Miyerkules, Hunyo 27, 2018

Ang pagkawala ng ginagamit kong cellphone

MARAMING SALAMAT at nabalik muli ang ginagamit kong cellphone.

Akala ko, nawala nang tuluyan ang ginagamit kong cellphone. Dahil nung isang araw, nakatulog ako sa jeep na siksikan. Nang ginising ako ng driver, marami nang bumababa ng dyip. Wala na akong katabi. 

Kinapa ko ang bulsa ko. Wala ang cellphone. Baka nasa bag ko lang. Dati, hindi ako naglalagay ng cellphone sa bag, kundi nasa bulsa lang. Pero nung mag-asawa na ako, bilin ni misis na ilagay ang cellphone sa bag at huwag sa bulsa, at baka maapektuhan ang sperm cell dahil sa radiation ng cellphone.

Dahil nagbabaan na sa dyip, bumaba na rin ako, at lumiko na ang dyip sa dapat niyang likuan. Habang naglalakad, hinanap ko ang cellphone sa bag. Wala. Nadukutan ba ako habang natutulog o naiwan ko ito kung saan? O baka nalaglag nang di ko namalayan?

Patay ako nito. Nawala ang cellphone.

Ang una kong naisip, baka gamitin nung nakakuha noon ang aking facebook, ah. Kaya ang una kong ginawa, sa desktop computer, binago ko agad ang password ng aking fb account.

Tiyak, maraming nagte-text. Lalo na si misis. Pero di ko muna sinabi kay misis na nawala ang cellphone, dahil naisip kong bumili muna ng mumurahing 3310 o 5110 na cellphone na halagang P500, saka ko siya kokontakin.

Hanggang sa makatulugan ko ang alalahaning iyon.

Pero hanggang kanina ay pinag-iisipan ko pa rin kung bibili ako ng cellphone. Huwag muna. Dahil pang-dowry ang hawak kong pera. Baka mabawasan. Pambili ng dowry sa kasal (kaldero, kumot, itak). Nakabili na ako ng kaldero at kumot. Itak na lang. At yung matira, ipambibili ko ng 3310 na cellphone.

Gayunman, binawasan ko pa rin ang perang iyon para mapagawa ang kailangang silkscreen para sa gagamitin sa kasal, at pambili ng iskwidyi at pinturang puti. At bumili na rin ako ng pang-ulam sa bahay.

Kanina, nagtungo ako sa pinagpulungan ko noong Sabado dahil naroon ang kapulong ko. Tinanong naman ako ng isang kasamang aktibista kung akin ba ang naiwang cellphone. Tiningnan ko, di ko alam, kamukha lang. Lowbat. Para makatiyak, nanghiram ako ng charger. Nang 5% pa lang, in-on ko ang cellphone, at lumitaw agad ang litrato kong pogi at magandang ngiti ni misis. Ipinakita ko ang picture, at sabi ko, "Ito nga."

Kinuha ko na ang cellphone at pag-uwi na lang ng bahay ko ito itsa-charge. Sa labis kong tuwa ay binigyan ko ng P100 ang kasama, subalit hindi naman tinanggap. Kaya iniwan ko na lang sa lamesa ang P100. 

Muli, MARAMING SALAMAT sa kasama kong aktibista, at nabalik na muli ang ginagamit kong cellphone.

- greg/062718, 8pm

Lunes, Hunyo 25, 2018

Ang kahalagahan ng Kartilya ng Katipunan sa buhay ng mag-asawa

ANG KAHALAGAHAN NG KARTILYA NG KATIPUNAN SA BUHAY NG MAG-ASAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Una kaming nagkakilala ng aking asawang si Liberty sa isang pulong ng Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan) bandang 2005. Ginanap ito sa Merced Bakeshop sa Edsa malapit sa panulukan ng Quezon Avenue, sa Lungsod Quezon. Inimbitahan siyang dumalo roon ni Marlene Guzman na isa ring social worker tulad niya, at kasapi rin ng Kamalaysayan.

Naroon din ang pasimuno ng Kamalaysayan, ang namayapa nang gurong si Ed Aurelio C. Reyes, na tinatawag naming Sir Ding. Doon ay muli naming pinag-usapan ang Kartilya ng Katipunan. At idinaos muli ang isang seremonyas o ritwal ng Kartilya ng Katipunan.

Isa ang Kartilya ng Katipunan sa taimtim kong sinusunod na disiplina sa buhay. Tulad din ng taimtim na pagsasabuhay nito ng mga kasapi ng Kamalaysayan, at ng mga Katipunero noon. Ito ang sinulat ni Emilio Jacinto at ipinalaganap ng Katipunan sa kanilang kasapian. Matutunghayan dito ang panuntunan ng kabutihang asal na dapat taglayin ng bawat Katipunero. Bilang manunulat at kasapi ng Kamalaysayan (Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan, na sa kalaunan ay naging Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan), ang pagsasabuhay ng Kartilya ay isa sa mga pagbabagong aking nakamit, dahil ang panuntunang naririto'y magpapalaya sa iyong magulong buhay at isipan. Ramdam ko iyon. Kaya pag nagkikita kami ng kapwa ko manunulat na si Sir Ding Reyes, na siyang pasimuno ng Kamalaysayan, ang aming batian ay "Mabuhay ka at ang ating panata!"

Ang "kamalayan sa kasaysayan" ay nangangahulugan ng masigasig na interes at pag-aaral sa mga pangunahing diwa at pinakamakabuluhang mga pangyayari sa buhay ng ating bansa, at patuloy na pagsisikap na ilapat ang mga aralin at balangkas ng kasaysayan upang ipakilala ang mga tungkulin ng pagbubuo ng tamang opinyon at paggawa ng wastong desisyon. Ang ganitong pang-unawa ng kasaysayan ay makatutulong na mapukaw ang mga tao nang epektibo sa mga suliranin sa kasalukuyan at magbalangkas ng maliwanag na kinabukasan para sa ngayon at sa mga darating na henerasyon. Sinisipat dito ang pananaw na 3D sa kasaysayan - ang Detalye, Daloy at Diwa. At ang kamalayan sa Kartilya ng Katipunan ang isa sa mahalagang sangkap upang mabuo ang isang lipunang ang lahat ay naggagalangan at walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Hindi lang para sa mga Pilipino ang Kartilya ng Katipunan, kundi ito'y lapat sa kaninuman, anuman ang kanyang lahi, tribu, o nasyunalidad. Pagkat ang Kartilya ay mga alituntunin ng kagandahang asal na dapat isapuso ng sinuman.

Mahalaga ang pagsasabuhay ng Kartilya ng Katipunan, lalo na sa buhay may-asawa. Lalo na ang ikaapat, " Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao’y magkakapantay; mangyayaring ang isa’y higtan sa dunong, sa yaman, sa ganda, ngunit di mahihigtan sa pagkatao." Isinulat din ni Jacinto sa kanyang mahabang sanaysay na "Iisa ang pagkatao ng lahat." Napakaganda ng mga aral na ito ng Katipunan, pagkat itinuturing ang lahat ng tao, mayaman man o dukha, na magkakapantay ang pagkatao. Kaya't dapat nating igalang ang bawat isa, anuman ang kanyang katayuan sa buhay.

Balak nga namin ni Liberty na magpakasal din sa ritwal ng Katipunan, kung saan ang panunumpa sa Kartilya ng Katipunan, ay isang mahalagang bahagi. At nais namin itong gawin anumang araw na ang mga kasapi ng Kamalaysayan ay pupwede, o kaya naman ay sa mismong araw nang isilang ang Katipunan at ang Kamalaysayan, Hulyo 7.

Ang pagsasabuhay ng Katilya ng Katipunan bilang mag-asawa ay lalong magpapatibay ng samahan at pag-iibigan. Animo'y dalawang Katipunero ang magsing-irog na nagpakasal at sa pagbubuo ng pamilya'y nasa diwa at puso ang mga aral ng Kartilya, na siyang humubog sa mga Katipunero. Pinatitibay lalo nito ang pagsasamahan ng mag-asawa, tulad na lamang ng isinaad sa Kartilya na "Ang babae ay huwag mong tingnang isang bagay na libangan lamang kundi isang katuwang at karamay sa mga kahirapan nitong kabuhayan," pati na ang golden rule na "Ang di mo ibig gawin sa asawa mo, anak, at kapatid ay huwag mong gagawin sa asawa, anak, at kapatid ng iba."

Isinaad din sa ikasampu, "Sa daang matinik ng kabuhayan, lalaki ay siyang patnugot ng asawa’t mga anak; kung ang umaakay ay tungo sa sama, ang patutunguhan ng inaakay ay kasamaan din." Kaya dapat akayin ng lalaki bilang ama ng tahanan ang buong pamilya sa kabutihan at kagandahang asal, nakikipagkapwatao at nagpapakatao, lalo na sa buong pamilya at sa pamayanan nilang kinabibilangan.

Kung susuiin, ang Kartilya ng Katipunan ay hindi tungkol sa pakikipaglaban o paghihimagsik. Kundi ito'y salalayan ng kagandahang ugali, at ng pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao. Kung nais mo noon na sumapi sa Katipunan, ang mga aral na ito na nagpapatibay ng kabutihan sa pagkatao, ay dapat mong taglayin, kundi man, dapat mong isabuhay hanggang sa iyong kamatayan.

Ang Kartilya ng Katipunan ay nakapaloob sa polyetong "Sa May Nasang Makisanib sa Katipunang Ito" na inilabas noon ng Katipunan bilang gabay sa pangangalap ng mga katipunerong lalaban para sa kalayaan ng bayan. Halina't ating namnamin at tunghayan ang mga nilalaman ng Kartilya ni Katipunan, na isinulat ng dakilang Emilio Jacinto.

KARTILYA NG KATIPUNAN

1. Ang kabuhayang hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim kundi man damong makamandag.

2. Ang gawang magaling na nagbubuhat sa pagpipita sa sarili at hindi sa talagang nasang gumawa ng kagalingan ay di kabaitan.

3. Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawanggawa, ang pag-ibig sa kapwa, at ang isukat ang bawat kilos, gawa’t pangungusap sa talagang Katwiran.

4. Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao’y magkakapantay; mangyayaring ang isa’y higtan sa dunong, sa yaman, sa ganda, ngunit di mahihigtan sa pagkatao.

5. Ang may mataas na kalooban, inuuna ang puri kaysa pagpipita sa sarili; ang may hamak na kalooban, inuuna ang pagpipita sa sarili kaysa puri.

6. Sa taong may hiya, salita’y panunumpa.

7. Huwag mong sayangin ang panahon: ang yamang mawala’y mangyayaring magbalik, ngunit ang panahong nagdaan na’y di na muling magdadaan.

8. Ipagtanggol mo ang inaapi at kabakahin ang umaapi.

9. Ang taong matalino’y ang may pag-iingat sa bawat sasabihin; at matutong ipaglihim ang dapat ipaglihim.

10. Sa daang matinik ng kabuhayan, lalaki ay siyang patnugot ng asawa’t mga anak; kung ang umaakay ay tungo sa sama, ang patutunguhan ng inaakay ay kasamaan din.

11. Ang babae ay huwag mong tingnang isang bagay na libangan lamang kundi isang katuwang at karamay sa mga kahirapan nitong kabuhayan; gamitin mo nang buong pagpipitagan ang kanyang kahinaan at alalahanin ang inang pinagbuhata’t nag-iwi sa iyong kasanggulan.

12. Ang di mo ibig gawin sa asawa mo, anak, at kapatid ay huwag mong gagawin sa asawa, anak, at kapatid ng iba.

13. Ang kamahalan ng tao’y wala sa pagkahari, wala sa tangos ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing KAHALILI NG DIYOS, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa. Wagas at tunay na mahal na tao kahit laking-gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika; yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri; yaong di napaaapi’t di nakikiapi; yaong marunong magdamdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.

14. Paglaganap ng mga aral na ito ay maningning na sumikat ang araw ng mahal na Kalayaan dito sa kaabang-abang Sangkatauhan at sabugan ng matamis niyang liwanag ang nangagkaisang magkalahi’t magkakapatid ng ligayang walang katapusan, ang mga ginugol na buhay, pagod, at mga tinis na kahirapa’y labis nang natumbasan.

Bersyong Kamalaysayan

Tunghayan din natin ang bersyong Kamalaysayan ng Kartilya ng Katipunan. Inayos ito ng Kamalaysayan noong Hulyo 1992 para sa Katipunan, Sandaan! (o sentenaryo ng Katipunan, na isinilang noong Hulyo 7, 1892). Ito'y isinalin sa Ingles ng yumaong Paula Carolina Santos-Malay.

1. “Ang buhay na hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim, kundi (man) damong makamandag." (A life that is not dedicated to a noble cause is like a tree without a shade or a poisonous weed.)

2. "Ang gawang magaling na nagbubuhat sa paghahambog o pagpipita sa sarili (paghahangad na makasarili), at hindi talagang nasang gumawa ng kagalingan, ay di kabaitan." (A deed lacks nobility if it is motivated by self-interest and not be a sincere desire to help.)

3. "Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawanggawa, ang pag-ibig sa kapwa at ang isukat ang bawat kilos, gawa't pangungusap sa talagang katuwiran." (True piety consists of being charitable, loving one's fellowmen, and being judicious in behavior, speech and deed.)

4. "Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y magkakapantay; mang­yayaring ang isa'y hihigitan sa dunong, sa yaman, sa ganda; ngunit di mahihigitan sa pagkatao." (All [persons] are equal, regardless of the color of their skin. While one could have more schooling, wealth or beauty than another, all that does not make one more human than anybody else.)

5. "Ang may mataas na kalooban, inuuna ang (dangal o) puri kaysa pagpipita sa sarili; ang may hamak na kalooban, inuuna ang pagpipita sa sarili sa puri." (A person with a noble character values honor above self-interest, while a person with a base character values self-interest above honor.)

6. "Sa taong may hiya, salita'y panunumpa." (To a [person] of honor, his/her word is a pledge.)

7. "Huwag mong sayangin ang panahon; ang ya­mang nawala'y mangyayaring magbalik; ngunit panahong nagdaan na'y di na muli pang magdadaan." (Don't waste time; lost wealth can be retrireved, but time lost is lost forever.)

8. "Ipagtanggol mo ang inaapi; kabakahin (laba­nan) ang umaapi." (Defend the oppressed and fight the oppressor)

9. "Ang taong matalino'y ang may pag-iingat sa bawat sasabihin; matutong ipaglihim ang dapat ipaglihim." (The wise man is careful in all he has to say and is discreet about things that need to be kept secret.)

10. "Sa daang matinik ng buhay, lalaki ang siyang patnugot ng asawa at mga anak; kung ang umaakay ay tungo sa sama, ang pagtutunguhan ng inaakay ay kasamaan din." (Ang simula nito'y obserbasyon sa ugnayan ng babae at lalaki sa panahon ng Katipunan; para sa kasalukuyan, ang katumbas nito ay ang sumusunod: "Sa daang matinik ng buhay, ang mga magulang ang patnugot ng mag-anak; kung ang umaakay ay tungo sa samâ, ang pagtutunguhan ng inaakay ay kasamaan din.") (In the thorny path of life, the man leads the way and his wife and children follow. If the leader goes the way of perdition, so do the followers.)

11. "Ang babae ay huwag mong tingnang isang bagay na libangan lamang, kundi isang katuwang at karamay (ng lalaki) sa mga kahirapan nitong buhay; gamitin mo nang buong pagpipitagan ang kanyang (pisikal na) kahinaan, at alalahanin ang inang pinagbuhatan at nag-iwi sa iyong kasang­gulan.” (Never regard a woman as an object for you to trifle with; rather you should consider her as a partner and helpmate. Give proper considerations to a woman's frailty and never forget that your own mother, who brought you forth and nurtured you from infancy, is herself such a person.)

12. "Ang di mo ibig gawin (ng iba) sa asawa mo, anak at kapatid, ay huwag mong gagawin sa asawa, anak at kapatid ng iba." (Don't do to the wife, children and brothers and sisters of others what you do not want done to your wife, children and brothers and sisters.)

13. "Ang kamahalan ng tao'y wala sa pagkahari, wala sa tangos ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing kahalili ng Diyos, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa: wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking-gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika, yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri, yaong di nagpapaapi't di nakikiapi; yaong marunong mag­dam­dam at marunong lumingap sa bayang tinubuan." (A (person's) worth is not measured by his/her station in life, neither by the height of his nose nor the fairness of skin, and certainly not by whether he is a priest claiming to be God's deputy. Even if he is a tribesman/tribeswoman from the hills and speaks only his/her own tongue, a (person) is honorable if he/she possesses a good character, is true to his/her word, has fine perceptions and is loyal to his/her native land.)

14. "Paglaganap ng mga aral na ito, at maning­ning na sisikat ang araw ng mahal na kalayaan dito sa kaaba-abang Sangkapuluan at sabugan ng matamis niyang liwanag ang nangagkaisang magkakalahi't magkakapatid, ng ligayang walang katapusan, ang mga ginugol na buhay, pagod, at mga tiniis na kahirapa'y labis nang matutumbasan." (When these teachings shall have been propagated and the glorious sun of freedom begins to shine on these poor islands to enlighten a united race and people, then all the loves lost, all the struggle and sacrifices shall not have been in vain.)

Sa lahat ng kasapi ng Kamalaysayan, at sa mga sasapi pa rito, at sa mga naniniwala sa isinasabuhay ang Kartilya ng Katipunan, ito ang ating batian: "Mabuhay ka at ang ating panata!" Sabay ang pagkamay at pagdadaop-pulso sa bawat isa.

Sabado, Hunyo 23, 2018

Sa Landas ng Pagtatalingpuso

Pambungad
SA LANDAS NG PAGTATALINGPUSO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kami ni Liberty ay nagkabalikan bilang magsing-irog noong Pasko ng 2017 mula sa sampung taon ng pagkakahiwalay. At kami'y ikinasal sa libreng civil mass wedding na pinangunahan ng alkalde ng Tanay, Rizal, noong Araw ng mga Puso 2018. Pang-anim kami sa limampu't siyam na pares na nagtalingpuso sa mahalagang okasyong iyon.

Mataimtim at tigib ng kasiyahan ang aming nadarama sa aming pagtatalingpuso o pag-iisang dibdib. Tunay na pagsasama ng dalawang pusong iniibig ang bawat isa. Sa mga bumati sa aming pag-iisang dibdib, maraming ibinansag ang mga kaibigan sa aming dalawa.

Kami raw ang couple na nabuo sa Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan). Ang namayapa naming kaibigang si Sir Ed Aurelio "Ding" Reyes ang siyang pasimuno o founder nito. Sa isang pulong ng Kamalaysayan kami unang nagkakilala ng aking asawang si Liberty noong 2005, kaya ang grupong ito'y napakahalaga sa amin. At ngayon, kami ni Liberty ay nahalal sa pamunuan nito lamang Disyembre 2017, matapos ang ilang serye ng pagpupulong matapos naming ipagdiwang ang ika-25 anibersaryo (silver anniversary) ng Kamalaysayan noong Hulyo 7, 2017.

Kami raw ang couple na nabuo sa Climate Reality Project. Isa itong pandaigdigang pormasyon na inorganisa ng dating bise-presidente ng Amerika na si Al Gore. Nang inilunsad dito sa bansa ang tatlong araw na Climate Reality Leadership Training noong Marso 14-16, 2016 sa Hotel Sofitel, kami ni Liberty ay dumalo rito, at dito kami muling nagkita at nagkasama matapos ang ilang taon ng pagkakahiwalay.

Kami raw ang couple sa CEN (Citizen's Environment Network). Ang CEN ay isang koalisyon ng mga Pilipino sa mga sibiko, siyentipiko, pang-edukasyon, pananaliksik, kultural na organisasyon at komunidad, na nagtataguyod ng aktibong pangangalaga at maingat, napapanatiling paggamit at pamamahala ng ating kapaligiran at likas na yaman. Itinataguyod ng CEN ang isang Green Agenda para sa mamamayan. Dinaluhan namin ni Liberty ang paglulunsad ng CEN sa Conspiracy Bar and Garden Cafe noong Hunyo 24, 2016. Dito muling nagkita sina Liberty at Fr. Robert Reyes. Siya pala ang pari na nagbigay ng first communion kina Liberty noong siya ay Grade 3.

Kami raw ang couple na nabuo sa Kamayan Para sa Kalikasan Forum, na isang buwanang talakayan hinggil sa usaping kalikasan. Ito ngayon ay pinamumunuan ng Green Convergence. At nang kami ay dumalo  sa ika-336 na sesyon nito noong Marso 16, 2018 sa Kamayan Restaurant sa Edsa, malapit sa Ortigas, doon ay masaya kaming binati ng mga naroon at pinatayo sa harapan. Kasabay iyon ng ika-28 anibersaryo ng forum na nagsimula noong Marso 1990. Ang talakayang ito'y iniisponsor ng Triple V na nangangasiwa sa mga Kamayan Restaurant.

Taon 2006 ay niyaya ko siyang magsulat sa magasing Tambuli ng DakiLahi na editor ay si Sir Ding Reyes at ako ang associate editor. Taon 2007 ay isa si Liberty sa inalayan ko ng dedikasyon sa libro kong "Macario Sakay: Bayani", na inilunsad sa UP Manila, kasabay ng sentenaryo ng kamatayan ni Sakay noong Setyembre 13, 2007. Agosto 2008 nang inihatid ko si Liberty sa airport sa Clark, sa Pampanga. Patungo siyang Malaysia noon, at sinundo ko rin siya sa airport sa Clark matapos ang pitong araw. Ang napanalunan kong P2,500 sa Sudoku contest sa Manila International Book Fair ang ginamit kong panggastos sa pagsundo sa kanya.

Sa mga panahong iyon ay madalas na kaming nagkikita sa Kamayan para sa Kalikasan Forum, tuwing ikatlong Biyernes ng buwan. Nagsimula ako sa Kamayan para sa Kalikasan noong 1995 at siya naman ay noong 2004. Masigasig akong dumadalaw sa kanilang tahanan bilang kaibigan at manliligaw. Sinagot niya ako noong Enero 23, 2008 sa isang kainan sa Cubao. Matapos ang apat na buwan, nag-resign siya sa trabaho at iniwan ang lahat ng kanyang gawain sa lungsod. Siya'y nagdesisyong manirahan at magsilbi sa kanyang rehiyon sa Cordillera. Wala nang pag-uusap at pagkikita. Hanggang sa nag-cool off kami at nagkahiwalay ng taon ding iyon.

Nang mamatay si Sir Ding Reyes noong Hunyo 30, 2015, ang mga kaibigan niya at ang mga kasapi ng samahang kanyang inorganisa ay palagian nang nag-uusap upang magkaroon ng tribute para kay Sir Ding, at ipagpatuloy ang kanyang mga nasimulan. Isa sa mga organisasyong ito ay ang Kamalaysayan at isinagawa ang strategic planning noong Agosto 28-30, 2015 sa Tagaytay, at dito kami muling nagkasama ni Liberty.

Oktubre 2017, abala siyang gumagawa ng thesis at kailangan niya ng katuwang sa pagsusulat. At ako ay maagap na dumating. Di namin namalayan, muli naming sinariwa ang nakaraan. Sa pagsasaliksik sa mga impormasyong idadagdag sa kanyang pag-aaral, muli naming nakita at nabasa ang libro kong "Aklat at Rosas" na una kong ibinigay sa kanya noong Pebrero 14, 2008. Ang aklat na iyon ay ginamit kong pamamaraan noon upang hingin ang kanyang pagkatamis-tamis na OO upang aking maging kabiyak. Subalit hindi pa siya handa. Matapos ang sampung taon, ang kanyang “I do” ay ibinigay sa aming civil wedding, at kami'y ganap nang iisa.

Sa ngayon, pinaghahandaan namin ang tribal wedding o kasal sa kultura na gaganapin sa ika-6 ng Hulyo 2018. Bale may tatlong bahagi ito. Ang "chasar" na pag-uusap ng mga matatanda o elders sa magkabilang panig at pagpapalitan ng regalo. Dito rin nagkakakilanlan ang dalawang pamilya at magbubuo ng maigting na relasyon. Ang ikalawa ay ang "akamid" kung saan ang pamilya ng babae at lalaki ay magdiriwang at mananalangin upang ang pagsasama ng magsing-irog ay maging masagana, maligaya, malusog, at mapayapa. Manok na pinikpikan ang handa rito. At ang ikatlo, ang "sachuy" na siyang magtatapos sa ritwal ng kasal na magaganap sa susunod na taon, kasama na ritong magdiriwang ang buong komunidad. Dito'y idaraos ang sunga o pag-aalay ng baboy kay Kabunyan at pagsasaluhan ito ng mga tao sa komunidad.

Ang kasalan sa simbahan, o church wedding, ay magaganap naman sa San Antonio de Padua Parish sa Nasugbu, Batangas, sa ika-7 ng Hulyo 2018, kasabay ng ika-126 anibersaryo ng pagkakatatag ng Katipunan o KKK (Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan) at ika-26 na anibersaryo ng Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan). Sa Kamalaysayan ay kapwa kami opisyal, ako ang kalihim (secretary) at siya ang ingat-yaman (treasurer).

Marami akong nagawang tula ng pag-ibig na matutunghayan sa aklat na ito. Ang una ay ang tulang pinamagatan kong “Aklat at Rosas” na siyang pamagat ng una kong aklat na ibinigay kay Liberty noong Araw ng mga Puso 2008. Buhay pa hanggang ngayon ang aklat na ibinigay ko sa kanya, at patunay iyon ng aking pagsinta.

May mga katha ritong aking nasaliksik at isinama rito pagkat tumatalakay sa pag-ibig. Marami naman ang tula ng ibang makata sa wikang Ingles, at isinalin ko sa wikang Filipino. Sa aklat na ito'y mababasa rin ang ilan niyang tula na kanyang pinahintulutang malathala at mabasa ninyo. Ang mga tulang ito'y pinamagatan kong "Poems of Liberty".

Nawa’y ang matimyas naming pag-iibigan ay maging masagana at matagumpay. At nawa’y sa mabubuo naming pamilya, kami’y manatiling malusog at mapayapa, habang ginagampanan namin ang aming tungkulin sa aming kapwa at isinasabuhay ang pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao.

Munting pasasalamat man ang alay sa inyo, sa pamamagitan man ng aklat na ito, tayo’y nagkadaupang palad. Maraming salamat at mabuhay kayo!