Paunang Salita sa Ikalawang Edisyon ng MACARIO SAKAY, BAYANI
Ang larawan sa pabalat ang mismong disenyo ng unang edisyon ng MACARIO SAKAY, BAYANI na nalathala noong Setyembre 2007, sa sentenaryo ng pagbitay kina Macario Sakay at kasamahang si Lucio De Vega. Dinisenyo mismo ito ng namayapang si G. Ed Aurelio C. Reyes, ang pasimuno ng KAMALAYSAYAN o Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan. Pinanatili ang disensyong ito bilang pag-alaala sa kanya, hindi lang bilang nagdisenyo, kundi bilang guro ng kasaysayan at mabuting kaibigan.
Ang ikalawang edisyon ng Macario Sakay, Bayani ay naglalaman ng mga bagong saliksik, mga bagong tula at sanaysay, mga balita, at isang desisyon ng Korte Suprema hinggil sa pagbitay kina Sakay at De Vega. Sa unang edisyon ay nanawagan tayo sa aklat na magkaroon sana ng rebulto si Macario Sakay at ipangalan ang isang mayor na kalsada bilang pagpupugay sa kanya. Isang taon makalipas, noong Setyembre 2008, ay naisakatuparan ang pangarap na iyon, naitayo at pinasinayaan ang rebulto ni Sakay sa Plaza Morga, katabi ng Plaza Moriones sa Tondo, Maynila.
Maraming salamat sa magasing Liwayway, lalo na sa serye nitong pagbabalik-tanaw sa kasaysayan dahil doon ko nalaman ang petsa ng pagbitay kay Macario Sakay, na siyang naging batayan ko upang pagsikapang magsaliksik at magawa ang aklat na ito at mailunsad sa UP Manila noong 2007 sa tulong ng Kamalaysayan.
Sa pagkakataong ito, hinihikayat ko ang ating mga mambabatas na maisabatas na maituro ang mga aral ng kabayanihan ni Macario Sakay sa paaralan, at pangalanan ang isang mayor na lansangan bilang pagpupugay sa kanya, halimbawa ang Taft Avenue sa Maynila na ipinangalan sa Amerikano ay pangalanang Macario Sakay Avenue.
Ang halimbawa ni Macario Sakay ay dapat pag-aralan at gawing inspirasyon ng kasalukuyan at mga susunod na henerasyon para sa pagtataguyod ng karapatan, makataong lipunan, kalayaan, at patuloy na paglaban sa pang-aapi at kawalan ng katarungan sa ating bayan.
Mabuhay si Macario Sakay! Pagpupugay sa ating mga bayani!
GREGORIO V. BITUIN JR.
Agosto 24, 2017, Sampaloc, Maynila
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento