Martes, Agosto 29, 2017

Si Lean bilang sosyalista

SI LEAN BILANG SOSYALISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi lamang simpleng makabayan si Lean Alejandro, kundi isa siyang sosyalista. Kaya hindi maikakahon si Lean sa pakikibaka hanggang pambansang demokrasya, ngunit mas malalim pa. Tatlong patunay ang maaari kong sabihin kung bakit sosyalista, at hindi lamang makabayan, si Lean Alejandro. Ang isa ay mula sa kanyang talambuhay na nasa wikipedia. Ang ikalawa ay mula sa kanyang kaibigang si Jojo Abinales sa artikulong "Lean Alejandro's tsinelas revolution". At ang ikatlo ay ang pakahulugan ni Lean kung ano ang isang sosyalista. 

Sa una ay ganito ang pagkakasalaysay: "According to Vitug, Lidy eventually formed her views on socialism and believed it was a better alternative to the capitalist system. Lidy and Lean both became socialists and this common ground that they shared made their love for each other grow even more." ("Ayon kay Vitug, nabuo ni Lidy ang kanyang mga pananaw sa sosyalismo at naniniwala siyang ito ang mas mahusay na alternatibo sa kapitalistang sistema. Sina Lidy at Lean ay kapwa naging sosyalista at ang karaniwang dahilan nito'y ang kanilang lumalagong pag-ibig sa isa't isa."

Nagkakaisa ang mag-asawang Lean at Lidy sa pananaw ng isang sosyalistang lipunan bilang alternatibo sa mapagsamantalang kapitalismo. Kaya ito ang mayor nilang pinagkakaisahang ipaglaban, hindi lamang ang bayan, kundi pagbabago ng sistema ng lipunan.

Ayon naman kay Jojo Abinales: "For this (as well as his taste for Johnny Walker Black Whiskey – another Nemenzo favorite), Lean was criticized for being unproletarian. He accepted these reproaches quietly, and when his detractors were out of hearing range, gave me this long-winded excuse – one can be an aspiring socialist, while also retaining the bourgeois refinements of taste. “After all Jo, look at Karl Marx’s lifestyle! True, he did attack capital, but he was also drawn to the cultural refinements it spawned” – words to that effect." ("Para sa mga ito (pati na rin ang kanyang panlasa sa Johnny Walker Black Whiskey - na isa pang paborito ni Nemenzo), pinuna si Lean dahil sa pagiging hindi proletaryado. Tinanggap niya nang tahimik ang mga pakahulugang ito, at nang hindi na naririnig ng mga pumupuna sa kanya, ay binigyan niya ako ng mahaba-habang dahilan - Ang isang tao'y maaaring maging isang sosyalista, habang pinapanatili rin ang burges na mga kapinuhan ng panlasa. "Gayundin naman, Jo, tingnan ang pamumuhay ni Karl Marx! Totoo, inaatake niya ang Kapital, ngunit nakinabang din naman siya sa mga kultural na mga pagpapabuti na isinagawa nito" - sa mga gayong pananalita."

At ang ikatlo ay ang pakahulugan ni Lean kung ano ang isang sosyalista. 

"The socialist man must know how to compute the distance of the stars, how to differentiate a fish from a shark, a mammal from a reptile. He must know how to distill wine into liquor and how to arrive at e=mc2. He must know how to cook bacon, butcher a pig and roast a lamb. He must be capable of leading armies into battle. He must know how to follow orders, give orders and he must know when to disobey them. He must be able at debate, at lobbying, at open struggle. He must know how to analyze difficult political situations, how to get out of one and how to convince others that they must do the same. He must know how to sail a ship, dig a latrine, construct a pigsty, wash clothes, wash dishes, plan an offensive, plan a retreat, mix martinis, drink martinis, differentiate brandy from whisky, keep quiet, participate, take care of babies, manage a state bureaucracy, soothe pain, comfort the sorrowful, maintain his composure in hot water, when to watch, when to participate, repair appliances, maintain a car, purge revisionists, ride a horse, run from a bull, swim, play tennis, drown gracefully, sink with his ship with honor along with the mice, discuss Mao, debunk Zinoviev, ridicule Stalin, appreciate a beehive, raise chickens, cook chickens, play boogle (respectably), correctly read Mabini, recruit members into the movement, motivate members to struggle, host a party, play at least one musical instrument, be critical, self-critical, honest... The socialist man is the total man. Specialization is for ants."

("Dapat mabatid ng sosyalistang tao kung paano kinakalkula ang distansya ng mga bituin, kung paano pinag-iiba ang isang isda sa isang pating, ang isang hayop sa isang reptilya. Dapat alam niya kung paano dalisayin ang tuba sa lambanog at kung paano makarating sa e = mc2. Dapat niyang malaman kung paano magluto ng bacon, magkatay ng baboy at mag-ihaw ng tupa. Dapat may kakayahan siyang pamunuan ang mga hukbo sa labanan. Dapat alam niya kung paano sundin ang mga atas, magbigay ng mga atas at dapat alam niya kung kailan susuway. Dapat may kakayahan siyang makipagbalitaktakan, sa pag-lobby, sa lantarang pakikibaka. Dapat alam niyang magsuri ng mahihirap na sitwasyong pampulitika, kung paano makalabas dito at kung paano kumbinsihin ang iba na dapat nilang gawin din ang gayon. Dapat alam niya kung paano ilayag ang barko, maghukay ng isang palikuran, bumuo ng silungan ng baboy, maglaba ng damit, maghugas ng pinggan, magplano ng opensiba, magplano ng pagtakas, paghalo ng martinis, uminom ng martinis, pag-ibahin ang brandy sa whisky, manatiling tahimik, lumahok, alagaan ang mga sanggol, pamahalaan ang isang burukrasya ng estado, pagtiisan ang sakit, aliwin ang nalulungkot, panatilihin ang kanyang pagpipigil sa mainit na tubig, kailan manonood, kailan lalahok, pagkumpuni ng mga kagamitan, alagaan ang isang kotse, purgahin ang mga rebisyunista, sumakay sa kabayo, takbuhan ang isang toro, lumangoy, maglaro ng tennis, malunod nang mayumi, lumubog kasama ang barko nang may karangalan kasama ang mga daga, talakayin si Mao, pabulaanan si Zinoviev, libakin si Stalin, pahalagahan ang isang bahay-pukyutan, mag-alaga ng manok, magluto ng manok, maglaro ng boogle (ayon sa pagkakasunod), maayos na basahin si Mabini, mangalap ng mga kasapi ng kilusan, ganyakin ang mga miyembro na makibaka, mag-ayos ng isang piging, tumugtog ng kahit isang instrumento sa musika, maging kritikal, pumuna sa sarili, tapat ... Ang sosyalistang tao ay ang kabuuang tao. Ang espesyalisasyon ay para lang sa mga langgam.")

Anupa't si Lean Alejandro ay masasabi nating tunay na sosyalista, na kung nabubuhay siya ngayon ay ipaglalaban niya ng lantaran ang sosyalismo bilang alternatibo sa lipunang kinapapalooban natin ngayon, na mapangyurak, maka-kapitalista, maka-burgesya at mapagsamantala. Nangangarap ang sosyalistang si Lean ng isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, at isang lipunang nakikinabang ang lahat, di lang ang iilan, sa yamang dulot ng paggawa.

Mabuhay si Lean Alejandro! Mabuhay ang sosyalismo!

29 Agosto 2017

Linggo, Agosto 27, 2017

Si Lean Alejandro at ang Lord of the Rings

SI LEAN ALEJANDRO AT ANG LORD OF THE RINGS
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kung nabubuhay lang si Lean Alejandro, tiyak na matutuwa siya sa pagsasapelikula sa tatlong bahagi o trilogy ng The Lord of the Rings ni J.R.R. Tolkien, sa direksyon ni Peter Jackson. Napanood ko ang tatlong ito. Ang unang bahagi ang Fellowship of the Rings (2001), ang ikalawa'y ang Two Towers (2002), at ang ikatlo'y ang Return of the King (2003).

Ayon sa isang saliksik, "The future of civilization rests in the fate of the One Ring, which has been lost for centuries. Powerful forces are unrelenting in their search for it. But fate has placed it in the hands of a young Hobbit named Frodo Baggins, who inherits the Ring and steps into legend. A daunting task lies ahead for Frodo when he becomes the Ringbearer - to destroy the One Ring in the fires of Mount Doom where it was forged." (Ang kinabukasan ng sibilisasyon ay nakasalalay sa kapalaran ng Isang Singsing, na nawala sa loob ng maraming dantaon. Ang mga makapangyarihang pwersa ay walang tigil sa kanilang paghahanap dito. Ngunit inilagay ito ng tadhana sa kamay ng isang batang Hobbit na nagngangalang Frodo Baggins, na nagmana ng Singsing at humakbang sa mga alamat. Napasan sa balikat ni Frodo ang pagwasak sa Isang Singsing sa apoy ng Bundok ng Mordor kung saan ito nabuo - nang siya na ang natalagang tagapangalaga ng Singsing.)"

Maraming nagsulat kung gaano nakahiligang basahin ni Lean ang nobelang ito. At may ilan akong pinaghalawan ng pagkagiliw ni Lean sa Lord of the Rings. Mas klarado itong naisulat ni Lean sa kanyang propesor na si Rita Estrada ng Kagawaran ng Sikolohiya ng UP habang nakapiit pa siya sa Camp Ipil Detention Center. At nabanggit din ito ng kanyang kaibigang si Jojo Abinales.

Ngunit bago iyon, may mga payo ang kritikong si Virgilio S. Almario, na aking guro sa Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA), isang samahan ng mga makata, mahalaga sa pagsusuri ang "pagtitig" sa akda, dahil marami ka umanong makikitang kahulugan, na maaaring batay sa kasaysayan, o maging sa iyong sariling karanasan, bukod pa sa karanasan ng sumulat nito. Ginamit namin ang payo niyang iyon sa pagsusuri ng mga tula at iba pang akda.

Sa ngayon, maaari kong sabihing ang sinulat ni Lean hinggil sa Lord of the Rings ay maaaring ihalintulad sa karanasan niya sa buhay. Halina't baybayin natin ang ilang talata sa kanyang liham sa kanyang propesor na si Dr. Rita Estrada ng UP Psychology Department. Ito ang kanyang isinulat sa ikapitong talata:

"We must avenge the dead and the dying victims of dictatorship in no uncertain terms but I think it would do us some good to remember the words of Gandalf when he said -- 'Many that live deserve death. And some that die deserve life. Can you give it to them? Then do not be too eager to deal out death as judgement.'

Sinabi ni Lean na dapat nating ipaghiganti ang mga namatay sa diktadura pati na rin ang mga naghihingalo nang walang pasubali, subalit ibinigay niya sa atin bilang payo ang mga sinabi ng pantas na si Gandalf, "Maraming nabubuhay ang dapat mamatay, habang maraming namatay ang dapat mabuhay. Maibibigay mo ba iyon sa kanila? Kung gayon ay huwag magmadaling gamitin ang kamatayan bilang hatol."

Ibig sabihin, hindi dapat kamatayan kaagad ang kahatulan sa diktadura o sa sinumang nagkasala, dahil sino ba ang dapat magwakas ng buhay? May karapatan ba tayong wakasan ang buhay, tulad ng nangyayari sa kasalukuyang lipunan, na parang manok lang kung puksain ang buhay ng mga dukha? Paano ba natin pinahahalagahan ang buhay? Paano ba tayo nakikipagkapwa-tao kung ang kalaban natin ay mamamatay-tao? Mabigat at malalim ang kahulugan ng sinabi ni Gandalf na dapat nating suriin at pag-isipan.

Sa ikasampung talata ng liham na iyon ay ito ang nakasulat: "I am getting another chance to visit Beleriand. The War of the Rings is on. The Company has just lost Gandalf in Moria. And there is still such a long, long way to go. It is an adventure on an epic scale. And I am glad that it is an adventure that we both share, together with all the Free People of Middle Earth."

Nais muling bisitahin ni Lean ang Beleriand. Ito'y isang rehiyon sa hilagang-silangan ng Middle Earth sa panahon ng First Age o Unang Edad. Ang panahon nina Frodo at Gandalf ay tinatawag na Third Age o Ikatlong Edad. Ang Beleriand ay tahanan ng mga Elves at sa kalaunan ay ng mga Tao at Dwarves. naglaho ang Beleriand sa panahon ng Ikatlong Edad dahil sa digmaan.

Ayon sa kasaysayan, "Sa pagtatapos ng Unang Edad sa Middle Earth ng taon 583, nadurog ang Beleriand dahil sa Digmaan ng Poot (War of Wrath) ng mga anghel, ang Maiar, laban sa demonyong si Morgoth (ang kanyang sarili ay isang Vala na nahulog sa kasamaan). Tulad ng mga naninirahan sa Beleriand, kabilang ang mga walang panginoong Orcs, mga hayop ng Angband, Elves, Tao at Dwarves, ay nagsitakas, lumubog sa dagat ang Beleriand. Isang maliit na bahagi lamang ng Silangang Beleriand ang nanatili, at pinangalanang Lindon, sa Hilagang-kanluran ng Middle Earth sa Ikalawa at Ikatlong Edad."

Patuloy ang digmaan, ayon kay Lean, sa Lord of the Rings, habang napahiwalay naman sa mga kasamahan si Gandalf sa Moria. Ang Moria ay isang malalim na bangin na pinagmiminahan sa ilalim ng makulimlim na mga bundok. Kilala iyong sinaunang lupain ng mga Dwarves ng mga tao sa Turin. Doon sa Moria nakatunggali ni Gandalf ang halimaw na Balrog at nahulog sila sa kailaliman. Napahiwalay nang tuluyan si Gandalf sa kanyang mga kasamahan. Ito'y sa unang bahagi ng nobela, ang Fellowship of the Ring. Sa ikalawang nobela na nakabalik si Gandalf, sa Two Towers. 

Ang pagkawala ni Gandalf sa Moria ay maaaring itulad sa pagkawala ni Lean sa kilusang masa, dahil siya'y napiit. "And there is still such a long, long way to go. It is an adventure on an epic scale. And I am glad that it is an adventure that we both share, together with all the Free People of Middle Earth." At mahaba ang kanilang lalakbayin sa pakikibaka laban sa diktadura. At iyon ay isang malawakang epiko ng pakikibaka upang mabago ang sistema ng lipunan. At natutuwa si Lean na iyon ay pakikibakang kabahagi ang isa't isa, kasama ang mga malalayang tao, tulad ng mga kasama niya sa UP at sa kilusang masa.

Ang ikalabing-isa't ikalabingdalawang talata ng liham na iyon ay nakapatungkol pa rin sa Lord of the Rings subalit itinulad niya sa panahon ng martial law, na nang panahong isinulat niya iyon ay nakapiit siya sa Camp Ipil sa Fort Bonifacio. At narito ang mga talatang iyon: "But not withstanding the glory of the Third Age, I am sure that you will agree with me when I say that the greatest adventure on earth today is our struggle for freedom. The pain and the sacrifice is staggering. The battles are historical. And the victory shall be truly glorious indeed."

Nagtagumpay sina Frodo, Gandalf, Aragorn, Legolas, at iba pang bayani sa Lord of the Rings na madurog ang Singsing sa apoy ng Mordor, na tinutukoy ni Lean na "glory of the Third Age". At kung itutulad pa rin ito sa kanyang panahon, kailangang makibaka upang lumaya ang bayan mula sa hilakbot ng diktadura. Kailangang tuloy-tuloy na makibaka hanggang mabago ang sistemang mapaniil. Nakahihilo man ang mga pasakit at sakripisyo ay dapat magpatuloy.

"I am glad that we share this greater adventure. And I am sure that we shall overcome the Dark Lord of our age, together with all the freedom loving Filipinos in our land. When all is over the telling of the tale will surely take a great number of lay and song. For our children and our children's children."

Tiyak na hindi sa Sauron ng Lord of the Rings ang kanyang tinutukoy na Dark Lord of our age, kundi ang diktador na si Marcos. Ang "greater adventure" naman ay ang pakikibaka laban sa martial law. 

Dagdag pa niya sa liham, sa ikalabingtatlo't ikalabing-apat na talata, ang makahulugang usapan ng dalawang bida ng Lord of the Rings:

'I wish it need not have happened in my time', said Frodo.

'So do I,' said Gandalf, 'and so do all who live to see such times. But that is not for them to decide. All we have to decide is what to do with the time that is given us.'

Sino nga bang makatitiyak na hindi dapat mangyari ang ayaw nating mangyari? Subalit payo nga ni Gandalf na kung anuman ang mangyari sa ating panahon ay hindi natin kapasyahan. Ang tanging mapagpapasyahan natin  ay kung ano ang dapat nating gawin sa panahong ibinigay sa atin.

Kung panahon iyon ni Bonifacio, tiyak na sasapi si Lean sa Katipunan. Kung panahon iyon ng pagsakop ng mga Hapon, marahil ay sumapi si Lean sa Hukbalahap. May kani-kanyang panahon. Ang mahalaga ay paano mo gagamitin ang iyong kakayahan at buong puso't diwa upang mapigilan ang mga mapag-imbot sa kapangyarihan na nagdudulot ng kapariwaraan ng taumbayan. Ang mahalaga ay ang pagkilos tungo sa kapayapaan at pag-unlad ng lahat upang lahat ay makinabang, at walang napag-iiwanan.

Upang manamnam ng mambabasa ang buong sulatin, mangyaring basahin sa aklat na ito ang salin mula sa Ingles ng buong liham ni Lean sa kanyang gurong si Dr. Estrada.

Kaya kung pakasusuriin, makahulugan ang pagtatapos ng liham ni Lean sa kanyang guro, lalo na sa ating henerasyon, at sa mga susunod pang henerasyon. Lalo na ang usapan nina Frodo at Gandalf - hinggil sa kasalukuyang panahon, noong panahon nila, at noong panahon ni Lean. At kung uunawain pa nating mabuti, sa panahon natin. Mabuting payo mula kay J.R.R. Tolkien, sa pamamagitan ni Gandalf.

Sa talambuhay ni Lean Alejandro sa wikipedia ay sinabi ng kanyang kaibigang si Jojo Abinales ang ganito:

"He was fond of reading Marx's love letters to his wife. He was an avid fan of literary fiction writer J. R. R. Tolkien and raved about The Lord of the Rings trilogy. Lean often shared to his friends the interesting books he has read and movies he has watched and spontaneously began intense discussions about them. In his interests in literature and film, he empathized with the characters who subdued evil and the forces of darkness. According to Jojo, who became Lean's room mate at the Narra Residence Hall, "Lean selflessly spent many sleepless nights with us just to impress why it was important to read about the commitment of Frodo Baggins and Gandalf the Grey (of The Lord of the Rings) to partly help us situate ourselves in a rapidly polarizing society; why, in confronting the evils of the real world, one can learn much in understanding Sauron the Great and his desire to repossess the one ring that shall make him ruler of Middle Earth; and why, in reading through the life of Gollum, one discovers that even in his miserable and deceitful life, he still would bring something good in a society threatened with darkness."

Ating namnamin: "Lean selflessly spent many sleepless nights with us just to impress why it was important to read about the commitment of Frodo Baggins and Gandalf the Grey (of The Lord of the Rings) to partly help us situate ourselves in a rapidly polarizing society;"

Napakahalaga ng talakayan hinggil sa Lord of the Rings at ang pagpapasya kung paano ba madudurog ang makapangyarihan at makademonyong Singsing ni Sauron. Bakit tinanggap ng simpleng taong tulad ni Frodo Baggins ang pagwasak sa Singsing gayong wala siyang kalaban-laban sa makapangyarihang si Sauron at kanyang mga alagad. Subalit naroon si Gandalf the Grey (na naging Gandalf the White na sa Ikalawang Aklat na Two Towers), upang tiyakin ang pagsusuri sa kalagayan at anong mga dapat gawin. Tulad din ng mga aktibistang karaniwang tao rin subalit piniling tahakin ang landas ng pakikibaka upang mapalaya ang bayan mula sa pagsasamantala at paghahari ng iilan.

"why, in confronting the evils of the real world, one can learn much in understanding Sauron the Great and his desire to repossess the one ring that shall make him ruler of Middle Earth;"

Kailangan nating unawain ang daigdig nating ginagalawan, lalo na ang paglaban natin sa kasamaang pumipighati sa ating bayan. Kung paanong dapat nating maunawaan si Sauron the Great at ang pagnanais nitong makuha muli ang singsing na dahilan upang mapamunuan niya ang Middle Earth, tulad din ng pagnanais ng diktadurang Marcos na tuloy-tuloy na maghari sa buong bansa. Pag naunawaan natin ito'y lalabanan natin ang anumang pag-iimbot ng iilan habang nahihirapan ang higit na nakararami. May pagkakataong ibinibigay ang kasaysayan upang labanan ng bayan ang mga mapaniil at may utang na dugo sa sambayanan.

"and why, in reading through the life of Gollum, one discovers that even in his miserable and deceitful life, he still would bring something good in a society threatened with darkness."

Si Gollum ay dating ang mabuting si Smeagol. Pinangalanan siyang Gollum batay na sa tunog ng kanyang boses. Dati siyang hobbit ngunit dahil sa singsing, siya'y naging maputla, payat at maumbok na nilalang. Sa ikatlong aklat, sa Return of the King, ay nagdebate sina Gollum at ang dati niyang katauhang si Smeagol. Sa kalaunan ay tinulungan ni Gollum si Frodo na makarating sa Mordor upang doon lusawin sa apoy ng Mordor ang singsing. Subalit sa huli, sa pagnanasa ni Gollum sa singsing dahil na rin nahahatak siya nito, ay kinuha niyang pilit kay Frodo ang singsing subalit kasabay ng pag-agaw niya sa singsing ay nahulog siya kasama ng singsing sa apoy ng Mordor. Iyon na ang katapusan niya at katapusan din ng singsing.

Si Lean Alejandro at ang Lord of the Rings ay magkaugnay, at hindi lang iisa. At ang mga natutunan niya sa Lord of the Rings ay maaari ring kapulutan ng aral ng marami sa atin. Nawa'y habang pinanonood natin, o ng ating mga anak at mga kaapu-apuhan, ang Lord of the Rings ay maalala natin na minsan man sa buhay natin o ng bansang Pilipinas ay may isang Lean Alejandro na nagsakripisyo para sa pagbabago ng sistema ng lipunan at para sa kalayaan ng sambayanan.

Pinaghalawan ng datos:
https://en.wikipedia.org/wiki/Beleriand
https://en.wikipedia.org/wiki/Leandro_Alejandro
http://www.sparknotes.com/film/lordoftherings/summary.html
https://en.wikipedia.org/wiki/The_Lord_of_the_Rings
https://medium.com/@lttrsnscrbbls/the-quintessential-life-of-lean-alejandro-1960-1987-ec9472eedab5

Huwebes, Agosto 24, 2017

Paunang Salita sa Ikalawang Edisyon ng MACARIO SAKAY, BAYANI

Paunang Salita sa Ikalawang Edisyon ng MACARIO SAKAY, BAYANI

Ang larawan sa pabalat ang mismong disenyo ng unang edisyon ng MACARIO SAKAY, BAYANI na nalathala noong Setyembre 2007, sa sentenaryo ng pagbitay kina Macario Sakay at kasamahang si Lucio De Vega. Dinisenyo mismo ito ng namayapang si G. Ed Aurelio C. Reyes, ang pasimuno ng KAMALAYSAYAN o Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan. Pinanatili ang disensyong ito bilang pag-alaala sa kanya, hindi lang bilang nagdisenyo, kundi bilang guro ng kasaysayan at mabuting kaibigan.

Ang ikalawang edisyon ng Macario Sakay, Bayani ay naglalaman ng mga bagong saliksik, mga bagong tula at sanaysay, mga balita, at isang desisyon ng Korte Suprema hinggil sa pagbitay kina Sakay at De Vega. Sa unang edisyon ay nanawagan tayo sa aklat na magkaroon sana ng rebulto si Macario Sakay at ipangalan ang isang mayor na kalsada bilang pagpupugay sa kanya. Isang taon makalipas, noong Setyembre 2008, ay naisakatuparan ang pangarap na iyon, naitayo at pinasinayaan ang rebulto ni Sakay sa Plaza Morga, katabi ng Plaza Moriones sa Tondo, Maynila.

Maraming salamat sa magasing Liwayway, lalo na sa serye nitong pagbabalik-tanaw sa kasaysayan dahil doon ko nalaman ang petsa ng pagbitay kay Macario Sakay, na siyang naging batayan ko upang pagsikapang magsaliksik at magawa ang aklat na ito at mailunsad sa UP Manila noong 2007 sa tulong ng Kamalaysayan.

Sa pagkakataong ito, hinihikayat ko ang ating mga mambabatas na maisabatas na maituro ang mga aral ng kabayanihan ni Macario Sakay sa paaralan, at pangalanan ang isang mayor na lansangan bilang pagpupugay sa kanya, halimbawa ang Taft Avenue sa Maynila na ipinangalan sa Amerikano ay pangalanang Macario Sakay Avenue.

Ang halimbawa ni Macario Sakay ay dapat pag-aralan at gawing inspirasyon ng kasalukuyan at mga susunod na henerasyon para sa pagtataguyod ng karapatan, makataong lipunan,  kalayaan, at patuloy na paglaban sa pang-aapi at kawalan ng katarungan sa ating bayan. 

Mabuhay si Macario Sakay! Pagpupugay sa ating mga bayani! 

GREGORIO V. BITUIN JR.
Agosto 24, 2017, Sampaloc, Maynila

Biyernes, Agosto 18, 2017

Dalawang tulang binasa sa Rizal Park Open Air Auditorium

* Ang dalawang tulang narito ang kinatha at binasa ng makata sa Rizal Park Open Air Auditorium sa Maynila noong Agosto 18, 2017, araw ng Biyernes. Ang dalawang tula ay bahagi ng pagtatanghal na pinamagatang "Sariling Wika ang Siyang Magpapalaya".

Dalawang tula. Isa para sa mga kabataan, at ang isa ay para sa hindi na bata. Binasa ng makata ang A ispor Atis bilang anyo ng pagmamahal di lang sa sariling wika kundi sa pagkilala sa kultura ng ating bayan. 

Bago basahin ng makata ang ikalawang tula ay ipinakilala muna niya ang dakilang gurong si Teodoro Asedillo, na nauna pa kay Manuel Quezon sa pagtatanggol sa sariling wika. Ang unang tula ay nilikha noong Agosto 12, 2017, habang ang ikalawang tula ay nilikha na sa Luneta ng mismong araw ng pagtatanghal, Agosto 18, 2017.

A ispor Atis
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

A ispor Atis, ituro sa mga bata
B ispor Batis, gamit ang sariling wika
Aba'y kayrami nating magandang salita
Bakit nahuhumaling sa wikang banyaga

A ispor Atis, ito ang sariling atin
B ispor Batis, sariling wika'y gamitin
Aba'y di tayo lahi ng mga alipin
Kundi lahing bayaning pawang magigiting

A ispor Apol daw, aba'y huwag magmintis
Sariling wika'y huwag payagang matiris
Ng sinumang nangangayupapa sa Ingles
Padaluyin natin ito tulad ng batis

A ispor Atis, ituro sa paaralan
At lalaki silang kaagapay ng bayan


SARILING WIKA: ISAPUSO, ISADIWA, ISABUHAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

paano gagamitin ang sariling wika
kung nariyan ang globalisasyon, banyaga
kung naninibasik sa lipuna'y kuhila
sariling wika ba'y salita lang ng dukha?

halina't aralin natin ang kasaysayan
sa sariling wika'y sinong nakipaglaban
gurong si Asedillo'y nangunguna riyan
ipinagtanggol niya ang wika ng bayan

at makalipas ang ilang dekada't taon
naging Ama ng Wikang Pambansa si Quezon
si Asedillo'y nalimot ng henerasyon
nasaan na ba ang sariling wika ngayon

aral ni Asedillo'y huwag lilimutin
sariling wika'y dangal na dapat mahalin
kung kailangan buhay ay ialay natin
upang sariling wika'y sadyang patampukin

Huwebes, Agosto 17, 2017

Pagyoyosi

May kakilala akong malakas manigarilyo. Ako naman ay hindi na nagyoyosi, bagamat nagyoyosi noong kabataan ko. Ngunit ang kakilala kong iyon na kaha-kaha kung manigarilyo (makikita mo iyon sa dami ng upos sa ash tray) ay nagsasabi sa aking makikisindi sa kalan. Aba'y bakit siya sa kalan sisindi? Magkano ba ang posporo? P3.00. Magkano ang lighter? Sabihin na nating ang pinakamura ay P20.00. Ang isang kaha ng kanyang yosi na naglalaman ng 20 stick ay nagkakahalaga ng P70.00. Magkano ang gasul? P700.00. Tapos sa kalan siya magsisindi? Kayang bumili ng kaha-kahang sigarilyo, pero nakikisindi. May bisyong magyosi, ngunit panindi ay hindi makabili? Hay buhay!
~ gregbituinjr.


Kahandaan


May kasamang tumawag sa akin sa telepono, hinihingi ang cellphone number ng isa pang kasama dahil kailangan niyang makausap. Kinuha ko naman ang cellphone ko at hinanap. Sinabi ko naman sa aking kausap ang numero ng cellphone ng kasama, aba'y nagsabing sandali lang at kukuha muna siya ng ballpen at papel para mailista niya. Hindi ba't dapat ay naihanda na niya iyon bago pa man niya ako tawagan? Bakit ba hindi muna niya inisip na maghanda ng ballpen at papel? 'Yung panahong kinuha ko at hinanap ang cell phone number ay dapat panahong ginamit din niya para ihanda ang ballpen at papel na susulatan niya. Hay buhay!

~ gregbituinjr.

Miyerkules, Agosto 16, 2017

Proyektong aklat - Macario Sakay at Lean Alejandro

Ilalabas ko ang ikalawang edisyon ng nauna kong aklat na Macario Sakay, Bayani, sa ika-110 anibersaryo ng kamatayan ni Macario Sakay, sa Plaza Morga, Tondo, malapit sa Plaza Moriones, sa Setyembre 13, 2017. Sa unang bersyon ng aklat, na inilunsad ko sa UP Manila noong 2007, sa tulong ng history group na Kamalaysayan, ay nanawagan akong magkaroon ng rebulto si Sakay, at isang taon makalipas niyon ay itinayo ang rebulto ni Sakay sa Plaza Morga. May ilang mga bagong saliksik na aking isinama sa bagong bersyon ng aklat.

Balak ko namang matapos at mailabas sa ika-30 anibersaryo ng kamatayan ni Lean Alejandro sa Setyembre 19, 2017 ang isang aklat ng mga saliksik, sanaysay, at tula hinggil sa kanya. Ipinangako ko nuong nakaraang taon sa mga organisador ng The Great Lean Run 2016 na gagawa ako ng isang zine ng sampung tula kapalit ng sponsorship sa nasabing aktibidad. Nakuha ko ang sponsorship, at nakalahok sa The Great Lean Run 2016. At ngayon, nais kong tuparin ang aking commitment. Subalit kung marami ang magawa kong tula ay aklat na at hindi lamang zine ang malikha. Ang Great Lean Run 2017 ay gaganapin sa Setyembre 16, 2017, araw ng Sabado. Narito ang detalye: https://www.facebook.com/TheGreatLEANRun/?fref=mentions

Kaya ang dalawang aklat na ito, na tatlong araw lang ang pagitan ng paglulunsad ng aklat, ay pinagsisikapan kong matapos, at mailathala. Subalit, tiyak na mamomroblema sa pondo, subalit madidiskartehin naman. At malakas ang loob kong sabihing abangan nyo ang paglabas ng dalawang aklat na ito, at samahan nyo ako sa launching ng aklat na Macario Sakay sa kanyang rebulto sa Plaza Morga sa Tondo sa Setyembre 13, 2017, at ang librong Lean, kung matatapos ko, ay ila-launching ko habang nagaganap ang The Great Lean Run sa Setyembre 16, 2017.

Kaya konsentrasyon ko sa mga susunod na araw ay ang pagtapos sa dalawang aklat na ito at pagtiyak na mailunsad ito sa mga takdang araw. Maraming salamat sa lahat ng susuporta sa dalawang proyektong ito.


- greg

Martes, Agosto 15, 2017

Dalawang awitin hinggil sa sariling wika

DALAWANG AWITIN HINGGIL SA SARILING WIKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tuwing Agosto ay ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Wika. Kasabay nito ay kinikilala natin ang kabayanihan ng dalawang tagapagtaguyod ng sariling wika. Una ay ang gurong si Teodoro Asedillo sa pagtatanggol sa sariling wika laban sa pananalasa noon ng mga Thomasites, at ikinatanggal niya sa pagtuturo, at ang ikalawa ay ang Ama ng Wikang Pambansa na si Manuel Luis Quezon. Bukod sa kanilang dalawa, atin ding kilalanin ang dakilang ambag ng dalawang mang-aawit hinggil sa kanilang mga awiting nagtatanggol at nagtataguyod sa paggamit ng sariling wika.

Ngayong Buwan ng Wika ay kilalanin natin ang mga ambag nina Heber Bartolome na umawit ng walang kamatayang "Tayo'y mga Pinoy" at Florante na umawit naman ng "Ako'y Isang Pinoy". Pinahalagahan nila ang sariling wika sa pamamagitan ng awiting tunay na makabagbag-damdamin at tumatagos sa kamalayan ng maraming henerasyon. 

Ang ikaapat na saknong ng awiting "Tayo'y Mga Pinoy" at ang ikatlong saknong ng awiting "Ako'y Isang Pinoy" ay matalim at malalim, nakasusugat sa kaibuturan ng sinumang nakikinig. Animo'y inaalimura ang sinumang Pinoy na walang pakialam o nang-uuyam sa sariling wika. Pawang mga panukso, patsutsada, o patama ang mga saknong na iyon.

Sa ikaapat na saknong ng awiting "Tayo'y Mga Pinoy", ang sinumang gumagamit ng mali-maling Ingles ay itinulad sa asong daig pa ang ulol pagkat ngiyaw nang ngiyaw. habang sa ikatlong saknong ng awiting "Ako'y Isang Pinoy" ay itinulad naman sa isdang bilasa na't namamaho yaong mga hindi nagmamahal sa sariling wika.

Halina't namnamin natin ang kaibuturan ng kanilang katha upang malasahan natin ang tamis at lamyos ng tinig na nanunuot di lang sa kaibuturan kundi sa puso't diwa ng sinumang Pinoy.

TAYO'Y MGA PINOY
ni Heber Bartolome

Tayo'y mga Pinoy, tayo'y hindi Kano
Huwag kang mahihiya kung ang ilong mo ay pango

Dito sa Silangan ako isinilang ako isinilang
Kung saan nagmumula ang sikat ng araw
Ako ay may sariling kulay: kayumanggi
Ngunit hindi ko maipakita tunay na sarili

Kung ating hahanapin ay matatagpuan
Tayo ay may kakanyahang dapat na hangaan
Subalit nasaan ang sikat ng araw
Kung tayo ay humahanga doon sa kanluran

Bakit kaya, tayo ay ganito
Bakit nanggagaya, mayroon naman tayo
Tayo'y mga Pinoy, tayo'y hindi Kano
Huwag kang mahihiya kung ang ilong mo ay pango

Mayroong isang aso, daig pa ang ulol
Siya'y ngumingiyaw, hindi tumatahol
Katulad ng iba, paingles-ingles pa
Na kung pakikinggan, mali-mali naman
Huwag na lang

Huwag na, oy oy, oy, ika'y Pinoy
Oy, oy, ika'y Pinoy

Ang awiting "Tayo'y Mga Pinoy" ay kalahok sa huling yugto ng unang Metro Manila Popular Music Festival noong 1978 na pinanalunan ng awiting "Kay Ganda ng Ating Musika" ni Ryan Cayabyab.

Ngayong panahon ng globalisasyon, sikat pa kaya sa mga milenyal o bagong henerasyon ang awiting tulad nito, na may pagmamahal sa sariling wika. Gayong ang Pilipinas ang isa sa itinuturing na magagaling sa Ingles kaya minsan nang naging sentro ng call center industry ang bansa.

Ginagamit natin ang sariling wika upang magkaunawaan at ipakilala ang identidad natin bilang mamamayan, bilang isang lahi, habang ginagamit naman natin ang wikang Ingles upang maunawaan ang ibang lahi, tulad ng mananakop na Kano, at hindi upang matuto sa wika ng amo dahil hindi naman tayo alipin. Tayo'y isang bansang "malaya" sa kabila ng pananakop ng globalisasyon.

Tunghayan naman natin ang awitin ni Florante

AKO'Y ISANG PINOY
ni Florante De Leon

Ako'y isang Pinoy sa puso't diwa
Pinoy na isinilang sa ating bansa
Ako'y hindi sanay sa wikang mga banyaga
Ako'y Pinoy na mayroong sariling wika

Wikang pambansa ang gamit kong salita
Bayan kong sinilangan 
Hangad kong lagi ang kalayaan

Si Gat Jose Rizal noo'y nagwika
Siya ay nagpangaral sa ating bansa
Ang hindi raw magmahal sa sariling wika
Ay higit pa sa amoy ng mabahong isda

Aba'y ipinaalala pa sa atin ni Florante ang payo ni Rizal hinggil sa wika. Higit pa sa anghit kundi amoy ng mabahong isda ang hindi magmahal sa sariling wika. Aba'y lalo na sa nakakaunawa nga ng sariling wika ngunit hindi naman ito ginagamit. At mas nais pang gamitin ang wikang dayuhan.

Gayunpaman, gaano man kasakit ang mga patama, ay unawain nating may sarili tayong wikang dapat itaguyod, hindi lang ng kasalukuyang henerasyon, kundi ng susunod na salinlahi. Bagamat nauunawaan nating nagbabago ang mga salita, may nadaragdag, may hinahalaw mula sa ibang wika, ang mahalaga ay magkaunawaan tayo bilang lahi, at gamitin natin ang wikang ito upang bakahin ang uring mapagsamantala at mapangyurak.

Dagdag pa, hindi naman dahil ayaw natin ng wikang dayuhan, kundi dapat lang na pag-aralan natin iyan. Subalit huwag nating kalilimutan ang sariling wika, pagkat ayon nga sa kasabihan, "Ang di marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan."

Marami pang makahulugang awitin sina Heber Bartolome at Florante na tunay na kapupulutan ng aral, buhay ng karaniwang tao, at pagtataguyod ng sariling wika, tulad ng Abakada ni Florante at Paaralan ni Heber Bartolome. Dapat nating iparinig ang mga ito sa kasalukuyan at susunod na salinlahi, pagkat inukit ng mga awiting ito ang ating pagiging malay sa mga nangyayari sa ating lipunan.

Pumailanlang sa himpapawirin at tumagos sa maraming puso't diwa ang kanilang makabagbag-damdaming awitin upang itaguyod ang pagkamamamayan, pagpapakatao, pakikipagkapwa, at ang paggamit ng sariling wika. Sa lungsod man o sa kabundukan, sa mansyon man o sa barungbarong, sa mga malalaking gusali man o sa kagubatan, sa mga tanghalan man o sa lansangan, ang kanilang awitin ay nagbigay-kulay at kahulugan sa maraming henerasyon.

Dahil dito'y nais kong handugan ang mga magigiting na mang-aawit na ito ng tula bilang pagpupugay sa kanilang pagiging masugid na tagapagtaguyod ng sariling wika.

TULA KINA HEBER AT FLORANTE
ni Gregorio V. Bituin Jr.

i

may mga awit silang para sa sariling wika
dalawang awiting tunay na kadaki-dakila

may kantang "Ako'y Isang Pinoy" itong si Florante
at may "Tayo'y Mga Pinoy" si Heber Bartolome

pawang mga mang-aawit na sadyang magagaling
tagapagtanggol ng wika't tunay na magigiting

kalayaan sa kanilang awitin makakatas
animo sa globalisasyon ay matinding lunas

ii

sa inyong dalawa'y taas-kamaong pagpupugay
nawa'y manatiling malusog, humaba ang buhay

tulad nyo, sariling wika'y itataguyod namin
pagkat tulad ng anghel, ito'y identidad natin

salamat sa awitin ninyong walang kamatayan
na tunay ninyong pamana sa buong sambayanan

ngayong Buwan ng Wika'y dapat lang kayong itanghal
mang-aawit na dapat lang gawaran ng parangal