Huwebes, Disyembre 13, 2018

Upos Ecobrick (Cigarette Butts Ecobrick)

Mga gamit na delata, imbes na itapon ay gawing tapunan ng upos ng sigarilyo. Ang mga upos ay gagawing buttbrick, o cigarette butts ecobrick.

Ang mga delatang ito ay dadalhin namin ng asawa kong si Liberty o Libay sa iba't ibang opisinang may malalakas manigarilyo, upang ipunin ito. At sa kalaunan ay gawin naming cigarette butts ecobrick. Titipunin ang mga upos, tatanggalin ang mga abo, at isisiksik sa mga bote at patitigasin na parang bato.

Ito ang aming kontribusyon ni Libay sa aming sinamahang Global Ecobricks Alliance, isang pandaigdigang samahan ng mga ecobricker. ~ greg

Martes, Oktubre 30, 2018

Kasaysayan at karanasan ko sa SANLAKAS


KASAYSAYAN AT KARANASAN KO SA SANLAKAS
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kamakailan lang, nitong Oktubre 29, 2018, ay nagdiwang ng kanilang anibersaryong pilak o ikadalawampu't limang (ika-25) taon ang grupong Sanlakas. Maraming dumalo sa pagdiriwang na iyon at sinariwa ang mga alaala, pakikibaka at tagumpay ng SANLAKAS sa nakalipas na dalawampu't limang taon.

Ang mga kasama, ang prinsipyo, ang mga karanasan at pakikibaka ng grupong ito'y makahulugan at makasaysayan, lalo na't naging staff ako ng SANLAKAS sa loob ng mahigit limang taon, mula Agosto 1996 hanggang Nobyembre 2001.

Itinayo ang SANLAKAS noong Oktubre 29, 1993, kasabay ng bugso ng hiwalayan sa kilusang progresibo noong panahong iyon. Ang kahulugan ng SANLAKAS, na hindi na ginagamit ngayon, ay Sandigan ng Kalayaan at Demokrasya ng Sambayanan. Ang pagkakatatag ng SANLAKAS ay nalathala, hindi pa sa Pilipinas, kundi sa pahayagang Green Left Weekly (GLW) ng isang partidong sosyalista sa bansang Australia. Doon ko nakita ang eksaktong petsa, Oktubre 29, sa ulat ni Reihana Mohideen na nalathala sa isyung 123 ng GLW, petsang Nobyembre 17, 1993. Ang ulat na ito'y matatagpuan sa http://sanlakasfamily.blogspot.com/2009/07/sanlakas-history-recorded-at-green-left.html.

Nakilala ko ang Sanlakas mahigit dalawang dekada na ang nakararaan. Nakadaupang palad ko ang mga taga-SANLAKAS nang maging magkatabi kami ng opisina sa Fortune Bldg. sa Pineda, Pasig. Magkakatabi noon ang opisina ng SANLAKAS, ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), ng sosyalistang organisasyong MAKABAYAN, ng Samahan ng mga Tsuper at Operator ng Pilipinas (STOP), ng National Federation of Student Councils (NFSC), ng isang kultyural na samahan (hindi ang Teatro Pabrika) na di ko na matandaan ang pangalan, at ng KAMALAYAN (Kalipunan ng Malayang Kabataan) kung saan nahalal akong Basic Masses Integration (BMI) officer noong Setyembre 9, 1994 at gumampan ng katungkulan hanggang Agosto 26, 1995 nang magkaroon ito ng panibagong pamunuan.

Ang Kamalayan ang dating LFS-NCR (League of Filipino Students - National Capital Region) chapter, na itinatag noong Nobyembre 30, 1993, isang buwan matapos matatag ang SANLAKAS, at dalawang buwan matapos matatag ang BMP. Ang NFSC naman ay pormal na natatag noong Pebrero 27, 1994 matapos ang founding congress nito noong Pebrero 25-27, 1994 sa UP Los BaƱos. May mga naisulat akong istorya ng Kamalayan at NFSC na makikita sa internet. Ang kasaysayan ng Kamalayan ay nasa http://writingredblueandgreen.blogspot.com/2009/01/kamalayan-history-insiders-account.html at ang NFSC naman ay nasa https://fireinthepen.blogspot.com/2009/01/nfsc-story.html.

Isa ako sa kinatawan ng youth sa unang pambansang kongreso ng SANLAKAS noong Disyembre 5-7, 1994 na ginanap sa Villa Cristina Resort sa Antipolo. Kinatawan ako ng KAMALAYAN. At ang dalawa pang kinatawan ng youth na kasama ko ay sina John Bayarong, na pangulo ng Kamalayan, at si Ross Delgado, na naging opisyal na youth representative ng SANLAKAS noong panahong iyon. Kababayan ni Ka Leody de Guzman, chairman ng BMP, sa Mindoro si Ross Delgado.

Mula sa Fortune Bldg. ay nalipat ang SANLAKAS sa Calubad Bldg. sa Samson Road sa Caloocan noong Oktubre 1995 hanggang 1996, at magkakasama pa rin doon ang magkakasamang organisasyon. Sa panahong ito nagkaroon ang Sanlakas ng estasyon sa radyo na SANTINIG-SANLAKAS na tunagal din ng ilang buwan.

Naging staff ako ng SANLAKAS sa ikalawang pambansang kongreso nito noong Agosto 2-4, 1996 sa Batu-Bato Resort sa Laguna. Kinuha akong staff ni Judy Ann Chan, na dating secretary general ng KAMALAYAN, upang magsilbi sa Sanlakas.

Maraming kilalang personalidad ang naging National Council of Leaders (NCL) nito, tulad nina Luz Tangcangco, na sa kalaunan ay naging Comelec Commissioner, Mike Defensor na naging kongresista ng Ikatlong Distrito ng Quezon City at isa sa apat na nanalo sa pitong kandidato ng SAVE (Students' Advocates for Voters Empowerment) na itinayo ng ating youth sector, at si Kiko Pangilinan, na di pa senador noon.

Noong 1997, mula sa Calubad ay lumipat ang SANLAKAS sa 51-C Matahimik St. sa Brgy. Teachers Village sa Quezon City, at dito'y nakasama ng SANLAKAS ang Kamalayan at NFSC. Noong 1998 ay nalipat ang tanggapan ng SANLAKAS sa 25-A Matiyaga St., na kinatatayuan ngayon ng Balay Rehabilitation Center. At noong 1999 ay nalipat naman ito sa Lava Townhomes sa Calderon St. sa Commonwealth, sa gilid ng Toyota, na wala pa noon. Noong 2001 naman ay lumipat ang tanggapan ng Sanlakas sa 89-A Masikap Extension, malapit sa Matalino St., sa Lungsod Quezon. Sa mga opisinang iyon ng SANLAKAS ay doon na ako natutulog, at bihira nang umuwi ng bahay sa Balic-Balic, Sampaloc. Kaya anumang pagkilos ng SANLAKAS ay agad na nadadaluhan.

Pangulo ng SANLAKAS noon si RC Constantino, at kasamang staff ng Sanlakas ang kanyang anak na si Red, at ang ka-partner nitong si Kala Pulido. Tagapangulo (chairman) naman si Fr. Max Abalos mula sa Cebu. Si Pinky Cupino naman ang chief of staff ng Sanlakas noong panahong iyon. Nawala lang si RC sa SANLAKAS nang manalo si Erap na kanyang sinuportahan. Habang ang SANLAKAS naman ay nanalo sa kauna-unahang partylist noong Hunyo 1998 kung saan si Ka Rene Magtubo ang naging kongresista. Nakilala ang SANLAKAS nang ibulgar nito ang P500,000 payola sa kongreso upang ipasa ang isang panukalang batas hinggil sa kuryente, na sa kalaunan ay naging EPIRA  (Electric Power Industry Reform Act).

Dahil nasa kongreso na ang SANLAKAS at dahil staff ako ng SANLAKAS sa pambansang opisina, kadalasan ay naroroon ako sa kongreso upang gumampan ng ibang gawain, tulad ng pagpapa-xerox, at tagadala ng mga dokumento.

Pinangunahan ng SANLAKAS, kasama ang iba pang samahan tulad ng KPML ang pakikibaka ng mga taga-Sitio Mendez sa Baesa, Lungsod Quezon para sa katiyakan sa paninirahan. Sila'y idemolis ng madaling araw ng Hulyo 11, 1997 ng mga gwardya ng mga Araneta na nagmamay-ari ng lupa. Bilang tugon ay nagkampo ang mga taga-Sitio Mendez sa harapan ng Quezon City Hall. Makalipas ang isang buwan ay nakuha ng mga taga-Sitio Mendez ang kahilingan nilang on-site relocation, sa tulong ng pamahalaang lungsod ng Quezon. Kaya noong Agosto 15, 1997, kasama ng mga taga-Sitio Mendez ang SANLAKAS sa Martsa ng Tagumpay, kung saan nagmartsa sila ng mahigit anim na kilometro mula QC Hall hanggang Sitio Mendez upang makabalik sa kinatitirikan ng kanilang tahanan at makapagsimulang muli.

Staff pa rin ako ng SANLAKAS sa ikatlong pambansang kongreso nito noong Disyembre 6-7, 1998 sa Gem's Resort sa Antipolo. Buhay pa at nakatago sa bahay namin sa probinsya ang bughaw na tshirt na may nakatatak ng puti sa likod na "Sanlakas 3rd National Congress, December 6-7, 1998, Gem's Resort, Antipolo", at sa harapan naman ay ang malaking logo ng Sanlakas na nasa ibaba ang salitang SANLAKAS. Susubukan kong mapiktyuran ang tshirt na ito pag nakauwi muli ng probinsya.

Nakapaglathala ng dalawang magasin ang SANLAKAS noong 1998 at 1999, kung saan isa ako sa mga manunulat at nag-asikaso nito. Ang opisyal na publikasyon ng SANLAKAS ay Maypagasa, na siyang sagisag-panulat ng ating bayaning si Gat Andres Bonifacio.

Noong Mayo 2000, nabugbog ako sa rali sa Senado at nakulong ng dalawang araw nang magkagulo sa rali ng SANLAKAS hinggil sa isyu ng VFA o Visiting Forces Agreement.

Sa huling bahagi ng panunungkulan ni Magtubo ay humalili sa kanya bilang kongresista si Ka Mario Cruz na siyang third nominee ng Sanlakas. Ang second nominee na si Victor Briz ay hindi umupo. Sa ikalawang takbo ng SANLAKAS sa party list noong 2001 ay si Atty. Jose Virgilio "JV" Bautista ang unang nominado at nang manalo ang SANLAKAS ay siyang umupo sa Kongreso.

Ang SANLAKAS ang tanging organisasyong nagdala ng panawagang RESIGN ALL, imbes na Erap Resign, sa kasagsagan ng panawagang pagpapatalsik sa dating pangulong Joseph "Erap" Estrada noong bandang Oktubre 2000 hanggang mapatalsik si Erap noong Enero 2001. Matapos ang EDSA Dos at makapanumpa si Gloria bilang bagong pangulo, idineklara agad ng Sanlakas: “Estrada’s ouster is the people’s will but Gloria is not the people’s choice!”

Naroon kami sa tanggapan ng SANLAKAS nang may magbalitang nabaril si Ka Popoy Lagman noong Pebrero 6, 2001. Ako ang naiwan sa opis noon nang magpuntahan patungong Philippine Heart Center ang mga kasama.

Habang staff ako ng Sanlakas ay kumuha ako ng anim-na-buwang lingguhang poetry workshop sa LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo) mula Setyembre 2001 hanggang Marso 2002, at karamihan ng mga tula ko'y hinggil sa pakikibaka ng Sanlakas noong panahong iyon. Sa LIRA ko nakadaupang palad si National Artist Virgilio Almario, o Rio Alma.

Nawala ako sa SANLAKAS noong Nobyembre 2001 dahil naging staff na ako ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML) hanggang Marso 2008. Sa opisina na ng KPML ako naglagi ng mga panahong iyon kaya hindi ko na nasubaybayan ang SANLAKAS, maliban sa nagkakasama kami sa malalaking rali, at sa ilang mahahalagang pagkilos. Kasama namin ang SANLAKAS nang itayo ang Metro Manila Vendors Alliance (MMVA) noong Agosto 30, 2002 sa Delaney Hall ng Church of Holy Sacrifice ng UP Diliman.

Karamihan ng mga nakasama ko sa SANLAKAS noong 1996 hanggang 2001 ay wala na sa SANLAKAS at napunta na ng ibang organisasyon. Gayunman, nagpapasalamat ako sa SANLAKAS sa inspirasyong ibinigay nito upang magpatuloy ako sa pagkilos.

Sa anibersaryong pilak ng SANLAKAS ay nakalikha ako ng dalawang tula. Ang una'y kinatha isang linggo bago ang anibersaryo at may labinlimang pantig bawat taludtod. At ang ikalawa'y may labintatlong pantig bawat taludtod at nilikha ng aktwal sa mismong anibersaryo. Narito po ang dalawang tula:

TULA 1:

Isang pagpupugay sa pilak mong anibersaryo!
Sanlakas, matatag ka nang moog sa bansang ito
Pinanday ng pakikibaka't tangan mong prinsipyo
Patuloy mong itaas ang kaliwa mong kamao
Tandang patuloy ang laban tungo sa pagbabago

Lagi ka naming kasama sa bawat tamang landas
Lumalaban tungo sa isang lipunang parehas
Kaya sama-samang patuloy tayong magpalakas
Ibagsak ang sistemang di marunong maging patas
Taas-noong pagpupugay, mabuhay ka, Sanlakas!

TULA 2:

Taas-kamaong pagpupugay sa Sanlakas
na naghahangad ng isang lipunang patas.
Ang prinsipyong tangan at taglay nitong lakas,
sa puso, diwa't moral ay nagpapalakas!

Sanlakas, isang taospusong pagpupugay!
Sadyang kayrami mong nakamit na tagumpay
para sa masa, pakikibaka mo'y tunay.
Isa kang inspirasyon. Mabuhay! Mabuhay!

Mabuhay ang SANLAKAS! Tuloy ang laban!

Biyernes, Oktubre 5, 2018

Pangarap

Mahirap ding mangarap. Lalo't kaylayong abutin ang alapaap. Hanggang tanaw lamang ang kayang gawin. Ngunit minsan, pangarap ay dapat abutin.

At hindi lamang alapaap, kundi abutin ang langit na pangarap.

Hindi ko nais maglibot ng daigdig upang magpasarap. Kundi abutin ang kapwa tao para sa isang pangarap na lipunang makatao. Lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao. Lipunang ang lahat ay nagbibigayan. Lipunang walang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon na siyang nagdulot ng samiutsaring kahirapan, karukhaan, karalitaan, at kawalang katarungan sa maraming bansa. Lipunang hindi sira ang kalikasan. Lipunang pangangalagaan ng bawat isa ang kapaligiran.

Mahirap mangarap, ngunit lakasan lang ng loob upang maabot ang inaasam na lipunan. Kumilos laban sa bulok na sistema. Kumilos upang palakasin ang pagkakaisa ng masa. Kumilos upang magkaisa ang buong uring manggagawa.

Hindi masama ang mangarap. Ang masama ay hindi ka na mangangarap. At bahala na bukas. Ayaw ko ng gayon.

- gregbituinjr.

Martes, Oktubre 2, 2018

Isinilang ako kasabay ng Tlatelolco Massacre sa Lungsod ng Mexico


ISINILANG AKO KASABAY NG TLATELOLCO MASSACRE SA LUNGSOD NG MEXICO
Maiking sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bakit nga ba ako naging aktibista? Dahil ba ito ang pinili kong buhay? O dahil reinkarnasyon ako ng mga estudyante't sibilyang pinaslang sa Tlatelolco sa lungsod ng Mexico? Hindi naman talaga ako naniniwala sa reinkarnasyon, kaya marahil ay nagkataon lamang. Pinili kong maging aktibista at mamamatay ako bilang aktibistang nakikibaka para sa lipunang makatao at uring manggagawa.

Ayon sa wikipedia, "The Tlatelolco massacre was the killing of students and civilians by military and police on October 2, 1968, in the Plaza de las Tres Culturas in the Tlatelolco section of Mexico City. The events are considered part of the Mexican Dirty War, when the government used its forces to suppress political opposition."
https://en.wikipedia.org/wiki/Tlatelolco_massacre

Sa aking ika-50 kaarawan at ika-50 anibersaryo ng Tlatelolco massacre, ako na'y nahalal na sekretaryo heneral ng dalawang organisasyon. Nahalal akong sekretaryo heneral ng Ex-Political Detainees Initiative (XDI) sa ikatlong pangkalahatang asembliya ng XDI noong Hulyo 7, 2017, na ginanap sa Diokno Hall ng Commission on Human Rights (CHR). Nahalal naman akong sekretaryo heneral ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) nito lang Setyembre 16, 2018 sa ikalimang pambansang kongreso nito, na ginanap sa barangay hall ng Brgy. Damayan sa Lungsod Quezon.

Magtatatlong dekada na rin akong aktibista. Namulat bilang manggagawa, nang ako'y maging ako'y magtrabaho mula Pebrero 1989 hanggang Pebrero 1992, at naging regular na makinista o machine operator sa isang kumpanyang Hapon sa bansa. At noong Agosto 17, 1994 nang ako'y maging kasapi ng isang mapagpalayang kilusan.

Narekluta ako nang ako'y isang estudyante pa sa kolehiyo at manunulat ng publikasyon ng eskwelahan. Nahalal akong Basic Masses Integration (BMI) Officer ng grupong Kamalayan (Kalipunan ng Malayang Kabataan) noong 1994. Naging staff ng Sanlakas mula Agosto 1996 hanggang Nobyembre 2001. Naging staff ng KPML mula Nobyembre 2001 hanggang Marso 2008, at pinangasiwaan ang paglalathala ng pahayagang Taliba ng Maralita ng KPML, na inilalathala noong isanhg beses kada tatlong buwan. Naging staff ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) nang mawala sa KPML. At muli lang nakabalik sa KPML noong ikalimang pambansang kongreso nito noong 2018.

Dahil sa aking pagiging aktibista'y nakarating ako sa iba't ibang bansa, bukod sa Japan, na tinirahan ko ng anim na buwan bilang iskolar ng JVR Technical Center noong Hulyo 1988 hanggang Enero 1989. Nakapunta ako sa bilang aktibista sa Thailand noong 2009, sa Thailand at Burma noong 2012, at sa Paris, France noong 2015. Taospusong pasasalamat sa mga kasamang nag-isponsor ng mga aktibidad na iyon.

Naitayo ko rin ang Aklatang Obrero Publishing Collective na naglalathala ng aking mga tula at sanaysay, at mga aklat ng mga kilalang rebolusyonaryo. Ilan sa mga sulating ito ay ang talambuhay nina Che Guevara, Andres Bonifacio, Macario Sakay, Lean Alejandro, at Ka Popoy Lagman. Muli ko ring inilathala ng Liwanag at Dilim ni Emilio Jacinto. Pati na mga teoryang pampulitika ay aking inilathala, tulad ng Aralin sa Kahirapan (ARAK), Puhunan at Paggawa (PAKUM), Marxismo, Gabay sa Aralin ng Leninismo, Materyalismo at Diyalektika. Pati salin ng akda ni Ka Dodong Nemenzo hinggil sa Rebolusyong Cubano.

Nang minsang nagsasaliksik ako sa internet at tiningnan ko ang aking kaarawan kung sino o ano kaya ang mga kasabayan ko nang ako'y isilang. At lumabas nga ang istorya ng Tlatelolco massacre, na naganap sa mismong araw ng ako'y isilang.

Nakikisimpatya ako sa mga estudyante't sibilyang pinaslang ng mga militar. Ayon sa isang lathalain, ito ang mga kahilingan ng mga estudyante:

1. Repeal of Articles 145 and 145b of the Penal Code (which sanctioned imprisonment of anyone attending meetings of three or more people, deemed to threaten public order).
2. The abolition of granaderos (the tactical police corps).
3. Freedom of political prisoners.
4. The dismissal of the chief of police and his deputy.
5. The identification of officials responsible for the bloodshed from previous government repressions (July and August meetings).
http://www.blackstudies.ucsb.edu/1968/mexico_photos.html

Kung may pagkakataon lang ako at makakadalaw sa Mexico, nais kong puntahan ang monumento ng naganap na Tlatelolco massacre at mag-alay roon ng bulaklak, at magpalitrato.

Ginawan ko ng tula ang naganap na ito bilang pagpupugay sa mga nakikibakang estudyante noong panahong iyon, at sa mga sibilyang nadamay nang pagbabarilin sila ng mga militar.

SA MGA PINASLANG SA TLATELOLCO, MEXICO
(OKTUBRE 2, 1968)

sa Tlatelolco'y kayraming estudyanteng pinaslang
naganap kasabay ng araw nang ako'y isilang
ang kanilang mga berdugo'y tila mga buwang
karahasan ang ibinigay, sila'y tinimbuwang

estudyanteng nais malayang makapagsalita
hangad na bilanggong pulitikal ay mapalaya
hangad na mga tiwaling opisyal ay mawala
hangad na matinong lipunan ang sinasagawa

estudyanteng nais magkaroon ng karapatan
estudyanteng nais isatinig ang kahilingan
estudyanteng nais magkaroon ng kalayaan
estudyanteng nais matanggal ang katiwalian

subalit sila pa yaong dinilig ng kilabot
pinagbabaril, lupa'y pumula, isang bangungot
limampung taon na yaong nakaraang hilakbot
hanggang ngayon ay dama pa rin ang lagim na dulot

pagkat estudyante'y di pa nabigyan ng hustisya
walang nakulong dahil sa nangyari sa kanila
hanggang ngayon, katarungan ang sigaw ng pamilya
hustisyang kay-ilap ba'y kailan kakamtin nila

- gregbituinjr. 10/02/2018

Ayoko ng cake sa kaarawan ko

AYOKO NG CAKE SA KAARAWAN KO

walang cake sa kaarawan ko, sabi ko kay misis
sapat na ang adobo't kanin, walang minatamis

o kaya'y anim na barbekyu't dalawang serbesa
tulad ng hiling ko pag ako'y pinatula nila

kaymahal ng cake upang gawin lang na panghimagas
kaysa mag-cake, aba'y ipambili na lang ng bigas

ang cake na presyo'y apatnaraan limampung piso
ay katumbas ng presyo ng bigas na sampung kilo

bukod pa roon, nakangingilo ang tamis ng cake
hayaang ako'y magdiwang na mag-isang babarik

- gregbituinjr.

Biyernes, Setyembre 14, 2018

Tula sa ika-25 anibersaryo ng BMP

TULA SA IKA-25 ANIBERSARYO NG BMP
ni Greg Bituin Jr.
- tulang akrostika, binubuo ng 15 pantig bawat taludtod

Pagpupugay sa Anibersaryong Pilak (ika-25) ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP)

Bukluran ng Manggagawang Pilipino - B.M.P.
Unyunismo, sosyalismo, taas-kamao kami
Kapitalismong salot ang kalabang anong tindi
Lulupigin ito kaya kami'y nagpaparami
Upang itayo ang lipunang tunay na may silbi

Rebolusyon ay isang daan tungong pagbabago
At edukasyon ay paraan para sa obrero
Na ang welga'y paaralan na dapat unawa mo
Na pagkakaisa nila'y mahalagang totoo
Gaano man kahirap ay magwawagi rin tayo

Manggagawa, magkaisa, ang aming panawagan
At manggagawa ang magpapalaya nitong bayan
Na kahit na matindi ang mga nararanasan
Ginagawa ang nararapat ng may katapatan
Ginigising ang bayan nang mabago ang lipunan

Ating itataguyod ang kapakanan ng uri
Gulugod ang prinsipyong tangan, layunin at mithi
Atin ding dudurugin ang pribadong pag-aari
Wakasan ang burgesya't elitistang paghahari
At ibabagsak na ang sistemang mapang-aglahi

Nanggugulang lagi itong kapitalistang ulol
Ginugulangan ang masang di marunong tumutol
Pangil ng kapitalismo'y gawin nating mapurol
Ibagsak ang burgesyang may buntot na buhol-buhol
Lupigin ang kapital na asong kahol ng kahol

Igawad ang pamumuno sa uring manggagawa
Pagkaisahin natin ang hukbong mapagpalaya
Isipin natin paano haharapin ang sigwa
Ng kapitalismong nagdulot ng hirap at luha
Organisadong manggagawa ang ating adhika

* Ang tula'y nilikha ika-14 ng Setyembre 2018, kasabay ng pagdiriwang ng ika-25 taon ng BMP.

Miyerkules, Hulyo 25, 2018

Si Fidel Castro at ang Rebolusyong Cubano - ni Dr. Francisco "Ka Dodong" Nemenzo

Si Fidel Castro at ang Rebolusyong Cubano
Sinulat ni Dr. Francisco Nemenzo
Malayang salin mula sa Ingles ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bagamat nasa magkabilang dulo ng daigdig ang Pilipinas at ang Cuba, ang kasaysayan ng dalawa nating bansang ito'y dumadaloy sa magkatulad na paraan - hanggang 1959, nang nilayasan ng Cuba ang malawak na impluwensiya ng Estados Unidos. Dahil ginalit nito ang kanyang hambog at makapangyarihang kapitbahay, pinagbayaran ito ng malaki ng Cuba. Patuloy itong nagdurusa sa pinakamatagal na pang-ekonomyang embargo sa kasaysayan, at ang pinakamasahol. Ito'y sinakop, ginulo ng mga pag-atakeng terorista, at pinahiya sa midya mula sa iba't ibang panig ng daigdig. Subalit nanatiling hindi natitinag ang maringal na republikang islang ito, matapat sa pagkilos nito tungo sa sosyalismo. Hindi lamang ito nakaligtas sa halos animnapung taon ng walang patumanggang pagsalakay ng Estados Unidos, binago rin nito ang isang lipunang tiwali at neokolonyal tungo sa isang rebolusyonaryong modelo para sa Ikatlong Daigdig.

Pinag-aaralan sa papel na ito ang proseso ng pagbabago ng sistema sa Cuba, isang bansang ang nakaraan ay tulad din ng sa atin. Sariwa pa rin sa ating alaala ang mga madulaing pangyayari sa kanilang pagsisimula. Kami ng aking asawa'y sumama sa mga pagkilos na "huwag panghimasukan ang Cuba" sa Inglatera noong kami'y naroon bilang mga estudyante noong maagang bahagi ng 1960s. Sa papel na ito, natatandaan ko ang mga pangyayaring iyon (at ipinaliwanag ang mga ito sa tulong ng gunita) sa pag-asang pukawin ang puso't diwa ng bagong salinlahi ng mga Pilipino (kung saan ang mga alaala'y di pa gaanong nalalayo) nang may mapanuring pagninilay [hinggil sa posturang isinagawa o balak isagawa ng mga namumuno sa ating pamahalaan]: na ang isang maliit at di pa gaanong umuunlad na bansa tulad ng sa atin ay hinatulan na sa isang buhay na nagpapalimos at sunud-sunuran.

Sa mga debate kasama ang anti-imperyalistang senador na si Claro M. Recto, ikinatwiran ng ating mga mambabatas sa dayuhang usapin kasama ang kanilang mga alagad na ang kapalaran natin bilang bansa ay hindi na mapuputol ang kaugnayan sa Estados Unidos. Tiniyak nila sa ating ang kaalwanan ng buhay kung aasa tayo sa pagkabukaspalad at proteksyon ng mga Amerikano.

Nangahas ang mga Cubano sa ilalim ng pamumuno ni Fidel Castro na suungin ang ibang landas. Sila'y minsan nang itinakwil. Hiwalay sa mga kapitbansa nito, itiniwalag mula sa Samahan ng mga Estadong Amerikano (Organization of American States), sila'y natulak na pumanig sa blokeng Sobyet subalit pinanatili ang kanilang kasarinlan. Nang mabuwag ang blokeng Sobyet, nagdusa sa dagok ang Cuba, gayunman, napanatili nila ang kanilang sosyalistang sistema.

Sa kasalukuyan, tinutungo ng iba pang bansa sa Latin Amerika ang rebolusyonaryong landas na tinatahak ng Cuba. Isinagawa ng Venezuela, Bolivia, Nicaragua at Ecuador ang sarili nilang bersyon ng modelong Cubano. Sa iba naman, lumitaw ang mga partidong pro-Cubano bilang pangunahing partido ng oposisyon. Sa Brazil at Chile, ang mga pangulong inihalal dahil sa kanilang radikal na plataporma ay nakipagkompromiso sa neoliberal na globalisasyon, subalit ngayon ay nahaharap sa matinding hamon mula sa taumbayang ipinagkanulo nila.

Dapat marami pang matutunan ang mga Pilipino hinggil sa Cuba, sapagkat ang matinding pagkasira ng pamumunong elitista sa ating bansa, sa malao't madali ay magtutulak sa atin na maghanap ng alternatiba. Hindi ko iminumungkahing eksaktong gayahin natin kung paano inayos ng mga Cubano ang kanilang pamayanan. Gayunman, dapat nating gawin ito sa ating pamamaraan, lalo na'y kaiba ang ating kalagayan. At kung maiiwasan natin ang mga pagdurusang pinagdaanan ng Cuba, mas mainam. Ang mahalaga'y maging mapangahas tayo tulad ng mga Cubano upang maibalik ang pag-asa sa nanlulumo nating bansa.

Ang pangunahing usapin (na kinaharap ng Cuba mula sa umpisa) ay kung magpapailalim ito sa kagustuhan ng imperyalismong Estados Unidos o tayo mismo ang lilikha sa inaasam nating bukas.

Ang Pilipinas at ang Cuba

Hayaan ninyong magsimula ako sa maiksing makasaysayang paglalarawan sa Cuba at sa Pilipinas.

Dumating si Columbus sa Cuba noong 1492, dalawampu't siyam na taon bago dumating si Magellan sa Cebu. Ganap na natapos ang pamumunong Kastila sa parehong panahon, noong 1898, nang kapwa isinuko ng Espanya ang ating mga bansa sa Estados Unidos sa pamamagitan ng tratado ng Paris.

Noong 1762, dalawang arkiladong kumpanyang Briton ang sumakop sa Pilipinas ng dalawang taon at sa Cuba naman ay siyam na buwan. Bagamat maikling panahon lamang, ang panahong ito'y nagbukas sa atin sa daigdig na labas sa mga saradong dingding ng imperyong Espanyol. Inilantad nito ang dalawa nating bansa sa mga kaisipang sekular, siyentipiko, at libertaryano na magbubunga ng mga tangkang paghihimagsik na sa kalaunan ay naging kilusan para sa pambansang kasarinlan.

Itinaas ng mga Cubano ang bandila ng paghihimagsik apat na taon bago maganap ang pag-aalsa sa Cavite. Umabot sa rurok ang kanilang pakikibaka kasabay ng pag-aalsa nina Andres Bonifacio tungo sa ating paglaban para sa kalayaan. Kapwa nabigo ang mga pakikipagsapalarang iyon; nang sila'y nakatindig sa nalalapit na tagumpay, pumalit bilang mananakop ang Estados Unidos sa namamatay nang imperyong Espanyol.

Tinanganan ng Estados Unidos ang Pilipinas ng kalahating siglo subalit pinalaya ang Cuba matapos lang ang ilang taon. Ipinagkaloob ang pormal na kalayaan ng Cuba noong 1902; subalit nang isinagawa ito, isiningit ng Kongreso ng Estados Unidos ang kasumpa-sumpang Platt Amendment sa mga Cubano na katumbas ng ating Tydings-McDuffie Act. Pinahintulutan ng Platt Amendment na manghimasok ang Estados Unidos sa usaping militar sakali mang mabigong protektahan ng ipinalalagay na malayang pamahalaan ng Cuba ang mga interes sa negosyo ng mga Amerikano. Upang mapagaan ang pakikialam, inobliga ng Estados Unidos ang Cuba na pangasiwaan nito ang isang base militar, tulad din ng ginawa ng Estados Unidos sa atin. Umiiral pa rin hanggang ngayon ang base ng Estados Unidos sa Guantanamo, sa kabila namumukod-tanging atas ng pamahalaang Castro na palayasin ito.

Tatlong beses na iginiit ng Estados Unidos ang Platt Amendment. Noong 1906-1909, noong 1912, at muli noong 1917-1923, sinakop ng mga tropa ng Estados Unidos ang Cuba upang maglagay ng mas kawili-wiling pamahalaang sunud-sunuran. Hanggang 1958, nalagay sa kapangyarihan sa Havana ang iba't ibang tiwaling pamahalaang maka-Amerikano sa pamamagitan ng pandaraya sa halalan. Bagamat sund-sunuran sa mga Amerikano, ang kanilang katiwalian, kawalang kakayahan, at pagsasamantala ang pumukaw ng paghihimagsik ng taumbayan na sumira sa takbo ng negosyo. Nagbigay-dahilan ang mga ito upang manghimasok ang Estados Unidos.

Tulad ng ating mga trapo, ang mga pulitikong Cubano bago ang rebolusyon ay nag-aastang makabayan tuwing kampanyahan, ngunit pag nahalal at nasa pwesto na, agad silang bumibigay sa mga panunuhol at pamimilit ng mga Amerikano. Nakitang epektibo ang mga panunuhol at pamimilit upang mapanatiling tangan sa leeg ang Cuba kung saan hindi na kailangan ang direktang panghihimasok. Pinawalang-bisa ng Kongreso ng Estados Unidos ang Platt Amendment noong 1933; gayunman, ang panghihimasok ng mga Amerikano sa panloob na pamamahala ng Cuba ay nagpapatuloy nang walang pasubali.

Hinulma ng imperyalismong Estados Unidos ang ekonomya ng Cuba at ng Pilipinas upang maging magkatulad ang bawat isa. Kapwa sila naging palaasa sa isang pananim (asukal) at iisang pamilihan (ang Estados Unidos). Bago buwagin ni Fidel Castro ang ganitong padron noong 1959, nagpapaligsahan para sa kota ng asukal ng mga Amerikano ang mga maimpluwensiyang bloke ng asukal sa Pilipinas at sa Cuba.

Nailatag na ang maiksing kasaysayang kolonyal ng Pilipinas at ng Cuba, hayaan ninyong taluntunin ko sa mas malalaking detalye ang simula ng magulong relasyon ng Cuba sa makapangyarihan nitong kapitbansa.

Ang pagkalagot ng ugnayang Cubano-Estados Unidos

Tinulungan ng Washington ang huling diktador ng Cubanong si Fulgencio Batista hanggang sa huli, tulad din ng pagtulong nito kay Ferdinand Marcos hanggang sa ang pwesto nito'y hindi na nababagay. Subalit nang magsimartsa patungong Havana ang mga balbas-saradong gerilya noong Enero 1959, hindi naman naalarma ang mga opisyal ng Estados Unidos dahil tingin nila, si Fidel Castro ay tulad din ng mga nakaraang namumuno sa Cuba - madaling maging tiwali at pwersahin.

Si Castro'y nakitang naiibang uri ng pinuno, na inuuna ang pananagutan sa taumbayan kaysa sa pakinabang ng pakikipagkaibigan sa mga Amerikano. Habang inilulunsad ang digmaang gerilya sa Sierra Maestra, pinangakuan niya ang mga magbubukid ng repormang agraryo sa unang taon ng tagumpay. Sa katunayan, nang naagaw na ang kapangyarihan, itinalaga niya ang ideyalistikong si Ernesto "Che" Guevara upang magbalangkas ng programang lupa para sa walang lupa. Sa orihinal na bersyon nito, ang programang binalangkas ni Che ay katamtaman lamang kung ikukumpara sa ating CARP (Comprehensive Agrarian Reform Program). Yaon lamang mga pag-aaring lupang lumabis ng 400 ektarya ang sasailalim sa reporma sa lupa. Ang mga taktikang paniniil ng mga Amerikano ang dahilan upang iyon ay maging programang rebolusyonaryo.

Ang itinakdang hanggang 400 ektarya lamang ay hindi nakabahala sa mga Amerikanong may-ari ng plantasyon. Alam nila kung paano paikutin ang gayong pagbabawal, tulad ng ipinapakita sa kasalukuyan ng Dole at Del Monte sa Mindanao. Ang pagbagsak ng negosasyon ay dahil sa mga isyu ng presyo at paraan ng pagbabayad. Iginiit ng mga Cubano na ang presyo ng mga kinamkam na lupa ay makakalkula batay sa kanilang huling deklarasyon sa buwis. Mula nang pinamura ng mga kumpanyang Amerikano (tulad ng mga Pilipinong mayayaman) ang kanilang ari-arian upang matakasan ang pagbubuwis, ang iminungkahing presyo ng mga negosyador na Cubano ay sadyang napakababa kaysa tunay na halaga nito. Dagdag pa, hindi katanggap-tanggap sa mga nagmamay-aring Amerikano ang alok ng mga Cubano na magbayad ng panagot (bond) ng mahabang panahon. Hiniling nila ang agarang pagbabayad ng salapi, sa presyong idinikta nila.

Noong una'y pinakibagayan sila ng mga Cubano. Payag makipag-usap ng mga ito hinggil sa presyo at sa paraan ng kabayaran. Ang ayaw nilang ikompromiso ay ang tiyempo: ang reporma sa lupa ay dapat magsimula sa unang taon ng rebolusyon. Kinaladkad ng mga Amerikanong negosyador (na kumakatawan sa mga may-ari ng plantasyon) ang kanilang mga paa, ipinapalagay na baka sa tamang pagkakataon ay madudurog nila ang pag-aalsang Cubano sa pamamagitan ng pagbitin sa tulong pang-ekonomya. Nagamit na nila ang panlilinlang na ito noon, at ang mga nakaraang pamahalaang Cubano ay laging namimilipit. Kaya nagulat si Pangulong Eisenhower nang ipinahayag ni Castro ang pagsasabatas ng repormang agraryo habang isinasagawa pa ang negosasyon.

Tiniyak ni Castro na ang batas na ito'y hindi makahahadlang sa isang pinag-usapang kasunduan hinggil sa kumpensasyon subalit hindi ito nagustuhan ni Eisenhower. Tiningnan niya ito bilang hindi matatagalang panlalait sa pinakamalakas na bansa sa sansinukob. Dahil doon ay inatasan ni Eisenhower ang CIA (Central Intelligence Agency) na maghanda ng planong operasyon upang mapatalsik sa pwesto si Castro subalit dahil magtatapos na ang kanyang termino, iniwan niya ang pagpapatulad nito sa susunod na pangulong si John F. Kennedy.

Noon, ang banta lamang ng pagbawas ng kota ng asukal ay sapat na upang mapilitang sumuko ang mga Cubano. Subalit hindi ipinatupad ni Kennedy ang nakaugaliang pagbabanta. Makaisang panig niyang kinansela ang kota ng asukal matapos magiling ng Cuba ang mga naani nang taon na iyon. Dahil sa kalapitan nito sa iisa nitong pamilihan, walang mga kulob na kamalig ang Cuba upang pag-imbakan ng mga napinong asukal. Kaya mahalagang mailabas agad ang mga kalakal bago magtag-ulan. Tantiya ni Kennedy na ang kanyang makaisang panig na aksyon ang magtutulak kay Castro na sumuko. Sa halip, naghanap si Castro ng ibang bibili. Yaon ang panahong nagkaroon siya ng kakilala sa Unyong Sobyet.

Nakaamoy ng pagkakataon upang maisahan ang mga Amerikano, sumang-ayon ang punong ministro ng Sobyet na si Nikita Khrushchev na bilhin ang kabuuang ani ng mga Cubano sa presyong mas mataas kaysa ibabayad ng mga Amerikano. Napakaganda ng kasunduan upang maging totoo. Subalit bitag pala: Babayaran ito ng Unyong Sobyet, hindi ng salapi, kundi ng krudo.

Nang dumating sa Havana ang mga tangke ng Sobyet, ayaw iproseso ng mga repinarya (o tagalinang ng langis) ng mga Amerikano ang mga krudong Ruso. Kaya inatasan ni Fidel ang hukbo, na may kasamang demonstrador, na kubkubin ang mga repinarya. Ang tugon ni Kennedy at mabilis at tiyak. Binuwag niya ang diplomatikong ugnayan sa Cuba. Si Castro ay mabilis din at tiyak. Inaasahan ang napakalaking pagkawala ng puhunan, sinamsam ni Castro lahat ng bangkong Amerikano sa Cuba.

Nilatag nito ang larangan upang magkaharap. Inatasan ni Kennedy si Richard Bissell na ipatupad ang planong Eisenhower. Ang opisyal na ito ng CIA ang matagumpay na utak ng pagpapatalsik sa makakaliwang pangulo ng Guatemala noong 1954. Nais ni Kennedy ni ulitin ni Bissell sa Cuba ang ginawa nito. Agad namang nagtipon si Bissell ng hukbo ng mga Cubanong eksilo, na karamihan ay mga dating sundalo ni Batista. Matapos ang pagsasanay sa pakikidigma sa dati niyang minamartsahang balwarte sa Guatemala, pinadala ni Bissell ang kanyang hukbong halong-kalamay (ragtag army) upang salakayin ang Cuba sa pamamagitan ng Look ng mga Baboy (Bay of Pigs) noong Abril 17, 1961.

Tiniyak ni Bissell kay Kennedy na tatangkilikin ng mamamayang Cubano, na nababahala sa lumalagong impluwensiya ng Sobyet, ang pagsalakay na pinangungunahan ng Estados Unidos. Gayunman, hindi iyon nangyari. Magiting na lumaban ang mga armadong magbubukid sa lugar ng Look ng mga Baboy hanggang dumating ang regular na sandatahang lakas ng Cuba - mga beterano ng Sierra Maestra - upang ibigay ang pamatay na dagok. Bumagsak ang pananalakay sa loob ng 72 oras.

Sa masusing pagsusuri'y sinisi si Bissell dahil sa pagpili ng maling lugar ng pagsalakay na ibinatay sa sinaunang mapa. Galit na galit na pinalayas ni Kennedy si Bissell at tinanggal sa CIA ang proyekto laban kay Castro. Ang kapatid niyang si Robert Kennedy, na pangulo ng ministeryong pangkatarungan, ang bumalikat sa pangkalahatang pangangasiwa dito. Pinalitan si Bissell ni Edward Landsdale, sa kabila ng mga babala mula kay Kalihim ng Depensa McNamara at Samuel Halpern na si Landsdale ay isang "baliw" na mahilig sa mga "hibang na pakana".

Ngayong si Landsdale na ang nangangasiwa, muli na namang nagkurus ng landas ang kasaysayan ng Cuba at ng Pilipinas. Nagsilbi si Landsdale sa Pilipinas bilang tagapayo ng JUSMAG (Joint United States Military Assistance Group) sa pakikibakang sikolohikal. Siya ang naka-"diskubre" kay Ramon Magsaysay (na noon ay pangkaraniwang kongresista pa lamang) at inirekomenda niya ito kay Pangulong Elpidio Quirino upang maging kalihim ng pambansang tanggulan. Kinilala sa mga aklat pangkasaysayan ang tambalang Landsdale-Magsaysay sa pagdurog sa pag-aalsang Huk na pinangunahan ng mga komunista sa Luzon noong 1950-51. Hindi ito ang kalagayan para sa masinsing pagtatasa sa kabiguan ng Huk. Sapat nang sabihing ang mga malalaking pagkakamali ng Partido Komunista ng Pilipinas ay mas matimbang sa pagkagapi ng mga Huk kaysa sa kahambugan ng pagkahenyong militar ni Landsdale at nga karisma ni Magsaysay.

Animo'y naging alamat si Landsdale dahil sa kanyang mga bali-balitang tagumpay sa Pilipinas. Sa kalaunan ay pinadala siya ng Kagawarang Pang-Estado (State Department) ng Estados Unidos sa Katimugang Vietnam sa pag-asang maulit ang kanyang mga nagawa. Sa kasawiang palad, napatunayang mas mahusay at nagkakaisa ang mga Viet Cong kaysa mga Huk. Sa pagbagsak ni Ngo Dinh Diem, nawala nang unti-unti si Landsdale sa pasilyo ng kapangyarihan hanggang sa kalaunan ay magawa niyang magmagaling sa magkapatid na Kennedy.

Nagsimula ang "Operasyong Mongoose" ni Landsdale sa planong pagpatay kay Castro sa tulong ng Mafia. Bago ang rebolusyon, ang mga Amerikanong mambubutang (gangster) ay may malawak na talakupan (network) ng kriminal sa Cuba. Pag-aari nila ang mga malalaking otel at kontrolado ang mga pasugalan, droga, at prostitusyon. Pinalayas sila ni Castro at kinumpiska lahat ng kanilang ari-arian. Batid na may palakol pa silang hahasain, hiniling ni Landsdale ang kanilang tulong upang malagyan ng lason ang pagkain ni Castro, lagyan ng pampasabog ang kanyang tabako, o barilin siya.

Subalit ginawa itong padaskul-daskol ng mga butangerong Mafia ang ganitong mga "hibang na pakana". Kaya agad nagsagawa si Landsdale ng mas seryosong planong walang katiyakan: ang pangalawang pagsalakay sa Oktubre 1963. Kinalap niya hindi lamang ang mga gusanos (mga anti-Castro na nagsilikas) kundi pati mga kawal ng kapalaran (o mersenaryo) mula sa iba pang bansa sa Latin Amerika. Yayamang pinadala ni Bissell ang mga mersenaryo sa Look ng mga Baboy ng may kaunting pagsasanay, inatasan ni Landsdale ang kanyang mga kalap na sumailalim sa masinsinang pagsasanay sa pakikidigma sa Louisiana sa ilalim ni Napoleon Valeriano, isang Pilipinong koronel na nagtungo sa US kasama ang asawa ng isang miyembro ng angkang Araneta. Bilang kumander ng kinatatakutang yunit Nenita sa kampanyang anti-Huk, si Valeriano ang sinundan ni Jovito Palparan bilang berdugo ng Gitnang Luson.

Nagbuo rin ng pamahalaan ng Cubanong eksilo si Landsdale sa Miami sa ilalim ni Jose Miro Cardona. Ang balak niya'y kilalanin ng US ang pamahalaang eksilo na ito kapag ang mga mersenaryo'y nakatuntong na sa lupaing Cubano. Agad namang hihingi ng tulong sa US si Miro Cardona; sa gayon, tutugon ang mga tropang Amerikano sa Guantanamo upang tapusin ang maruming gawain.

Natuklasan ng mga Cubanong intelihente ang pakana. Napagtanto ni Fidel na mas matinding pakana ito kaysa pagsalakay sa Look ng mga Baboy, isinugo ni Fidel si Raul Castro (ang nakababata niyang kapatid at namumuno sa Hukbong Cubano) sa Moscow upang lagdaan ang tratado kung saan ituturing ng Unyong Sobyet na ang pagsalakay sa Cuba ay pagsalakay na rin sa Unyong Sobyet. Subalit nakaisip ng mas matapang na ideya si Khrushchev: Maaaring maglagay ng baseng misayl ang Unyong Sobyet sa Cuba. Ito'y magbibigay ng napakalinaw na hudyat ng kahandaan ng Unyong sobyet na sumuong sa digmaan kasama ang Cuba.

Nang ipinakita ni Kennedy sa Pangkalahatang asembliya ng UN ang mga litratong kuha sa himpapawid ng kinalalagyan ng mga misayl, sinabi ng tampalasang si Khrushchev na ang mga barkong Sobyet na may  dalang dagdag na kagamitan upang makumpleto ang proyekto ay papaalis na sa daungan ng Odessa. Kapagdaka'y gumuhit ng linya sa mapa si Kennedy at nagbantang wawasakin ang mga barkong Sobyet pag lumampas ang mga ito sa linya. Sinagot ito ni Khrushchev na magpapalipad sila ng mga warhed nukleyar sa mga mayor na lungsod sa Amerika kapag winasak ng US ang alinman sa mga barko ng Sobyet.

Nanghilakbot ang daigdig nang maglayag ang mga barkong Sobyet sa lugar kung saan sinabi ni Kennedy na sisirain ang mga ito. Nagpadala naman ng trelegrama kina Kennedy at Khrushchev ang kilalang pilosopong Briton na si Bertrand Russell na nanawagang itigil na ang kanilang mapanganib na laro. Tumugon naman si Khrushchev na pauuwiin niya ang mga barko kung mangangako si Kennedy na buwagin ang kampo ng pagsasanay ni Valeriano, itakwil ang gobyernong eksilo ni Milo Cardona, at tanggalin ang baseng militar ng US sa Turkiya. Nang tumalima si Kennedy, bumalik naman sa pinanggalingan ang mga barkong Sobyet.

Ang namamayaning pananaw ay napagwagian ni Kennedy ang tunggalian ng loob sapagkat napigilan niya ang pagtatayo ng baseng misayl ng Sobyet sa Cuba. subalit kung babalikan natin ang pangunahing dahilan kung bakit maglalagay ng base doon ay upang mapigilan ang pangalawang pagsalakay, ito'y tagumpay para sa Cuba.

Ang pilit na pakikipag-ugnayan sa USSR

Hindi masaya sa kinahinatnan si Castro. Dama niyang masyadong naagrabyado dahil isinama ni Khrushchev ang Cuba sa isang pakikipagkasundo kay Kennedy nang hindi siya kinunsulta. Nagmukha tuloy siyang piyon o tau-tauhan ng Unyong Sobyet. Hindi tulad ng mga masunuring kampon sa Silanganing Europa, lantarang inatake ni Castro si Khrushchev sa harap ng dayuhang midya, at ipinagdiinang hindi niya papayagang maging sunud-sunuran kaninuman. Maaaring samantalahin ito ni Kennedy upang ilayo ang Cuba sa impluwensiya ng Sobyet. Gayunman, sa gayong yugto, nabubulagan siya ng kanyang matinding pagkapoot kay Castro. Imbes makipag-usap kay castro, inudyukan niya si Khrushchev na gumanti.

Subalit hindi man lamang nagpasupil si Khrushchev. Sa halip, inanyayahan niya si Castro para sa isang pang-estadong pagbisita sa Moscow. Tinanggap ni Castro ang ganitong pampalubag na pakikitungo subalit iginiit na ang kanyang pang-estadong pagbisita ay higit pa sa isang seremonya. Nais niyang manatili ng isang buwan doon at magtungo sa iba pang lungsod ng Sobyet. Tila kahibangan ang ideyang iyon para sa mga burukrata ng Kremlin na laging nasa isip ang protokol. Gayunman, pinahintulutan ni Khrushchev ang nais ni Castro. Sa loob ng apat na linggo, nilibot ni Fidel ang Unyong Sobyet tulad ng isang Amerikanong kandidato sa pagkapangulo na nasa kampanyahang sipol-hinto. Saanman siya magtungo, tinanggap siya ng mamamayang Sobyet bilang isang matagumpay na bayani.

Matagal-tagal din bago napuna ng mga mapagmasid na dayuhan ang nasasaloob sa plano ni Castro. Ginamit niyang bentahe ang kanyang personal na karisma at larawan ng kabayanihan, hinagilap ni Castro ang suporta ng mamamayang Sobyet upang hindi lubusang umasa ang Cuba sa mga kapritso ng Kremlin. Nais niyang maitatag ang isang mamamayang magkakasama sa loob  ng Unyong Sobyet upang ang mamamayang Sobyet ang kusang magsalita para sa Cuba, hindi sa nakabalangkas na paraan, kung sakaling sumalakay muli ang US.

Hindi ko tiyak kung batid ni Fidel na sa panahong iyon si Khrushchev ay nahaharap sa pag-aalinlangan sa loob ng Partido Komunista ng Unyong Sobyet. Bumagsak si Khrushchev matapos ang pang-estadong pagbisita ni Fidel. Ilan sa mga "dokumentadong kasalanan ni Khrushchev", isang pahayag ang ipinalabas ni Leonid Brezhnev na tumalatakay sa maling pagtangan sa krisis ng misayl sa Cuba. Napagtanto na lamang na naging napakatanyag ni Castro sa mabababang organisasyon ng partido, nilampasan ng bagong liderato ni Brezhnev ang pagiging bukaspalad ni Khrushchev sa Cuba.

Pagdadala ng rebolusyon sa ibang bansa

Nang nagpakita ng pagkapoot ang mga pinuno ng ibang bansa sa Cuba, nanawagan si Fidel sa kanilang mamamayang sagigilid (dukha't nasa laylayan ng lipunan). Halimbawa, sa kanyang pagbisita sa Nuweba York noong 1960 (upang magpahayag sa Pangkalahatang Asembliya ng UN), hindi siya pinansin ni Eisenhower at trinato ng kawalang galang ng kagawad ng isang otel na five-star ang kanyang mga kasamahan. Kaya nagkampo sina Fidel sa lugar ng mga dukhang itim (ghetto) sa Harlem kung saan malugod siyang tinanggap ng mga Apro-Amerikano. Dahil sa pagpapakitang ito ng pakikiisa sa "mga kahabag-habag sa lupa" ay napamahal siya sa lumalawak na kilusan ng lakas ng mga itim.

Ipinakita rin ni Fidel ang kanyang hindi pangkaraniwang diplomasya nang ang Cuba'y pinatalsik ng Samahan ng mga Amerikanong Estado (Organization of American States). Bilang tugon, nanawagan siya ng kumperensya ng mga rebolusyonaryong pangkat sa Latin Amerika upang pagtibayin ang "Ikalawang Deklarasyon sa Havana". Bitin sa retorika, ang dokumentong ito'y isang lantarang panawagan para sa armadong pakikibaka laban sa mga gobyernong nag-endorso o nagpatibay sa pagpapatalsik sa Cuba.

Alinsunod sa Ikalawang Deklarasyon sa Havana, nagtatag ang Cuba ng isang ispesyal na paaralan sa ilalim ng enigmatikong si Manuel PiƱeiro upang sanayin ang mga gerilyero ng iba pang bansa sa Latin Amerika. Saanman pahintulutan ng mga pangyayari, ipinadadala ng Cuba ang sarili nitong tropa upang lumaban sa mga dayuhang lupain.

Malamig ang Moscow sa ganitong "pagdadala ng rebolusyon sa ibang bansa". Ipinaliwanag ni Che Guevara ang nakapaloob na estratehiyang ito sa kanyang tanyag na liham sa Kongreso ng Tri-Continental noong 1966. Isinulat ni Che na ang pinakamagandang suporta ng mamamayan ng daigdig na maibibigay sa mga magigiting na mamamayang Vietnames ay ang lumikha ng dalawa, tatlo o higit pang Vietnam. Sa ibang pananalita, pagaanin ang panggigipit sa Vietnam sa pamamagitan ng paglaban sa imperyalismong US kahit saan.

Hindi laging nanghihimasok ang Cuba upang wasakin ang isang umiiral na rehimen. Sa kaso ng Angola, nanghimasok ang Cuba upang mailigtas ang isang popular at inihalal na rehimen mula sa isang rebelyong inarmasan at pinondohan ng CIA. Dahil ang mga rebelde ng UNITA ni Jonas Savimbi ay sadyang walang kakayahan, ang mga piling tropa ng rehimeng apartheid ng Timog Aprika ay nagmartsa tungong Angola. Nanawagan ng internasyunal na suporta ang Kilusan ng Mamamayan para sa Kasarinlan ng Angola (Movimento Popular de LibertaĆ§Ć£o de Angola - MPLA). Habang sinisimulan ng Kremlin ang isang pakikipagkasundo sa Washington alinsunod sa panawagan ng mapayapang kapwa pag-iral (peaceful coexistence), ipinasiya ni Fidel na magpadala ng tropang Cubano upang saklolohan ang nakubkob na pamahalaan ng Angola, na iginiit ang Marxista-Leninistang prinsipyo ng proletaryadong internasyunalismo.

Sa isang mapagpasyang tunggalian sa Cuito Cavanale, dinurog ng mga Cubano ang gulugod ng hukbo ng Timog Aprika. Dahil nawalan ng kanilang magagaling na kawal, iniwan ng mga Timog Aprikano ang Angola sa kaguluhan. Malubhang nasugatan, hindi na kayang ipagtanggol ng rehimeng apartheid ang sarili nito mula sa armadong militar ng Pambansang Kongreso ng mga Aprikano (African National Congress). Kaya napilitan ang rehimeng apatheid na palayain si Nelson Mandela at sumang-ayon sa karapatang bumoto ng mamamayan. Sa unang halalan ng iba't ibang kulay ng balat (multiracial election), si Mandela ang unang pangulong itim ng republika ng Timog Aprika. Isa sa una niyang pagkilos ang pagbisita sa Havana upang personal na pasalamatan si Fidel Castro. Kinilala niyang napakahalaga ng panghihimasok ng Cuba sa Angola para sa kasarinlan ng mayoryang itim sa Timog Aprika.

Hindi laging matagumpay ang proyektong internasyunalista ng Cuba. Napatay sa Venezuela si Fabricio Ojeda, ngunit ang kanyang pamana'y nanatili sa pamahalaang Bolivariano ni Hugo Chavez. Sa Bolivia, namatay na lumalaban sa diktadurang militar si Che Guevara. Subalit doon din, ang kanyang alaala'y nakaukit na sa makakaliwang pamahalaan ni Evo Morales. Ang kapansin-pansin sa nangyayaring kalakaran sa Latin Amerika ay ang pagwawagi sa halalan ng mga pwersang Kaliwa, isang larangang sa pananaw ng Amerika'y hindi magagapi ang kanilang mga bulag na tagasunod.

Pagbabahagi ng bunga ng edukasyon

Mula sa katapusan ng 1980s, ang internasyunalistang patakarang panlabas ng Cuba ay nagkaroon ng kakaibang hugis. Imbes na magpadala ng mga sundalo sa mga bansang ginutay ng digmaan, nagpadala ang Cuba ng mga manggagamot at mga guro sa mga bansa sa Aprika at Latin Amerika. Hindi ito lubos maisip bago mangyari ang rebolusyon dahil kakaunti ang mga edukadong empleyado ang Cuba.

Noong 1959, ang taon ng tagumpay ni Castro, ang Cuba'y mayroon lamang 6,000 doktor medikal; pagdating ng 1962, nandayuhan sa Estados Unidos ang halos 4,000 sa kanila. Ang iba pang propesyunal ay sumama sa pag-aalisan. Ito'y maaaring magresulta sa mayor na krisis sa mamamayan kung hindi lamang sa pagdagsa ng mga propesyunal mula sa Latin Amerika, Europa at maging sa Amerika na natagpuan sa Cuba ni Castro ang pagkakataong lumikha ng isang makataong sosyalistang lipunan na kanila lamang napapangarap sa sarili nilang bayan.

Sa pangkalahatan, konserbatibo ang mga ekonomista. Bago pa mangyari ang rebolusyon sa Cuba, ang ilang sinanay na ekonomista at mga nasa gitnang antas na tagapangasiwa ay nagtatrabaho sa mga kumpanyang Amerikano. Halos lahat sa kanila'y naglayasan nang lumipat sa Kaliwa ang Cuba. Sa kabutihang palad, maraming makakaliwang ekonomista sa UN Economic Commission for Latin America o ECLA ang nag-aalumpihit sa kabiguan dahil binabalewala ng halos lahat ng pamahalaan sa rehiyon ang kanilang mga payo. Nagboluntaryo silang magbigay ng payo at tumulong na pangasiwaan ang Pambansang Bangko ng Cuba, ang kagawaran ng dayuhang kalakalan, industriya, at pag-unlad ng ekonomyan pati na rin sa Kapulungan ng Sentrong Pagpaplano (Central Planning Board).

Habang may ginagampanang kritikal na papel ang mga dayuhang naninirahan sa Cuba sa unang ilang taon ng rebolusyon, napagtanto ni Fidel na hindi habang panahong nakaasa sa dayuhan ang kanyang bansa. Dapat paramihin ng Cuba ng bagong henerasyon ng mga Kaliwang intelektwal na sa kalaunan ay papalit sa kanila. Subalit sa animnapung bahagdan (60%) ng kawalang kakayahang magsulat at magbasa ng populasyon, makakamit lang ito makalipas ang ilang dekada.

Nakamit iyon ng Cuba ng halos isang dekada. Itinuring na "taon ng edukasyon" ang 1961. Sa kabalintunaan, inilunsad iyon ni Fidel sa pamamagitan ng pagsasara ng lahat ng paaralan at ipinadala ang mga estudyante upang turuang magbasa at magsulat ang mga matatandang walang alam dito. Suot ang mga uniporme tulad ng mga mandirigma ng Sierra Maestra, nagtungo sila sa mga nayon na armado ng mga plaslayt at mga materyal sa pagtuturo. Pinuri niya ang mga ito bilang mga bagong rebolusyonaryong ang tungkulin ay gapiin ang kamangmangan.

Pagkat lahat ng Cubano'y nakapagsasalita ng Kastila, na isang wikang ponetiko o palatinigan, hindi sila mahirap turuang magbasa at magsulat, hindi tulad (ng trabaho o karanasan) ng mga Amerikanong Thomasite na tinuruan ang mga Pilipinong magbasa at magsulat sa dayong wika. Sa loob ng ilang taon, ang kamangmangan (illiteracy) sa Cuba ay bumagsak mula 60 hanggang sa 20 bahagdan.

Ang mas malaking hamon ay kung paano nila gagamitin ang bago nilang kasanayan. Sa ganitong layunin, pinasok ng pamahalaang Cubano ang isang malawakang proyekto ng paglalathala ng mga aklat. Isinalin ng palimbagan ng estado at muling inilathala ang lahat ng mga banyagang klasiko at mga kasalukuyang pinakamabiling aklat upang ipamahagi sa mga aklatan ng komunidad na nagsulputan sa buong isla. Ang mga banyagang may-akda noong una'y nagprotesta dahil sa anila'y tahasang paglabas sa karapatang magpalathala (copyright), subalit pinayapa sila ni Fidel na may teoryang ang mga produktong intelektwal ay mga sama-samang pag-aari ng sangkatauhan at hinimok silang damhin ang karangalang sila na'y malawakang nababasa sa Cuba.

Dahil naigpawan nila ang kanilang pangunahing kapansanan, ang mga bagong may pinag-aralang matatanda ay makakakuha na ng mas mataas na pag-aaral. Noong 1960s at 1970s, karaniwang makakakita ng mga magbubukid na edad 40 hanggang 50 ang dumadalo sa mga sekundaryong paaralan at sa mga pamantasan kasama ang kanilang mga anak. Karamihan ng mga huling-sibol na ito ay agad nakapagtatamo ng katibayan o degri sa kolehiyo, at naging kwalipikado sa eksaminasyon ng lisensya upang maging propesyunal. Sa kasalukuyan, ang mga manggagawang Cubano ay hindi lamang edukado kundi itinalaga rin ang sarili sa rebolusyon.

Nakamit ng edukasyong Cubano ang pinakamagandang tinamo nito sa larangan ng medisina. Binanggit ng Un World Health Organization na ang sistemang pangkalusugan ng Cuba ang siyang modelo para sa Ikatlong Daigdig. (Ito'y isa sa mga modelo ng UP School of Health Science sa Palo, Leyte.) Ang sistemang ito'y nilikha ni Che Guevara na isa ring doktor ng medisina bago naging isang gerilya. Ang ubod ng sistemang ito'y ang klinikang pangkalusugan sa komunidad. Ayon nga kay Che Guevara, ang klinika ng komunidad ang palasyo ng kalusugan, samantalang ang ospital ang lugar bago ang kamatayan. Yaon lamang mga seryosong kaso ang pinadadala sa mga espesyalista sa ospital.

Bawat ospital sa Cuba ay may isang klinika na kahit paano'y may isang doktor at dalawang nars. Hindi tulad ng mga doktor natin na naghihintay na puntahan sila ng mga maysakit, sa tuwina'y dinadalaw ng mga Cubanong doktor ang 500 pamilyang nasasakupan ng kanilang klinika. Ang mga doktor na ito'y hindi lamang nagpapraktis ng medisina; sila'y nagsisilbi ring organisador sa mga komunidad. May mahalagang papel silang ginagampanan sa mga malawakang pagkilos ng masa laban sa imperyalismo.

Binigyang diin ng edukasyong medikal sa Cuba ang mapigilan ang mga sakit kaysa ang gamutin ang mga sakit. Ang kurikulim sa medisina ay nakatuon sa kalusugan ng publiko, hindi ang pagsasanay ng mga espesyalista sa mga kapaki-pakinabang na larangan tulad ng pag-oopera, kardiyolohiya, neurolohiya, onkolohiya, atbp. Dapat magpraktis ng maraming taon ang mga batang doktor ng medisina sa komunidad bago sila tumungo sa residensya.

Sa kasalukuyan, labis-labis ang doktor sa Cuba; kaya nga kaya nitong magpadala ng libong doktor kung saan kinakailangan ng mahihirap ang serbisyong medikal. Ang mga paaralan nito sa medisina ay nakapagpapatapos ng ilang ulit na mas maraming manggagamot kaysa bilang ng mga lumikas patungong US. Mas kinikilala ang mga Cubanong doktor sa mga bansa sa Aprika at Latin Amerika dahil handa silang maglingkod sa mga kalunos-lunos na lugar. Bukod sa pagsusuri at paggamot sa mga maysakit, tinuturuan at inoorganisa rin nila ang mga tao upang mapanatili ang isang malusog na kapaligiran.

Hindi tulad ng mga doktor na Filipino-Amerikano na sa tuwina'y bumibista sa mga nayon ng ilang araw para sa tinatawag na misyong medikal, halos tatlong taon naman mananahan ang mga Cubanong doktor sa mga mahihirap na komunidad. Sa panahong magtapos na ang kanilang panunungkulan, nakapag-iiwan sila ng mga bihasang paramediko at pamayanang organisado. Gayundin naman, nag-iwan sila ng mabuting pangalan para sa Cuba at pakikiisa sa sosyalistang rebolusyon.

Panahon ng matinding kahirapan

Ang bugso ng kontra-rebolusyon sa Rusya at Silanganing Europa ay nagdulot ng matinding dagok sa rehimeng Castro dahil, salamat sa kagandahang loob ni Brezhnev, ang Cuba ay masyadong umasa sa kanila. Nagkakahalaga ng $4Bilyon taun-taon ang direktang subsidyo. Sinusuplay  ng Rusya ang lahat ng pangangailangan ng Cuba sa langis, sa presyong kanais-nais. Sinusuplay din nito ang mga pagkain, medisina at mga mahahalagang kalakal. Sinisipsip din ng COMECON (ang karaniwang pamilihan ng Silanganing Europeano) ang mga labis na asukal nito. Sa mahigit isang dekada ng tulong ng Sobyet at pautang ng mahabang panahon babayaran ng may mababang interes, ang nagpapanatiling buhay sa Cuba sa kabila ng embargo ng Amerika.

Subalit ang pagiging palaasa sa kagandahang loob ng iba ay tigib sa panganib. Hinimok ng mga tagapayong Sobyet ang Cuba na baguhin ang disenyo ng ekonomya nito. Ang sentralisadong pagpaplano at pangangasiwang teknokratiko ang pumigil sa diwa ng inobasyon at improbisasyon na katangian ng Cuba sa mga unang taon ng rebolusyon. May mga markadong pagsulong sa mga kalagayang materyal, ngunit ang mga ito'y naglaho sa kalaunan nang lumubog ang mismong ekonomya ng Sobyet.

Sa panahong iyon ng pagiging palaasa, inilarawan ng Kanluraning midya si Fidel na gaya-gaya, na hindi naiiba sa iba pang lider komunista ng Silanganing Europa. Gayunman, ang totoo'y isa siyang napakatalinong pragmatiko na ginawang buong kapakinabangan ang mga tulong ng sobyet nang hindi nawawala ang paningin sa adhikaing sosyalista. Nang makita niyang palutang-lutang na ang ekonomyang sobyet, sinimulan niyang pumihit ng kambiyo. Noong 1986, inilunsad niya ang isang kampanyang pagwawasto upang baligtarin ang tinatawag niyang "mga pagkakamali at negatibong kaugalian". Tumungo ito sa unti-unti ngunit maayos na pagkalansag ng modelong Sobyet.

Hinimok ng mga tagapayong Sobyet sa ekonomiya, na tinatrabaho ang burgis na teorya ng komparatibong bentahe, ang Cuba na magpakadalubhasa sa produksyon ng asukal upang iluwas sa Silanganing Europa. Sa kampanyang pagwawasto, ang diin ay pumihit sa paglilinang ng mga pagkaing inanin para sa lokal na pamilihan. Habang patuloy na lumilikha ng asukal ang Cuba, sinimulan din nito ang pananaliksik sa alternatibong gamit ng asukal. Pinagsama-sama ang mga pinakamahuhusay na Cubanong siyentipiko sa iisang institusyon ng pananaliksik at naglaan ng pandaigdigang klase ng laboratoryo upang makapagpaunlad ng bagong produktong makikipagpaligsahan sa pandaigdigang pamilihan. Ang resulta, nakalikha ang Cuba ng pinakamahuhusay na bakuna para sa hepatitis B, isa lang ito sa iba pang produktong bioteknolohiya. Ang bioteknolohiya sa ngayon ang ikatlong pinagkukunan ng dolyar ng Cuba.

Ngunit halos huli na ang mga repormang ito. Pasuray-suray na ang ekonomya ng Cuba kasabay nang panlulupaypay ng COMECON at ng agad na pagbagsak ng Unyong sobyet habang nagsisimula pa lang magkaroon ng momentum ang kampanyang pagwawasto. Sa isang iglap, ito'y pinagkaitan ng taunang subsidyong $4Bilyon. Ang ekonomya'y lumiit ng 35 bahagdan (35%). Nang mawala ang proteksyon ng Unyong Sobyet, ganap nang nalantad sa pagsalakay ng militar ng Amerika ang Cuba.

Nag-opensiba ang mga buwitre ng Washington. Noong 1992, lalong pinahigpit ng Torrecilli Act ang embargo. Ipinagbawal nang dumaong sa mga pantalan ng US ang mga eroplano't komersyal na barko na dumaong sa Cuba. Pinagbantaang gagantihan ang mga dayuhang kumpanya at subsidyaryong dayuhan ng mga kumpanyang Amerikano na nakipagkalakalan sa Cuba. Sa prenteng pulitikal, pinatindi ng CIA ang mga subersibong aktibidad nito sa Cuba sa pamamagitan ng mga NGO na nag-aastang kampeon ng karapatang pantao at kalayaan sa pamamahayag.

Naharap sa pagsubok ang maalamat na karisma ni Fidel habang nananawagan siya ng sukdulang sakripisyo sa kanyang mamamayan. Mahigpit na pinutol ang mga rasyon ng pagkain upang maiwasan ang pagsiklab ng kagutuman. Halos tumigil na rin ang pampublikong transportasyon habang nagkaubusan na ng gasolina at parte ng makina ang mga sasakyan. Ginamit ng mga magsasaka'y mga karitong hila ng mga baka upang madala ang mga pagkain sa pamilihan. Sadyang kalunos-lunos ang kalagayang iyon. Tinawag ito ni Castro na ispesyal na yugto, na binigyang-diin ang pagiging pansamantala nito.

Samantala, nagbigay ng konsesyon ang Cuba sa kapitalismo. Pinayagang magpatuloy ang maliliit at katamtamang antas na pribadong negosyo. (Palagay ko'y mali nang inasyunalisa ang mga ito sa simula pa lamang.) Subalit inilinaw ni Castro na hindi nila iiwan ang sosyalismo. Mananatiling pinakamataas na prayoridad ang sistema ng libreng edukasyon at kalusugan ng publiko - na ipinagmamalaking nagawa ng Cuba. Malugod na tinatanggap ang mga dayuhang mamumuhunan kung sila'y makikibakas sa pamahalaan. Pili ang liberalisasyon at may kalakip na mahigpit na patakaran.

Habang maraming bansa ang umaayaw sa Torrecilli at Helms-Burton Act, lumawak ang dayuhang pakikipagkalakalan sa Cuba. Nagsimulang magsipasukan ang mga pribadong puhunan mula sa Europa, Canada, Japan, at maging ng Israel, na naakit sa maraming manggagawang mataas ang pinag-aralan. Tinangkang balewalain ng mga turistang amerikano ang pagbabawal na maglakbay sa Cuba. Pagdating ng 1995, muling nakabawi ang Cuba.

Hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling abnormal ang ekonomya subalit walang nagugutom sa Cuba. Mas maalwan pa ang buhay ng karaniwang Cubano kaysa kalahati ng 100 milyong Pilipinong nabubuhay ng mababa pa sa antas ng kahirapan. Noong kami ng aking asawa'y bumisita sa Cuba noong 2002, nalampasan na ng Cuba ang pinakamasahol na antas ng ispesyal na yugto, subalit mababanaagan pa rin ang mga bakas nito. Nakipag-usap kami sa mga tao sa kalsada sa pamamagitan ng aming munting kaalaman sa Espanyol. Hindi sila natatakot makitang nakikipag-usap sa dayuhan, na nais ipaniwala sa atin ng Kanluraning midya. Malaya nilang sinabi sa amin kung paano pinasahol ng embargo ang kanilang pamumuhay, subalit ang sinisi nila rito'y ang mga Amerikano, hindi si Fidel Castro. Nanatili silang mataimtim na sumusuporta sa sosyalistang rebolusyon.

Ang hinaharap nang wala si Fidel

Isang dokumento ng CIA ang nabunyag ilang taon na ang nakararaan na nagpapayo kay Pangulong Clinton na huwag masyadong ipilit ang mag-eleksyon sa Cuba. Nagbabala ito na kung pumayag si Castro, mananalo siya ng puspusan. Magiging malaking sampal iyon sa Washington. Walang pulitikong anti-Castro sa Cuba o sa eksilo ang makapapantay sa kanyang katanyagan. Pinipigilan din, ayon sa dokumento ng CIA, ang panghihimasok militar sa Cuba, na ikinatwirang maaaring madali ngang masasakop ang Cuba ngayong wala nang suporta ang Sobyet dito, subalit mahirap panatilihing lupig ang mamamayan. Natitigilan sa mga bigo nilang pagtatangka sa buhay ni Fidel, pinayuhan ng CIA si Clinton na hintayin na lang itong mamatay ng likas na kamatayan; kung sabagay, matanda na ito't masasakitin.

Noong Agosto 2006, plano naming mag-asawa na muling bumisita sa Cuba upang lumahok sa malawakang pagdiriang ng ika-80 kaarawan ni Fidel. Ang mga pagdiriwang ay agad ikinansela sapagkat dinala si Fidel sa ospital upang tistisin ang bituka. Pumalit ang kanyang kapatid na si Raul bilang pansamantalang pangulo. sa Miami, nagsasaya ang mga gusanos. Subalit ayaw talagang mamatay ni Fidel! Sa kanyang huling mga taon, manaka-naka siyang nakikita sa telebisyon. Halos araw-araw siyang naglalabas ng "Pagninilay ng Punong Kumander" na ipinakalat sa internet ng mga embahadang Cubano at mga samahang pangkaibigan.

Noong Pebrero 2008, ipinahayag ni Fidel na hindi niya tinatanggap ang katungkulan bilang pangulo ng Konseho ng mga Estado at Punong Kumander. At noong Abril 19, 2011, nagbitiw siya mula sa Komite Sentral ng Partido Komunista ng Cuba.

Namatay si Fidel Castro noong Nobyembre 25, 2016 sa edad na 90. Ang kanyang huling hantungan ay isang malaking 2.6 toneladang batong granito na inilagay kasama sa mga mausoleo ng mga magigiting na bayano ng Cuba sa Libingan ng santa Ifigenia sa Santiago de Cuba.

Tulad ng hiling ni Fidel, isinabatas ng pamahalaang Cubano na walang itatayong anumang bantayog ni Fidel at walang lugar o gusaling ipapangalan sa kany.

Ang panlipunang sistemang itinatag ni Fidel Castro ay mamamalagi sa kanya. Ang mga pagbabago sa anim na dekada ng rebolusyon ay hindi mawawala sa magdamag. Maganda ang kapalaran ni Fidel na nabuhay ng mahabang panahon upang pamunuan ang tinatawag ni Max Weber na "institusyonalisasyon ng karisma". Habang ang kanyang mga kasama sa Sierra Maestra ay nagsisimulang magsiwalaan sa eksena, nagpakita ng pag-unawa sa hinaharap si Fidel sa pamamagitan ng pag-aalaga sa isang buong henerasyon ng mga edukado at talagang nakaukol na lider-sosyalista. Sa Cuba ngayon, walang kakapusan ng mga lider na bata pa at may kakayahan na talagang buong buhay ang nakalaan sa mga rbolusyonaryong kaisipang kinakatawan ni Fidel. Kapag naipwesto na ang mga institusyong sosyalista, hindi na kinakailangan ng Cuba ang isa pang karismatikong pinuno na magpapatuloy nito.

Sa papel na ito, nais kong ipakita na ang isang maliit at di pa gaanong umuunlad na bansa tulad ng Pilipinas at ng Cuba ay makatatagal sa pinakamatitindi mang dagok ng nag-iisang napakamakapangyarihang bansa, subalit kung ang mga namumuno rito'y may mga pananaw, may kakayahang pulitikal, may kakanyahang makapagbigay-sigla, may hindi matitibag na paglalaan ng puso't diwa, at may kapangahasan. Hayaan ninyong tapusin ko ito sa pagsipi kay Richard Gott, ang historyador na Briton hinggil sa Latin Amerika:

"Inilagay ng Rebolusyon ni Castro ang Cuba sa mapa... at inirehistro ang isla bilang isang permanenteng presensya sa entablado ng daigdig. Ikinintal niya sa mamamayang Cubano ang isang hindi matitibag subalit tunay na diwa ng pagmamalaki sa kanilang bansa. Maaaring tingnan ng mga bumibisitang dayuhan ang kapanglawan sa kaawa-awa at hindi naiingatang itsura ng [mga gusali sa] Havana, ngunit ilan lang ang maaaring makaligta sa kaligayahan at pag-asa ng malulusog at magandang manamit na populasyon. Ito'y isang rebolusyong hindi nagwakas sa alitan ng mga magkakapatid, kundi walang katapusang inalagaan ang mga bagong salinlahi ng mga edukadong mamamayan, na naakit na pakamahalin ang kanilang pinuno at ang kanyang Rebolusyon, at mag-angkin ng mayabong na diwa ng patriotismo, nang ipinagmamalaki ang mahabang kasaysayan ng kanilang bansa at mga nagawa ng mamamayan nito.

------------------------
Si Dr. Francisco "Ka Dodong" Nemenzo ang pangulo ng Philippines-Cuba Cultural and Friendship Association (PhilCuba). Dati siyang pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas, at nagtatangan ng titulong Professor Emeritus.

Si Gregorio V. Bituin Jr., ay makata, manunulat, aktibista, mananaliksik at tagasalin. Kasalukuyan siyang staff ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) at kasapi rin ng Philippines-Cuba Cultural and Friendship Association (PhilCuba).

(Natapos ang pagsasalin sa ganap na ikaapat ng umaga, ika-25 ng Hulyo, 2018, sa Lungsod Quezon.)

Miyerkules, Hunyo 27, 2018

Ang pagkawala ng ginagamit kong cellphone

MARAMING SALAMAT at nabalik muli ang ginagamit kong cellphone.

Akala ko, nawala nang tuluyan ang ginagamit kong cellphone. Dahil nung isang araw, nakatulog ako sa jeep na siksikan. Nang ginising ako ng driver, marami nang bumababa ng dyip. Wala na akong katabi. 

Kinapa ko ang bulsa ko. Wala ang cellphone. Baka nasa bag ko lang. Dati, hindi ako naglalagay ng cellphone sa bag, kundi nasa bulsa lang. Pero nung mag-asawa na ako, bilin ni misis na ilagay ang cellphone sa bag at huwag sa bulsa, at baka maapektuhan ang sperm cell dahil sa radiation ng cellphone.

Dahil nagbabaan na sa dyip, bumaba na rin ako, at lumiko na ang dyip sa dapat niyang likuan. Habang naglalakad, hinanap ko ang cellphone sa bag. Wala. Nadukutan ba ako habang natutulog o naiwan ko ito kung saan? O baka nalaglag nang di ko namalayan?

Patay ako nito. Nawala ang cellphone.

Ang una kong naisip, baka gamitin nung nakakuha noon ang aking facebook, ah. Kaya ang una kong ginawa, sa desktop computer, binago ko agad ang password ng aking fb account.

Tiyak, maraming nagte-text. Lalo na si misis. Pero di ko muna sinabi kay misis na nawala ang cellphone, dahil naisip kong bumili muna ng mumurahing 3310 o 5110 na cellphone na halagang P500, saka ko siya kokontakin.

Hanggang sa makatulugan ko ang alalahaning iyon.

Pero hanggang kanina ay pinag-iisipan ko pa rin kung bibili ako ng cellphone. Huwag muna. Dahil pang-dowry ang hawak kong pera. Baka mabawasan. Pambili ng dowry sa kasal (kaldero, kumot, itak). Nakabili na ako ng kaldero at kumot. Itak na lang. At yung matira, ipambibili ko ng 3310 na cellphone.

Gayunman, binawasan ko pa rin ang perang iyon para mapagawa ang kailangang silkscreen para sa gagamitin sa kasal, at pambili ng iskwidyi at pinturang puti. At bumili na rin ako ng pang-ulam sa bahay.

Kanina, nagtungo ako sa pinagpulungan ko noong Sabado dahil naroon ang kapulong ko. Tinanong naman ako ng isang kasamang aktibista kung akin ba ang naiwang cellphone. Tiningnan ko, di ko alam, kamukha lang. Lowbat. Para makatiyak, nanghiram ako ng charger. Nang 5% pa lang, in-on ko ang cellphone, at lumitaw agad ang litrato kong pogi at magandang ngiti ni misis. Ipinakita ko ang picture, at sabi ko, "Ito nga."

Kinuha ko na ang cellphone at pag-uwi na lang ng bahay ko ito itsa-charge. Sa labis kong tuwa ay binigyan ko ng P100 ang kasama, subalit hindi naman tinanggap. Kaya iniwan ko na lang sa lamesa ang P100. 

Muli, MARAMING SALAMAT sa kasama kong aktibista, at nabalik na muli ang ginagamit kong cellphone.

- greg/062718, 8pm

Lunes, Hunyo 25, 2018

Ang kahalagahan ng Kartilya ng Katipunan sa buhay ng mag-asawa

ANG KAHALAGAHAN NG KARTILYA NG KATIPUNAN SA BUHAY NG MAG-ASAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Una kaming nagkakilala ng aking asawang si Liberty sa isang pulong ng Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan) bandang 2005. Ginanap ito sa Merced Bakeshop sa Edsa malapit sa panulukan ng Quezon Avenue, sa Lungsod Quezon. Inimbitahan siyang dumalo roon ni Marlene Guzman na isa ring social worker tulad niya, at kasapi rin ng Kamalaysayan.

Naroon din ang pasimuno ng Kamalaysayan, ang namayapa nang gurong si Ed Aurelio C. Reyes, na tinatawag naming Sir Ding. Doon ay muli naming pinag-usapan ang Kartilya ng Katipunan. At idinaos muli ang isang seremonyas o ritwal ng Kartilya ng Katipunan.

Isa ang Kartilya ng Katipunan sa taimtim kong sinusunod na disiplina sa buhay. Tulad din ng taimtim na pagsasabuhay nito ng mga kasapi ng Kamalaysayan, at ng mga Katipunero noon. Ito ang sinulat ni Emilio Jacinto at ipinalaganap ng Katipunan sa kanilang kasapian. Matutunghayan dito ang panuntunan ng kabutihang asal na dapat taglayin ng bawat Katipunero. Bilang manunulat at kasapi ng Kamalaysayan (Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan, na sa kalaunan ay naging Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan), ang pagsasabuhay ng Kartilya ay isa sa mga pagbabagong aking nakamit, dahil ang panuntunang naririto'y magpapalaya sa iyong magulong buhay at isipan. Ramdam ko iyon. Kaya pag nagkikita kami ng kapwa ko manunulat na si Sir Ding Reyes, na siyang pasimuno ng Kamalaysayan, ang aming batian ay "Mabuhay ka at ang ating panata!"

Ang "kamalayan sa kasaysayan" ay nangangahulugan ng masigasig na interes at pag-aaral sa mga pangunahing diwa at pinakamakabuluhang mga pangyayari sa buhay ng ating bansa, at patuloy na pagsisikap na ilapat ang mga aralin at balangkas ng kasaysayan upang ipakilala ang mga tungkulin ng pagbubuo ng tamang opinyon at paggawa ng wastong desisyon. Ang ganitong pang-unawa ng kasaysayan ay makatutulong na mapukaw ang mga tao nang epektibo sa mga suliranin sa kasalukuyan at magbalangkas ng maliwanag na kinabukasan para sa ngayon at sa mga darating na henerasyon. Sinisipat dito ang pananaw na 3D sa kasaysayan - ang Detalye, Daloy at Diwa. At ang kamalayan sa Kartilya ng Katipunan ang isa sa mahalagang sangkap upang mabuo ang isang lipunang ang lahat ay naggagalangan at walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Hindi lang para sa mga Pilipino ang Kartilya ng Katipunan, kundi ito'y lapat sa kaninuman, anuman ang kanyang lahi, tribu, o nasyunalidad. Pagkat ang Kartilya ay mga alituntunin ng kagandahang asal na dapat isapuso ng sinuman.

Mahalaga ang pagsasabuhay ng Kartilya ng Katipunan, lalo na sa buhay may-asawa. Lalo na ang ikaapat, " Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao’y magkakapantay; mangyayaring ang isa’y higtan sa dunong, sa yaman, sa ganda, ngunit di mahihigtan sa pagkatao." Isinulat din ni Jacinto sa kanyang mahabang sanaysay na "Iisa ang pagkatao ng lahat." Napakaganda ng mga aral na ito ng Katipunan, pagkat itinuturing ang lahat ng tao, mayaman man o dukha, na magkakapantay ang pagkatao. Kaya't dapat nating igalang ang bawat isa, anuman ang kanyang katayuan sa buhay.

Balak nga namin ni Liberty na magpakasal din sa ritwal ng Katipunan, kung saan ang panunumpa sa Kartilya ng Katipunan, ay isang mahalagang bahagi. At nais namin itong gawin anumang araw na ang mga kasapi ng Kamalaysayan ay pupwede, o kaya naman ay sa mismong araw nang isilang ang Katipunan at ang Kamalaysayan, Hulyo 7.

Ang pagsasabuhay ng Katilya ng Katipunan bilang mag-asawa ay lalong magpapatibay ng samahan at pag-iibigan. Animo'y dalawang Katipunero ang magsing-irog na nagpakasal at sa pagbubuo ng pamilya'y nasa diwa at puso ang mga aral ng Kartilya, na siyang humubog sa mga Katipunero. Pinatitibay lalo nito ang pagsasamahan ng mag-asawa, tulad na lamang ng isinaad sa Kartilya na "Ang babae ay huwag mong tingnang isang bagay na libangan lamang kundi isang katuwang at karamay sa mga kahirapan nitong kabuhayan," pati na ang golden rule na "Ang di mo ibig gawin sa asawa mo, anak, at kapatid ay huwag mong gagawin sa asawa, anak, at kapatid ng iba."

Isinaad din sa ikasampu, "Sa daang matinik ng kabuhayan, lalaki ay siyang patnugot ng asawa’t mga anak; kung ang umaakay ay tungo sa sama, ang patutunguhan ng inaakay ay kasamaan din." Kaya dapat akayin ng lalaki bilang ama ng tahanan ang buong pamilya sa kabutihan at kagandahang asal, nakikipagkapwatao at nagpapakatao, lalo na sa buong pamilya at sa pamayanan nilang kinabibilangan.

Kung susuiin, ang Kartilya ng Katipunan ay hindi tungkol sa pakikipaglaban o paghihimagsik. Kundi ito'y salalayan ng kagandahang ugali, at ng pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao. Kung nais mo noon na sumapi sa Katipunan, ang mga aral na ito na nagpapatibay ng kabutihan sa pagkatao, ay dapat mong taglayin, kundi man, dapat mong isabuhay hanggang sa iyong kamatayan.

Ang Kartilya ng Katipunan ay nakapaloob sa polyetong "Sa May Nasang Makisanib sa Katipunang Ito" na inilabas noon ng Katipunan bilang gabay sa pangangalap ng mga katipunerong lalaban para sa kalayaan ng bayan. Halina't ating namnamin at tunghayan ang mga nilalaman ng Kartilya ni Katipunan, na isinulat ng dakilang Emilio Jacinto.

KARTILYA NG KATIPUNAN

1. Ang kabuhayang hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim kundi man damong makamandag.

2. Ang gawang magaling na nagbubuhat sa pagpipita sa sarili at hindi sa talagang nasang gumawa ng kagalingan ay di kabaitan.

3. Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawanggawa, ang pag-ibig sa kapwa, at ang isukat ang bawat kilos, gawa’t pangungusap sa talagang Katwiran.

4. Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao’y magkakapantay; mangyayaring ang isa’y higtan sa dunong, sa yaman, sa ganda, ngunit di mahihigtan sa pagkatao.

5. Ang may mataas na kalooban, inuuna ang puri kaysa pagpipita sa sarili; ang may hamak na kalooban, inuuna ang pagpipita sa sarili kaysa puri.

6. Sa taong may hiya, salita’y panunumpa.

7. Huwag mong sayangin ang panahon: ang yamang mawala’y mangyayaring magbalik, ngunit ang panahong nagdaan na’y di na muling magdadaan.

8. Ipagtanggol mo ang inaapi at kabakahin ang umaapi.

9. Ang taong matalino’y ang may pag-iingat sa bawat sasabihin; at matutong ipaglihim ang dapat ipaglihim.

10. Sa daang matinik ng kabuhayan, lalaki ay siyang patnugot ng asawa’t mga anak; kung ang umaakay ay tungo sa sama, ang patutunguhan ng inaakay ay kasamaan din.

11. Ang babae ay huwag mong tingnang isang bagay na libangan lamang kundi isang katuwang at karamay sa mga kahirapan nitong kabuhayan; gamitin mo nang buong pagpipitagan ang kanyang kahinaan at alalahanin ang inang pinagbuhata’t nag-iwi sa iyong kasanggulan.

12. Ang di mo ibig gawin sa asawa mo, anak, at kapatid ay huwag mong gagawin sa asawa, anak, at kapatid ng iba.

13. Ang kamahalan ng tao’y wala sa pagkahari, wala sa tangos ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing KAHALILI NG DIYOS, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa. Wagas at tunay na mahal na tao kahit laking-gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika; yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri; yaong di napaaapi’t di nakikiapi; yaong marunong magdamdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.

14. Paglaganap ng mga aral na ito ay maningning na sumikat ang araw ng mahal na Kalayaan dito sa kaabang-abang Sangkatauhan at sabugan ng matamis niyang liwanag ang nangagkaisang magkalahi’t magkakapatid ng ligayang walang katapusan, ang mga ginugol na buhay, pagod, at mga tinis na kahirapa’y labis nang natumbasan.

Bersyong Kamalaysayan

Tunghayan din natin ang bersyong Kamalaysayan ng Kartilya ng Katipunan. Inayos ito ng Kamalaysayan noong Hulyo 1992 para sa Katipunan, Sandaan! (o sentenaryo ng Katipunan, na isinilang noong Hulyo 7, 1892). Ito'y isinalin sa Ingles ng yumaong Paula Carolina Santos-Malay.

1. “Ang buhay na hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim, kundi (man) damong makamandag." (A life that is not dedicated to a noble cause is like a tree without a shade or a poisonous weed.)

2. "Ang gawang magaling na nagbubuhat sa paghahambog o pagpipita sa sarili (paghahangad na makasarili), at hindi talagang nasang gumawa ng kagalingan, ay di kabaitan." (A deed lacks nobility if it is motivated by self-interest and not be a sincere desire to help.)

3. "Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawanggawa, ang pag-ibig sa kapwa at ang isukat ang bawat kilos, gawa't pangungusap sa talagang katuwiran." (True piety consists of being charitable, loving one's fellowmen, and being judicious in behavior, speech and deed.)

4. "Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y magkakapantay; mang­yayaring ang isa'y hihigitan sa dunong, sa yaman, sa ganda; ngunit di mahihigitan sa pagkatao." (All [persons] are equal, regardless of the color of their skin. While one could have more schooling, wealth or beauty than another, all that does not make one more human than anybody else.)

5. "Ang may mataas na kalooban, inuuna ang (dangal o) puri kaysa pagpipita sa sarili; ang may hamak na kalooban, inuuna ang pagpipita sa sarili sa puri." (A person with a noble character values honor above self-interest, while a person with a base character values self-interest above honor.)

6. "Sa taong may hiya, salita'y panunumpa." (To a [person] of honor, his/her word is a pledge.)

7. "Huwag mong sayangin ang panahon; ang ya­mang nawala'y mangyayaring magbalik; ngunit panahong nagdaan na'y di na muli pang magdadaan." (Don't waste time; lost wealth can be retrireved, but time lost is lost forever.)

8. "Ipagtanggol mo ang inaapi; kabakahin (laba­nan) ang umaapi." (Defend the oppressed and fight the oppressor)

9. "Ang taong matalino'y ang may pag-iingat sa bawat sasabihin; matutong ipaglihim ang dapat ipaglihim." (The wise man is careful in all he has to say and is discreet about things that need to be kept secret.)

10. "Sa daang matinik ng buhay, lalaki ang siyang patnugot ng asawa at mga anak; kung ang umaakay ay tungo sa sama, ang pagtutunguhan ng inaakay ay kasamaan din." (Ang simula nito'y obserbasyon sa ugnayan ng babae at lalaki sa panahon ng Katipunan; para sa kasalukuyan, ang katumbas nito ay ang sumusunod: "Sa daang matinik ng buhay, ang mga magulang ang patnugot ng mag-anak; kung ang umaakay ay tungo sa samĆ¢, ang pagtutunguhan ng inaakay ay kasamaan din.") (In the thorny path of life, the man leads the way and his wife and children follow. If the leader goes the way of perdition, so do the followers.)

11. "Ang babae ay huwag mong tingnang isang bagay na libangan lamang, kundi isang katuwang at karamay (ng lalaki) sa mga kahirapan nitong buhay; gamitin mo nang buong pagpipitagan ang kanyang (pisikal na) kahinaan, at alalahanin ang inang pinagbuhatan at nag-iwi sa iyong kasang­gulan.” (Never regard a woman as an object for you to trifle with; rather you should consider her as a partner and helpmate. Give proper considerations to a woman's frailty and never forget that your own mother, who brought you forth and nurtured you from infancy, is herself such a person.)

12. "Ang di mo ibig gawin (ng iba) sa asawa mo, anak at kapatid, ay huwag mong gagawin sa asawa, anak at kapatid ng iba." (Don't do to the wife, children and brothers and sisters of others what you do not want done to your wife, children and brothers and sisters.)

13. "Ang kamahalan ng tao'y wala sa pagkahari, wala sa tangos ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing kahalili ng Diyos, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa: wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking-gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika, yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri, yaong di nagpapaapi't di nakikiapi; yaong marunong mag­dam­dam at marunong lumingap sa bayang tinubuan." (A (person's) worth is not measured by his/her station in life, neither by the height of his nose nor the fairness of skin, and certainly not by whether he is a priest claiming to be God's deputy. Even if he is a tribesman/tribeswoman from the hills and speaks only his/her own tongue, a (person) is honorable if he/she possesses a good character, is true to his/her word, has fine perceptions and is loyal to his/her native land.)

14. "Paglaganap ng mga aral na ito, at maning­ning na sisikat ang araw ng mahal na kalayaan dito sa kaaba-abang Sangkapuluan at sabugan ng matamis niyang liwanag ang nangagkaisang magkakalahi't magkakapatid, ng ligayang walang katapusan, ang mga ginugol na buhay, pagod, at mga tiniis na kahirapa'y labis nang matutumbasan." (When these teachings shall have been propagated and the glorious sun of freedom begins to shine on these poor islands to enlighten a united race and people, then all the loves lost, all the struggle and sacrifices shall not have been in vain.)

Sa lahat ng kasapi ng Kamalaysayan, at sa mga sasapi pa rito, at sa mga naniniwala sa isinasabuhay ang Kartilya ng Katipunan, ito ang ating batian: "Mabuhay ka at ang ating panata!" Sabay ang pagkamay at pagdadaop-pulso sa bawat isa.