Miyerkules, Setyembre 6, 2017

Paunang Salita sa aklat na Lean Alejandro

Paunang Salita 
ni Gregorio V. Bituin Jr.


Mula Lean The Musical hanggang The Great Lean Run

Marahil ay naririnig ko lang siya noong nagsisimula pa lang akong aktibista noong maagang bahagi ng 1990s subalit hindi ko siya kilala. Nalaman ko lamang ang tungkol sa kanya dahil sa Lean The Musical na pinanood ko, kasama ang iba pang kasama, noong taon ng 1997, sampung taon nang namamatay si Lean, at ako'y kasalukuyang staff ng Sanlakas.

Noong 2012 ay nabatid kong ika-25 anibersaryo ng kamatayan niya, kaya may ilang tula ako hinggil kay Lean noong 2012.

Noong 2016 ay inanunsyo sa facebook ang hinggil sa The Great Lean Run. Nais kong maging bahagi nito. Binasa ko ang mga nakasulat, at nakita kong may bayad na P800 ang mga nais lumahok. Di ko kaya kung hindi ko gagawan ng paraan, dahil isa akong pultaym na tibak, na ang alawans ay bihirang dumating. Magaling lang akong dumiskarte dahil may munting bisnes akong paglalathala at pagtitinda ng aklat.

Kaya ang ginawa ko'y nagpatalastas ako sa aking wall sa facebook, na kung maaari bang sampung tula na lang ang aking iambag, imbes na magbayad ako para lang makasali. Nunit iyon ay pagbabakasakali, pakapalan ng mukha. Dahil lang sa pagnanais na maging bahagi ng kasaysayan, at may maisulat. 

Isang araw ang lumipas. May nakarinig naman. Isang kakilala sa mga rali at mga pagtitipon ng mga tibak. At ini-share niya iyon sa mga organiser na kakilala rin niya.

Tinulungan ako ni Ruben Felipe ng Samasa at ka-fb ko na ma-link ako sa mga organizer ng The Great Lean Run 2016. Ang natatandaan kong sinabi ko noon, imbes na magbayad ako ng P800 bilang participant, "Maaari bang ibayad ko po ay sampung tula?" at pumayag naman ang mga organisador. Nagkaroon kami ng thread sa messenger nina Ruben Felipe, Norie Castro at Eileen Matute. Pinapunta ako sa UP upang kunin ang aking race kit, kasama na ang tshirt at numero. Si Eileen ang nagbigay niyon sa akin. Ang aking numero ay 150 kaya nasa unang pangkat ako ng mga tumakbo sa The Great Lean Run noong Nobyembre 12, 2016. Sa kanila’y taos-pusong pasasalamat.

Isang taon makalipas ay ilulunsad muli ang The Great Lean Run 2017, at nakatakda itong gawin sa Setyembre 16, 2017, araw ng Sabado, at tatlong araw bago ang ikatatlumpung anibersaryo ng kamatayan ni Lean.

Panahon naman ng pagtupad sa pangako. Ika nga sa Kartilya ng Katipunan: "Sa taong may hiya, salita'y panunumpa." Kaya sa darating na The Great Lean Run 2017 ay dapat nagawa ko na ang sampung tula, o higit pa, na ipapaloob ko sa isang zine. Subalit sa katagalan ay naisip kong hindi na lang zine ang aking gawin kundi isang munting aklat na. 

Inaamin ko, ang proyektong ito'y hindi sinasadya. Kung hindi dahil sa The Great Lean Run ay hindi ko pa ito mapoproyekto. Noong una'y isang zine lamang ang nais kong gawin, isang back-to-back na short bond paper na naglalaman ng mga tula. Subalit nakita kong hindi sapat ang sampung tula, dahil tiyak na hahanapin ng mga tao ang talambuhay ni Lean. Kaya humaba ang mga saliksik, at hindi na sapat ang zine, kundi isa nang maliit na libro. Kaya nitong ilang buwan ay sinimulan ko nang ayusin ang aklat na ito. Kasama na sa aklat ang talambuhay ni Lean at mga salin ng ilang akda hinggil sa kanya. Isinama ko na rin ang salin ng kanyang liham sa isang propesor ng UP. 

Karamihan ng tulang narito ay nalikha matapos ang The Great Lean Run 2016, bagamat may ilang tulang sinulat noong 2012, na siyang ika-25 anibersaryo ng kamatayan ni Lean.

Sa aklat na ito'y mahigit sampung tula ang aking nagawa. Hindi ko na binilang na umabot iyon ng sampu, basta't sa proseso ang ginawa ko'y sulat lang ng sulat, saka ko na iisipin kung umabot ba ng sampu. 

Isang pagpupugay kay Ka Lean Alejandro ang aklat na ito. Nawa ang munting ambag na ito'y makatulong munti man sa pagmumulat sa sinumang makababasa, na sa pagkakaisa, sama-sama, at pagiging matatag sa pagkilos ay may magagawa tayo. Ang buhay, pakikibaka, at sakripisyo ni Lean Alejandro ay dapat maikwento sa kasalukuyan at susunod pang mga henerasyon.

Nakapaglathala na rin ako ng iba pang aklat hinggil sa mga kilalang rebolusyonaryo sa kasaysayan. Nauna na rito ang Macario Sakay, Bayani, na ang unang edisyon ay inilunsad sa UP Manila sa mismong sentenaryo ni Sakay noong Setyembre 13, 2007. Wala pang rebulto si Sakay noon, at nanawagan ako sa aklat na magkaroon siya ng rebulto at ipangalan ang isang mayor na lansangan sa kanya. Noong Setyembre 13, 2008 ay natupad ang pangarap na iyon at itinayo na ang rebulto ni Sakay sa Plaza Morga sa Tondo, malapit sa Plaza Moriones. Nitong Setyembre 13, 2017 ay inilunsad naman ang ikalawang edisyon ng Macario Sakay, Bayani sa Plaza Morga sa Tondo.

Ang ikalawang aklat ng kilalang rebolusyonaryo na aking inilathala ay ang Ka Popoy: Working Class Hero, na inilunsad noong Pebrero 6, 2009, sa Bahay ng Alumni kung saan napaslang si Filemon "Ka Popoy" Lagman, ang pambansang pangulo noon ng kinabibilangan kong organisasyong Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Noong Pebrero 6, 2001 napaslang si Ka Popoy ng mga di pa nakikilalang mga salarin.

Ang ikatlo ay ang talambuhay at salin ng mga akda ni Ernesto “Che” Guevara, isang rebolusyonaryong taga-Argentina na tumulong sa tagumpay ng rebolusyong Cubano, kasama ang dakilang Fidel Castro, noong 1959. Ngayong 2017 ay ginugunita naman ang ika-50 anibersaryo ng kanyang kamatayan. Namatay siya sa pakikibaka sa Bolivia. Ayon sa isang balita, ang pumaslang sa kanyang si Sgt. Mario Teran ng Bolivian army ay nabiyayaan ng libreng gamutan sa Cuba dahil sa sakit sa mata na muntik nitong ikabulag.

Ang ikaapat ay ang Liwanag at Dilim, na pawang mga sulatin ng bayaning Katipunerong si Gat Emilio Jacinto, Disyembre 2010, at muling inilunsad noong Disyembre 15, 2015, sa ika-140 kaarawan ni Jacinto.

Ang ikalima ay ang Bonifacio 150 na inilunsad noong Nobyembre 30, 2013, kasabay ng ika-150 kaarawan ng bayani at Supremong si Gat Andres Bonifacio.

At ito ang ikaanim, ang aklat hinggil kay Lean Alejandro.

May mga kasunod pa akong proyekto. At ang plano ay ang paglathala ng aklat ng kasaysayan, sanaysay at mga tula hinggil kay Lenin at sa Rebolusyong Bolshevik para sa ika-100 taon ng tagumpay ng Great October Revolution sa Rusya ngayong 2017. Nakaplano na rin ang paglalathala ng talambuhay, mga tula kay Karl Marx, at salin ng ilan niyang akda para sa kanyang ika-200 kaarawan sa Mayo 5, 2018. 

Planong aklat hinggil kay Teodoro Asedillo, isang gurong dapat gawing bayani ng sariling wika, organisador ng manggagawa, rebolusyonaryo, at ang kanyang buhay ay isinapelikula na ni Fernando Poe Jr. May isa na akong artikulo sa kanya, na nagdala sa akin at sa aking mga kasama upang makilala ang kanyang anak na si Lola Rosa. Nakadaupang-palad namin si Lola Rosa noong Enero 5, 2014, at sa ika-79 na kaarawan nito noong Enero 21, 2014 sa kanilang tahanan sa Laguna.

Planong aklat hinggil kay Crisanto Evangelista. May isa na akong nasulat na artikulo sa kanya. At may kopya na ako ng dalawa niyang akda, isang mahabang sanaysay hinggil sa manggagawa at isang mahabang tulang pinamagatang "Sigaw ng Dukha". May tatlo pa siyang sulatin na pamagat pa lang ang nasa akin at wala pa ang buong teksto. Kung masasaliksik ko ang buong teksto ng tatlo pa niyang akda ay agad kong isasalibro ang mga iyon.

Planong aklat hinggil kay Gregoria “Oriang” De Jesus, Lakambini ng Katipunan at asawa ni Gat Andres Bonifacio, na ang ika-75 anibersaryo ng kamatayan ay sa Marso 15, 2018.

Planong aklat na Heneral Luciano San Miguel. Si San Miguel ang isa sa dalawang heneral ng rebolusyong Pilipino noong Digmaang Pilipino-Amerikano na namatay sa digmaan. Ang isa pa ay si Heneral Gregorio Del Pilar. Habang sinusulat ito ay tinatapos ko ang artikulong "Kung bakit dapat isapelikula ang buhay ni Heneral Luciano San Miguel" na ang ideya ay nakuha ko dahil sa pagsasapelikula ng buhay ni Heneral Antonio Luna. Planong ilunsad ang aklat sa susunod na taon, Marso 27, 2018, kasabay ng ika-115 taon ng kamatayan ng heneral.

Nakaharap ko ang isa sa mga apo ni Heneral Licerio Geronimo noong Mayo 10, 2016, isang araw pagkatapos ng Halalan 2016. Bago iyon ay sumama ako sa dalawa pang kasapi ng aking grupong Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan) sa pagtungo sa Kweba ng Pamitinan sa Wawa, Montalban, dahil iyon ang araw ng kamatayan ni Gat Andres Bonifacio. Ang Kweba ng Pamitinan ang isa sa pinagkutaan nina Bonifacio, at noong Abril 19, 1895, ay dito nila isinagawa ang kanilang unang sigaw. Nang umalis na kami roon ay nagyaya ang isa kong kasama na dalawin ang apo ni Heneral Geronimo. Pumayag kami, at interesado rin ako dahil malapit sa aming bahay sa Sampaloc, Maynila ang Heneral Licerio Geronimo Elementary School. 

Nakausap namin ang apong si Mang Edgardo, subalit sabi niya’y hindi naman tinataguyod ng iba pa niyang kamag-anak ang kabayanihan ng kanilang lolo. Nakita ko rin sa bahay nila ang marker ng kabayanihan ni Heneral Licerio Geronimo dahil siya ang tanging heneral na Pilipino na nakapatay sa isang heneral na Amerikano, si Major General Henry W. Lawton, sa tinaguriang Battle of San Mateo (San Mateo, Rizal), na ang pinangyarihan ay sakop na ng Lungsod Quezon. Pag-uwi ko ay inilagay ko sa facebook ang ilang litrato at pinuna ako ng isang kasama. Si Heneral Geronimo ay sumuko sa mga Amerikano nang sumuko si Heneral Aguinaldo, at isa si Heneral Geronimo sa mga tumugis kay Heneral Luciano San Miguel hanggang sa mapatay si San Miguel sa Coral na Bato. Nagsaliksik akong muli, at nabasa ko nga ang kanyang istorya. Sa ngayon ay wala pa akong planong aklat hinggil sa kanya dahil siya nga ang isa sa mga tumugis kay Heneral San Miguel.

Isa pa sa mga dapat pagkunutan ng noo at gawing aklat ay ang Philippine-American War mula 1899-1913, ayon sa saliksik ng Philippine Historical Association (PHA),  at hindi 1899-1902 ayon sa mga Amerikano.

Sa lahat ng mga aklat-pangkasaysayan na ginagawa ko'y tinitiyak kong may katha akong tula para sa mga bayaning iyon, dahil pagtula naman ang isa sa kinagigiliwan kong gawin.

Ang aklat na ito tungkol kay Lean Alejandro ay isang ambag at dagdag sa marami pang sulatin hinggil sa buhay at pakikibaka ng masang anakpawis para sa isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, isang lipunang ang lahat ay nakikinabang sa bunga ng paggawa at sa bigay ng kalikasan.

Sa pamamagitan na rin ng aklat na ito na ginugunita ang ika-30 anibersaryo ng pagkapaslang kay Lean ay nais ko ring ipanawagan na magkaroon ng isang bulwagan sa loob ng Unibersidad ng Pilipinas na maaaring tawaging Lean Alejandro Hall, at magkaroon din ng rebulto para kay Lean.

Ang isa sa mga nakasama ni Lean sa pakikibaka laban sa diktadurang Marcos ay si Jose "Pepe" W. Diokno na magkakaroon ng rebulto sa harap ng Komisyon ng Karapatang Pantao (CHR). Ayon kay CHR Chairperson Chito Gascon noong Agosto 30, 2017, International Day of the Disappeared, na pasisinayaan ang rebulto ni Ka Pepe Diokno sa Setyembre 21, 2017, kasabay ng ika-45 anibersaryo ng batas-militar.

Taos-pusong pasasalamat ang aking ipinaaabot sa mga bumubuo ng The Great Lean Run 2016 na pumayag na sampung tula ang aking ibayad sa aking paglahok imbes na salapi, na dahil ako'y pultaym sa kilusan ay hindi ko agad maiipon sa maikling panahon.

Sa huli, isang taas-kamaong pagpupugay sa bayani ng bayan! Mabuhay si Gat Lean Alejandro! Mabuhay ang mga aktibista at lahat ng nakikibaka para sa isang lipunang walang pagsasamantala!

Setyembre 6, 2017
Sampaloc, Maynila

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento