MGA DANAS AT GUNITA SA UP SHOPPING CENTER
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nakabibigla ang pagkasunog ng UP Shopping Center kasabay ng pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. May dalawang dekada ko ring binabalik-balikan ang xeroxan sa UP bago ito masunog noong Huwebes, Marso 8. Katunayan, doon ko pinagawa ang huling klase ng librong aking ibinenta sa rali ng kababaihan.
Pinuntahan namin ng aking asawa, nitong Linggo lamang, Marso 11, ang lugar na iyon na naging tahanan ko nang matagal na panahon. At ikinwento ko sa kanya kung gaano kalaking tulong sa buhay ko bilang manunulat ang lugar na iyon, at bakit masakit sa akin ang nangyaring sunog. Kaya nagtungo kami roon at nakita naming tuklap ang mga bubong, wasak ang mga salamin, tanda ng matinding pagkasunog, at marahil ay sa dami na rin ng mga papel, karton, at iba pang mga panindang madaling kainin ng apoy. Nakalulungkot. Saan na pupunta at magtatrabaho ang mga kakilala at kaibigan kong nagtatrabaho roon?
Sa UP Shopping Center ako nagpapa-xerox at nagpapagawa ng mga polyeto, dahil na rin iyon ang maraming pagpipilian at pinakamalapit sa Brgy. UP Village, Teachers Village, at Central, kung saan naroon ang maraming mga non-government organizations (NGOs) at people's organizations (POs) na aking kinabibilangan.
Doon ko unang pinalathala ang mga kopya ng walong-pahinang pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng grupong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) simula nang maging staff ako ng KPML noong 2001 hanggang 2008. Nakapaglathala ako ng Taliba ng Maralita ng halos dalawampung isyu. Bawat isyu ay umaabot ng 500 kopya, o isang ream. Tuwing ikatlong buwan ang labas ng nasabing pahayagan, ngunit minsan ay pumapalya sa isyu lalo na't may kakulangan sa pondo. At ang Floropoto sa UP Shopping Center ang madalas kong pagpagawaan noon.
Sa Blessings naman ako nagpapa-xerox noong staff pa ako ng grupong Sanlakas (1996-2001). At natatandaan kong magpapasko noon ay binigyan ako ng may-ari ng Blessings ng maliit na alarm clock, marahil ay pamasko sa kanilang suki. Maraming salamat.
Noong 2006 ay kasama ako sa naglathala ng Tambuli ng Dakilang Lahi. Ang namayapang Sir Ding, o Ed Aurelio Reyes, ang siyang punong patnugot (editor-in-chief) at ako naman ang katulong na patnugot (associate editor) ng Tambuli, nakapitong labas ang buwanang munting magasin na ito. Kay Sir Ding ako natuto kung paano ba mag-bookbind, at karaniwang ginagawa namin ang pagbu-bookbind sa Taralets.
Kaya nang matuto ako ng bookbinding, kumpleto rekado na. Maalam ako sa pagemaker at photoshop. May mga naipon akong sulatin na ile-layout na lamang. May kaunting pondong maaaring magamit. Ayos. Maaari na akong maglathala ng aklat.
Kaya ang mga naipon kong sulatin ay aking inayos at maingat na pinili. Ni-layout ang mga nilalaman at pati na ang pabalat ng aklat. At inilathala ang una kong aklat, ang Maso 1, na katipunan ng panitikan ng uring manggagawa, Oktubre 2006. At ang munting aklat ng Materyalismo at Diyalektika, Nobyembre 2006. Noong panahong iyon ko na rin itinatag ang Aklatang Obrero Publishing Collective.
Dahil sa paggawa ng mga aklat, napadalas na ang pagpunta ko lagi sa UP Shopping Center upang magpalathala, at sa benta ng mga libro ko kinukuha ang karaniwang panggastos ko sa pang-araw-araw. Sa mga kinita ng libro ko kinukuha ang pambili ng ilang mga gamit sa pagbu-bookbind, bagong damit, pamasahe, at pangkain.
Naging tambayan ko ng mahabang panahon ang UP Shopping Center, sa Alva (Stall 5, 7, 32), sa Blessings, sa Floropoto, sa EJess (na pulos babae ang nagsi-xerox), sa Taralets, sa YZA, at nakakain ng ilang beses sa Rodix (na 1949 pa itinatag) at sa katabing Koop, at marami rin akong naging kaibigan doon.
Pag kailangan ng mabilisang pagpi-print o risograph ng ream-ream na polyeto, sa Stall 30 ako nagpupunta. Pag kailangan ko magpa-print ng cover ng libro, sa Alva ako nagpupunta.
Sa lugar na iyon ko inilathala ang aking mga aklat-pangkasaysayan, tulad ng Bonifacio, Jacinto, Macario Sakay, at Lean Alejandro; mga aklat ng tula tulad ng Patula ng UDHR (Universal Declaration of Human Rights), Taludtod at Makina, Alikabok at Agiw, Bakal at Kalawang, Langib at Balantukan, Bigas Hindi Bala, Isang Kabig Isang Tula, Paglalakbay sa Mae Sot, at katipunan ng mga sanaysay, tulad ng Asin sa Sugat, Himagsik ng Tupang Pula, at ang una kong koleksyon ng maikling kwento: Ang Dalaga sa Bilibid Viejo at iba pang kwento.
Nariyan din ang paglathala ng mga aklat-pangkalikasan, tulad ng Lakad Laban sa Laiban Dam, Sa Bawat Hakbang (hinggil sa Climate Walk), Ang Mundo sa Kalan, at marami pang iba.
Inilathala ko rin doon ang ilang aklat-pampulitika, tulad ng Aralin sa Kahirapan (ARAK), Puhunan at Paggawa (PAKUM), Ka Popoy: Working Class Hero, Materyalismo at Diyalektika, Ugat ng Kaapihan ng Kababaihan, at iba pa. Pati na ang apat na isyu ng MASO: Katipunan ng Panitikan ng Uring Manggagawa, dalawang isyu ng Komyun: Katipunan ng Panitikan ng Maralita; at Tibak: Katipunan ng Panitikang Aktibista.
Sa ngayon ay may plano kaming mag-asawa na gumawa pa at maglathala ng mga aklat, lalo na para sa mga estudyante, lalo na sa kanyang mga tinuturuan. Kaya nag-iisip-isip na rin akong magsulat ng mga kwento't tula para sa mga estudyante, at makagawa ng mga aklat-pambata.
Nitong Pebrero 28 ako huling nagpagawa roon ng aklat, ngunit ayon sa aking pinagpagawaan, simula Marso 1 ay P0.60 na bawat xerox ng short bond paper at hindi na P0.50. Kaya saanman ako pumuntang xeroxan ay P0.60 na ang dating P0.50. Pumantay na ang kanilang presyo sa CopyTrade na nasa mga mall. Gayunpaman, nagtaas man ng sampung sentimo ang bawat pahina, tiyak na doon pa rin ako magpapagawa.
Anupa't ang dalawang dekadang higit na pagpunta sa UP Shopping Center ay hitik sa karanasan. Dama ko ang sakit ng pagkasunog na iyon, pagkat nuong bata pa ako'y naglabas na rin kami ng mga kagamitan sa bahay ng masunugan ang aming mga kapitbahay. Na ang pagkakasunog ng UP Shopping Center ay nagdulot din ng hinagpis sa aking puso't isipan. Nawa'y maipagawa agad ang bagong gusali ng UP SHopping Center at makabalik ang mga trabahador nila, na tiyak na ilang araw, linggo o buwan ding mawawalan ng hanapbuhay.