Miyerkules, Hulyo 25, 2018

Si Fidel Castro at ang Rebolusyong Cubano - ni Dr. Francisco "Ka Dodong" Nemenzo

Si Fidel Castro at ang Rebolusyong Cubano
Sinulat ni Dr. Francisco Nemenzo
Malayang salin mula sa Ingles ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bagamat nasa magkabilang dulo ng daigdig ang Pilipinas at ang Cuba, ang kasaysayan ng dalawa nating bansang ito'y dumadaloy sa magkatulad na paraan - hanggang 1959, nang nilayasan ng Cuba ang malawak na impluwensiya ng Estados Unidos. Dahil ginalit nito ang kanyang hambog at makapangyarihang kapitbahay, pinagbayaran ito ng malaki ng Cuba. Patuloy itong nagdurusa sa pinakamatagal na pang-ekonomyang embargo sa kasaysayan, at ang pinakamasahol. Ito'y sinakop, ginulo ng mga pag-atakeng terorista, at pinahiya sa midya mula sa iba't ibang panig ng daigdig. Subalit nanatiling hindi natitinag ang maringal na republikang islang ito, matapat sa pagkilos nito tungo sa sosyalismo. Hindi lamang ito nakaligtas sa halos animnapung taon ng walang patumanggang pagsalakay ng Estados Unidos, binago rin nito ang isang lipunang tiwali at neokolonyal tungo sa isang rebolusyonaryong modelo para sa Ikatlong Daigdig.

Pinag-aaralan sa papel na ito ang proseso ng pagbabago ng sistema sa Cuba, isang bansang ang nakaraan ay tulad din ng sa atin. Sariwa pa rin sa ating alaala ang mga madulaing pangyayari sa kanilang pagsisimula. Kami ng aking asawa'y sumama sa mga pagkilos na "huwag panghimasukan ang Cuba" sa Inglatera noong kami'y naroon bilang mga estudyante noong maagang bahagi ng 1960s. Sa papel na ito, natatandaan ko ang mga pangyayaring iyon (at ipinaliwanag ang mga ito sa tulong ng gunita) sa pag-asang pukawin ang puso't diwa ng bagong salinlahi ng mga Pilipino (kung saan ang mga alaala'y di pa gaanong nalalayo) nang may mapanuring pagninilay [hinggil sa posturang isinagawa o balak isagawa ng mga namumuno sa ating pamahalaan]: na ang isang maliit at di pa gaanong umuunlad na bansa tulad ng sa atin ay hinatulan na sa isang buhay na nagpapalimos at sunud-sunuran.

Sa mga debate kasama ang anti-imperyalistang senador na si Claro M. Recto, ikinatwiran ng ating mga mambabatas sa dayuhang usapin kasama ang kanilang mga alagad na ang kapalaran natin bilang bansa ay hindi na mapuputol ang kaugnayan sa Estados Unidos. Tiniyak nila sa ating ang kaalwanan ng buhay kung aasa tayo sa pagkabukaspalad at proteksyon ng mga Amerikano.

Nangahas ang mga Cubano sa ilalim ng pamumuno ni Fidel Castro na suungin ang ibang landas. Sila'y minsan nang itinakwil. Hiwalay sa mga kapitbansa nito, itiniwalag mula sa Samahan ng mga Estadong Amerikano (Organization of American States), sila'y natulak na pumanig sa blokeng Sobyet subalit pinanatili ang kanilang kasarinlan. Nang mabuwag ang blokeng Sobyet, nagdusa sa dagok ang Cuba, gayunman, napanatili nila ang kanilang sosyalistang sistema.

Sa kasalukuyan, tinutungo ng iba pang bansa sa Latin Amerika ang rebolusyonaryong landas na tinatahak ng Cuba. Isinagawa ng Venezuela, Bolivia, Nicaragua at Ecuador ang sarili nilang bersyon ng modelong Cubano. Sa iba naman, lumitaw ang mga partidong pro-Cubano bilang pangunahing partido ng oposisyon. Sa Brazil at Chile, ang mga pangulong inihalal dahil sa kanilang radikal na plataporma ay nakipagkompromiso sa neoliberal na globalisasyon, subalit ngayon ay nahaharap sa matinding hamon mula sa taumbayang ipinagkanulo nila.

Dapat marami pang matutunan ang mga Pilipino hinggil sa Cuba, sapagkat ang matinding pagkasira ng pamumunong elitista sa ating bansa, sa malao't madali ay magtutulak sa atin na maghanap ng alternatiba. Hindi ko iminumungkahing eksaktong gayahin natin kung paano inayos ng mga Cubano ang kanilang pamayanan. Gayunman, dapat nating gawin ito sa ating pamamaraan, lalo na'y kaiba ang ating kalagayan. At kung maiiwasan natin ang mga pagdurusang pinagdaanan ng Cuba, mas mainam. Ang mahalaga'y maging mapangahas tayo tulad ng mga Cubano upang maibalik ang pag-asa sa nanlulumo nating bansa.

Ang pangunahing usapin (na kinaharap ng Cuba mula sa umpisa) ay kung magpapailalim ito sa kagustuhan ng imperyalismong Estados Unidos o tayo mismo ang lilikha sa inaasam nating bukas.

Ang Pilipinas at ang Cuba

Hayaan ninyong magsimula ako sa maiksing makasaysayang paglalarawan sa Cuba at sa Pilipinas.

Dumating si Columbus sa Cuba noong 1492, dalawampu't siyam na taon bago dumating si Magellan sa Cebu. Ganap na natapos ang pamumunong Kastila sa parehong panahon, noong 1898, nang kapwa isinuko ng Espanya ang ating mga bansa sa Estados Unidos sa pamamagitan ng tratado ng Paris.

Noong 1762, dalawang arkiladong kumpanyang Briton ang sumakop sa Pilipinas ng dalawang taon at sa Cuba naman ay siyam na buwan. Bagamat maikling panahon lamang, ang panahong ito'y nagbukas sa atin sa daigdig na labas sa mga saradong dingding ng imperyong Espanyol. Inilantad nito ang dalawa nating bansa sa mga kaisipang sekular, siyentipiko, at libertaryano na magbubunga ng mga tangkang paghihimagsik na sa kalaunan ay naging kilusan para sa pambansang kasarinlan.

Itinaas ng mga Cubano ang bandila ng paghihimagsik apat na taon bago maganap ang pag-aalsa sa Cavite. Umabot sa rurok ang kanilang pakikibaka kasabay ng pag-aalsa nina Andres Bonifacio tungo sa ating paglaban para sa kalayaan. Kapwa nabigo ang mga pakikipagsapalarang iyon; nang sila'y nakatindig sa nalalapit na tagumpay, pumalit bilang mananakop ang Estados Unidos sa namamatay nang imperyong Espanyol.

Tinanganan ng Estados Unidos ang Pilipinas ng kalahating siglo subalit pinalaya ang Cuba matapos lang ang ilang taon. Ipinagkaloob ang pormal na kalayaan ng Cuba noong 1902; subalit nang isinagawa ito, isiningit ng Kongreso ng Estados Unidos ang kasumpa-sumpang Platt Amendment sa mga Cubano na katumbas ng ating Tydings-McDuffie Act. Pinahintulutan ng Platt Amendment na manghimasok ang Estados Unidos sa usaping militar sakali mang mabigong protektahan ng ipinalalagay na malayang pamahalaan ng Cuba ang mga interes sa negosyo ng mga Amerikano. Upang mapagaan ang pakikialam, inobliga ng Estados Unidos ang Cuba na pangasiwaan nito ang isang base militar, tulad din ng ginawa ng Estados Unidos sa atin. Umiiral pa rin hanggang ngayon ang base ng Estados Unidos sa Guantanamo, sa kabila namumukod-tanging atas ng pamahalaang Castro na palayasin ito.

Tatlong beses na iginiit ng Estados Unidos ang Platt Amendment. Noong 1906-1909, noong 1912, at muli noong 1917-1923, sinakop ng mga tropa ng Estados Unidos ang Cuba upang maglagay ng mas kawili-wiling pamahalaang sunud-sunuran. Hanggang 1958, nalagay sa kapangyarihan sa Havana ang iba't ibang tiwaling pamahalaang maka-Amerikano sa pamamagitan ng pandaraya sa halalan. Bagamat sund-sunuran sa mga Amerikano, ang kanilang katiwalian, kawalang kakayahan, at pagsasamantala ang pumukaw ng paghihimagsik ng taumbayan na sumira sa takbo ng negosyo. Nagbigay-dahilan ang mga ito upang manghimasok ang Estados Unidos.

Tulad ng ating mga trapo, ang mga pulitikong Cubano bago ang rebolusyon ay nag-aastang makabayan tuwing kampanyahan, ngunit pag nahalal at nasa pwesto na, agad silang bumibigay sa mga panunuhol at pamimilit ng mga Amerikano. Nakitang epektibo ang mga panunuhol at pamimilit upang mapanatiling tangan sa leeg ang Cuba kung saan hindi na kailangan ang direktang panghihimasok. Pinawalang-bisa ng Kongreso ng Estados Unidos ang Platt Amendment noong 1933; gayunman, ang panghihimasok ng mga Amerikano sa panloob na pamamahala ng Cuba ay nagpapatuloy nang walang pasubali.

Hinulma ng imperyalismong Estados Unidos ang ekonomya ng Cuba at ng Pilipinas upang maging magkatulad ang bawat isa. Kapwa sila naging palaasa sa isang pananim (asukal) at iisang pamilihan (ang Estados Unidos). Bago buwagin ni Fidel Castro ang ganitong padron noong 1959, nagpapaligsahan para sa kota ng asukal ng mga Amerikano ang mga maimpluwensiyang bloke ng asukal sa Pilipinas at sa Cuba.

Nailatag na ang maiksing kasaysayang kolonyal ng Pilipinas at ng Cuba, hayaan ninyong taluntunin ko sa mas malalaking detalye ang simula ng magulong relasyon ng Cuba sa makapangyarihan nitong kapitbansa.

Ang pagkalagot ng ugnayang Cubano-Estados Unidos

Tinulungan ng Washington ang huling diktador ng Cubanong si Fulgencio Batista hanggang sa huli, tulad din ng pagtulong nito kay Ferdinand Marcos hanggang sa ang pwesto nito'y hindi na nababagay. Subalit nang magsimartsa patungong Havana ang mga balbas-saradong gerilya noong Enero 1959, hindi naman naalarma ang mga opisyal ng Estados Unidos dahil tingin nila, si Fidel Castro ay tulad din ng mga nakaraang namumuno sa Cuba - madaling maging tiwali at pwersahin.

Si Castro'y nakitang naiibang uri ng pinuno, na inuuna ang pananagutan sa taumbayan kaysa sa pakinabang ng pakikipagkaibigan sa mga Amerikano. Habang inilulunsad ang digmaang gerilya sa Sierra Maestra, pinangakuan niya ang mga magbubukid ng repormang agraryo sa unang taon ng tagumpay. Sa katunayan, nang naagaw na ang kapangyarihan, itinalaga niya ang ideyalistikong si Ernesto "Che" Guevara upang magbalangkas ng programang lupa para sa walang lupa. Sa orihinal na bersyon nito, ang programang binalangkas ni Che ay katamtaman lamang kung ikukumpara sa ating CARP (Comprehensive Agrarian Reform Program). Yaon lamang mga pag-aaring lupang lumabis ng 400 ektarya ang sasailalim sa reporma sa lupa. Ang mga taktikang paniniil ng mga Amerikano ang dahilan upang iyon ay maging programang rebolusyonaryo.

Ang itinakdang hanggang 400 ektarya lamang ay hindi nakabahala sa mga Amerikanong may-ari ng plantasyon. Alam nila kung paano paikutin ang gayong pagbabawal, tulad ng ipinapakita sa kasalukuyan ng Dole at Del Monte sa Mindanao. Ang pagbagsak ng negosasyon ay dahil sa mga isyu ng presyo at paraan ng pagbabayad. Iginiit ng mga Cubano na ang presyo ng mga kinamkam na lupa ay makakalkula batay sa kanilang huling deklarasyon sa buwis. Mula nang pinamura ng mga kumpanyang Amerikano (tulad ng mga Pilipinong mayayaman) ang kanilang ari-arian upang matakasan ang pagbubuwis, ang iminungkahing presyo ng mga negosyador na Cubano ay sadyang napakababa kaysa tunay na halaga nito. Dagdag pa, hindi katanggap-tanggap sa mga nagmamay-aring Amerikano ang alok ng mga Cubano na magbayad ng panagot (bond) ng mahabang panahon. Hiniling nila ang agarang pagbabayad ng salapi, sa presyong idinikta nila.

Noong una'y pinakibagayan sila ng mga Cubano. Payag makipag-usap ng mga ito hinggil sa presyo at sa paraan ng kabayaran. Ang ayaw nilang ikompromiso ay ang tiyempo: ang reporma sa lupa ay dapat magsimula sa unang taon ng rebolusyon. Kinaladkad ng mga Amerikanong negosyador (na kumakatawan sa mga may-ari ng plantasyon) ang kanilang mga paa, ipinapalagay na baka sa tamang pagkakataon ay madudurog nila ang pag-aalsang Cubano sa pamamagitan ng pagbitin sa tulong pang-ekonomya. Nagamit na nila ang panlilinlang na ito noon, at ang mga nakaraang pamahalaang Cubano ay laging namimilipit. Kaya nagulat si Pangulong Eisenhower nang ipinahayag ni Castro ang pagsasabatas ng repormang agraryo habang isinasagawa pa ang negosasyon.

Tiniyak ni Castro na ang batas na ito'y hindi makahahadlang sa isang pinag-usapang kasunduan hinggil sa kumpensasyon subalit hindi ito nagustuhan ni Eisenhower. Tiningnan niya ito bilang hindi matatagalang panlalait sa pinakamalakas na bansa sa sansinukob. Dahil doon ay inatasan ni Eisenhower ang CIA (Central Intelligence Agency) na maghanda ng planong operasyon upang mapatalsik sa pwesto si Castro subalit dahil magtatapos na ang kanyang termino, iniwan niya ang pagpapatulad nito sa susunod na pangulong si John F. Kennedy.

Noon, ang banta lamang ng pagbawas ng kota ng asukal ay sapat na upang mapilitang sumuko ang mga Cubano. Subalit hindi ipinatupad ni Kennedy ang nakaugaliang pagbabanta. Makaisang panig niyang kinansela ang kota ng asukal matapos magiling ng Cuba ang mga naani nang taon na iyon. Dahil sa kalapitan nito sa iisa nitong pamilihan, walang mga kulob na kamalig ang Cuba upang pag-imbakan ng mga napinong asukal. Kaya mahalagang mailabas agad ang mga kalakal bago magtag-ulan. Tantiya ni Kennedy na ang kanyang makaisang panig na aksyon ang magtutulak kay Castro na sumuko. Sa halip, naghanap si Castro ng ibang bibili. Yaon ang panahong nagkaroon siya ng kakilala sa Unyong Sobyet.

Nakaamoy ng pagkakataon upang maisahan ang mga Amerikano, sumang-ayon ang punong ministro ng Sobyet na si Nikita Khrushchev na bilhin ang kabuuang ani ng mga Cubano sa presyong mas mataas kaysa ibabayad ng mga Amerikano. Napakaganda ng kasunduan upang maging totoo. Subalit bitag pala: Babayaran ito ng Unyong Sobyet, hindi ng salapi, kundi ng krudo.

Nang dumating sa Havana ang mga tangke ng Sobyet, ayaw iproseso ng mga repinarya (o tagalinang ng langis) ng mga Amerikano ang mga krudong Ruso. Kaya inatasan ni Fidel ang hukbo, na may kasamang demonstrador, na kubkubin ang mga repinarya. Ang tugon ni Kennedy at mabilis at tiyak. Binuwag niya ang diplomatikong ugnayan sa Cuba. Si Castro ay mabilis din at tiyak. Inaasahan ang napakalaking pagkawala ng puhunan, sinamsam ni Castro lahat ng bangkong Amerikano sa Cuba.

Nilatag nito ang larangan upang magkaharap. Inatasan ni Kennedy si Richard Bissell na ipatupad ang planong Eisenhower. Ang opisyal na ito ng CIA ang matagumpay na utak ng pagpapatalsik sa makakaliwang pangulo ng Guatemala noong 1954. Nais ni Kennedy ni ulitin ni Bissell sa Cuba ang ginawa nito. Agad namang nagtipon si Bissell ng hukbo ng mga Cubanong eksilo, na karamihan ay mga dating sundalo ni Batista. Matapos ang pagsasanay sa pakikidigma sa dati niyang minamartsahang balwarte sa Guatemala, pinadala ni Bissell ang kanyang hukbong halong-kalamay (ragtag army) upang salakayin ang Cuba sa pamamagitan ng Look ng mga Baboy (Bay of Pigs) noong Abril 17, 1961.

Tiniyak ni Bissell kay Kennedy na tatangkilikin ng mamamayang Cubano, na nababahala sa lumalagong impluwensiya ng Sobyet, ang pagsalakay na pinangungunahan ng Estados Unidos. Gayunman, hindi iyon nangyari. Magiting na lumaban ang mga armadong magbubukid sa lugar ng Look ng mga Baboy hanggang dumating ang regular na sandatahang lakas ng Cuba - mga beterano ng Sierra Maestra - upang ibigay ang pamatay na dagok. Bumagsak ang pananalakay sa loob ng 72 oras.

Sa masusing pagsusuri'y sinisi si Bissell dahil sa pagpili ng maling lugar ng pagsalakay na ibinatay sa sinaunang mapa. Galit na galit na pinalayas ni Kennedy si Bissell at tinanggal sa CIA ang proyekto laban kay Castro. Ang kapatid niyang si Robert Kennedy, na pangulo ng ministeryong pangkatarungan, ang bumalikat sa pangkalahatang pangangasiwa dito. Pinalitan si Bissell ni Edward Landsdale, sa kabila ng mga babala mula kay Kalihim ng Depensa McNamara at Samuel Halpern na si Landsdale ay isang "baliw" na mahilig sa mga "hibang na pakana".

Ngayong si Landsdale na ang nangangasiwa, muli na namang nagkurus ng landas ang kasaysayan ng Cuba at ng Pilipinas. Nagsilbi si Landsdale sa Pilipinas bilang tagapayo ng JUSMAG (Joint United States Military Assistance Group) sa pakikibakang sikolohikal. Siya ang naka-"diskubre" kay Ramon Magsaysay (na noon ay pangkaraniwang kongresista pa lamang) at inirekomenda niya ito kay Pangulong Elpidio Quirino upang maging kalihim ng pambansang tanggulan. Kinilala sa mga aklat pangkasaysayan ang tambalang Landsdale-Magsaysay sa pagdurog sa pag-aalsang Huk na pinangunahan ng mga komunista sa Luzon noong 1950-51. Hindi ito ang kalagayan para sa masinsing pagtatasa sa kabiguan ng Huk. Sapat nang sabihing ang mga malalaking pagkakamali ng Partido Komunista ng Pilipinas ay mas matimbang sa pagkagapi ng mga Huk kaysa sa kahambugan ng pagkahenyong militar ni Landsdale at nga karisma ni Magsaysay.

Animo'y naging alamat si Landsdale dahil sa kanyang mga bali-balitang tagumpay sa Pilipinas. Sa kalaunan ay pinadala siya ng Kagawarang Pang-Estado (State Department) ng Estados Unidos sa Katimugang Vietnam sa pag-asang maulit ang kanyang mga nagawa. Sa kasawiang palad, napatunayang mas mahusay at nagkakaisa ang mga Viet Cong kaysa mga Huk. Sa pagbagsak ni Ngo Dinh Diem, nawala nang unti-unti si Landsdale sa pasilyo ng kapangyarihan hanggang sa kalaunan ay magawa niyang magmagaling sa magkapatid na Kennedy.

Nagsimula ang "Operasyong Mongoose" ni Landsdale sa planong pagpatay kay Castro sa tulong ng Mafia. Bago ang rebolusyon, ang mga Amerikanong mambubutang (gangster) ay may malawak na talakupan (network) ng kriminal sa Cuba. Pag-aari nila ang mga malalaking otel at kontrolado ang mga pasugalan, droga, at prostitusyon. Pinalayas sila ni Castro at kinumpiska lahat ng kanilang ari-arian. Batid na may palakol pa silang hahasain, hiniling ni Landsdale ang kanilang tulong upang malagyan ng lason ang pagkain ni Castro, lagyan ng pampasabog ang kanyang tabako, o barilin siya.

Subalit ginawa itong padaskul-daskol ng mga butangerong Mafia ang ganitong mga "hibang na pakana". Kaya agad nagsagawa si Landsdale ng mas seryosong planong walang katiyakan: ang pangalawang pagsalakay sa Oktubre 1963. Kinalap niya hindi lamang ang mga gusanos (mga anti-Castro na nagsilikas) kundi pati mga kawal ng kapalaran (o mersenaryo) mula sa iba pang bansa sa Latin Amerika. Yayamang pinadala ni Bissell ang mga mersenaryo sa Look ng mga Baboy ng may kaunting pagsasanay, inatasan ni Landsdale ang kanyang mga kalap na sumailalim sa masinsinang pagsasanay sa pakikidigma sa Louisiana sa ilalim ni Napoleon Valeriano, isang Pilipinong koronel na nagtungo sa US kasama ang asawa ng isang miyembro ng angkang Araneta. Bilang kumander ng kinatatakutang yunit Nenita sa kampanyang anti-Huk, si Valeriano ang sinundan ni Jovito Palparan bilang berdugo ng Gitnang Luson.

Nagbuo rin ng pamahalaan ng Cubanong eksilo si Landsdale sa Miami sa ilalim ni Jose Miro Cardona. Ang balak niya'y kilalanin ng US ang pamahalaang eksilo na ito kapag ang mga mersenaryo'y nakatuntong na sa lupaing Cubano. Agad namang hihingi ng tulong sa US si Miro Cardona; sa gayon, tutugon ang mga tropang Amerikano sa Guantanamo upang tapusin ang maruming gawain.

Natuklasan ng mga Cubanong intelihente ang pakana. Napagtanto ni Fidel na mas matinding pakana ito kaysa pagsalakay sa Look ng mga Baboy, isinugo ni Fidel si Raul Castro (ang nakababata niyang kapatid at namumuno sa Hukbong Cubano) sa Moscow upang lagdaan ang tratado kung saan ituturing ng Unyong Sobyet na ang pagsalakay sa Cuba ay pagsalakay na rin sa Unyong Sobyet. Subalit nakaisip ng mas matapang na ideya si Khrushchev: Maaaring maglagay ng baseng misayl ang Unyong Sobyet sa Cuba. Ito'y magbibigay ng napakalinaw na hudyat ng kahandaan ng Unyong sobyet na sumuong sa digmaan kasama ang Cuba.

Nang ipinakita ni Kennedy sa Pangkalahatang asembliya ng UN ang mga litratong kuha sa himpapawid ng kinalalagyan ng mga misayl, sinabi ng tampalasang si Khrushchev na ang mga barkong Sobyet na may  dalang dagdag na kagamitan upang makumpleto ang proyekto ay papaalis na sa daungan ng Odessa. Kapagdaka'y gumuhit ng linya sa mapa si Kennedy at nagbantang wawasakin ang mga barkong Sobyet pag lumampas ang mga ito sa linya. Sinagot ito ni Khrushchev na magpapalipad sila ng mga warhed nukleyar sa mga mayor na lungsod sa Amerika kapag winasak ng US ang alinman sa mga barko ng Sobyet.

Nanghilakbot ang daigdig nang maglayag ang mga barkong Sobyet sa lugar kung saan sinabi ni Kennedy na sisirain ang mga ito. Nagpadala naman ng trelegrama kina Kennedy at Khrushchev ang kilalang pilosopong Briton na si Bertrand Russell na nanawagang itigil na ang kanilang mapanganib na laro. Tumugon naman si Khrushchev na pauuwiin niya ang mga barko kung mangangako si Kennedy na buwagin ang kampo ng pagsasanay ni Valeriano, itakwil ang gobyernong eksilo ni Milo Cardona, at tanggalin ang baseng militar ng US sa Turkiya. Nang tumalima si Kennedy, bumalik naman sa pinanggalingan ang mga barkong Sobyet.

Ang namamayaning pananaw ay napagwagian ni Kennedy ang tunggalian ng loob sapagkat napigilan niya ang pagtatayo ng baseng misayl ng Sobyet sa Cuba. subalit kung babalikan natin ang pangunahing dahilan kung bakit maglalagay ng base doon ay upang mapigilan ang pangalawang pagsalakay, ito'y tagumpay para sa Cuba.

Ang pilit na pakikipag-ugnayan sa USSR

Hindi masaya sa kinahinatnan si Castro. Dama niyang masyadong naagrabyado dahil isinama ni Khrushchev ang Cuba sa isang pakikipagkasundo kay Kennedy nang hindi siya kinunsulta. Nagmukha tuloy siyang piyon o tau-tauhan ng Unyong Sobyet. Hindi tulad ng mga masunuring kampon sa Silanganing Europa, lantarang inatake ni Castro si Khrushchev sa harap ng dayuhang midya, at ipinagdiinang hindi niya papayagang maging sunud-sunuran kaninuman. Maaaring samantalahin ito ni Kennedy upang ilayo ang Cuba sa impluwensiya ng Sobyet. Gayunman, sa gayong yugto, nabubulagan siya ng kanyang matinding pagkapoot kay Castro. Imbes makipag-usap kay castro, inudyukan niya si Khrushchev na gumanti.

Subalit hindi man lamang nagpasupil si Khrushchev. Sa halip, inanyayahan niya si Castro para sa isang pang-estadong pagbisita sa Moscow. Tinanggap ni Castro ang ganitong pampalubag na pakikitungo subalit iginiit na ang kanyang pang-estadong pagbisita ay higit pa sa isang seremonya. Nais niyang manatili ng isang buwan doon at magtungo sa iba pang lungsod ng Sobyet. Tila kahibangan ang ideyang iyon para sa mga burukrata ng Kremlin na laging nasa isip ang protokol. Gayunman, pinahintulutan ni Khrushchev ang nais ni Castro. Sa loob ng apat na linggo, nilibot ni Fidel ang Unyong Sobyet tulad ng isang Amerikanong kandidato sa pagkapangulo na nasa kampanyahang sipol-hinto. Saanman siya magtungo, tinanggap siya ng mamamayang Sobyet bilang isang matagumpay na bayani.

Matagal-tagal din bago napuna ng mga mapagmasid na dayuhan ang nasasaloob sa plano ni Castro. Ginamit niyang bentahe ang kanyang personal na karisma at larawan ng kabayanihan, hinagilap ni Castro ang suporta ng mamamayang Sobyet upang hindi lubusang umasa ang Cuba sa mga kapritso ng Kremlin. Nais niyang maitatag ang isang mamamayang magkakasama sa loob  ng Unyong Sobyet upang ang mamamayang Sobyet ang kusang magsalita para sa Cuba, hindi sa nakabalangkas na paraan, kung sakaling sumalakay muli ang US.

Hindi ko tiyak kung batid ni Fidel na sa panahong iyon si Khrushchev ay nahaharap sa pag-aalinlangan sa loob ng Partido Komunista ng Unyong Sobyet. Bumagsak si Khrushchev matapos ang pang-estadong pagbisita ni Fidel. Ilan sa mga "dokumentadong kasalanan ni Khrushchev", isang pahayag ang ipinalabas ni Leonid Brezhnev na tumalatakay sa maling pagtangan sa krisis ng misayl sa Cuba. Napagtanto na lamang na naging napakatanyag ni Castro sa mabababang organisasyon ng partido, nilampasan ng bagong liderato ni Brezhnev ang pagiging bukaspalad ni Khrushchev sa Cuba.

Pagdadala ng rebolusyon sa ibang bansa

Nang nagpakita ng pagkapoot ang mga pinuno ng ibang bansa sa Cuba, nanawagan si Fidel sa kanilang mamamayang sagigilid (dukha't nasa laylayan ng lipunan). Halimbawa, sa kanyang pagbisita sa Nuweba York noong 1960 (upang magpahayag sa Pangkalahatang Asembliya ng UN), hindi siya pinansin ni Eisenhower at trinato ng kawalang galang ng kagawad ng isang otel na five-star ang kanyang mga kasamahan. Kaya nagkampo sina Fidel sa lugar ng mga dukhang itim (ghetto) sa Harlem kung saan malugod siyang tinanggap ng mga Apro-Amerikano. Dahil sa pagpapakitang ito ng pakikiisa sa "mga kahabag-habag sa lupa" ay napamahal siya sa lumalawak na kilusan ng lakas ng mga itim.

Ipinakita rin ni Fidel ang kanyang hindi pangkaraniwang diplomasya nang ang Cuba'y pinatalsik ng Samahan ng mga Amerikanong Estado (Organization of American States). Bilang tugon, nanawagan siya ng kumperensya ng mga rebolusyonaryong pangkat sa Latin Amerika upang pagtibayin ang "Ikalawang Deklarasyon sa Havana". Bitin sa retorika, ang dokumentong ito'y isang lantarang panawagan para sa armadong pakikibaka laban sa mga gobyernong nag-endorso o nagpatibay sa pagpapatalsik sa Cuba.

Alinsunod sa Ikalawang Deklarasyon sa Havana, nagtatag ang Cuba ng isang ispesyal na paaralan sa ilalim ng enigmatikong si Manuel Piñeiro upang sanayin ang mga gerilyero ng iba pang bansa sa Latin Amerika. Saanman pahintulutan ng mga pangyayari, ipinadadala ng Cuba ang sarili nitong tropa upang lumaban sa mga dayuhang lupain.

Malamig ang Moscow sa ganitong "pagdadala ng rebolusyon sa ibang bansa". Ipinaliwanag ni Che Guevara ang nakapaloob na estratehiyang ito sa kanyang tanyag na liham sa Kongreso ng Tri-Continental noong 1966. Isinulat ni Che na ang pinakamagandang suporta ng mamamayan ng daigdig na maibibigay sa mga magigiting na mamamayang Vietnames ay ang lumikha ng dalawa, tatlo o higit pang Vietnam. Sa ibang pananalita, pagaanin ang panggigipit sa Vietnam sa pamamagitan ng paglaban sa imperyalismong US kahit saan.

Hindi laging nanghihimasok ang Cuba upang wasakin ang isang umiiral na rehimen. Sa kaso ng Angola, nanghimasok ang Cuba upang mailigtas ang isang popular at inihalal na rehimen mula sa isang rebelyong inarmasan at pinondohan ng CIA. Dahil ang mga rebelde ng UNITA ni Jonas Savimbi ay sadyang walang kakayahan, ang mga piling tropa ng rehimeng apartheid ng Timog Aprika ay nagmartsa tungong Angola. Nanawagan ng internasyunal na suporta ang Kilusan ng Mamamayan para sa Kasarinlan ng Angola (Movimento Popular de Libertação de Angola - MPLA). Habang sinisimulan ng Kremlin ang isang pakikipagkasundo sa Washington alinsunod sa panawagan ng mapayapang kapwa pag-iral (peaceful coexistence), ipinasiya ni Fidel na magpadala ng tropang Cubano upang saklolohan ang nakubkob na pamahalaan ng Angola, na iginiit ang Marxista-Leninistang prinsipyo ng proletaryadong internasyunalismo.

Sa isang mapagpasyang tunggalian sa Cuito Cavanale, dinurog ng mga Cubano ang gulugod ng hukbo ng Timog Aprika. Dahil nawalan ng kanilang magagaling na kawal, iniwan ng mga Timog Aprikano ang Angola sa kaguluhan. Malubhang nasugatan, hindi na kayang ipagtanggol ng rehimeng apartheid ang sarili nito mula sa armadong militar ng Pambansang Kongreso ng mga Aprikano (African National Congress). Kaya napilitan ang rehimeng apatheid na palayain si Nelson Mandela at sumang-ayon sa karapatang bumoto ng mamamayan. Sa unang halalan ng iba't ibang kulay ng balat (multiracial election), si Mandela ang unang pangulong itim ng republika ng Timog Aprika. Isa sa una niyang pagkilos ang pagbisita sa Havana upang personal na pasalamatan si Fidel Castro. Kinilala niyang napakahalaga ng panghihimasok ng Cuba sa Angola para sa kasarinlan ng mayoryang itim sa Timog Aprika.

Hindi laging matagumpay ang proyektong internasyunalista ng Cuba. Napatay sa Venezuela si Fabricio Ojeda, ngunit ang kanyang pamana'y nanatili sa pamahalaang Bolivariano ni Hugo Chavez. Sa Bolivia, namatay na lumalaban sa diktadurang militar si Che Guevara. Subalit doon din, ang kanyang alaala'y nakaukit na sa makakaliwang pamahalaan ni Evo Morales. Ang kapansin-pansin sa nangyayaring kalakaran sa Latin Amerika ay ang pagwawagi sa halalan ng mga pwersang Kaliwa, isang larangang sa pananaw ng Amerika'y hindi magagapi ang kanilang mga bulag na tagasunod.

Pagbabahagi ng bunga ng edukasyon

Mula sa katapusan ng 1980s, ang internasyunalistang patakarang panlabas ng Cuba ay nagkaroon ng kakaibang hugis. Imbes na magpadala ng mga sundalo sa mga bansang ginutay ng digmaan, nagpadala ang Cuba ng mga manggagamot at mga guro sa mga bansa sa Aprika at Latin Amerika. Hindi ito lubos maisip bago mangyari ang rebolusyon dahil kakaunti ang mga edukadong empleyado ang Cuba.

Noong 1959, ang taon ng tagumpay ni Castro, ang Cuba'y mayroon lamang 6,000 doktor medikal; pagdating ng 1962, nandayuhan sa Estados Unidos ang halos 4,000 sa kanila. Ang iba pang propesyunal ay sumama sa pag-aalisan. Ito'y maaaring magresulta sa mayor na krisis sa mamamayan kung hindi lamang sa pagdagsa ng mga propesyunal mula sa Latin Amerika, Europa at maging sa Amerika na natagpuan sa Cuba ni Castro ang pagkakataong lumikha ng isang makataong sosyalistang lipunan na kanila lamang napapangarap sa sarili nilang bayan.

Sa pangkalahatan, konserbatibo ang mga ekonomista. Bago pa mangyari ang rebolusyon sa Cuba, ang ilang sinanay na ekonomista at mga nasa gitnang antas na tagapangasiwa ay nagtatrabaho sa mga kumpanyang Amerikano. Halos lahat sa kanila'y naglayasan nang lumipat sa Kaliwa ang Cuba. Sa kabutihang palad, maraming makakaliwang ekonomista sa UN Economic Commission for Latin America o ECLA ang nag-aalumpihit sa kabiguan dahil binabalewala ng halos lahat ng pamahalaan sa rehiyon ang kanilang mga payo. Nagboluntaryo silang magbigay ng payo at tumulong na pangasiwaan ang Pambansang Bangko ng Cuba, ang kagawaran ng dayuhang kalakalan, industriya, at pag-unlad ng ekonomyan pati na rin sa Kapulungan ng Sentrong Pagpaplano (Central Planning Board).

Habang may ginagampanang kritikal na papel ang mga dayuhang naninirahan sa Cuba sa unang ilang taon ng rebolusyon, napagtanto ni Fidel na hindi habang panahong nakaasa sa dayuhan ang kanyang bansa. Dapat paramihin ng Cuba ng bagong henerasyon ng mga Kaliwang intelektwal na sa kalaunan ay papalit sa kanila. Subalit sa animnapung bahagdan (60%) ng kawalang kakayahang magsulat at magbasa ng populasyon, makakamit lang ito makalipas ang ilang dekada.

Nakamit iyon ng Cuba ng halos isang dekada. Itinuring na "taon ng edukasyon" ang 1961. Sa kabalintunaan, inilunsad iyon ni Fidel sa pamamagitan ng pagsasara ng lahat ng paaralan at ipinadala ang mga estudyante upang turuang magbasa at magsulat ang mga matatandang walang alam dito. Suot ang mga uniporme tulad ng mga mandirigma ng Sierra Maestra, nagtungo sila sa mga nayon na armado ng mga plaslayt at mga materyal sa pagtuturo. Pinuri niya ang mga ito bilang mga bagong rebolusyonaryong ang tungkulin ay gapiin ang kamangmangan.

Pagkat lahat ng Cubano'y nakapagsasalita ng Kastila, na isang wikang ponetiko o palatinigan, hindi sila mahirap turuang magbasa at magsulat, hindi tulad (ng trabaho o karanasan) ng mga Amerikanong Thomasite na tinuruan ang mga Pilipinong magbasa at magsulat sa dayong wika. Sa loob ng ilang taon, ang kamangmangan (illiteracy) sa Cuba ay bumagsak mula 60 hanggang sa 20 bahagdan.

Ang mas malaking hamon ay kung paano nila gagamitin ang bago nilang kasanayan. Sa ganitong layunin, pinasok ng pamahalaang Cubano ang isang malawakang proyekto ng paglalathala ng mga aklat. Isinalin ng palimbagan ng estado at muling inilathala ang lahat ng mga banyagang klasiko at mga kasalukuyang pinakamabiling aklat upang ipamahagi sa mga aklatan ng komunidad na nagsulputan sa buong isla. Ang mga banyagang may-akda noong una'y nagprotesta dahil sa anila'y tahasang paglabas sa karapatang magpalathala (copyright), subalit pinayapa sila ni Fidel na may teoryang ang mga produktong intelektwal ay mga sama-samang pag-aari ng sangkatauhan at hinimok silang damhin ang karangalang sila na'y malawakang nababasa sa Cuba.

Dahil naigpawan nila ang kanilang pangunahing kapansanan, ang mga bagong may pinag-aralang matatanda ay makakakuha na ng mas mataas na pag-aaral. Noong 1960s at 1970s, karaniwang makakakita ng mga magbubukid na edad 40 hanggang 50 ang dumadalo sa mga sekundaryong paaralan at sa mga pamantasan kasama ang kanilang mga anak. Karamihan ng mga huling-sibol na ito ay agad nakapagtatamo ng katibayan o degri sa kolehiyo, at naging kwalipikado sa eksaminasyon ng lisensya upang maging propesyunal. Sa kasalukuyan, ang mga manggagawang Cubano ay hindi lamang edukado kundi itinalaga rin ang sarili sa rebolusyon.

Nakamit ng edukasyong Cubano ang pinakamagandang tinamo nito sa larangan ng medisina. Binanggit ng Un World Health Organization na ang sistemang pangkalusugan ng Cuba ang siyang modelo para sa Ikatlong Daigdig. (Ito'y isa sa mga modelo ng UP School of Health Science sa Palo, Leyte.) Ang sistemang ito'y nilikha ni Che Guevara na isa ring doktor ng medisina bago naging isang gerilya. Ang ubod ng sistemang ito'y ang klinikang pangkalusugan sa komunidad. Ayon nga kay Che Guevara, ang klinika ng komunidad ang palasyo ng kalusugan, samantalang ang ospital ang lugar bago ang kamatayan. Yaon lamang mga seryosong kaso ang pinadadala sa mga espesyalista sa ospital.

Bawat ospital sa Cuba ay may isang klinika na kahit paano'y may isang doktor at dalawang nars. Hindi tulad ng mga doktor natin na naghihintay na puntahan sila ng mga maysakit, sa tuwina'y dinadalaw ng mga Cubanong doktor ang 500 pamilyang nasasakupan ng kanilang klinika. Ang mga doktor na ito'y hindi lamang nagpapraktis ng medisina; sila'y nagsisilbi ring organisador sa mga komunidad. May mahalagang papel silang ginagampanan sa mga malawakang pagkilos ng masa laban sa imperyalismo.

Binigyang diin ng edukasyong medikal sa Cuba ang mapigilan ang mga sakit kaysa ang gamutin ang mga sakit. Ang kurikulim sa medisina ay nakatuon sa kalusugan ng publiko, hindi ang pagsasanay ng mga espesyalista sa mga kapaki-pakinabang na larangan tulad ng pag-oopera, kardiyolohiya, neurolohiya, onkolohiya, atbp. Dapat magpraktis ng maraming taon ang mga batang doktor ng medisina sa komunidad bago sila tumungo sa residensya.

Sa kasalukuyan, labis-labis ang doktor sa Cuba; kaya nga kaya nitong magpadala ng libong doktor kung saan kinakailangan ng mahihirap ang serbisyong medikal. Ang mga paaralan nito sa medisina ay nakapagpapatapos ng ilang ulit na mas maraming manggagamot kaysa bilang ng mga lumikas patungong US. Mas kinikilala ang mga Cubanong doktor sa mga bansa sa Aprika at Latin Amerika dahil handa silang maglingkod sa mga kalunos-lunos na lugar. Bukod sa pagsusuri at paggamot sa mga maysakit, tinuturuan at inoorganisa rin nila ang mga tao upang mapanatili ang isang malusog na kapaligiran.

Hindi tulad ng mga doktor na Filipino-Amerikano na sa tuwina'y bumibista sa mga nayon ng ilang araw para sa tinatawag na misyong medikal, halos tatlong taon naman mananahan ang mga Cubanong doktor sa mga mahihirap na komunidad. Sa panahong magtapos na ang kanilang panunungkulan, nakapag-iiwan sila ng mga bihasang paramediko at pamayanang organisado. Gayundin naman, nag-iwan sila ng mabuting pangalan para sa Cuba at pakikiisa sa sosyalistang rebolusyon.

Panahon ng matinding kahirapan

Ang bugso ng kontra-rebolusyon sa Rusya at Silanganing Europa ay nagdulot ng matinding dagok sa rehimeng Castro dahil, salamat sa kagandahang loob ni Brezhnev, ang Cuba ay masyadong umasa sa kanila. Nagkakahalaga ng $4Bilyon taun-taon ang direktang subsidyo. Sinusuplay  ng Rusya ang lahat ng pangangailangan ng Cuba sa langis, sa presyong kanais-nais. Sinusuplay din nito ang mga pagkain, medisina at mga mahahalagang kalakal. Sinisipsip din ng COMECON (ang karaniwang pamilihan ng Silanganing Europeano) ang mga labis na asukal nito. Sa mahigit isang dekada ng tulong ng Sobyet at pautang ng mahabang panahon babayaran ng may mababang interes, ang nagpapanatiling buhay sa Cuba sa kabila ng embargo ng Amerika.

Subalit ang pagiging palaasa sa kagandahang loob ng iba ay tigib sa panganib. Hinimok ng mga tagapayong Sobyet ang Cuba na baguhin ang disenyo ng ekonomya nito. Ang sentralisadong pagpaplano at pangangasiwang teknokratiko ang pumigil sa diwa ng inobasyon at improbisasyon na katangian ng Cuba sa mga unang taon ng rebolusyon. May mga markadong pagsulong sa mga kalagayang materyal, ngunit ang mga ito'y naglaho sa kalaunan nang lumubog ang mismong ekonomya ng Sobyet.

Sa panahong iyon ng pagiging palaasa, inilarawan ng Kanluraning midya si Fidel na gaya-gaya, na hindi naiiba sa iba pang lider komunista ng Silanganing Europa. Gayunman, ang totoo'y isa siyang napakatalinong pragmatiko na ginawang buong kapakinabangan ang mga tulong ng sobyet nang hindi nawawala ang paningin sa adhikaing sosyalista. Nang makita niyang palutang-lutang na ang ekonomyang sobyet, sinimulan niyang pumihit ng kambiyo. Noong 1986, inilunsad niya ang isang kampanyang pagwawasto upang baligtarin ang tinatawag niyang "mga pagkakamali at negatibong kaugalian". Tumungo ito sa unti-unti ngunit maayos na pagkalansag ng modelong Sobyet.

Hinimok ng mga tagapayong Sobyet sa ekonomiya, na tinatrabaho ang burgis na teorya ng komparatibong bentahe, ang Cuba na magpakadalubhasa sa produksyon ng asukal upang iluwas sa Silanganing Europa. Sa kampanyang pagwawasto, ang diin ay pumihit sa paglilinang ng mga pagkaing inanin para sa lokal na pamilihan. Habang patuloy na lumilikha ng asukal ang Cuba, sinimulan din nito ang pananaliksik sa alternatibong gamit ng asukal. Pinagsama-sama ang mga pinakamahuhusay na Cubanong siyentipiko sa iisang institusyon ng pananaliksik at naglaan ng pandaigdigang klase ng laboratoryo upang makapagpaunlad ng bagong produktong makikipagpaligsahan sa pandaigdigang pamilihan. Ang resulta, nakalikha ang Cuba ng pinakamahuhusay na bakuna para sa hepatitis B, isa lang ito sa iba pang produktong bioteknolohiya. Ang bioteknolohiya sa ngayon ang ikatlong pinagkukunan ng dolyar ng Cuba.

Ngunit halos huli na ang mga repormang ito. Pasuray-suray na ang ekonomya ng Cuba kasabay nang panlulupaypay ng COMECON at ng agad na pagbagsak ng Unyong sobyet habang nagsisimula pa lang magkaroon ng momentum ang kampanyang pagwawasto. Sa isang iglap, ito'y pinagkaitan ng taunang subsidyong $4Bilyon. Ang ekonomya'y lumiit ng 35 bahagdan (35%). Nang mawala ang proteksyon ng Unyong Sobyet, ganap nang nalantad sa pagsalakay ng militar ng Amerika ang Cuba.

Nag-opensiba ang mga buwitre ng Washington. Noong 1992, lalong pinahigpit ng Torrecilli Act ang embargo. Ipinagbawal nang dumaong sa mga pantalan ng US ang mga eroplano't komersyal na barko na dumaong sa Cuba. Pinagbantaang gagantihan ang mga dayuhang kumpanya at subsidyaryong dayuhan ng mga kumpanyang Amerikano na nakipagkalakalan sa Cuba. Sa prenteng pulitikal, pinatindi ng CIA ang mga subersibong aktibidad nito sa Cuba sa pamamagitan ng mga NGO na nag-aastang kampeon ng karapatang pantao at kalayaan sa pamamahayag.

Naharap sa pagsubok ang maalamat na karisma ni Fidel habang nananawagan siya ng sukdulang sakripisyo sa kanyang mamamayan. Mahigpit na pinutol ang mga rasyon ng pagkain upang maiwasan ang pagsiklab ng kagutuman. Halos tumigil na rin ang pampublikong transportasyon habang nagkaubusan na ng gasolina at parte ng makina ang mga sasakyan. Ginamit ng mga magsasaka'y mga karitong hila ng mga baka upang madala ang mga pagkain sa pamilihan. Sadyang kalunos-lunos ang kalagayang iyon. Tinawag ito ni Castro na ispesyal na yugto, na binigyang-diin ang pagiging pansamantala nito.

Samantala, nagbigay ng konsesyon ang Cuba sa kapitalismo. Pinayagang magpatuloy ang maliliit at katamtamang antas na pribadong negosyo. (Palagay ko'y mali nang inasyunalisa ang mga ito sa simula pa lamang.) Subalit inilinaw ni Castro na hindi nila iiwan ang sosyalismo. Mananatiling pinakamataas na prayoridad ang sistema ng libreng edukasyon at kalusugan ng publiko - na ipinagmamalaking nagawa ng Cuba. Malugod na tinatanggap ang mga dayuhang mamumuhunan kung sila'y makikibakas sa pamahalaan. Pili ang liberalisasyon at may kalakip na mahigpit na patakaran.

Habang maraming bansa ang umaayaw sa Torrecilli at Helms-Burton Act, lumawak ang dayuhang pakikipagkalakalan sa Cuba. Nagsimulang magsipasukan ang mga pribadong puhunan mula sa Europa, Canada, Japan, at maging ng Israel, na naakit sa maraming manggagawang mataas ang pinag-aralan. Tinangkang balewalain ng mga turistang amerikano ang pagbabawal na maglakbay sa Cuba. Pagdating ng 1995, muling nakabawi ang Cuba.

Hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling abnormal ang ekonomya subalit walang nagugutom sa Cuba. Mas maalwan pa ang buhay ng karaniwang Cubano kaysa kalahati ng 100 milyong Pilipinong nabubuhay ng mababa pa sa antas ng kahirapan. Noong kami ng aking asawa'y bumisita sa Cuba noong 2002, nalampasan na ng Cuba ang pinakamasahol na antas ng ispesyal na yugto, subalit mababanaagan pa rin ang mga bakas nito. Nakipag-usap kami sa mga tao sa kalsada sa pamamagitan ng aming munting kaalaman sa Espanyol. Hindi sila natatakot makitang nakikipag-usap sa dayuhan, na nais ipaniwala sa atin ng Kanluraning midya. Malaya nilang sinabi sa amin kung paano pinasahol ng embargo ang kanilang pamumuhay, subalit ang sinisi nila rito'y ang mga Amerikano, hindi si Fidel Castro. Nanatili silang mataimtim na sumusuporta sa sosyalistang rebolusyon.

Ang hinaharap nang wala si Fidel

Isang dokumento ng CIA ang nabunyag ilang taon na ang nakararaan na nagpapayo kay Pangulong Clinton na huwag masyadong ipilit ang mag-eleksyon sa Cuba. Nagbabala ito na kung pumayag si Castro, mananalo siya ng puspusan. Magiging malaking sampal iyon sa Washington. Walang pulitikong anti-Castro sa Cuba o sa eksilo ang makapapantay sa kanyang katanyagan. Pinipigilan din, ayon sa dokumento ng CIA, ang panghihimasok militar sa Cuba, na ikinatwirang maaaring madali ngang masasakop ang Cuba ngayong wala nang suporta ang Sobyet dito, subalit mahirap panatilihing lupig ang mamamayan. Natitigilan sa mga bigo nilang pagtatangka sa buhay ni Fidel, pinayuhan ng CIA si Clinton na hintayin na lang itong mamatay ng likas na kamatayan; kung sabagay, matanda na ito't masasakitin.

Noong Agosto 2006, plano naming mag-asawa na muling bumisita sa Cuba upang lumahok sa malawakang pagdiriang ng ika-80 kaarawan ni Fidel. Ang mga pagdiriwang ay agad ikinansela sapagkat dinala si Fidel sa ospital upang tistisin ang bituka. Pumalit ang kanyang kapatid na si Raul bilang pansamantalang pangulo. sa Miami, nagsasaya ang mga gusanos. Subalit ayaw talagang mamatay ni Fidel! Sa kanyang huling mga taon, manaka-naka siyang nakikita sa telebisyon. Halos araw-araw siyang naglalabas ng "Pagninilay ng Punong Kumander" na ipinakalat sa internet ng mga embahadang Cubano at mga samahang pangkaibigan.

Noong Pebrero 2008, ipinahayag ni Fidel na hindi niya tinatanggap ang katungkulan bilang pangulo ng Konseho ng mga Estado at Punong Kumander. At noong Abril 19, 2011, nagbitiw siya mula sa Komite Sentral ng Partido Komunista ng Cuba.

Namatay si Fidel Castro noong Nobyembre 25, 2016 sa edad na 90. Ang kanyang huling hantungan ay isang malaking 2.6 toneladang batong granito na inilagay kasama sa mga mausoleo ng mga magigiting na bayano ng Cuba sa Libingan ng santa Ifigenia sa Santiago de Cuba.

Tulad ng hiling ni Fidel, isinabatas ng pamahalaang Cubano na walang itatayong anumang bantayog ni Fidel at walang lugar o gusaling ipapangalan sa kany.

Ang panlipunang sistemang itinatag ni Fidel Castro ay mamamalagi sa kanya. Ang mga pagbabago sa anim na dekada ng rebolusyon ay hindi mawawala sa magdamag. Maganda ang kapalaran ni Fidel na nabuhay ng mahabang panahon upang pamunuan ang tinatawag ni Max Weber na "institusyonalisasyon ng karisma". Habang ang kanyang mga kasama sa Sierra Maestra ay nagsisimulang magsiwalaan sa eksena, nagpakita ng pag-unawa sa hinaharap si Fidel sa pamamagitan ng pag-aalaga sa isang buong henerasyon ng mga edukado at talagang nakaukol na lider-sosyalista. Sa Cuba ngayon, walang kakapusan ng mga lider na bata pa at may kakayahan na talagang buong buhay ang nakalaan sa mga rbolusyonaryong kaisipang kinakatawan ni Fidel. Kapag naipwesto na ang mga institusyong sosyalista, hindi na kinakailangan ng Cuba ang isa pang karismatikong pinuno na magpapatuloy nito.

Sa papel na ito, nais kong ipakita na ang isang maliit at di pa gaanong umuunlad na bansa tulad ng Pilipinas at ng Cuba ay makatatagal sa pinakamatitindi mang dagok ng nag-iisang napakamakapangyarihang bansa, subalit kung ang mga namumuno rito'y may mga pananaw, may kakayahang pulitikal, may kakanyahang makapagbigay-sigla, may hindi matitibag na paglalaan ng puso't diwa, at may kapangahasan. Hayaan ninyong tapusin ko ito sa pagsipi kay Richard Gott, ang historyador na Briton hinggil sa Latin Amerika:

"Inilagay ng Rebolusyon ni Castro ang Cuba sa mapa... at inirehistro ang isla bilang isang permanenteng presensya sa entablado ng daigdig. Ikinintal niya sa mamamayang Cubano ang isang hindi matitibag subalit tunay na diwa ng pagmamalaki sa kanilang bansa. Maaaring tingnan ng mga bumibisitang dayuhan ang kapanglawan sa kaawa-awa at hindi naiingatang itsura ng [mga gusali sa] Havana, ngunit ilan lang ang maaaring makaligta sa kaligayahan at pag-asa ng malulusog at magandang manamit na populasyon. Ito'y isang rebolusyong hindi nagwakas sa alitan ng mga magkakapatid, kundi walang katapusang inalagaan ang mga bagong salinlahi ng mga edukadong mamamayan, na naakit na pakamahalin ang kanilang pinuno at ang kanyang Rebolusyon, at mag-angkin ng mayabong na diwa ng patriotismo, nang ipinagmamalaki ang mahabang kasaysayan ng kanilang bansa at mga nagawa ng mamamayan nito.

------------------------
Si Dr. Francisco "Ka Dodong" Nemenzo ang pangulo ng Philippines-Cuba Cultural and Friendship Association (PhilCuba). Dati siyang pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas, at nagtatangan ng titulong Professor Emeritus.

Si Gregorio V. Bituin Jr., ay makata, manunulat, aktibista, mananaliksik at tagasalin. Kasalukuyan siyang staff ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) at kasapi rin ng Philippines-Cuba Cultural and Friendship Association (PhilCuba).

(Natapos ang pagsasalin sa ganap na ikaapat ng umaga, ika-25 ng Hulyo, 2018, sa Lungsod Quezon.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento