Miyerkules, Oktubre 11, 2017

Maikling pagmumuni sa kasaysayan ng Block Marcos


MAIKLING PAGMUMUNI SA KASAYSAYAN NG BLOCK MARCOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kasabay ng malaking kilos-protesta dulot ng ngitngit ng mamamayan sa naging desisyon ng Korte Suprema noong Nobyembre 8, 2016, na maaari nang ilibing ang bangkay ng dating diktador Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, ay umusbong ang isang panawagan hanggang sa maging ganap na samahan: ang Block Marcos.

Naroon ako sa tanggapan ng PhilRights sa pulong ng Education Committee ng IDefend, na pinadaloy ni Rommel Yamzon. At nabalitaan namin ang nangyaring desisyon ng Korte Suprema. Matapos ang pulong ay sabay-sabay kaming nagtungo sa pagdarausan ng kilos-protesta na ipinanawagan thru text at facebook.

Alas-sais ng hapon ay nagtipun-tipon ang iba't ibang organisasyon at martial law survivors sa Boy Scout Circle sa Timog at doon idinaos ang kilos-protesta. Matitinding mga komento at talumpati ng galit na mamamayan ang madirinig. Naroroon ang mga kasapi ng  IDefend, BMP, SENTRO, PLM, PAHRA, PhilRights, FIND, CAMB-LNMB, Claimants 1081, CATWAP, Sanlakas, PMCJ, at marami pang iba.

Naroon din at nagsusulat sa masking tape ang isang babae, si Kat Leuch, ng isang panawagan. Nasa one inch ang taas ng masking tape na puti, at sinulatan ito ng hashtag Block Marcos (#BlockMarcos) habang nagpapalista sa isang papel ng mga pangalan ng mga volunteers upang mapigilan ang paglilibing kay Marcos sa LNMB. Isa ako sa mga naglista ng pangalan na mag-volunteer sa Block Marcos at nadikitan ng masking tape na may #BlockMarcos bilang pakikiisa. Isa sa mga nagsalita si Kat Leuch at nagsabi sa mga naroroon na gamitin na ang hashtag Block Marcos.

Matapos ang rali ay nag-usap-usap ang ilan sa mga nagrali upang pagplanuhan ang mga susunod na pagkilos. Isa ako sa mga iyon. Kasama sina Kat Leuch, Herbert Docena, Atty. Luke, Merck Maguddayao, atbp. Nakausap ni Herbert si Jean Enriquez ng CATWAP at napagkaisahang ilunsad ang mas malaking pulong sa Workers House sa Delgado St., malapit sa Boy Scout Circle. 

Naganap ang pulong noong Nobyembre 10, 2016 at napagkaisahang ituloy na ang pangalang Block Marcos, at nagkaroon ng pag-uusap kung paano ba pipigilan ang paglilibing. Si Jean Enriquez ang nagpadaloy ng pulong. Paano kung by land, o kung by air naman ay malamang magmula ito sa Villamor Air Base? Anong mga sektor ang magsasagawa ng pagkilos? Sa BMP ay itinaya namin ang 50 katao para tumungo sa Libingan ng mga Bayani sa araw ng libing. Ang Sentro naman ay ganuon din. Habang maraming indibidwal ang nag-commit na magtutungo rin sa LNMB upang pigilan ang paglilibing.

Ganap na naipakilala sa madla ang Block Marcos noong Nobyembre 12, 2016 nang nagpalabas ng pink na polyeto na may signaturang Block Marcos sa mismong pinagganapan ng The Great Lean Run 2016 sa UP Diliman. Sa polyetong ito na nakasulat sa Ingles ay nanghihikayat na kumilos ang sambayanan na harangin ang pagpapalibing sa dating diktador. Nakasulat na rin doon ang FB page ng Block Marcos. Namahagi rin ako ng ilang polyeto sa mga kasama. Makikitang kalakip ng artikulong ito ang kopya ng polyeto at litrato ni Kat Leuch na habang ini-interview ng media ay may nakadikit na masking tape sa tshirt, harapan at likod, na nakasulat ang #BlockMarcos.

Nobyembre 14, 2016 ang sumunod na pagpupulong sa Workers House. Late akong dumating sa pulong na ito. Si Herbert Docena na ang nagpadaloy ng pulong na dinaluhan ng may 40 katao. Nagpatuloy ang mga pagpaplano at mas marami nang organisasyon ang dumalo.

Nobyembre 18, 2016 ay kagagaling lamang namin sa rali ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) sa Senado, at nang pauwi na kami ay nabalitaan namin thru text na inililibing na raw si Marcos sa LNMB. May panagawan na magtungo na sa LNMB, at may panawagan ding magtungo sa People Power Monument (PPM) sa gabi. Hindi na ako nakapunta ng LNMB, dahil bukod sa di ko kabisado ang papunta roon ay wala rin akong sapat na salaping pamasahe.

Bandang hapon ay nagtungo na ako sa People Power Monument. At natagpuan ko ang marami pang mga tao na nagsasagawa ng malawakang pagkilos bilang protesta sa nakaw na paglilibing sa diktador. Naroon din ang kasapi ng Block Marcos at sumisigaw ng mga islogan laban sa diktadura. Mga alauna na ng madaling araw nang kami ng aming mga kasama ay magsiuwian, bagamat may mga tao pa rin sa PPM.

Sumunod na malaking pagkilos ng Block Marcos ay ang November 29 ng gabi sa LNMB at sasama ito sa rali kinabukasan, Araw ni Bonifacio.

Marami pang pagkilos ang nilahukan ng Block Marcos at ang kasaysayan nito ay nakatatak na sa kasaysayan. Ang litrato ng malaking balatenggang may nakasulat na HUKAYIN na pinasan sa himpapawid ng maraming lobo ay nalagay pa sa front page ng Philippine Star nitong bago mag-EDSA People Power Anniversary.

Maraming nagpatuloy at may mga nawala sa Block Marcos, dahil na rin sa prinsipyong taglay nito. May mga problemang dinaanan subalit nanatiling matatag ang samahang ito at nagpapatuloy.

Anupa't ang kasaysayan ng Block Marcos bilang panawagan at bilang samahan ay tumatak na sa marami, kaya ang samahang ito ay magpapatuloy hangga't hindi nahuhukay at natatanggal sa Libingan ng mga Bayani ang labi ng diktador dahil ang diktador na nang-api ng kanyang mamamayan ay hindi maituturing na bayani.

Maraming salamat sa lahat ng naging bahagi ng Block Marcos at nagpapatuloy magpahanggang ngayon. Mabuhay kayo! 

Mabuhay ang Block Marcos!


PAHABOL:

Ito ang salin ko sa wikang Filipino ng pahayag ng Block Marcos na ipinamahagi ng araw na iyon.

"Ang atas ng Pangulong Duterte na ilibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani - isang atas na sinang-ayunan na ngayon ng Korte Suprema - ay isang pag-atake sa ating lahat.

Ito'y atake sa ating lahat na nagdusa sa nagdaang diktadurya dahil ito'y paraan ng pagsasabi sa atin: Ang inyong ama't ina ay pinaslang o ikaw ay tinortyur ng isang "bayani," kaya humayo ka na.

Ito'y atake sa ating lahat dahil binabago nito ang kasaysayan, at ipinagkakait sa mga susunod na salinlahi ang katotohanan, at ang katarungan.

Subalit ito'y pag-atake rin sa ating lahat sapagkat ito'y paraan nila ng pagsasabing ang diktadurya'y "kabayanihan" at kaya, ito'y paraan ng pagpapahupa sa sambayanan na suportahan ang diktadurya at pagbabalik ng mga Marcos sa kapangyarihan.

Sa harap ng ganitong mga pag-atake, tayo'y may moral na tungkuling lumaban at huwag "humayo" na lamang.

Kaya tayo, mga Pilipino mula sa iba't ibang panig, ay nanawagan ng tuloy-tuloy na protesta upang itulak ang Korte Suprema - at kay Pangulong Duterte - na baligtarin ang kanilang pasiya.

Sakali mang hindi nila pakinggan ang ating hinaing, nananawagan tayo ng Pambansang Araw ng Protesta sa araw na ililibing na si Marcos.

Sakali mang isakay ang kanyang labi sa pagbiyahe sakay ng trak o anumang sasakyang panlupa, nanawagan kami ng samutsaring paraan ng direktang aksyon upang pigilan ang karabana sa bawat hakbang nito - mula Batac hanggang Taguig; pagkilos sa kahabaan ng National Highway o NLEX; paglaladlad ng mga bandila laban sa mga Marcos sa kahabaan ng EDSA; sa paglulunsad ng "mabilisang kilos" sa iba't ibang panulukan; at sari-sari pang di-marahas ngunit mapanlansag na pagkilos.

Nananawagan kami ng malaaking demonstrasyon sa tarangkahan ng Libingan ng mga Bayani.

At sa huli, nananawagan kami ng di-marahas na pagsuway ng bayan bago at sa mismong araw upang harangan ang paglilibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani."

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento