulitika at ekonomiya ng iba pang lugar. Pagkat lagi rin itong gumagamit ng lakas, ito man ay pwersang militar o ilang tusong pamamaraan, itinuturing ang imperyalismo na maganda nga ngunit pagsisisihan mo, at kadalasang ginagamit din ang termino sa mga pandaigdigang propaganda upang tuligsain at wasakin ang patakarang panlabas ng kaaway. - sariling salin ng may-akda).

Kung babaybayin natin ang kasaysayan, ang imperyalismo noong mga panahong sinauna ay malinaw, dahil sa papalit-palit ng imperyo. 

Ayon sa rebolusyonaryong si Vladimir Lenin, ang imperyalismo ang pinakamataas na antas ng kapitalismo. Binanggit niyang may limang yugto ang imperyalismo, at ito'y ang mga sumusunod: (1) nalikha ang konsentrasyon ng produksyon at puhunan sa mataas na yugtong nakalikha ng mga monopolyong may malaking papel sa buhay-pang-ekonomya; (2) ang pagsasama ng pamumuhunan ng bangko sa pang-industriyang pamumuhunan, at ang paglikha ng oligarkiyang pinansyal sa batayan ng nabanggit na "pinansyang kapital"; (3) ang pagluluwas ng puhunan na kaiba sa pagluluwas ng mga kalakal na may natatanging kahalagahan; (4) ang pagbuo ng mga internasyonal na monopolyo kapitalistang asosasyon na pinaghahatian ang yaman ng mundo para sa kanila, at (5) ang ganap na pagkakahati ng buong daigdig sa pagitan ng mga pinakamakapangyarihang kapitalistang bansa. Ang imperyalismo ay kapitalismong nasa yugto ng pag-unlad at kung saan nabubuo ang pangingibabaw ng monopolyo at pampinansyang puhunan; at napakahalaga ng pagluluwas ng puhunan; kung saan nagsimula na ang pagkakahati ng mundo sa mga pandaigdigang nagpopondo, at ganap nang nakumpleto ang pagkamkam ng mga kapitalistang bansa ng iba't ibang teritoryo sa daigdig. [mula sa [Lenin, Imperialism the Highest Stage of Capitalism, LCW Volume 22, p. 266-7.]

Kumbaga, hindi na ito simpleng bili-benta o buy and sell, kundi nakamit na ng kapitalismo ang bulto-bultong tubo sa pandaigdigan at ang sistemang ito na ang nagpapasya sa kung saan na patutungo ang mundo, sa pamamagitan na rin ng mga dambuhalang korporasyon. Ang labis na tubo't puhunan ng mga korporasyong ito, na nagmula sa pagsasamantala o pambabarat sa lakas-paggawa ng manggagawa, ay iniluluwas sa di pa gaanong maunlad na bansa kung saan kakaunti ang puhunan, mababa ang halaga ng lupa, lakas-paggawa at hilaw na materyales.

Sa ganitong pananaw ni Lenin, hindi lamang ito simpleng isyu ng dayuhang pananakop, at tanging sagot ay pagkamakabayan, dahil wala namang magagawa ang pagkamakabayan sa isyu ng puhunan at paggawa, sa isyu ng kapitalista't manggagawa. Tulad din maraming mga makabayang kapitalista ang nambabarat sa manggagawa. Sa loob ng pabrika halimbawa, na mas ang umiiral ay ang sistema ng sahod at tubo, at kahit lahat kayo ay makabayan, mananatiling barat ang makabayang kapitalista sa sahod, at maaaring mag-aklas ang makabayang Pilipino dahil sa baba ng sahod. Dahil kalikasan talaga iyon ng sistemang kapitalismo.

Sa tula ni Huseng Batute, nagsimula ang imperyalismo sa pagpapagamit ng wika ng mga kapitalistang mananakop, at pagbabalewala sa sariling wika ng mismong pamahalaang Pilipino. Ipinoprotesta niya ang wikang Ingles na ipinipilit sa atin upang unti-unting yakapin natin ang kulturang dayuhan, na magdudulo sa pagkawala naman ng sariling identidad o sariling katauhan. Gayunman, sa dulo ng tula ay umaasa pa rin naman siyang hindi sagad-sagaring kapitalistang ganid ang bansang Amerika.

Panahon iyon ng Amerikano sa bansa, na nang ginawa ang tula ay mahigit isang dekada pa bago maganap ang Ikalawang Daigdigang Digmaan. Namatay si Huseng Batute noong 1932, sa panahong siya ang kinikilalang Hari ng Balagtasan.

Mahalaga ang pagkakasulat ni Huseng Batute upang masilip natin kung ano ba ang imperyalismo sa kanilang panahon. Mas makabayan, at mas laban sa pananakop ng dayuhan. Kaiba ito sa pananaw ni Lenin na ang imperyalismo ang pinakamataas na yugto ng kapitalismo, pagkat nasa panahong mas umiiral pa ang piyudalismo sa bansa kaysa kapitalismo, dahil mayorya ng bansa ay agrikultural at hindi pa gaano noon ang industriya sa bansa.

Kaya bagamat nagkaroon na ng nobelang Banaag at Sikat na inilabas ng serye sa pahayagang Muling Pagsilang noong 1905 (at naisaaklat noong 1906) na sinulat ni Lope K. Santos na tumatalakay sa buhay at pakikibaka ng uring manggagawa sa Pilipinas, mayorya ng panahong iyon ay nabubuhay sa pagsasaka. Noong 1930, dalawang taon bago mamatay si Batute ay naitatag naman ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) na nananawagan din ng pakikibaka laban sa imperyalismo. Kumbaga, tumagos man sa kamalayan ng mga Pilipino ang sosyalismo, o lipunan ng uring manggagawa, hindi ito agad maipagtatagumpay kung mayorya ay magsasaka.

Gayunpaman, mahalaga ang pagtalakay ni Batute sa tula pagkat isiniwalat niya ang kalapastanganan ng imperyalismo sa ating bansa noong kanyang panahon.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento