Linggo, Hulyo 30, 2017

LEAN ALEJANDRO: Magiting, Makamasa, Lider ng Bayan

LEAN ALEJANDRO: Magiting, Makamasa, Lider ng Bayan
Sinaliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Si Lean Legara Alejandro ay isa sa mga kilalang lider-estudyante at aktibista ng kanyang panahon. May mga nagsasabing kahanay siya ng mga kilalang dakilang Pilipino na sina Lorenzo Tañada, Jose W. Diokno, at Ninoy Aquino.

Isinilang si Lean Alejandro noong Hulyo 10, 1960 sa Maynila. Ang kanyang mga magulang ay sina Rosendo at Salvacion Alejandro.

Noong bata pa siya’y kinakitaan na siya ng kakaibang talino. Siya’y matanong hinggil sa iba’t ibang bagay, tulad ng bakit daw sinusundan siya ng buwan, paano ba nanganganak ang mga baboy, o kaya’y kinukuntinting ang kanyang mga laruan upang malaman kung paano ba ito umaandar. Kilala rin siyang magaling maglaro ng chess.

Sa kanyang pag-aaral ng elementarya sa St. James Academy, ang batayang tradisyon doon ay disiplina at paggalang sa awtoridad. Madalas umano siyang ipatawag sa opisina ng prinsipal dahil hindi sumusunod sa patakaran ng paaralan. Gayunman, mas nakahiligan niya ang pagbabasa ng mga aklat at magasing naglalaman ng maiikling kwento sa klase dahil pakiramdam niya’y nakababagot ang mga araling ibinibigay ng guro. Madalas din naman siyang makinig at sumabat kahit hindi tinatawag ng guro.

Sa mataas na paaralan o hayskul, naitalaga siya bilang corps commander ng CMT (Citizen’s Army Training), kinakitaan siya ng pagkaistrikto subalit hindi naman mahigpit. Lagi siyang kabilang sa nangungunang sampu o top ten, subalit hindi siya nalalagay sa honor roll dahil ang kanyang asal umano’y laging may gradong B. Muntik na siyang hindi maka-graduate ng hayskul dahil lang sa isang pangyayari nang tinanggihan niyang sagutan ang kanyang eksam sa Panlipunang Etika (Social Ethics) kung saan lantarang isinulat niya sa papel na hindi na napapanahon o hindi na angkop ang pagbibigay ng sariling pananaw hinggil sa mga siping biblikal. Ito’y nagbunsod sa eskwelahan upang muling repasuhin ang kanilang sistema. 

Nag-enrol si Lean noong 1978 sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, at kumuha ng kursong B. S. Chemistry bilang panimulang kurso sa medisina, sa paniniwalang magandang pamamaraan ito sa pagtulong sa mga tao. Sa unang taon niya sa kolehiyo ay napabilang siya sa Campus Crusade for Christ. Sa kalaunan ay pinalitan niya ang kanyang kursong Chemistry ng kurso sa Philippine Studies nang makadalo siya sa kanyang klase sa kasaysayan at agham pampulitika (history and political science) at natagpuan niya ang Marxistang pamamaraan ng pag-unawa sa paligid at sa daigdig. Ang pagkaunawang iyon sa pulitika ang nagdala sa kanya upang sumapi sa Anti-Imperialist Youth Committee sa unibersidad na sa kalaunan ay naging Kabataan para sa Demokrasya at Nasyunalismo o KaDeNa. Isa rin si Lean sa nagtatag ng Center for Nationalist Studies (CNS) noong 1983.

Sa ikalawang taon niya sa kolehiyo ay sumapi siya sa Philippine Collegian Liberum, ang publikasyong pangmag-aaral ng UP bilang manunulat ng lathalain (feature writer) kung saan nagsulat siya ng samutsaring paksa, tulad ng pagtataboy na parang mga daga sa mga dukhang iskwater at kawalan ng pagkakapantay sa lipunang Pilipino. Mas napukaw ang kanyang diwa sa reyalidad ng lipunan nang sumapi siya sa publikasyong ito.

Nang mawala siya sa Collegian ay tinanganan ni Lean ang iba’t ibang katungkulan sa UP. Naging pangalawang pangulo at kalaunan ay naging pangulo siya ng Konseho ng Mag-aaral ng Kolehiyo ng Sining at Agham (CAS). Kasunod nito’y naging pangalawang pangulo at naging pangulo siya ng Konseho ng Mag-aaral ng UP noong 1983 subalit nadurog ang konsehong ito tatlong taon matapos itong matatag dahil sa paglaban nila sa nakaambang 400% pagtaas ng matrikula.

Noong 1981, isa siya sa mga nanguna sa rali sa Mendiola, ang unang rali matapos tanggalin ang batas-militar. Natulak ang Konseho ng Mag-aaral na harapin ang samutsaring pambansang usapin nang mapaslang si Senador Ninoy Aquino. Aktibong lumahok sa mga kilos-protesta si Lean hinggil sa pagkamatay ni Ninoy sa isa sa mga pinakamalaking rali ng mag-aaral sa mahabang panahon.

Noong siya’y edad 19, si Lean ang pinakasikat na lider-estudyante ng kanyang panahon, na alam ang iba’t ibang usaping labas sa paaralan. Sa panahong iyon niya nakilala ang usang katunggali sa ideya na sa kalaunan ay naging matalik niyang kaibigan: si Patricio “Jojo” N. Abinales na isang research assistant sa Third World Studies Center at isang gradwadong estudyante ng political science. Nag-aambag din si Abinales ng artikulo sa publikasyong Collegian, tulad ng isang mapang-upat na sanaysay (provocative essay) hinggil sa paksang pagbaba ng antas ng aktibismo ng mga estudyanteng intelektwal (Hulyo 17, 1981). Nang panahong iyon ay naatas kay Lean ana magsulat ng ganting matuwid (rebuttal) sa sanaysay ni Abinales at sa iba pa nitong sanaysay. Ang palagiang pagpapalitang ito ng kuro-kuro ay tumungo sa maraming talakayan hinggil sa pulitika, at maging sa pelikula, lalo na ang Star Wars, na naging simula ng pagiging magkaibigan ng dalawa.

Sa kalaunan ay naging tambayan na ni Lean ang aklatan ng Third World Studies Center at nagbabasa ng samutsaring mga babasahing pulitikal at pati na mga akda nina Karl Marx, Vladimir Lenin, Leon Trotsky, Mao Tse Tung, mga palaisip ng Europeanong New Left, ang historyador na si E. H. Carr, atbp. Gayunman, di lang sa mga akda ng mga iyon siya nahumaling. Binasa rin ni Lean ang buhay-pag-ibig nina Marx at asawang si Jenny.

Masugid na tagahanga si Lean ng nobelistang si J.R.R. Tolkien at ang mahabang akda nitong Lord of the Rings, kung saan tinatalakay niya sa mga kaibigan at kasama ang diwa ng nobela, pati na mga tauhan nitong mabubuti at katunggali nilang pwersa ng kadiliman.

Itinuturing ni Lean ang kanyang sarili na isang aktibista’t iskolar ng bayan. Kaya matindi ang kanyang personal na ugnayan sa Unibersidad ng Pilipinas. Dahil na rin sa UP ay nakilala niya si Lidy Nacpil na kalaunan ay kanyang napangasawa. Nagsimula umano ang kanilang relasyon nang yayain ni Lean si Lidy na manood ng pelikulang Reds, kung saan sinabi ni Lean kay Lidy: “Gusto kita. Subukan kaya nating maging magkarelasyon?” (Halos ganito, isinalin lang ang nasa wikang Ingles). Limang taon din silang naging magkasintahan hanggang sila’y magpakasal sa kapilyang Protestante sa UP noong Enero 18, 1986. (Si Lean ay Katoliko at si Lidy ay Protestante). Nasa 500 katao umano ang sumaksi sa kanilang kasal na pinangasiwaan ng tatlong pari - isang Metodista, isang Anglikano, at isang Katoliko. Sila ay binayayaan ng isang anak na babae na nagngangalang Rusan.

Malaki ang ginampanang papel ni Lean sa pagbubuo ng malalawak na multisektoral na samahan noong batas-militar. Kasama siya sa nagbuo ng PAPA nang dumalaw si Pope John Paul II sa Pilipinas noong 1981. Kasama rin siya sa nagbuo ng People’s MIND noong 1982 laban sa mapanlinlang na pambansang reperendum ni Marcos.

Mula sa pagiging lider-estudyante ay naging pultaym na aktibista si Lean nang mapaslang si Senador Ninoy Aquino. Sumapi siya sa mga pakikibakang anti-Marcos at pagbubuo ng kilusang JAJA (Justice for Aquino, Justice for All). Dito’y mas natagpuan ni Lean na mas marami siyang natutunan sa pakikipag-ugnayan sa pambansang pulitika kaysa sa apat na sulok ng paaralan.

Umalis si Lean sa pag-aaral sa UP upang pangunahan ang mga martsa’t kilos-protesta sa lansangan, magsalita sa mga rali at iba pang pagtitipon, at mag-organisa ng pakikipag-alyansa sa mga negosyante, pulitiko, propesyunal, manggagawa at maralita upang labanan ang rehimeng Marcos. Naging bahagi rin siya ng grupong Kaakbay na pinamumunuan ni dating Senador Jose Diokno at ng Nationalist Alliance for Justice, Freedom and Democracy (NAJFD) noong 1984. Noong 1985 ay itinatag ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) at si Lean ang naging pangkalahatang kalihim o sekretaryo heneral nito. Kasama nina ka Bert Olalia, Lando Olalia, Crispin Beltran, Ka Pepe Diokno, Senador Lorenzo Tañada at iba pang lider ng bayan, si Lean Alejandro ay nanguna rin sa parlyamento ng lansangan.

Bisperas ng Araw ng mga Puso noong 1985 ay inaresto si Lean kasama si Jose Virgilio (J.V.) Bautista habang sila’y nakikipag-negosasyon para sa mga estudyanteng nagmamartsa patungong Kampo Aguinaldo. Hinuli sila at ipiniit sa Camp Ipil Detention Center, dahil sa Preventive Detention Arrest (PDA) na isang dekreto ni Marcos na nag-aatas ng pagkapiit sa pinaghihinalaang tao sa loob ng isang taon nang walang pormal na kaso o reklamo.

Sa loob ng piitan, nakadama ng pagkabalisa si Lean dahil wala silang magawa o maitulong sa bayan. Nais niyang direktang makalahok sa mga nangyayari sa paligid sa panlipunang usapin.

Isinulat nga niya noon sa liham kay Lidy, “Ang pakikibaka para sa paglaya ang sunod na pinakamagandang bagay upang tuluyang lumaya.” (Ang orihinal ay nasa wikang Ingles.) Kahit sa loob ng piitan, ipinagpatuloy niya ang laban sa pamamaraang kaya niyang gawin sa loob, tulad ng pagsulat ng dalawang pahinang liham sa kanyang dating gurong si Propesor Rita Estrada ng Kagawaran ng Sikolohiya sa UP, kung saan inilarawan niya ang kalunos-lunos na kalagayan sa loob ng bilangguan, ang kanyang pananaw sa diktadurang Marcos, at paano nito hinahamak ang mamamayan, at sa dulo’y sinabi niyang dapat ibagsak ang diktadurang ito, hindi sa pamamaraan ng diktador, kundi sa pamamaraan ng pakikibaka ng tao, at di tulad ng paglaban ng aso o daga. Makalipas ang dalawang buwan ay pinalaya na sila, dahil na rin sa tuloy-tuloy na kampanya ng mga kababayan at ng mga grupo sa internasyunal.

Kahit nang matapos ang kanyang pagkakapiit ay nanatiling matatag si Lean at agad siyang bumalik sa kilusang protesta. Ayon sa kanyang kaibigang si Jojo Abinales sa artikulo nito noong Agosto 1992 sa Conjuncture: “Magaling siya sa pagdadala upang mapagsama-sama ang mga magkakaiba at magkakatunggaling kinatawan ng iba’t ibang uri sa lipunan at mag-ugnayan ang mga ito bilang isang nagkakaisang grupo o team. May tiwala siya bilang isang lider subalit may pagpapakumbaba sa pag-amin kung siya’y nagkamali at matuto sa iba.”

Kabilang si Lean Alejandro sa milyon-milyong lumahok sa Edsa People Power Revolution ng 1986. Matapos ang makasaysayang pangyayaring iyon ay nagpasiya si Lean na lumahok sa pulitika at tumakbo bilang kinatawan ng distrito ng Malabon-Navotas at dalhin ang mithiin ng kilusan sa loob ng Kongreso. Ang kanyang islogan sa kampanya ay: “Sa bagong pulitika, mamamayan ang magpapasiya.” Nilabanan niya sa pagka-kongresista si Tessie Aquino-Oreta, ang bunsong kapatid ni Ninoy Aquino, na hipag naman ng noon ay pangulong si Cory Aquino.

Subalit sumakay si Oreta sa popularidad ni Pangulong Aquino at ng kanyang kapatid na si Ninoy sa pamamagitan ng mga islogan tulad ng “Ang boto para kay Tessie ay boto para kay Cory” at “Kapatid na bunso ni Ninoy”. Natalo si Lean ng 10,000 boto sa halalan bagamat may mga ulat ng dayaan. Bagamat malungkot at dismayado si Lean sa resulta ng halalan, maluwag niyang tinanggap ang pagkatalo dahil naibigay niya ang lahat ng kanyang makakaya noong kampanya. Sa labanang ito ay nadama niyang tinanggap siya bilang tunay at mapagkakatiwalaang anak ng distrito ng Malabon-Navotas.

Matapos ang rebolusyong Edsa, may paniwala ang mga taong may karapatan sila sa kapangyarihan ng bagong pamahalaan. Naniniwala silang may malambot na puso si Cory Aquino para sa Kaliwa dahil pinalaya niya ang mga taong ipinakulong ni Marcos dahil sa pulitika ng mga ito. Pumasok din ang pamahalaang Aquino sa negosasyong pangkapayapaan sa Communist Party of the Philippines.

Ayon kay Lean Alejandro, panahon iyon ng instabilidad sa hilaw pang demokrasya. Inilarawan pa niya iyon na mas nakalilito at nakatatarantang panahon dahil parang lahat ng bagay ay bumabagsak at nagkakahiwa-hiwalay, at lahat ay tila bara-bara. Agosto 28, 1987 ay naganap ang kudeta laban sa pamumuno ni Cory Aquino. Inilunsad ng mga rebeldeng sundalo sa pamumuno ni Col. Gregorio Honasan ang nasabing pag-aalsa, bagamat hindi sila nagtagumpay.

Ilang araw lang ang nagdaan matapos ang madugong kudeta, petsa Setyembre 19, 1987, ang buhay ng karismatikong lider ng bayan na si Lean Alejandro ay natapos nang siya’y walang awang binaril ng di nakilalang suspek o mga suspek.

Ayon sa isang kasamahan ni Lean, si Gigi Bietes na kasapi ng kalihiman ng Bayan-National ng panahong iyon, naroon siya sa kotseng kinasasakyan ni Lean nang ito’y binaril. Natulala siya sa pangyayari at hindi makapagsalita ng mapaslang si Lean. Pinaslang si Lean habang sakay ng kotse papasok ng tarangkahan ng opisina ng Bayan sa Daang Rosal sa Cubao.

Ayon umano sa ulat ng Quezon City police, nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Lean, na nagpapatunay umanong siniguro ng mga bumaril na hindi na siya mabubuhay. Tila naglalagablab na apoy ang pagkalat ng balita ng pagpaslang kay Lean sa iba’t ibang organisasyon.

Namatay si Lean sa gulang na dalawampu’t pito.

Pinaghalawan:
https://en.wikipedia.org/wiki/Leandro_Alejandro
https://unitedinbeauty.wordpress.com/2015/09/19/who-is-lean-alejandro/
http://www.rappler.com/thought-leaders/102621-lean-alejandro-tsinelas-activist
https://medium.com/@lttrsnscrbbls/the-quintessential-life-of-lean-alejandro-1960-1987-ec9472eedab5

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento