ang Dengvaxia'y pumaslang ng limampu't pitong tao
ayon sa ulat na inilathala sa diyaryo
ang limampu't apat dito'y bata, isang obrero,
isang pulis, isang doktor, aba'y kaytindi nito!
ayon sa pagsusuri, sumakit ang ulo't tiyan
nilagnat, nagsuka, namaga ang internal organ
na nangamatay matapos nilang mabakunahan
aba'y nasayang ang buhay lalo ng kabataan
Turok ni Kamatayan, turing ngayon sa Dengvaxia
tila isinumpa ang kontrobersyal na bakuna
na kamatayan pala'y dala sa mga pamilya
sino na ang mananagot sa pagkawala nila?
mapaparusahan ba'y yaong nagturok na duktor
o ang dambuhalang kumpanyang Sanofi Pasteur
panlaban sa dengue na ito'y sila ang promotor
ika ng matatanda, nangyaring ito'y "que horror!"
mayorya'y batang may kinabukasan at pangarap
na nabiktima't nadale ng mga mapagpanggap
kumpanya'y mayaman, mga biktima'y mahihirap
gobyerno ba'y malalagot, sa kanila'y lilingap?
laban sa dengue, dukha'y sa patalim nagsikapit
inakalang ang bata'y maging malusog sa pilit
hustisya sa lahat ng namatay ang aming hirit!
katarungan sa mga biktima'y dapat makamit!
- gregbituinjr.
- kinatha batay sa balita sa pahayagang Bulgar, Mayo 28, 2018, na may pamagat ding "Turok ni Kamatayan"
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento