Sa Sentenaryo ng Rebolusyong Oktubre 1917 sa Rusya:
IPAGBUNYI ANG SENTENARYO NG TAGUMPAY NG REBOLUSYONG 1917 AT ANG PAGTATAYO NG SOSYALISTANG REPUBLIKA NG URING MANGGAGAWA!
Ipinagdiriwang ng manggagawang Pilipino, kasama ang uring manggagawa ng buong daigdig, ang sentenaryo o ika-100 taon ng matagumpay na pag-aalsa ng manggagawa na nagbagsak sa kapitalistang estado at nagtatag ng gobyerno ng manggagawa sa Rusya.
Tinagurian itong “rebolusyong sobyet” dahil sa pagtatayo ng mga konseho (soviet) ng mga kinatawan ng mga manggagawa, mahirap na magsasaka, at mga sundalo, na siyang pundasyon ng pampulitikang kapangyarihan na hindi lamang nagtatakda kundi nagpapatupad din ng batas. Ito ang pagkakaorganisa ng manggagawa bilang naghaharing uri.
Ang Rebolusyong 1917 ang ikalawang matagumpay na pagtatangkang itayo ang gobyerno ng manggagawa. Ang una ang ang Paris Commune, na itinatag ng mga manggagawang Pranses sa sentrong lungsod ng kanilang bansa subalit tumagal lamang ito ng dalawa’t kalahating buwan noong Marso hanggang Mayo 1871.
Malaki ang naging papel ng kababaihan dahil sila ang nagsindi ng mitsa upang maging matagumpay ang Rebolusyong Oktubre. Naglunsad ng malawakang pag-aaklas at pagkilos ang mga manggagawang kababaihan noong Marso 8, 1917 (Gregorian Calendar) o Pebrero 23, 1917 sa lumang kalendaryo. Hiniling nila noon ang Kapayapaan at Tinapay (Peace and Bread). Kumalat sa iba’t ibang pabrika ang kilusang welga at sumiklab bilang Rebolusyong Pebrero at napatalsik ang Tsar at mga kaalyado nito, at itinayo ang isang probisyonal na gobyerno o pansamantalang pamahalaan.Isa itong malawakang proseso na tumungo sa Rebolusyong Oktubre 1917 nang pinamunuan na ang pag-aalsang ito ni Vladimir Lenin at ng mga Bolshevik (salitang Ruso sa “majority”), pinatalsik ang probisyunal na gobyerno, itinayo ang unyon ng mga konseho (soviet) at nagpabago sa kalagayan ng mamamayan. Nagsimula ang matagumpay na pag-aalsang ito noong Oktubre 25, 1917 (Julian Calendar) o Nobyembre 7, 1917 (sa kasalukuyang Gregorian Calendar).
Sa unang pagkakataon sa kasaysayan, ang lipunan ay pinamahalaan para sa benepisyo ng lahat, para sa lahat ng manggagawa, ng mga maralita at inaapi. Ang prosesong ito ng pagkakamit ng rebolusyon ang siyang naglatag din ng daan upang unti-unting kilalanin ang karapatang pantao, at magkaroon ng pagkakapantay-pantay sa lipunan. Sa gabi ng tagumpay ng Dakilang Sosyalistang Rebolusyon ng Oktubre at pagkakatatag ng gobyernong Sobyet, agad na ipinatupad nina Lenin ang pagwawakas ng paglahok sa daigdigang digmaan, pagkumpiska ng mga lupain mula sa mga panginoong maylupa, at pamumuno sa mga pabrika.
Isang inspirasyon sapagkat itinuturo nito sa mga manggagawa ng daigdig ang kakayahan ng uring manggagawa na mamuno at pangasiwaan ang isang pamahalaan. Kaya niyang ibagsak ang kapitalistang estado. Kaya niyang itatag ang sarili niyang gobyerno. Inspirasyon ang Dakilang Rebolusyong Oktubre ng 1917 sa manggagawa at uring api na nagnanais kumawala sa gapos ng mapagsamantalang sistemang kapitalismo.
Isang inspirasyon ang Rebolusyong Oktubre upang kumilos at magkapitbisig ang mga manggagawang Pilipino at mga manggagawa sa ibang bansa at isulong ang pakikibaka upang maitayo ang kanilang sariling pamahalaan - o gobyerno ng uring manggagawa, hanggang sa ganap na maitayo ang lipunang sosyalismo.
Iminarka ng Rebolusyong Oktubre ang tagumpay ng mga Bolshevik sa pagtatatag ng gobyerno ng manggagawa, sosyalistang konstruksyon, kolektibisasyon at mekanisasyon ng agrikultura, pag-unlad ng edukasyon at kultura ng anakpawis. Ang tagumpay na ito ang nagdala sa Rusya (na sa kalaunan ay naging USSR o Unyong Sobyet ng mga Sosyalistang Republika) sa rurok ng sosyalistang pag-unlad noong unang bahagi ng ikadalawampung siglo. Bagamat ganap na nawasak ang Unyong Sobyet noong taong 1991, ang Rebolusyong Oktubre ng 1917 ay nananatili at nagsisilbing aral at inspirasyon sa uring manggagawa sa kasalukuyan na naghahangad ng pagbabago at paglaya mula sa pagsasamantala ng kapitalismo, at sa mga nagmimithing maitatag ang lipunang sosyalismo at mawakasan na ang pagsasamantala.
Ang karanasan ng uring manggagawa sa Rusya ay tanglaw sa mga manggagawang Pilipino at sa buong sangkatauhan upang lumaya sa pagsasamantala. Ang masusing pagsusuri at pag-aaral ng tagumpay na ito ay gabay sa praktikal na pagkilos ng mga manggagawa upang lumaya mula sa kahirapan at pagsasamantala ng tao sa tao.
Gawin nating pagkakataon ang selebrasyon ng sentenaryo ng Rebolusyong Oktubre upang palalimin at ipalaganap ang mga aral ng kasaysayan, at ilunsad ng malawakang pakikipag-ugnayan sa lahat ng manggagawa. Magpunyagi tayo at panghawakan ang mga aral at mga karanasan mula sa Rebolusyong Oktubre!
Salubungin natin at ipagdiwang ang diwa ng Rebolusyong 1917! Mabuhay ang pakikibaka ng uring manggagawa sa lahat ng bansa! Mabuhay ang Dakilang Rebolusyong Oktubre 1917!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento