ANG PAGBABALIK NG KOMIKS NA "POBRE'S PARK"
ni gregbituinjr.
Noong bandang 2004 hanggang 2009 nang lumabas ang komiks na Pobre's Park sa pahina 7 ng pahayagang Obrero na inilathala ng BMP (Bukluran ng Manggagawang Pilipino). Layunin ng komiks na ito na pasayahin ang mga mambabasa sa mga satirikong pahayag ng mga karakter dito.
Ang Pobre's Park ay katunog ng Forbes Park. Subalit ang Pobre's Park ay parke o liwasan ng mga pobre, ng mga mahihirap, kung saan sila'y naghuhuntahan hinggil sa mga problema nila sa buhay, lalo na sa pang-araw-araw. Iba ang Forbes Park sa Pobre's Park. Ang isa'y nangmamata, ang isa'y minamata. Ang mata man ay may muta o wala. Gayunman, maraming mga Pobre's Park sa lungsod, iba-iba nga lang ang katawagan.
Nang simulan ko ang komiks na ito noon, alam kong di ako maalam magdrowing. Ngunit kabisado ko ang mga hugis na laging pinapakita sa mga subject na geometry. Kaya sa pamamagitan ng mga hugis na bilog, hugis parisukat, hugis heksagon, hugis tatsulok, hugis biluhaba, na nilagyan ng tuldok na kunwari'y mata, at nilagyan ng tatsulok upang magmistulang bibig, ay nakagawa ako ng mga karakter para sa Pobre's Park.
Ayoko naman kasing mang-abala pa ng mga ilustrador, dahil, unang-una, wala naman akong pambayad sa kanila. Kaya sariling diskarte na lang, at ito nga ang lumabas, mga bagong karakter sa komiks na sina Bilog, Parisukat, Tatsulok, Heksagon, Biluhaba.
Higit sampung taon na ang nakararaan nang nilikha ang Pobre's Park mula sa guni-guni na laging ginugunam-gunam kung ano bang mainam laban sa mga nakasusuklam na nangyayari sa lipunan, tulad ng pang-uuyam ng mga mayroon sa mga walang-wala. Subalit ngayon, nagbabalik ang Pobre's Park. Ninais ng inyong lingkod na muling buhayin ang komiks na ito. Kaya heto. Wala na sa pahayagang Obrero, kundi nasa internet na ang Pobre's Park. Umasenso. Umasenso nga ba? Gayong kayrami pa ring naghihirap sa kabila ng laksa-laksang kaunlarang tinatamasa na ng tao.
Nakarating na nga ang tao sa buwan subalit marami pa rin ang nabubuwang, dahil sa kahirapan. Ngunit ang kahirapan ay hindi pa rin nalulunasan.
Kaya ang pagbabalik ng Pobre's Park ay isang pagpapatuloy. Isang muling paglilingkod at pagmumulat sa mga dilat na, di lang sa gutom, kundi laban sa labis na kabundatan at kasakiman ng mga taong nangmamata sa mga maliliit. Habang tayo'y natatawa upang makaramdam kahit papaano ng ginhawa. Bakasakaling mapaalwan ang kalagayan ng kapwa natin dukha.
Halina't tangkilikin nating muli ang Pobre's Park, at bakasakaling sa tindi man ng problemang kinakaharap ng ating bayan ay may makita pa tayong pag-asa at makangiti pa tayo.
Please like our page at
https://www.facebook.com/ditosapobrespark/
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento