Martes, Agosto 15, 2017

Dalawang awitin hinggil sa sariling wika

DALAWANG AWITIN HINGGIL SA SARILING WIKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tuwing Agosto ay ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Wika. Kasabay nito ay kinikilala natin ang kabayanihan ng dalawang tagapagtaguyod ng sariling wika. Una ay ang gurong si Teodoro Asedillo sa pagtatanggol sa sariling wika laban sa pananalasa noon ng mga Thomasites, at ikinatanggal niya sa pagtuturo, at ang ikalawa ay ang Ama ng Wikang Pambansa na si Manuel Luis Quezon. Bukod sa kanilang dalawa, atin ding kilalanin ang dakilang ambag ng dalawang mang-aawit hinggil sa kanilang mga awiting nagtatanggol at nagtataguyod sa paggamit ng sariling wika.

Ngayong Buwan ng Wika ay kilalanin natin ang mga ambag nina Heber Bartolome na umawit ng walang kamatayang "Tayo'y mga Pinoy" at Florante na umawit naman ng "Ako'y Isang Pinoy". Pinahalagahan nila ang sariling wika sa pamamagitan ng awiting tunay na makabagbag-damdamin at tumatagos sa kamalayan ng maraming henerasyon. 

Ang ikaapat na saknong ng awiting "Tayo'y Mga Pinoy" at ang ikatlong saknong ng awiting "Ako'y Isang Pinoy" ay matalim at malalim, nakasusugat sa kaibuturan ng sinumang nakikinig. Animo'y inaalimura ang sinumang Pinoy na walang pakialam o nang-uuyam sa sariling wika. Pawang mga panukso, patsutsada, o patama ang mga saknong na iyon.

Sa ikaapat na saknong ng awiting "Tayo'y Mga Pinoy", ang sinumang gumagamit ng mali-maling Ingles ay itinulad sa asong daig pa ang ulol pagkat ngiyaw nang ngiyaw. habang sa ikatlong saknong ng awiting "Ako'y Isang Pinoy" ay itinulad naman sa isdang bilasa na't namamaho yaong mga hindi nagmamahal sa sariling wika.

Halina't namnamin natin ang kaibuturan ng kanilang katha upang malasahan natin ang tamis at lamyos ng tinig na nanunuot di lang sa kaibuturan kundi sa puso't diwa ng sinumang Pinoy.

TAYO'Y MGA PINOY
ni Heber Bartolome

Tayo'y mga Pinoy, tayo'y hindi Kano
Huwag kang mahihiya kung ang ilong mo ay pango

Dito sa Silangan ako isinilang ako isinilang
Kung saan nagmumula ang sikat ng araw
Ako ay may sariling kulay: kayumanggi
Ngunit hindi ko maipakita tunay na sarili

Kung ating hahanapin ay matatagpuan
Tayo ay may kakanyahang dapat na hangaan
Subalit nasaan ang sikat ng araw
Kung tayo ay humahanga doon sa kanluran

Bakit kaya, tayo ay ganito
Bakit nanggagaya, mayroon naman tayo
Tayo'y mga Pinoy, tayo'y hindi Kano
Huwag kang mahihiya kung ang ilong mo ay pango

Mayroong isang aso, daig pa ang ulol
Siya'y ngumingiyaw, hindi tumatahol
Katulad ng iba, paingles-ingles pa
Na kung pakikinggan, mali-mali naman
Huwag na lang

Huwag na, oy oy, oy, ika'y Pinoy
Oy, oy, ika'y Pinoy

Ang awiting "Tayo'y Mga Pinoy" ay kalahok sa huling yugto ng unang Metro Manila Popular Music Festival noong 1978 na pinanalunan ng awiting "Kay Ganda ng Ating Musika" ni Ryan Cayabyab.

Ngayong panahon ng globalisasyon, sikat pa kaya sa mga milenyal o bagong henerasyon ang awiting tulad nito, na may pagmamahal sa sariling wika. Gayong ang Pilipinas ang isa sa itinuturing na magagaling sa Ingles kaya minsan nang naging sentro ng call center industry ang bansa.

Ginagamit natin ang sariling wika upang magkaunawaan at ipakilala ang identidad natin bilang mamamayan, bilang isang lahi, habang ginagamit naman natin ang wikang Ingles upang maunawaan ang ibang lahi, tulad ng mananakop na Kano, at hindi upang matuto sa wika ng amo dahil hindi naman tayo alipin. Tayo'y isang bansang "malaya" sa kabila ng pananakop ng globalisasyon.

Tunghayan naman natin ang awitin ni Florante

AKO'Y ISANG PINOY
ni Florante De Leon

Ako'y isang Pinoy sa puso't diwa
Pinoy na isinilang sa ating bansa
Ako'y hindi sanay sa wikang mga banyaga
Ako'y Pinoy na mayroong sariling wika

Wikang pambansa ang gamit kong salita
Bayan kong sinilangan 
Hangad kong lagi ang kalayaan

Si Gat Jose Rizal noo'y nagwika
Siya ay nagpangaral sa ating bansa
Ang hindi raw magmahal sa sariling wika
Ay higit pa sa amoy ng mabahong isda

Aba'y ipinaalala pa sa atin ni Florante ang payo ni Rizal hinggil sa wika. Higit pa sa anghit kundi amoy ng mabahong isda ang hindi magmahal sa sariling wika. Aba'y lalo na sa nakakaunawa nga ng sariling wika ngunit hindi naman ito ginagamit. At mas nais pang gamitin ang wikang dayuhan.

Gayunpaman, gaano man kasakit ang mga patama, ay unawain nating may sarili tayong wikang dapat itaguyod, hindi lang ng kasalukuyang henerasyon, kundi ng susunod na salinlahi. Bagamat nauunawaan nating nagbabago ang mga salita, may nadaragdag, may hinahalaw mula sa ibang wika, ang mahalaga ay magkaunawaan tayo bilang lahi, at gamitin natin ang wikang ito upang bakahin ang uring mapagsamantala at mapangyurak.

Dagdag pa, hindi naman dahil ayaw natin ng wikang dayuhan, kundi dapat lang na pag-aralan natin iyan. Subalit huwag nating kalilimutan ang sariling wika, pagkat ayon nga sa kasabihan, "Ang di marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan."

Marami pang makahulugang awitin sina Heber Bartolome at Florante na tunay na kapupulutan ng aral, buhay ng karaniwang tao, at pagtataguyod ng sariling wika, tulad ng Abakada ni Florante at Paaralan ni Heber Bartolome. Dapat nating iparinig ang mga ito sa kasalukuyan at susunod na salinlahi, pagkat inukit ng mga awiting ito ang ating pagiging malay sa mga nangyayari sa ating lipunan.

Pumailanlang sa himpapawirin at tumagos sa maraming puso't diwa ang kanilang makabagbag-damdaming awitin upang itaguyod ang pagkamamamayan, pagpapakatao, pakikipagkapwa, at ang paggamit ng sariling wika. Sa lungsod man o sa kabundukan, sa mansyon man o sa barungbarong, sa mga malalaking gusali man o sa kagubatan, sa mga tanghalan man o sa lansangan, ang kanilang awitin ay nagbigay-kulay at kahulugan sa maraming henerasyon.

Dahil dito'y nais kong handugan ang mga magigiting na mang-aawit na ito ng tula bilang pagpupugay sa kanilang pagiging masugid na tagapagtaguyod ng sariling wika.

TULA KINA HEBER AT FLORANTE
ni Gregorio V. Bituin Jr.

i

may mga awit silang para sa sariling wika
dalawang awiting tunay na kadaki-dakila

may kantang "Ako'y Isang Pinoy" itong si Florante
at may "Tayo'y Mga Pinoy" si Heber Bartolome

pawang mga mang-aawit na sadyang magagaling
tagapagtanggol ng wika't tunay na magigiting

kalayaan sa kanilang awitin makakatas
animo sa globalisasyon ay matinding lunas

ii

sa inyong dalawa'y taas-kamaong pagpupugay
nawa'y manatiling malusog, humaba ang buhay

tulad nyo, sariling wika'y itataguyod namin
pagkat tulad ng anghel, ito'y identidad natin

salamat sa awitin ninyong walang kamatayan
na tunay ninyong pamana sa buong sambayanan

ngayong Buwan ng Wika'y dapat lang kayong itanghal
mang-aawit na dapat lang gawaran ng parangal

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento